Sa Pagkumpas ng Maestro
…tumugtog ang orchestra
Ni Apolinario Villalobos
Nakakaaliw, kahanga-hanga siyang tingnan
Isang maestrong may orchestra sa harapan
Isang kumpas dito at isang kumpas pa doon
Mga instrumento… isang tunog ay nagkaroon.
Ganyan din sa iba’t ibang mga pamahalaan
Ano mang uri sila… sosyalista o malaya man
May isang taong kumukumpas, nang sa gayon-
Hindi magkandabuhol, mga ginawang desisyon.
Hindi nga lang maganda sa iba namang bayan
Kung baga sa orchestra, tunog ‘di maintindihan
Kanya-kanyang tono, hindi sumusunod sa baton
Kawawang maestro, laging tumataas ang presyon.
Sa ibang bayan naman, magaling ang kutsabahan
Mga musikero ay nagkakaisa at walang sapawan
Sumusunod sa kumpas, mga senyas na may layon
Parang may gustong mangyari, lahat sumasang-ayon.
Kumpas ng maestro, “ikaw dito, ikaw naman, diyan”
Pahiwatig ng senyas, “puwesto ninyo, ‘wag iwanan”
“Kailangan ko kayo”, parang sinasabi ng kanyang baton
Na tinapos ng ngiti sa… “pagdating ng tamang panahon”.
-0-0-0-0-0-0-
(Marami na yatang appointments sa pamahalaan
na sa tingin ng marami ay nakakaduda na. Merong
mga kung ilang beses na ni-reject na ng Commission
on Appointment, nguni’t kapit-tuko pa rin sa puwesto.
Yong ibang ni-rekomenda ay hindi naman karapat-dapat
sa itinalagang katungkulan, kaya maraming nagtatanong
… bakit kaya?)