Ang Pilipino

Ang Pilipino

Ni Apolinario Villalobos

 

Ang bawa’t Pilipino ay may mga obligasyon tulad ng mga sumusunod:

 

  • Pagsuporta sa military at kapulisan sa pagsugpo ng kriminalidad upang magkaroon ng kapayapaan sa paligid.

 

  • Pagtulong sa LGU tulad ng simpleng paglinis ng kalsadang natapatan ng bahay, o hindi pagtapon ng basura kahit saan lang lalo na sa gilid ng highway, na upang hindi mahalata ay inilagay pa sa shopping bag.

 

  • Pagbigay ng suggestion sa LGU kung ano ang dapat gawin sa mga problema sa halip na makipagtsismisan agad sa mga umpukan kapag may nangyari. Nakakatulong sa effort na ito ang mga homeowners associations at purok organizations.

 

  • Pagbayad ng tamang buwis.

 

  • Pagprotekta sa imahe ng bansa at pagsulong ng respeto sa bandila.

 

  • Pagpapakita ng magandang ugali, anumang uri ng relihiyon ang kinabibilangan.

 

  • Paggamit ng wikang pambansa sa tamang paraan lalo na sa pagbigkas ng mga salita.

 

  • Pagpapairal ng kaugaliang Pilipino tulad ng paggalang sa matatanda at pagmamahal sa mga anak.

 

  • Pagpapairal ng ugaling makabayan dahil nag-iisa lang ang ating bansang sinilangan.

 

  • Hindi pagnakaw sa kaban ng bayan at paglinlang sa kapwa tulad ng ginagawa ng mga korap sa gobyerno at illegal recruiters, respectively.

 

  • Hindi pagbenta ng droga at pag-rape sa mga inosenteng bata.

 

Ang pagiging Pilipino ay nagsisimula sa tahanan kung saan unang nililinang ang ugali ng kabataan at pinagpapatuloy ng mga guro sa mga paaralan kung saan naman sila natuturuan ng mga dagdag-kaalaman na kailangan nila sa pagharap sa mga pagsubok habang sila ay naghahanda para sa kanilang hinaharap. Ang pagiging mabuting Pilipino ay dapat ding ipaalala ng mga simbahan na kinaaaniban ng mga mamamayan.

Ang Utang, Pangungutang, Buhay, at ang Diyos

Ang Utang, Pangungutang, Buhay, at ang Diyos
Ni Apolinario Villalobos

Wala akong balak magsulat tungkol sa utang dahil ayaw kong makialam sa ganitong bagay na tingin ko ay masyadong pribado. Subalit napukaw ang aking interes nang minsang may dalawang babaeng nagkita sa loob ng dyip na sinakyan ko. Ang isa ay may utang sa isang hindi sinasadyang nakasakay niya sa dyip, at matagal pa yata niyang pinagtaguan. Nagsigawan sila at nagpambuno. Kumalat ang lipstick ng isang babae kaya inakala ng ibang pasahero na pumutok ang kanyang labi. Ang isa namang babae na wala palang bra ay biglang naging bold star dahil napunit ang kanyang t-shirt, kaya nabuyangyang ang hindi dapat. Nataranta ang drayber kaya idineretso sila sa isang malapit na Barangay Hall, at doon ay iniwan na sila na nagmumurahan pa rin.

Para sa akin at ayon sa alamat sa Bibliya, ang unang taong nagkaroon ng utang kahit pa sabihing hindi niya hiningi ito ay si Adan na pinautang ng Diyos ng buhay at pinatira pa sa Paraiso. Lalong nabaon si Adan sa utang nang bumigay siya sa pang-aakit ni Eba, dahil sa panunulsol ng ulupong. Kaya kung wawariin, ang buhay ng tao ay nagsimula sa utang, dahil kay Adan nagsimula ang sangkatauhan. Sa uulitin, ito ay sarili kong pananaw at haka-haka lamang.

Sa panahon ngayon, ang utang ay nagkaroon na ng maraming mukha. May maliitang utang na 5-6 at walang katapat na kahit anong bagay bilang deposito. Mayroon ding utang na kailangang deposituhan ng mahahalagang bagay tulad ng titulo ng lupa, bahay, alahas, cellphone, at iba pa, na “pinatago” lamang daw, pero sa garapalang salita ay “sangla”. Mayroong “utang na loob” na ang katumbas ay mga “kagandahang loob” naman tulad ng rekomendasyon, pagtalaga sa puwesto, at iba pa. Ang iba naman ay “puri” ang pinangtatapat sa utang, na nagkaka-interes ng sanggol pagkalipas ng siyam na buwan. At, para sa mga bansang mahilig mangutang, ang katumbas ay pagpapakita ng katapatan na halos pagpaalipin na sa bansang inutangan ganoong ang utang ay babayaran din naman, yon nga lang, ng mga susunod na kung ilang henerasyon ng mamamayan…. yan ang kalagayan ng Pilipinas na lubog na sa utang.

Ang mga umuutang naman ay may iba’t ibang ugali. Mayroong mga basta na lang nangungutang kahit wala silang intensiyong magbayad dahil ang gawaing ito ay bahagi na ng kanilang buhay, kaya walang epek kung murahin man sila ng inutangan. Mayroon namang umuutang sa pag-asang hindi sila sisingilin dahil ang inutangan ay hindi naman iba – kumare o kumpare o kabarkada o kaibigan o kamag-anak. Mayroong umuutang at umaasa pa ding hindi sisingilin dahil ang inutangan ay mayaman at marapat lang daw na mag-share ng yaman, kaya kung maningil na ito ay tinatawag pang mukhang pera kaya yumaman. Mayroong nagbabayad nga ay sinasabayan naman ng pagmumura sa nagpautang na makulit daw ganoong noong siya ay umuutang pa lang, kahit madaling araw ay kumakatok na sa pinto ng uutangan dahil emergency daw. Subalit ang nakakabilib ay ang may layuning magbayad sa anumang paraan.

Sa huling uri ng nangungutang ay hindi maaaring hindi ko banggitin ang isang kaibigan na dahil sa layuning maiwas sa perwisyo na dulot ng baha ang kanyang pamilya ay nagpaayos ng bahay upang magkaroon ng second floor. Sa original na estimate ay kasya ang kanyang budget subalit kalaunan ay nadagdagan ang gastos kaya kinulang ang kanyang pera. Upang matapos ang project ay nilakasan niya ang kanyang loob sa pag-utang ng materyales. Ngayon, buo na ang bahay na panghabang-buhay na ang ginhawang idudulot sa kayang pamilya. At ang utang naman ay talagang pilit niyang binayaran kahit na nagsakripisyo pa siya ng ibang pangangailangan na hindi naman gaanong mahalaga. Dahil sa ipinakita niya, ang mga pinagkautangan niya ay buong katapatan na nagsabing kahit anong oras ay maaari siyang lumapit uli sa kanila. Ganyan dapat ang umuutang!

Kung sa pagbayad ng utang na loob, wala nang tatalo pa kay Pnoy. Ang nagligtas daw sa kanya na si Allan Purisima ay itinalaga niyang hepe ng pulisya at ipinaglaban pa laban sa mga mga batikos. Matagal rin bago niya ito tinanggal kahit umalingasaw na sa buong bansa ang mabahong isyu tungkol sa kanya. For all time’s sake, ang mga classmate at best friend ay inilagay niya rin sa mga puwesto, at may bonus pa, dahil nakinabang din ang mga kaanak nila. Kaya ngayon, rambol ang inabot ng bansa!

Ang pangungutang ay hindi maiwasang gawin dahil sa pangangailangan kaya talagang pinakinabangan naman. Dahil diyan, may obligasyon ang umutang na ibalik ang inutang. Dapat tandaan na iba ang utang sa bigay.

Ganyan din ang buhay na utang natin sa Diyos, na dapat bayaran sa pamamagitan man lang ng pagpapakita ng kagandahang loob sa mga kapwa natin nilalang sa mundo – tao, hayop o halaman man sila. Ito ang paraan ng “pagbayad” ng utang sa Kanya, dahil hindi naman natin Siya nakikita upang abutan ng bayad. Hindi tayo dapat umiwas sa obligasyon natin sa Kanya sa pamamagitan ng biglang pagiging erehis upang magkaroon lang ng dahilan na wala tayong pananagutang utang dahil hindi naman natin Siya pinaniniwalaan na. Ang ibang pilosopo ay walang takot pa sa pagtanong ng….bakit pa eh, hindi naman ako talaga naniniwala sa Kanya? Ayon sa mga pilosopong ito, magulang daw nila ang nagbigay ng buhay sa kanila!

Pinakinabangan natin ang buhay kaya hindi dapat isumbat sa Kanya kung bakit niya tayo binigyan nito, lalo na sa panahong tayo ay sisinghap-singhap sa kumunoy ng mga problema na tayo rin ang may gawa dahil sa ating mga kahinaan!

Paalala lang, kung hindi ka marunong gumamit ng pera sa tamang paraan, huwag umutang dahil baka umabot sa puntong, mangungutang ka pa rin ng pambayad sa utang, at paulit-ulit mo itong gagawin hanggang makulong ka na sa pabilog na sikulong ito at wala ka nang malalabasan!

Ang Tungkulin at Responsibilidad

Ang Tungkulin at Responsibilidad
Ni Apolinario Villalobos

Ang tungkulin ay hindi na dapat inuutos pa at ang responsibilidad ay may kaakibat na pananagutan sa lahat ng ginagawa ng isang tao. Bilang isang matalinong nilalang, alam ng bawa’t tao na kasama ang dalawa sa anumang pinasukan at inako niya.

Sa isang trabahong pinasukan halimbawa, alam ng isang tao kung ano ang mga dapat asahan sa kanya kaya may tungkulin siyang tuparin ang mga ito. Nakapatong sa kanyang balikat ang pagpapatupad ng mga ito sa abot ng kanyang makakaya, subalit kung siya ay mabigo, dapat siyang managot – yan ang responsibilidad.

Sa ibang bansang Asyano tulad ng Korea at Japan, ang dalawang nabanggit ay itinuturing na mitsa ng buhay at ang katumbas ay kahihiyan. Kapag nabigo sa mga ito ang mga tao doon, itinutulak sila ng kahihiyan upang wakasan na ang kanilang buhay. Para sa kanila, ang kabiguan sa mga ganoong bagay ay duming didikit sa kanilang pagkatao habang buhay at ang makakapaghugas lamang ay kamatayan.

Sa Pilipinas, iba ang kalakaran at nangyayari, lalo na sa gobyerno. Kung may mga palpak na pangyayari, lahat ng sangkot ay nagtuturuan. Mayroon pang mga walang takot sa pagbanggit sa Diyos na saksi daw nila sa pagsabi nilang wala silang kasalanan. Pati ang kalikasan ay binabanggit, kaya tamaan man daw sila ng kidlat, talagang wala silang bahid ng kasalanan. Mabuti na lang at wala sa mga “matatalinong” ito ang nagdidiin ng kanilang sinabi ng, “peks man”!

Ang mga halimbawa ng mga problema na idinaan sa turuan ay ang Mamasapano Massacre, usad-pagong na pag-rehabilitate ng mga biktima ng typhoon Yolanda, nakawan sa kaban ng bayan, ang pinagkakaguluhang West Philippine Sea, ang nawawalang pondo ng Malampaya, ang mga problema sa LRT at MRT, at mga sunog na ang pinakahuli ay nangyari sa Valenzuela (Bulacan), sa Gentex na pagawaan ng tsinelas. Lahat ng mga sangkot na tao at ahensiya ay ayaw umamin ng kasalanan. Matindi talaga ang sakit ng Pilipino na “feeling linis syndrome” o FLD!

Sa mga pangyayaring nabanggit, malinaw na walang maayos na koordinasyon na pinapatupad. Ang mga ahensiya at mga tao sa likod nila ay nagkukumahog upang makakuha ng credit kung sakaling tagumpay ang mga ginagawa nila, subalit, mabilis ding mambato ng sisi sa iba kung sila ay nabigo.

Sa isang banda naman, ang presidente ng Pilipinas ngayon ay walang humpay ang pagbato ng sisi sa nakaraang administrasyon dahil sa mga kapalpakang dinadanas ng kanyang pamumuno, ganoong ang problema niya ay ang mga taong itinalaga niya sa puwesto, na ang iba ay matagal nang dapat niyang tinanggal subalit hindi niya ginawa.

Sa panahon ngayon, maraming mga magulang ang hindi nakakatupad ng kanilang mga tungkulin sa kanilang mga anak na lumalaking suwail. Ang sinisisi nila ay ang mga makabagong teknolohiya kaya nagkaroon ng internet, at mga barkada ng kanilang mga anak. Yong ibang magulang naman, taon-taon ay naglilipat ng anak sa iba’t ibang eskwelahan dahil palpak daw ang mga titser. Kung tumingin lamang sa salamin ang mga magulang, makikita nila ang kanilang pagkakamali dahil dapat ay sa tahanan nagsisimula ang paghubog ng kabataan. Ang eskwelahan at mga titser ay tumutulong lamang.

Marami na kasing magulang ngayon na mas gusto pang makipagsosyalan sa mga kumare o umatend ng ballroom dancing, makipag-inuman sa mga kabarkada, makipag-shooting, makipag-weekend motoring, atbp., kaysa makipag-bonding sa mga anak. Ang dinadahilan nila ay ang kapaguran sa paglilinis ng bahay, pagluluto, paglalaba, pagpasok sa trabaho, overtime sa office, atbp – kaya kailangan nilang magpahinga naman! Kung hindi ba naman sila nuknok ng ka…ngahan!… papasok-pasok sila sa ganoong sitwasyon, pagkatapos ay sisisihin ang pagod! Kung honest sila, dapat ay sisihin din nila ang libog ng katawan! Sa ginagawa nila, mga anak nila ang kawawa!

Dapat isipin ng isang tao kung kaya niya ang mga tungkulin at responsibilidad sa papasukan niyang sitwasyon. Ang kailangan niya ay katapatan sa sarili, hindi ang nagpapalakas ng loob na, “bahala na”.