Sa Pagngiti…para kay Lorie Gonzaga-Cantimbuhan

Sa Pagngiti…

(para kay Lorie Gonzaga-Cantimbuhan)

Ni Apolinario Villalobos

Ang mga mata ay bintana ng ating pagkatao

Ngiti naman ang nagpapahiwatig ng ating damdamin –

Kung bukal ba sa loob ang pakikipagharap sa ating kapwa

Dahil kung ganoon naman, ay mababakas sa ating mukha.

May mga ngiting matipid kung ipakita sa iba

Kaya halos ayaw ibukang mga labing tiim sa pagkalapat

Meron ding mga ngiting nagpapagaan ng loob sa kausap

Kaya, pagkapalagayang loob ay nangyayari sa isang iglap.

Sa mukha ni Lorie, na nababanaagan ng ganda

Ang matamis na ngiti’y naging bahagi na at nakaukit din

Nagpapahiwatig ng kanyang kaloobang ubod ng dalisay

Puhunan niya sa pagtahak sa landas ng magulong buhay.

Matamis na ngiti’y nagpapaaliwalas ng mukha

At pati na rin paligid ay naaambunan din nito ng liwanag

Ang patunay ay si Lorie, kahit unang beses lang na kausap

Nakakagaan ng loob, nakakapanatag, kung siya’y kaharap!