Ang Mundo, Tao, at Diyos

ANG MUNDO, TAO, AT DIYOS

Ni Apolinario Villalobos

 

Babala:  Ang blog na ito ay para lamang sa mga naniniwalang may Diyos…

 

Ang mga bagay sa ating paligid, pati na ang tao, at ang maayos na pamumuhay ng lahat ang patunay na may Diyos….yan ang paniniwala ko na hindi pwedeng kontrahin ng iba. Hindi naging “aksidente” o basta na lang nagkaroon ng mga bagay, may buhay man o wala sa kalawakang ginagawalan ng mundo, na ginagalawan naman ng tao. Hindi aksidente ang pagkaroon ng kabuluhan ang lahat ng bagay na umangkop sa pangangailangan ng mga hayop, halaman, at taong nagkaroon ng mga ito.

 

Halimbawa sa tao: ang buhok sa ulo ay pangharang sa init ng araw; ang kilay ay pangharang sa tutulong pawis upang hindi dumiretso sa mata; ang ilong ay para sa paghinga at ang mga balahibo sa loob nito ay pangharang sa dumi upang hindi pumasok habang humihinga ang tao; ang labi ay pangtakip ng bunganga upang hindi pasukin ng langaw o lamok at iba pang kulisap; ang ngipin ay pang-nguya ng kakainin; ang palaypay ng tenga ay pang-ipon ng tunog upang dumiretso sa butas, kaya para itong “bulsa”; ang mga kamay ay panghawak at panuntok, samantalang ang mga paa ay panglakad naman at pangsipa; ang buhok sa kili-kili ay proteksyon upang hindi magkaroon ng friction at magdikit ang balat ng braso at tagiliran sa bahaging yon, etc.

 

Ang iba’t ibang lahi at uri ng mga hayop at halaman ay may kanya-kanyang magkakaparehong katangian, at hindi pwedeng sabihing nagkataon lang ang pagkakapareho nila. Kung sasabihing “nagkataon” lang, pwedeng may ipapanganak na Amerikano ang isang nanay na Pilipino (pwera dito ang “albino” na naging puti lang ang balat)…o di kaya ay maaaring magkaanak ang elepante ng tigre.

 

Noong panahon ni Noah, nagkaroon ng malawakang baha na ayon sa Bibliya ay paraan upang mawala ang masasamang lahi sa mundo. Ang hindi lang naitala sa Bibliya ay ang iba pang mga kalamidad na tumama sa mundo upang mabawasan ang dami ng mga may buhay, at tuloy ay magkaroon ng balanse ang dami ng may buhay at pagkaing makukuha o available nang panahong yon. Kung nagawa ng Diyos na magpabaha, ay kaya rin niyang gumamit ng iba pang paraan upang mamintina ang kaayusan at balanse sa mundo.

 

Sa palagay ko, kaya binigyan ng Diyos ng “free will” ang tao, ay upang ito na ang gumawa ng paraan sa pagkontrol ng balanse sa mundo, nang lingid sa kanyang kaalaman. Dahil sa “free will”, ang tao ay nagkaroon ng ugaling pagkagahaman, kriminal, kabaitan, pagiging maka-Diyos, at iba pa. Dinagdag sa “free will” ang dunong o karunungan dahil ito ang ginamit ng tao upang gumawa ng mga kagamitang pamuksa sa kapwa-tao sa pamamagitan ng digmaan, terorismo at iba pa, na ang resulta ay paghihirap at kagutuman. Ang mga patayang nangyayari sa mundo ay nakatulong upang mabawasan ang dami ng tao, dahil kung hindi nagkaroon ng mga digmaan at kung asahan lang ang mga kalamidad, noon pa lang ay maaaring umapaw na ang sangkatauhan sa mundo!

 

Lahat ng tao at hayop, pati mga halaman ay may mga sakit na nananalaytay sa kanilang mga ugat (tao at hayop) at hibla (halaman). Ang dunong na ibinigay sa tao ang siyang gumagawa ng paraan kung paanong mapigilan ang “paglabas” ng mga sakit, sa pamamagitan ng pag-imbento ng mga gamot at ibang kaalaman tulad ng pag-opera. Subalit dahil sa kapabayaan ng tao, hindi niya nakontrol ang sarili upang magpakasasa sa pagkain at bisyo. Dahil diyan naglabasan ang mga sakit na ulcer, kanser, diabetes, high blood, high cholesterol, etc. Hindi nagamit ng maayos ang “free will” kaya naghihirap ngayon ang sangkatauhan dahil sa iba’t ibang sakit….masarap kasing humitit ng sigarilyo at marijuana, suminghot ng cocaine at shabu, lumaklak nang walang patumangga ng alak, lumamon ng maski pagkaing sinabi nang bawal, pagpuyat, etc.

 

Ang mga kalamidad tulad ng bagyo at baha ay resulta ng pagkagahaman ng tao na sumira sa kalikasan, kaya hindi dapat isisi sa Diyos kung bakit madalas na nagkakaroon ng mga ito.  Samantala, ang pagsisisi naman ng tao ay palaging nasa huli na….

 

Ang Mga Karahasan, Kalamidad, at ang Kapangahasan ng Tao

Ang Mga Karahasan, Kalamidad

At ang Kapangahasan ng Tao

Ni Apolinario Villalobos

 

Dahil sa paghihirap at kamatayang dulot sa sangkatauhan at mundo sa kabuuhan, ang mga karahasan at kalamidad ay itinuturing na mga parusa ng Manlilikha sa tao. Kung tutuusin, tama rin dahil kung hindi umabuso ang tao sa paggamit ng biyayang bigay ng kalikasan at hindi naging mapag-imbot ay naiwasan sanang masira ang kapaligiran at ang mga tao ay hindi nagpapatayan.

 

Sa isang banda naman, kung hihintayin lang ang itinakdang gulang kung kaylan mamatay ang mga tao… ibig sabihin ay walang sakit, walang epidemya, walang disgrasya, walang giyera, at iba pang sanhi ng maagang kamatayan, malamang ay wala na halos natirang lupang titirhan sa panahong ito dahil sa dami ng mga tao. Ganoon din ang mangyayari kung naging halos paraiso ang mundo dahil walang gubat na nakakalbo, walang mga hayop na magpapatayan, malinis ang karagatan, malinis ang hangin….siguradong aapaw na rin ang mga hayop sa kagubatan at gagala na sa mga bahaging tinitirhan ng mga tao.

 

Hindi sa hinihingi kong magkaroon palagi ng karahasan at kalamidad upang makontrol ang pagdami ng mga tao sa mundo. Subali’t kung ating papansinin, malaki din ang naitutulong ng siyensiya sa pagpahaba ng buhay ng tao dahil sa mga naiimbentong makabagong gamot at paraan sa pag-opera ng katawan, at pagpapaigsi naman dahil sa mga makabagong gamit pandigma. Ibig sabihin, kung may likas na pangkontrol sa buhay ng tao tulad ng mga kalamidad, nasasabayan ito ngayon ng mga kayang gawin ng tao sa pamamagitan ng kanyang karunungan.

 

Dahil sa mga nabanggit, kung may mga mangyayari man sa ating buhay, huwag nating isisi lahat sa Diyos, dahil ang tao ngayon ay “kumikilos at nag-iisip” na rin na parang Diyos kaya pati ang “pagbuo” (cloning) ng isa pang tao gamit lang ang kapirasong bahagi ng isang katawan ay kaya na rin niyang gawin. Ang ibang hindi magandang pangyayari sa mundo ay dapat  ding isisi sa taong may sakim na pagnanasang malampasan pa ang Manlilikha!