Ang Nakakatawang Pagsisikap ng Ibang Pilipino Upang Mapagtakpan ang Kanilang Tunay na Pagkatao

Ang Nakatatawang Pagsisikap ng Ibang Pilipino

Upang Mapagtakpan ang Kanilang Tunay na Pagkatao

Ni Apolinario Villalobos

May mga Pilipinong nakatira ngayon sa ibang bansa na nagpipilit pagtakpan ang kanilang pinagmulang bayang Pilipinas at lahing Pilipino. Hindi sila nagtatago dahil may mga papeles naman sila. Ito ang mga taong wala yatang kaluluwa dahil ikinahihiya “lang naman” nila ang bayang sinilangan. Ayaw ko sanang gawin ang blog na ito. Naudyukan lamang ako ng nadamang inis nang hindi ko inaasahang mapanood ang isang lumang youtube ng XFactor na paligsahan sa pagalingan ng pag-awit, nang pasyalan ko ang isang kaibigan. Ang XFactor competition ay nangyari sa ibang bansa.

May isang babaeng kasali, na sa mukha pa lang ay halata nang Asyana, kahit pa nagpakulay ng buhok upang maging brown. Hindi naman masyadong pango ang ilong, subalit sa hilatsa ng mukha ay nagsuspetsa na akong Pilipina talaga. Ang halos kamukha lang naman ng mga Pilipino ay yong mga taga-southeast Asian countries, subalit hindi naman mahilig sa pagkanta ng English, kaya hindi ko naisip na ang babae ay Malaysian, Indonesian, Thai, Cambodian, o Burmese.  Sa pag-English niya ay nahalata ko nang Pilipina talaga! Subalit nagtaka ako dahil dinagdagan niya ang kanyang first name ng isang letra ganoon din ang apelyido kaya kung bibigkasin batay sa spelling ay naging tunog banyaga.

Tama ang kutob kong Pilipina nga dahil sa caption ng retrato niya na lumitaw sa screen ay sinabi ng Pilipinong nag-upload, na ang contestant ay isang “kababayan”, subalit nang interbyuhin ng mga judges at tinanong ang pangalan niya ay binigkas niya ito sa tunog banyaga at ang pinanggalingan daw nia ay isang lugar ng bansang may pakontes. Isa sa mga judges ang nagtaas ng kilay.  Ang hindi ko makalimutan ay nang banggitin niya ang kanyang apelyido na maaaring ang original na spelling ay “Tagle” pero ginawa niyang “Teagle”, kaya nang bigkasin niya ay naging “Te-gel”, hindi “Tag-le”. Kung dinagdagan pa siguro niya ng letrang “N”, siguradong masagwa na itong pakinggan – censored. Ang mga judges ay halatang umaasang sasabihin niyang taga-Pilipinas siya tulad ng ginawa ng ibang Pilipinong kasabay niya na binigyan ng standing ovation. Hindi na-impress ang mga judges sa kanyang pagkanta….nakarma!

Ang buhok ng Pilipino ay likas na itim, hindi brown, subalit marami ang nagpapatina upang magmukha silang “foreigner”kuno. Mabuti na lang at nauso ang mga glutathione drugs na nagpapapusyaw ng balat kaya nagreresulta sa pagputi nito, na pwedeng bagayan ng brown na buhok. Pero ang walang pambili ng glutathione ay nananatiling kayumanggi kaya hindi nababagayan ng brown na buhok, lalo na kung ang mga features ng mukha ay hindi naman kagandahan. Nagmumukha tuloy silang Badjao o native ng Papua (New Guinea).

Ang mga may colonial mentality naman, na nakalanghap lang sandali ng hanging banyaga ay nagkaroon na ng amnesia…nakalimutan nilang galing sila sa isang mahirap na bansa, subalit biniyayaan ng Diyos ng magagandang tanawin. Nakalimutan nilang bahagi ng pagkain nila sa bansang pinanggalingan ay tuyo, bagoong, pinakbet, kangkong, etc. May mga kuwento kasi na ang ibang Pilipino sa Amerika ay nagpapalusot na Mexican daw sila, pero ang alam na Spanish ay ilang pirasong kataga lang.

Mabuti na lang at marami pa ring mga kababayang nakatira sa ibang bansa ang nagsasabi ng buong katapatan na talagang miss na miss nila ang Pilipinas. Bilib naman ako sa mga apo ng isa kong kumpare, at sa Amerika ipinanganak. Nang minsang kausapin niya ang mga apo sa Skype, matatas silang sumasagot sa mga salitang Ilokano at Tagalog. Napansin ko ring kapag lumingon sila upang pasingit na kausapin ang kanilang nanay, ay sa matatas na Ingles naman. Nang kausapin ko ang tatay ng mga bata, sinabi nitong, “mga Pilipino po kami dito sa bahay, uncle…mga pagkain namin ay Pilipino rin, hindi kami nawawalan ng bagoong…kumakain kami ng pagkaing Amerikano sa labas lang kapag namamasyal…at sa labas lang din kami umi-Ingles”. Ganyan dapat!

Ang ibinahagi kong kuwento ay taliwas naman sa sitwasyon ng pamilya ng isa kong kaibigan na nasa Pilipinas pero umaambisyong pumunta sa Amerika. Pinagbawal nilang mag-asawa na kausapin ang mga anak nila sa Tagalog. Wala tuloy tumagal na kasambahay sa kanila. Pinagsabihan ko ang kaibigan kong walang masama kung maging bi-lingual ang mga anak nila dahil kahit matuloy sila sa Amerika, kailangan talagang marunong ng sariling salita ang mga bata, dahil kung hindi ay pagtatawanan sila ng mga kalaro nila. Hindi ko lang masabi na hindi naman maayos ang pagturo nila ng Ingles sa mga anak nila, dahil sila mismong mga magulang ay maraming mali kung gumamit nito . Isang beses narinig ko ang nanay na nagsabi sa bunsong anak ng, “stop the cry or I will pak you”…(papaluin daw yata, pero hindi alam sa Ingles ang katumbas ng “palo”, kaya ang ginamit ay tunog nito na “pak”). Sa malas, tin-edyer na ang mga anak nila ngayon ay hindi pa rin sila nabibigyan ng tourist visa man lang….karma pa rin!

Ito ang panahong dapat magkaisa tayong mga Pilipino. Ang mga nasa ibang bansa ay dapat magpahiwatig na mayroon silang pusong-Pilipino. Ang mga nandito sa Pilipinas ay dapat  maging halimbawa sa pagpapakita ng tunay na damdaming Pilipino. Kailangang makita ng buong mundo na batbat man ng korapsyon ang gobyerno ng ating bansa, at marami tayong pilit nilulusutang pagsubok, matatag pa rin tayo, marunong sa buhay kaya hangga’t kayang magsikhay ay nakakakain maski papaano. Dapat ay maipakita nating hindi lang pera ang maaaring magpaligaya sa isang tao, kaya kahit programa sa telebisyon na “Aldub” ay sapat na upang tayo ay sumaya. Hindi tayo maselan bilang Pilipino, dahil kahit maliit na biyaya ay pinapasalamatan natin sa Diyos. Kaya, hindi natin dapat ikahiya ang ating pagka-Pilipino…dapat nating  ipagmalaki ang balat nating kulay kayumanggi at maitim na buhok!