BAI HAYVI…nagpatunay na may kasiyahan
sa pagtulong sa mga mahal sa buhay
ni Apolinario Villalobos
Panganay si Bai Hayvi Antilino Montaner sa kanilang apat na magkapatid. At sa kagustuhang makatulong sa mga magulang ay nakipagsapalaran sa Kingdom of Saudi Arabia, sa Madina at pinalad namang maging Supervisor sa saloon ng Queen’s Palace. Maganda ang kanyang pinakitang pagganap sa trabahong iniatang sa kanya kaya bawa’t taon sa loob ng anim na kanyang itinagal ay nakakapagbakasyon siya.
Isang malaking pagsubok ang dumating sa kanyang buhay habang nasa ibang bansa siya, at ito ay ang pagkamatay ng kanyang ina. Huli na nang malaman niya ang nangyari kaya hindi siya nakauwi bago ito namatay. Mabuti na lamang at kahit papaano, noong buhay pa ito ay palaging nagbibilin sa kanya ang kanyang ina na huwag niyang pabayaan ang kanyang mga kapatid, kaya hindi man siya nakauwi nang ito ay mamatay, ang tagubilin na lamang niya ang nagpawi ng kanyang lungkot at pagdaramdam.
Retired na guro ang kanyang ama kaya’t lalo pang pinagsikapan ni Bai Hayvi ang pagtulong sa kanyang mga kapatid, dahil lumilitaw na siya na rin ang umaaktong ama at ina ng kanilang pamilya. Napagsabay niya sa paggastos sa pag-aaral ng kanyang mga kapatid ang pagbili ng bahay sa isang subdivision sa Davao City.
Ngayon, ang kanyang ama at mga kapatid ay doon na nakatira samantalang napatapos naman niya ang kapatid na babae ng BS Criminology, ang isang kapatid naman ay kursong HRM, at ang bunsong kapatid ay sa elementary pa.
Pinalad si Bai Hayvi na matanggap sa Capitol ng Sultan Kudarat at malaki ang kanyang pasasalamat sa tiwalang ibinigay sa kanya ng gobernador ng probinsiya na si Sultan Pax Mangudadatu. Malaking bagay sa kanya ang pagkakataon dahil hindi na niya kailangan pang magtrabaho sa ibang bansa, lalo pa at retired na ang kanyang ama na gusto niyang maalagaan, pati ang bunsong kapatid.
Una kaming nagkita sa facebook si Bai Hayvi nang mabasa niya ang mga blogs ko tungkol sa probinsiya at ang sumunod na pagkakataon ay sa isang okasyon sa provincial Capitol. Kapansin-pansin ang masaya niyang ngiti na hindi nawawala sa kanyang mukha, palatandaan na madali siyang makapalagayang-loob. Oras na ng tanghalian noon subalit abala pa rin siya at kanyang mga kasama sa pag-asikaso ng mga bisita…obvious na ini-enjoy niya ang kanyang trabaho. Inisip ko rin na ang nagbibigay sa kanya ng lakas upang maging masigasig sa trabaho ay ang likas niyang pagmamahal sa kanyang ama at mga kapatid , maliban pa sa tagubilin ng kanyang namayapang ina. At, higit sa lahat, ay nais niyang ipakita na karapat-dapat siya sa ibinigay na pagkakataong makapagtrabahong hindi na lalayo pa sa kanyang pamilya – sa “ama” ng Sultan Kudarat, si Governor Pax Mangudadatu.