Ang Mga Laglagan sa Pilipinas

Ang Mga Laglagan sa Pilipinas

Ni Apolinario Villalobos

 

Ilang buwan pa lang ang nakararaan, laglag-bala ang mainit na isyu. Ang mahigpit na pag-kontrol sa mga airport upang maiwasan ang pagpuslit ng mga deadly ammunition ay okey na sana subalit nasilipan ng butas ng ilang tiwali sa airport dahil sa paniniwala ng mga Pilipino sa bala bilang agimat. Dahil sa katiwalian na iyan, maraming tanga at may matigas na ulong Pilipino ang nawalan ng trabaho sa ibang bansa dahil napigilan sa pagsakay sa eroplano dahil lamang sa iisang balang nakita sa kanilang bagahe. Maraming tangang Pilipino ang umaming nagdadala talaga ng bala sa abroad upang pananggalang daw nila laban sa pag-aabuso ng employer. May mga natanggal na ring mga inspector ng bagahe dahil kahit obvious na talagang walang laman ang bala dahil ang tinuturing na agimat lang talaga ay ang tansong basyo, pinagpipilitan pa rin na “deadly ammunition” daw ito. Bakit nga naman nila palalampasin ang pagkakataon ganoong, ang “pakiusapan” ay may presyong mula 2 thousand hanggang 8 thousand pesos???!!!

 

Sa pinakapangit na airport pa rin sa buong mundo, ayon sa survey – ang Manila International Airport Terminal 3, laglag-kisame naman ang isyu. May nasugatan, banyagang turista pa, mabuti na lang at hindi nasaktan ang kanyang asawang Pilipina at anak. Nag-apologize ang manager ng airport subalit hindi pa rin ito sapat. Bago nangyari ang paglaglag ng kisame sa coffee shop, ay nagkaroon na rin ng laglagan bago pa man binuksan para sa operasyon ang Terminal 3, at nang nag-ooperate na, nagkalaglagan pa rin ng dalawang beses. Ibig sabihin, ang diperensiya ay ang mahinang “original” na kisame o suporta nito, kaya siguradong ang bagong kisameng ikakabit ay madadamay. “It’s more fun in the Philippines” pa rin kaya ang sasabihin ng pinakahuling nasaktan na turista?

 

Nilaglag ni Aquino si Purisima kung kaylan sobra na ang alingasaw ng amoy ng “teamwork” nila. Nilaglag din ng administrasyon si Vitangcol ang sinasabing palpak at nangurakot sa mga deals at management ng MRT, pero under investigation, as usual, at pinagduduhan pa . Latest kay Vitangcol: humihingi ng tulong sa PAO para bigyan ng libreng abogado! Ang kakapalan nga naman ng mukha kung umiral! Yan ang problema sa mga tauhan ni Pnoy, ginagawang tanga ang mga Pilipino….gusto ba namang magkaroon ng abogadong ang nagpapasuweldo ay taong bayan na sinasabing niloko niya! Walang delikadesa!

 

May mga laglagan na rin sa pulitika bago sumapit ang election 2016. Nilaglag ni Pnoy Aquino si Mar Roxas nang i-veto niya ang batas para sa dagdag na 2 libo sa pension ng mg SSS retirees. Sa mga hindi nakakahalata, binago ni Roxas ang kanyang political ad dahil sinimplehan lang, walang music background, at ang dialogue tungkol sa tuwid na daan ay dinugtungan niya ng “pupunuan ko kung may kakulangan, iwawasto ang mali, at hindi ako nagnakaw….”. Malinaw na patutsada kay Pnoy na mula’t sapul ay walang bilib sa kanya. Nilaglag din daw ni Escudero si Grace Poe subalit deny to death naman siya sa isang interview…pero truthful ba siya?

Ang Kawalan ng Tiwala ng Administrasyon kay Binay at Roxas

Ang Kawalan ng Tiwala
ng Administrasyon kay Binay at Roxas
ni Apolinario Villalobos

Akala siguro ni Binay, dahil magkasama sila noon ni Pnoy sa pag-spray ng mga Marcos loyalists kasama ang matandang Arturo Tolentino, na nag-rally sa labas ng Manila Hotel, at na-appoint siyang mayor ng Makati noong panahon ni Cory, ay ganoon na siya ka-close sa mga Aquino. Hindi niya nahalata ang malamig na pakitungo sa kanya ng presidente, at sinubukan pa niya nang magpasaring na umaasa siya dito ng endorsement para sa 2016 election na pinagtataka naman nito (Aquino). Sa paningin ng mamamayan, ay masakit ang ginawa ni Aquino kay Binay na nag-akalang dahil sa tulong niya sa pamilya, hindi siya ituturing na iba, bilang utang na loob. Ang tanong naman ng iba, inalam ba muna ni Binay kung umiiral itong damdamin sa pamilya Aquino?

Magkapareho ang kapalaran ni Binay at Roxas. Mula’t sapol nang manungkulan si Roxas bilang secretary ng DILG, malabnaw ang pinapakita sa kanya ng presidente. Pinipilit namang isinisiksik ni Roxas ang kanyang sarili sa Malakanyang. Upang mapagtakpan ang nakakahiyang sitwasyon, si Roxas na lang ang nagbibigay palagi ng pahayag. Umabot sa sukdulan ang kawalan ng tiwala ng presidente kay Roxas nang hindi ito isinama sa miting na may kinalaman sa operasyon ng Mamasapano. Tulad ni Binay, akala ni Roxas ay nagkaroon si Pnoy ng utang na loob sa kanya dahil pumayag siyang makipagpalit ng puwesto noong eleksiyon, kaya naging bise-presidente ang puwestong kanyang tinakbuhan subalit natalo naman.

Buong akala ng sambayanan ay magri-resayn si Roxas dahil sa sagad-butong kahihiyan at pagbabalewalang inaabot niya mula sa presidente. Taliwas sa inaasahan, kapit-tukong nagtiis si Roxas, dahil sa ambisyon niyang maging presidente na nakaangkla pa rin sa inaasam-asam na endorsement na hanggang ngayon ay hindi ibinibigay.

Sa huling miting ng mga cabinet secretary ay hindi ulit inimbita si Binay, dahil malamang, ang pinag-usapan ay kandidatura ng iba pang mga secretary at mga istratehiya nila, kaya hindi nga siya dapat umatend! Nagresayn na lang siya at animo ay nagdeklara pa ng giyera sa Malakanyang dahil sa maaanghang na salitang binitiwan na nagpapahiwatig ng babala. At least, nakabawi siya at pinakaba pa niya ang mga nasa administrasyon dahil sa plano niyang pagdiin sa mga ito, gamit ang mga bintang na alam na rin ng mga mamamayan. Ngayon nga ay kaliwa’t kanang pagbatikos na ang inaabot ni Pnoy at mga tauhan nito mula kay Binay.

Si Roxas naman ay nagmistulang pulubing nagmamakaawa upang bigyan ng limos. Tumanda na siya sa sa pulitika ay hindi pa rin niya nauunawaan ang kalakaran, na sa nasabing mundo ay walang permanenteng kaibigan at ang labanan ay gamitan at patibayan ng sikmura!

Bilang panghuli, sa pulitika, hindi lang sayaw na cha-cha ang popular, kundi waltz na pwede ang pagpalit ng partner – yong tawag na “tap dance”…at ang hindi nakakasabay ay tanga…dahil ang hilig pala ay “tango”…tanga na gago pa! ….ayon yan sa mga tambay sa kanto.