Ang Trapik sa Manila at mga Karatig-Lunsod…hindi nangangailangan ng “emergency power”

ANG TRAPIK SA MANILA AT MGA KARATIG-LUNSOD

…HINDI NANGANGAILANGAN NG “EMERGENCY POWER”

Ni Apolinario Villalobos

 

Ang isyu tungkol sa trapik ay apektado ng mga bagay na may kinalaman sa KALSADA, PASILIDAD (TRAFFIC LIGHTS, TOWING TRUCKS, CCTV CAMERA, COMMUNICATIONS FACITILITES, ETC.), MOTORISTA, SASAKYAN, AT MGA TAONG NAGPAPATUPAD NG PATAKARAN. Kung isa lang sa mga iyan ang pumalpak, siguradong mala-impiyerno na ang trapik tulad ng nangyayari sa Manila at mga karatig- lunsod nito. Dapat na ituring itong parang isang relo, na kahit isang piyesa lang ang sira, hindi na ito gagana o hindi kaya ay patigil-tigil na ang mga kamay sa pag-ikot. Ang disiplina ng mga motorista ay saklaw na ng pagpapatupad ng mga patakaran, na kung maayos ay siguradong susundin kaya mawawala ang lamangan at palusutan. Apektado din ang trapik ng masamang panahon dahil bumaha lang hanggang bukung-bukong lalo pa at sinabayan ng buhos ng ulan, ay halos ayaw nang umusad ang mga sasakyan.

 

Ang usaping ito ay may kinalaman sa hinihinging “emergency power” ng pangulong Duterte upang mapaayos daw ang trapiko sa Metro Manila na nakakaapekta din sa trapik ng mga karatig-lunsod, at malamang ay para na rin sa iba pang panig ng bansa na may lumalalang trapik. Subalit, kahit may tapang ang presidente sa pagpapatupad at mga ideya na lalong magpapaganda ng kanyang layunin, ang tanong ay: MAAASAHAN BA ANG TALINO AT KAKAYAHAN NG MGA TAONG ITINALAGA NIYA PARA SA GANITONG PROBLEMA?

 

Nakakadismaya na sa loob ng kung ilang beses nang pagkaroon ng Senate sessions tungkol dito, ang pinakamahalagang bagay na hinihingi ng komite ay hindi man lang naibigay ng mga taong itinalaga ng pangulo – ang detalyadong long-range plan, na isang SOP kung may isina-submit na “project proposa”l, na sa ganitong pagkakataon ay ang pagbigay ng emergency power sa pangulo. Bandang huli ay naibigay din kung hindi sila binigyan ng ultimatum. Ang problema sa trapiko ay NAKIKITA. Ang solusyon ay hindi nakukuha sa libro kundi sa mga alituntunin na angkop sa limitasyon ng sitwasyon at kultura ng mga taong maaapektahan. Hindi pwede ang sistema ng Singapore o Germany o Amerika, etc. Iba ang ugali ng mga Pilipino na ang disiplina ay batay sa nakagisnang kultura.

 

Hindi nangangahulugang walang disiplina ang Pilipino. May mga kapabayaan ang gobyerno na lalong pinalala ng kultura na sa tingin ng iba ay kawalan ng disiplina sa panig ng mga Pilipino. Ang ibig kong sabihin, ay halimbawa, ayaw maglakad ng malayo ang mga commuters mula sa isang akyatan/babaan ng mga skywalk o overpass na malayo ang distansiya sa isa’t isa, sa ilalim ng tirik na araw lalo na kung biglang bumuhos ng ulan, dahil ang mga sidewalk ay wala man lang silungan o shade.

 

Paanong maglalakad ng ganoong kalayo ang isang commuter na nakakurbata o babaeng nakapang-damit opisina sa ganoong kalagayan? Kung gagawin nila, siguradong pagdating sa opisina ay umaalingasaw na sila at ang damit ay nakadikit na sa katawan dahil sa pawis. Kung ang iniiwasan ng otoridad ay ang pagsulputan ng mga sidewalk vendors kung magkaroon ng silungan, dapat ay 24/7 na may police visibility na sumisita AGAD kung may mag-attempt na maglagay ng paninda. SUBALIT HINDI NANGYAYARI AT KUNG MAGKAROON MAN AY SA SIMULA LANG. WALANG CONSISTENCY O HINDI TULUY-TULOY.  Isa lang yan sa mga dapat ay isaalang-alang ng mga itinalaga ng bagong pangulo.

 

Nakakatawa pa ang  panukala na paglagay daw ng subways. Hindi yata nila alam na umihi lang ang mga pusa sa Maynila ay nagkakaroon na ng baha (joke lang!). Gusto yata nilang gumastos ang gobyerno para sa isang uri ng malaking drainage sa panahon ng tag-baha. Paanong aasahan ang maayos na maintenance ng subways, ganoong ang nandoon na nga lang sa harap ng Manila City Hall at ang nasa bandang Quiapo ay nagmimistulang lawa kung panahon ng tag-baha? Isa pa, mahina ang maintenance ng mga pasilidad na pampubliko sa Pilipinas, kaya mapapadagdag lang ang subways sa mga mapapabayaan ng ahensiyang itinalaga. Maraming pruweba kung bakit nawalan ng tiwala ang mga Pilipino pagdating sa ganitong bagay, at kasama na diyan ang kapalpakan ng MRT at mga road projects, pati ang mga government buildings na umaalingasaw ang mga comfort room at sirang elevator, lalo na ang airport terminals.

 

Ang lumang-lumang drainage system ng buong Metro Manila ay hindi na maaasahan dahil SINAKAL na ng mga infrastructures na nagsulputan tulad ng mga condo/commercial buildings, at lalong nasakal ang mga LABASAN na hindi kayang alalayan ng mga palyadong pumping stations. Idagdag pa diyan ang mga reclamations na ginawa tulad ng kinaroroonan ng ASEANA CITY sa Paranaque, hanggang sa MOA at Cultural Center areas sa Pasay. Ang mga gilid ng Pasig River sa Maynila ay halos puno na rin ng mga naglalakihang condo/commercial buildings.

 

Ano ang gagawin ng NASASAKAL na daluyan ng tubig mula sa mga siyudad na ORIGINALLY (panahon pa ng mga Amerikano) ay para sa iilang libong kabahayan at commercial establishments lamang, subalit ngayon ay ginagamit ng mga milyon-milyong tao?…resulta: PAG-APAW SA KALSADA NG TUBIG GALING SA KUBETA NG MGA APARTMENT, CONDO, RESTAURANT NA HUMAHALO SA BUMUBUHOS NA ULAN….RESULTA PA:  ANG PAGBAHA NG MGA KALSADA NA DAHILAN NG PAGTATRAPIK! LAKIHAN MAN ANG MGA CULVERTS O MGA TUBONG DALUYAN NG MGA DRAINAGE, WALA PA RING MANGYAYARI DAHIL BUKOD SA “HUMABA” NA ANG DALUYAN DAHIL SA MGA RECLAMATIONS, PAGDATING SA DULO, ANG SEWAGE O MADUMING TUBIG AY SAKAL NA KAYA HIRAP NANG LUMABAS SA DAGAT!

 

Noon, ang mga pulis-trapiko ay hindi takot mabasa sa ulan. Ngayon ang nagtatrapik ay mga “enforcers” ng Metro Manila Development Authority, subalit marami ang nakakapuna na kapag magsimula nang pumatak ang ulan, ang ilan ay nawawala at ang naiiwang nagmamando ng trapik ay mga istambay na “barker”.

 

Palaging EDSA na lang ang tinitingnan ng pamahalaan pagdating sa isyu ng trapik. Para bang wala nang ibang kalsada. At, kung maglunsad naman sila ng operasyon upang “linisin” ang mga alternate streets, ay hind rin consistent….parang pagana-gana lang o di kaya ay kung marinig nilang magmura ang pangulo. Halimbawa dito ay noong unang umupo ang pangulo. Dahil sa takot na mapagdiskitahan, biglang kumilos ang LTO at LTFRB ng kung ilang araw din upang magtanggal ng mga illegally parked na mga sasakyan kuno sa mga tabi ng kalsada….napansin ko pa na 7AM pa lang ay kumilos na sila upang ma-tow ang mga sasakyan. Subalit ngayon, balik na naman sa dati ang kalagayan ng mga nagsisikipang kalsada na ang iba ay mayroon pang mga repair shop at basketball court! In fairness naman sa Divisoria area, ang kahabaan ng Recto mula sa Sta. Cruz hanggang Divisoria ay hindi nawawalan ng mga pulis kaya nawala ang mga vendors na sumakop na ng kalsada.

 

Ang nakakaligtaan ng gobyerno ay ang aspeto sa pagkontrol ng pagdami ng mga bagong sasakyan. Ito ang dapat na pagtuunan ng pansin dahil sa kamurahan ng animo ay mga disposable na mga sasakyan, maski janitor sa opisina ay may kakakayahan nang bumili ng hulugan basta may 20k pesos na pang-down payment lang. Kahit pa padaanin ang mga sasakyan sa mga exclusive subdivisions kung sakali, pero hindi pa rin pipigilan ang pagdami ng mga sasakyan taun-taon ay wala ring mangyayari sa mga plano na siguradong kokopyahin sa sistema ng ibang bansa. (Sa Singapore, bawal ang mga kending may pagka-bubble gum at may minimum na pasahero ang mga pribadong papasok sa lunsod…. kaya ba yang ipatupad sa Maynila?)

 

HINDI KAILANGAN ANG EMERGENCY POWER PARA MASOLUSYUNAN ANG PROBLEMA SA TRAPIKO sa aking pananaw. ANG KAILANGAN AY “CONSISTENCY” SA PAGPAPATUPAD NG MGA BATAS,  MGA “MATATALINONG” PANUKALA at “MATATALINO” ring mga tao na gagawa ng mga ito, na ang TALINO ay hindi halaw sa mga libro kundi sa nakikita nilang AKTWAL na sitwasyon ng mga kalsada at ugali ng mga gumagamit!

 

Kung may “emergency power” siguradong hindi na mag-iisip ng ibang paraan ang mga taong itinalaga ng pangulo, kundi umasa na lang sa pinakamadaling nakasaad sa hinihinging kapangyarihang yan…na sana ay hindi ibigay ng senado. Ang kawawa dito ay ang pangulo dahil siya ang ituturo ng mga nasa ibaba niyang hindi niya nababantayan 24/7, kahit palpak ang kanilang ginagawa dahil ang sinasabi niya palagi ay aasa lamang siya sa resulta ng mga pagpapatupad. Tanggalin man niya ang mga pumalpak na nagpatupad, sira na ang kanyang programa at imahe!

Waiting Sheds should be Where Bus and Jeepney Stops Are

WAITING SHEDS SHOULD BE WHERE BUS

AND JEEPNEY STOPS ARE

By Apolinario Villalobos

 

 

The Metro Manila Development Authority, in the case of Metro Manila, and the local government units should check the location of the waiting sheds distributed along highways and secondary thoroughfares. Historically, the waiting sheds as projects do not have a good reputation as their construction have been subject to a corrupt issue, in particular, the “commission”. Many sheds were allegedly sporadically distributed without due planning. As a result, today, there are many sheds that are awkwardly located because they are situated far from the designated bus and jeepney stops. Who would want then, to wait for a bus or jeepney at a designated stop under the rain or scorching heat of the sun?

 

During the past administrations, the waiting sheds as with the basketball courts, Multi-purpose and Reading Centers were the favorite sources of commission amassed by corrupt officials. There was a scramble for budget supposedly intended for the mentioned projects. For this reason, there are lengths of streets dotted with unnecessary waiting sheds which later on were just used by street dwellers. In this regard, many basketball courts and multi-purpose centers were also alleged to have been overpriced and built with inferior materials.

 

The authorities are eternally facing a problem as regards the discipline of commuters and drivers of public conveyances. The commuters cannot be stopped from waiting for their ride where waiting sheds are located, but which are far from designated stops. The traffic enforcers are pitifully doing their best to drive commuters to these designated stops…a futile effort, when all the while, the solution is remove the old waiting sheds and build new ones where the bus and jeepney stops are located!

Kaya Pala “Nagsisipag” noon si MMDA Chariman Tolentino at DOJ Secretary de Lima…may ambisyon sila

Kaya Pala “Nagsisipag” Noon si MMDA Chairman Tolentino

At DOJ Secretary de Lima…may ambisyon sila

Ni Apolinario Villalobos

Malinaw na ang dahilan kung bakit noon ay kapansin-pansin ang pagsisipag nina Tolentino at de Lima – ang ambisyon nilang pumasok sa pulitika. Akala ko noon, normal lang na palagi silang iniinterbyu ng media, yaon pala ay talagang sinadya nila for media mileage.

Si de Lima ay “eager beaver” o sobrang maliksi kaya plano pa lang ang mga gagawin kahit maselan o dapat ay confidential dahil hindi dapat malaman ng “kalaban”, nagpapatawag na siya ng presscon kung saan ay nagbibitaw pa ng banta na pananagutin niya ang mga tiwali. Dahil sa ginagawa niya, ang mga dapat hulihin ay nakakatakas. Ang plano niya noong pagbisita sa Bilibid Prison upang mag-inspection dahil pumutok ang bentahan ng droga ay ibinrodkast kaya pagdating niya sa “loob”, halos wala nang nadatnang ebidensiya maliban sa mga ginawang mga kubol na aircon. Wala mang resulta, natanim naman sa isip ng mga tao na aktibo siya, masipag. Dinagdagan pa ng ibang broadcasts na lalong nagpahaba ng mileage. Yun pala, may ambisyong maging senadora!

Nadulas pa sa pagsabi noon si de Lima na ipapasa niya sa papalit sa kanya ang susunod na batch ng mga may kaso na may kinalaman kay Napoles, dahil siguro sa planong pag-resign dahil sa kandidatura niya. Subalit maraming pumalag, lalo na ang mga naunang sina Bong Revilla, Jinggoy Estrada at Juan Ponce Enrile, kaya napilitan din siyang ihain na ang kaso. Ganoon pa man, marami pa ring kaso ang hindi nabigyan ng malinaw na direksiyon tulad ng SAF 44 Massacre o Mamasapano Case, at Maguindanao Massacre na kinasasangkutan ng mag-aamang Ampatuan. Takot kaya siyang sagasaan ang mga supporter ng mga Ampatuan na namamayagpag pa sa Mindanao? Mga boto din nga naman silang mabibilang kung sakali. Ngayon naman ay sumawsaw sa kaso ng Iglesia ni Cristo ganoong ang daming mahahalagang kasong nakapila!

Si Tolentino naman noon, halos araw-araw noon ay may interbyu, nagpapakita pa na nagmamando ng trapiko….lahat na ng mga gawain tungkol sa pag-ayos ng trapik ay ginawa na, kahit umuulan. Dahil sa mga nakita ng mga tao, inakalang bukod-tangi ang kanyang kasipagan, kaya may mga nagsabi pang mas magaling siya kaysa pinalitan niya. Subalit bandang huli ay hindi na nakita at nagkagulatan na lang ng malamang kasama pala siya ni Pnoy, Roxas at de Lima sa Cebu, samantalanag nagmumurahan ang mga morista at MMDA traffic constables sa Manila. Nang bumandera ang retrato ng isang Obispo na nagtatrapik, malakas ang loob ni Tolentinong mag-imbinta ng media dahil magtatrapik din daw siya! Matindi siya…maaga pa lang ay nagpapakita na ng pagka-trapo. Kung sabagay, bago siya naging Traffic Czar ay galing naman talaga siya sa larangan ng pulitika sa Tagaytay.

Walang masama sa pagkaroon ng ambisyon upang umangat sa larangan ng pulitika, subalit huwag naman sa paraang garapal…dahil nalalagay sa alanganin ang kapakanan ng sambayanan!

Ang Global Positiong System (GPS) sa Bus…bagong ningas-kugon na naman ng pamahalaan?

Ang Global Positioning
System (GPS) sa Bus
…bagong ningas-kugon na naman ng pamahalaan?
Ni Apolinario Villalobos

Kahit kaylan, puro ningas-kugon ang mga alituntuning pinapatupad ng mga ahensiya ng gobyerno. Magaling lang sa umpisa dahil sa milya-milyang photo opportunities at promotion sa media, subalit tulad ng apoy na nagpaningas ng kugon ay sandali lamang ang itinatagal. Hindi pa nga nasasawata ang mga kolorum na mga bus sa kalye, gusto na namang magpatupad ng paglagay ng Global Positiong System (GPS) sa mga bus…upang masita raw ang mga nagpapaharurot na mga bus drivers. Ang mga legal ay pasok sa panukala, subalit paano ang mga kolorum na halos kasing-dami na rin ang tumatakbo sa mga kalsada? Bakit hindi rin atupagin ng LTFRB and panukala tungkol sa paglagay ng mekanismo sa bus na magkokontrol sa selenyador nito kung umaabot na ang bilis sa itinakda? Dahil ba maliit ang kita dito at mas malaki ang sa GPS? Kahit pa sabihin ng ahensiya na hindi sila ang magbebenta ng mga GPS, kundi mga “accredited” outlets lamang, ganoon pa rin ang kuwenta…kanya-kanya pa rin ang mga tauhan nito sa referral. Hindi ba ganito ang nangyari sa requirement sa drug test na gamit ay ihi ng driver?

Sana ang gawin ng mga ahensiyang Metro Manila Development Authority (MMDA), Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB), at Land Transportation Office (LTO) ay magtulungan ng tuluy-tuloy o consistently, sa paggawa ng mga alituntunin upang hindi mabigyan ng lisensiya ang mga barumbadong driver, kahit na ang nagmamaneho ng pribadong sasakyan. Dapat din silang magtulungan, consistently pa rin, sa paghuli ng mga kolorum na mga sasakyan. Napakaraming mga batas ang hindi naipatutupad tulad na lang ng “no smoking” sa mga sasakyan kaya dahil sa kaluwagan, mismong mga driver ng mga jeepney ay hindi nasasawata sa ganitong gawain. Ganoon din ang paggamit ng cellphone habang nagmamaneho. Pati na ang pagsakay at pagbaba ng mga pasahero sa hindi tamang lugar. Marami pang iba….mga napakagagandang mga batas na sa Pilipinas lang gawa, subalit hindi naipapatupad!

Ang nakakasulasok nang style kasi ng mga ahensiya ng pamahalaan ay kikilos lang kung ganado ang mga tauhan nila. Dahil sa kanilang bulok na sistema, ang mga tiwaling driver ay nagbabakasali naman…na ang pinapakitang ugali ay isa pa ring masamang uri – ang palusot! Idagdag pa diyan ang talamak na lagayan na hindi pa rin nakokontrol ng mga CCTV na ang iba ay dispalinghado naman. Dahil diyan, wala na yatang pag-asa pa na gumanda o maging maayos ang paggamit ng kalsada sa Pilipinas, dahil kung pabaya ang nagpapatupad ng batas, magaling namang magpalusot ang lumalabag dito. Sa Pilipinas lang yan!!!!

Dusa ang Hindi Pagsagot Agad sa Tawag ni Inang Kalikasan

Dusa ang Hindi Pagsagot Agad

Sa Tawag ni Inang Kalikasan

Ni Apolinario Villalobos

Talagang dusa ang aabutin ng isang tao kapag pinigilan niya nang matagal ang pagdumi at pag-ihi. Hindi lang ga-munggong pawis ang biglang lalabas sa katawan, kundi pati mga santong hindi niya natatawag ay kanyang maalalang tawagin. Mapapagkamalan pa siyang namatanda dahil bigla siyang maninigas sa pagpigil…ni hindi makaubo kahit bahagya. Pati mukha ay mawawalan ng ekspresyon at ang mga mata ay halos lumuwa, sa pagpigil pa rin. Mawawala din para sa kanya ang halaga ng pera dahil ibibigay niyang lahat na laman ng pitaka sa makapagtuturo ng pinakamalapit na kubeta! Alam ko…dahil lahat nang yan ay nadanasan ko. Kaya baka pwedeng tumigil na ang nagbabatikos sa MMDA sa plano nitong pagpagamit ng diapers sa kanilang traffic constables.

Noong minsang ako ay pupunta sa Taytay, Rizal, madaling araw pa lang ay umalis na ako sa bahay dahil malayo ang tinitirhan ko at upang makaiwas na rin sa trapik. Pagdating ko sa Crossing, Mandaluyong ay nakaramdam ako ng hilab ng tiyan. Dahil maaga pa, wala pang bukas food outlet na may maayos na CR tulad ng Jollibee. May nadaanan akong pamilyang nakatira sa bangketa, may maliit na kubol, mabuti at gising na ang mag-asawa. Nang sabihan ko sila ng problema ko, ibinuluntaryo agad ang arenola nila na hind pa naman daw nangalahati ng ihi. Ginising nila ang anak nila upang lumabas sa kubol at upang sa loob nito ako gumawa ng ritwal. Nang makaraos ako, binigyan ko sila ng pera at ipinamalengke pa sa nadaanan kong talipapa. Nakakabilib ang pagka-Kristiyano nila!

Minsan naman sa isang mall, inabot din ako dahil sirain talaga ang tiyan ko, maselan sa pagkain. Mabuti na lang maagap ang CR attendant sa pagbigay ng mga kailangan ko tulad ng tissue paper at tubig. Ang masaklap lang, kung kelan dumami ang pumasok sa CR, saka naman nagsimulang mag- “may I go out” ang mga pinigilan ko…at installment na nga ay may mga sound effect pa, kaya panay pagsabi ko ng “sorry”, kada may batch na lalabas. Nang lumabas ako sa cubicle, nagkaroon ako ng maraming kaibigan! Gusto daw nilang makita kung sino ang magalang na delivery man!

Noong umiinom pa ako ng alak, nagpilit akong umuwi kahit halos hindi na ako makagulapay sa kalasingan. Habang nag-aabang ng taxi, palakad-lakad ako sa paghanap ng maiihian. May nakita akong parang pader sa isang maliit na eskinitang madilim, kaya pumuwesto ako. Kung kaylan nagsisimula na ako ng ritwal ay saka nagbukas ang iniihian kong “pader”…gate palang bakal na ang pintura ay kakulay ng pader. Babae ang lumabas…sabay kaming tumakbo, siya pabalik sa loob, ako palayo!

Noong umiinom pa rin ako ng alak, nakatulog ako sa bahay ng kumpare ko dahil sa sobrang kalasingan. Sa isang kuwarto ako pinatulog. Nang madaling araw na, gumising ako upang umihi. Sa pagkapa ko sa dilim, may nabuksang pinto, at dahil akala ko CR, umihi na ako kahit halos pikit pa rin ang mga mata. Nang mag-umaga na, nalaman ko na ang inihian ko pala ay cabinet!

Nang minsan namang sumakay ako sa bus na galing sa Antipolo papuntang Divisoria, nagtaka ako kung bakit ang mga pasahero ay sa harapan banda nakaupo maliban sa nag-iisang babae na nasa pinakalikurang upuan. Ang bus ay dumaan sa isang gasolinahan kung saan bumaba ang mga pasahero, at huling bumaba ang babae na inabot pala ng pagdumi sa pantalon. Dumaan siya sa harap ko na taas noo pa rin, at pagbaba ay dumiretso sa CR ng gasolinahan. Naisip siguro niya na wala siyang pakialam sa ibang tao, hindi naman siya kilala, at ang importante ay nakaraos siya….pero napansin kong maganda siya.

Dahil sa trabaho ko noong panay biyahe sa mga probinsiya, may napuntahan akong maliit na bayan ngunit may nag-iisang maliit na pension house naman. Ang problema lang ay ang kubeta na barado. Mabuti na lang at ang pension house ay halos nasa tabing dagat. Tuwing tawagin ako ni Inang Kalikasan, nagbibihis agad ako ng panligo upang kunwari ay mag-swimming kahit halos hatinggabi na. Ganoon din sa madaling araw kahit sagad hanggang buto ang ginaw. Dahil sa ginagawa ko, bilib sa akin ang staff ng pension house…mahilig daw akong mag-swimming, nature love daw ako!…kung alam lang nila….

Batay sa mga nadanasan ko, mahalagang magdala ng tissue paper, alcohol, ilang plastic bag, lalo na pang-LBM na gamot tulad ng diatabs o lomotil. Kung walang mapaglagyang bag, irolyo ang tissue paper at ilagay sa bulsa kasama ang maliliit na plastic bag, ang alcohol na dadalhin ay yong pinakamaliit na bote para kasya sa bulsa. Ang mga gamot naman ay kasya na sa coin purse. Sa pupuntahang lugar na pampubliko, alamin agad kung saan ang kubeta, kung ito ba ay malinis at hindi barado. Kung titigil naman sa hotel, i-check kung barado o hindi ang kubeta. Sa may planong magbiyahe, agahan ang paggising upang magkaroon ng sapat na panahong sumagot sa tawag ni Inang Kalikasan sa loob ng animo ay sagradong maliit na kuwartong may upuan na ginhawa ang dulot pagkatapos gumawa ng ritwal. Halimbawa, kung ang alis sa bahay ay alas-singko ng umaga, dapat ang gising ay alas-tres man lang, para magsawa sa kaka-cleansing bago lumabas ng bahay.

Kailangan ang sakripisyo para makaiwas sa “pagkabigla” kung nasa labas na ng bahay…huwag matigas ang ulo!