Unawain na lang ang Ugali ni Pnoy, hindi man natin ito gusto….pero dapat handa siyang managot pagbaba niya sa puwesto

Unawain na lang ang Ugali ni Pnoy, hindi man natin ito gusto
…pero dapat handa siyang managot pagbaba niya
Ni Apolinario Villalobos

May punto ang isang propesora ng UP na ininterbyu sa pagsabi na huwag pilitin ang pangulo kung ayaw niyang humingi ng tawad dahil sa kapalpakan ng operasyon sa Mamasapano na naging sanhi ng kamatayan ng 44 SAF commandos, at ilang sibilyang lokal na naipit sa palitan ng putok.

Paulit-ulit na pinalulutang ang mga mali ng pangulo, tulad ng: pagbigay ng pahintulot sa suspendidong hepe ng PNP na si Purisima na makialam sa operasyon; pag-etsa puwera kay Roxas na hepe ng DILG at sa OIC ng PNP sa mga huling pakikipag-usap niya kay Purisima at Napeῆas; at ang hindi pagbigay ng karampatang halaga o urgency sa operasyon, kaya hindi niya na-monitor at naging dahilan upang hindi siya makapagbigay ng mas malinaw na desisyon nang maipit na sa Mamasapano ang mga SAF commandos. Sa kabila ng lahat, walang epek sa pangulo ang nangyaring trahedya, kaya ang pinaka-simpleng “I am sorry” ay hindi man lang niya nasambit.

Sa isang talumpati, umasta siyang “ama” na nawalan daw ng mga “anak”….hanggang doon na lang. Ang tinutukoy niya ay ang pagkamatay ng mga SAF commandos. Subalit ang magpakita na siya’y kinokonsiyensiya kaya dapat siyang himingi siya ng pasensiya, ay hindi man lang pumasok sa kanyang isipan.

Ang tingin ngayon ng mga Pilipino sa pangulo ay isang sinungaling. Ang masaklap sa ginagawa niyang pagtatakip sa kasalanan gamit ang kasinungalingan ay lumalala habang naglalabas siya ng mga saloobin na nakaangkla pa rin sa kasinungalingan. Sa halip na mabawasan ang mga kasinungalingan ay lalo pang nanganganak ang mga ito, hanggang sa umabot sa puntong wala nang makitang paraan upang siya ay makabawi, DAHIL SA PAGKAPATONG-PATONG NA NG MGA KASINUNGALINGAN.

Paano niyang i-deny ang mga na-rekord na niyang mga nakaraang talumpati na salungat sa mga kasalukuyan niyang sinasabi? Tulad na lamang ng may lakas-loob niyang pagsabi na ang BOI report ang magbibigay ng linaw sa kaso ng Mamasapano kaya ni hindi na niya kailangan pang bigyan ng kopya nito. Ni hindi siya nagpaunlak ng interbyu at bandang huli, dahil sa ugali niyang paninisi, pati si Roxas ay sinisi, at hindi daw nagparating ng imbitasyon ng BOI sa kanya para sa isang interbyu, ganoong maaari naman talaga siyang magkusa. Ang malinaw ay nag-presume siya na magiging kuntento na ang BOI sa pag-pick up ng mga impormasyon mula sa kanyang mga talumpati. Subalit nang lumabas ang resulta na nagdidiin sa kanya, nataranta yata kaya pinatawag ang BOI sa Malakanyang! Nang mabisto ng media ang miting niya sa BOI at pinasabog ito, napahiya yata kaya, buong “katapangan” na nagsabi ang Malakanyang na hindi nila babaguhin ang BOI report…dapat lang dahil bago nakarating sa kanila ang isang kopya, may nabigyan nang mga ibang tao!

Pwede nang tanggapin ang sinasabi ng Malakanyang na may prerogative si Pnoy o may karapatan sa paraan ng pagbigay ng kautusan na maaaring sumira ng umiiral na “chain of command”, PERO DAPAT IHANDA NIYA ANG SARILI NIYA SA RESULTA AT TANGGAPIN KUNG ITO AY PALPAK KAHIT PA MAY PANANAGUTAN DIN ANG KANYANG INUTUSAN…KAYA, PAREHO SILANG DAPAT MANAGOT…LALO NA SIYA BILANG TAONG NAGBIGAY NG UTOS!

Hindi makakawala sa pananagutan ang pangulo sa kanyang pananagutan dahil sa trahedyang nangyari sa Mamasapano. Hindi siya maaaring maghugas- kamay, dahil kaakibat ng responsibilidad niya bilang lider ang tumanggap ng sisi sa mga bagay na may direkta siyang kinalaman dahil sa prinsipyo ng “command responsibility”.

Ang hinihintay ng maraming Pilipino ay ang pagbato ni Pnoy ng paninisi kay Gloria Arroyo dahil sa nangyaring trahedya sa Mamasapano! Isang classic na kwento yan kung sakali na only in the Philippines mangyayari! Dapat mag-ingat si Pnoy dahil baka mag-krus pa ang kanilang landas pagbaba niya sa puwesto, kung hindi matuloy ang nilalakad na pagpa-confine ni Gloria Arroyo sa kanilang bahay dahil sa lumalala niyang kalagayan.

Ang Katagang “Sorry” ay may Dalawang Kahulugan- pakikiramay at pagtanggap ng kasalanan

Ang Katagang “Sorry”
ay may dalawang Kahulugan –
pakikiramay at pagtanggap ng kasalanan
Ni Apolinario Villalobos

Kapag sinabi ng isang tao na “I am sorry”, ibig sabihin ay nasa sitwasyon siyang “sorrowful”, o sa Pilipino ay “kalungkutan”. Nangangahulugang siya ay nagsi-“sympathize” o “nakikiramay” sa taong nakadanas ng trahedya. Kaya sa pakikiramay ay pwedeng sabihing, “nalalungkot ako sa nangyari sa iyo”. Sa Ingles naman ay, “I am sorry that it happened to you”.

Ang isa pang kahulugan ng salitang nabanggit ay pag-amin ng kasalanan, pero may kaakibat na magandang kahulugan kung dudugtungan sa Ingles ng “…..it will never happen again”. Sa Pilipino naman ay, “….hindi na ito mauulit”.

Batay sa nabanggit ko, sana ay ginawa na lang ni Pnoy ang nasa unang nabanggit na paragraph. Para safe siya, pwede niyang paunahan ang kanyang sasabihin sa Ingles na “I am sorry”, at dugtungan ito ng Pilipino na, “…..talagang, nalulungkot ako sa trahedyang nangyari sa 44 na SAF commandos sa Mamasapano…..kaya nakikiramay ako sa mga naulila”. Tapos na sana ang kulitan na siya ay dapat mag-sorry. Nasabi na sana niya, pero pakikiramay ang dating, hindi pakita ng “guilt” o pag-amin ng kasalanan! Pero kahit pakikiramay ay wala yata sa bokabularyo ni Pnoy….nakakalungkot talaga!…and, I am so sorry for that!!!!

Ang nasa pangalawang paragraph naman ay talagang imposibleng masasabi ni Pnoy, dahil ang “pag-sorry dito ay dapat dugtungan ng “….hindi na ito mauulit”, na malabong mangyari. Batay sa maikling kasaysayan ng kanyang administrasyon, ni isang kapalpakan ay wala pa kasi siyang sinosorihan….kaya, sori na lang ang mga Pinoy!

Sa mga bomoto sa kanya, it is too late to say, “ I am so sorry, I did it”. Kaya ngayon, lahat ng mga Pilipino ay malungkot at nagsisisi na lang. Talagang ang pagsisisi ay palaging nasa huli!

Noon pa man, sinabi ko nang Masaker ang nangyari sa Mamasapano…hindi incident o encounter

Noon pa man, sinabi ko nang Masaker
ang nangyari sa Mamasapano…hindi incident o encounter
Ni Apolinario Villalobos

Maliban sa hindi incident o encounter ang nangyari sa Mamasapano, kundi masaker, at ang 44 na SAF commandos ay hindi “fallen”, kundi “victims”. Sa salitang “fallen”, maaaring ipakahalugan itong hindi sinasadya, pero sa salitang “victims”, ito ay nangangahulugang sinadya.

Tungkol naman sa MILF, hindi binigyang pansin ang bali-balitang Malaysian citizen si Iqbal. Ano ang ginagawa ng isang banyaga sa pinag-uusapang isyu na may kinalaman sa soberinya ng Pilipinas? Ito ba ang dahilan kung bakit pinilit nila na dapat ay observer ang Malaysia sa usapan? Ano ang interes ng Malaysia sa Mindanao? Ang alam ng mga Pilipino ay may “kinalimutan” ang mga kinatawan ng gobyerno na sina Deles at Ferrer sa usapan – ang tungkol sa sa claim ng Pilipinas sa Sabah, na ayaw namang bitiwan ng Malaysia.

Tungkol naman sa Bangsamoro Basic Law, hindi mawawala ang lambong ng pagdududa dito, hangga’t hindi pinapalitan ang mga kinatawan ng Pilipinas sa negotiating panel na sina Deles at Ferrer, pati na ang Malaysia bilang observer.

At sa kaso naman ni Pnoy, mahihirapan na siyang makabangon sa kanyang matinding pagkalagapak dahil sa PRIDE!

Mindanao

Alaala ang tula para sa apatnapu’t-apat na minasaker at iba pang nasugatang mga pulis sa Mamasapano, Maguindanao. Sampal din ito sa mga ipokritong tao sa pamahalaan na umitim na ang budhi’t kaluluwa dahil sa kasakiman, mga taong sumisira sa adhikain ng mga Pilipino, at sa isang taong patuloy sa pagmamaang-maangang siya ay magaling, nguni’t ampaw naman pala, dahil magaling lang sa pagsalita, kahit pa diretsong managalog.

Mindanao
By Apolinario B Villalobos

Itinuring na lupang ipinangako –
Ng mga Pilipinong dito ay napadako
Mga naglakas -loob na makipagsapalaran
Hindi inalintana panganib na madadatnan.

Maraming kuwento ang aking nalaman –
May mga kulay ng lungkot at kaligayahan
Nguni’t lahat ay puno ng hangarin, ng pag-asa
Sa lupang ipinangako, magigisnan, bagong umaga.

May mga Pangasinense, Kapampangan, Ilocano
Mayroong Bicolano, Bulakeño, Caviteño, Batangueño
Mga taga-Luzon silang dala ay lakas ng loob, kasipagan
Hindi ininda ang init sa pagbungkal ng tigang na kabukiran.

Mayroon ding galing sa Antique, Negros, isla ng Cebu
Sumunod ang mga taga-Leyte, Romblon, Guimaras at Iloilo
Ano pa nga ba’t sa malawak, mayaman at luntiang Mindanao
Iba’t iba man ang salita, pagkakaisa pa rin, pilit na nangibabaw.

Hitik sa kwentong makulay ang buong isla ng Mindanao
Unang tumira’y mga kapatid nating sa relihiyon, iba ang pananaw
Silang mga taal na katutubo, makukulay, matatapang at mahinahon
Tanging hangad ay mabuhay ng matiwasay, tahimik, sa lahat ng panahon.

Ang mga Kristiyano, Muslim, Lumad – lahat sila ay nagkakaisa
Nagtutulungan, nagbibigayan, mga paniwala man nila ay magkaiba
Nguni’t dahil sa makasariling hangad ng ilang gahaman sa kapangyarihan
Animo kristal na nabasag, iningatang magandang samahan at katahimikan.

Nguni’t tayo ay Pilipino, iba tayo – lumalaban na may masidhing pag-asa
Sa harap ng masalimuot na mga problema, matatatag na kalasag ay nakaamba
Ito’y ang masidhing paniniwala sa Maykapal, malalim at marubdob na kapatiran
Ugaling nagbuklod sa mga taga-Mindanao, magkaiba man ang pananaw at kaugalian.

Ating isigaw-
Mabuhay ang Mindanaw!

Habang Buhay na Bangungot ni Pnoy

Habang na Bangungot Ni Pnoy
Ni Apolinario Villalobos

Hindi kayang palambutin ang puso ng mga Pilipino ng animo ay pagpapaawa ni Pnoy sa paulit-ulit na pagbanggit niya ng kamatayan ng kanyang tatay, na sa kanyang tingin ay bayani. Pinalampas niya ang pagkakataong maski papaano ay makaamot ng kaunting pang-unawa mula sa mga Pilipino kung sinalubong niya ang pagdating ng mga bangkay ng apatnapu’t-apat na mga pulis na pinatay… minasaker sa Mamasapano, Maguindanao. Sa halip ay minabuti pa niyang magsalita sa pasinaya ng isang pagawaan ng mga sasakyan, na maaari naman niyang italaga sa Bise-Presidente o sa kalihim ng ahensiyang may kinalaman sa negosyong ito. At, siguradong mauunawaan naman ng nag-imbita sa kanya.

Pero, nakitaan niya ang okasyon ng pasinaya ng isa na namang pagkakataon upang mabuhat ang bangko ng kanyang pamilya. Sa kanyang talumpati, sinabi niya na kahit sa panahon ng Martial Law ay umasenso pa rin ang pagawaan. May parunggit na naman siya sa namayapang si Ferdinand Marcos. Alam din ng lahat, na banggitin lang ang Martial Law ay maaalala rin ang pagkamatay ng tatay niya na si Noynoy… alaalang namantsahan ng mga kapalpakan niya bilang presidente ngayon. Pati ang alaala ng kanyang nanay na naging presidente ay wala na ring epek sa mga Pilipino dahil wala rin naman itong nagawa upang makaahon ang mga Pilipino sa epekto ng Martial Law.

Nang magsalita si Pnoy sa necrological service ng minasaker na apatnapu’t-apat na pulis ay binanggit na naman niya ang kamatayan ng kanyang tatay, na masakit na sa tenga ang dating. Kaylan kaya siya titigil sa pagbanggit ng kamatayan ng kanyang tatay, na dapat pala ay hindi dinaluhan ng mga hindi kilala ng kanilang pamilya dahil ito naman pala ang kanyang panuntunan?…na ang lamay ng isang namayapa ay hindi dapat daluhan ng hindi kilala nito.

Ang alaala ng mga problema sa kanyang pamamalakad ng gobyerno na lalong idiniin ng kamatayan ng mga pulis sa Mamasapano, Maguindanao ay magsisilbing bangungot na nakadikit sa kanyang diwa, na parang aninong hindi humihiwalay sa katawan. Bangungot din niya ang nakapanhihinayang na mga pagkakataon na kanyang pinalampas dahil pinairal niya ang kanyang pagkamakasarili. Bangungot din ang mga mukha ng kanyang mga kaibigan na dahilan ng kanyang pagbagsak na may matunog na lagapak.

Kung hindi siya naging presidente, maaaring napanatili ang paniwala ng mga Pilipino na “bayani” ang kanyang tatay at “nagsakripisyo” ang kanyang nanay upang maging tulay tungo sa pagbabago mula sa panahon ng Martial Law. Lahat nang mga iyan ay kanyang nilusaw sa loob ng panahon ng kanyang pagiging presidente na malapit nang magtapos, na ang dulot sa mga Pilipino ay dusa lamang.

Maitatala sa iba’t ibang aklat ng kasaysayan ng Pilipinas na bukod tangi siyang presidente na maraming pinagtakpang anomalya…sa ngalan ng pagkakaibigan. Maitatala rin ang record breaker na nakawan sa kaban ng bayan, pati ang nakakahiyang pagnakaw ng mga donasyon na nakalaan para sa mga biktima ng kalamidad lalo na ng bagyong Yolanda. Maitatala pa rin ang kawalang aksiyon sa mga anomalya dahil maski isang pagsuspinde ng mga sangkot ay walang nangyari. At higit sa lahat, ang sinasabi niyang asenso ngunit nasa papel lamang.

Magsisi man siya at maghinagpis, ay huli na….bangungot na lang ang asahan niya – habang buhay. At tuwing gigising siya sa umaga, malamang na ang unang mamumutawi sa kanyang mga labi ay mga salitang “sana” at “sayang”… kung mayroon pa siyang maski kapirasong konsiyensiya.

Mga Trayduran at Sisihan sa Gobyerno…at ang paghugay-kamay na naman ni Pnoy

Mga Trayduran at Sisihan sa Gobyerno
…at ang paghugas-kamay na naman ni Pnoy
Ni Apolinario Villalobos

Ang massacre ng mga pulis sa Mamasapano, Maguindanao, ay nagpapakita nang kaampawan ng liderato ni Pnoy. Hindi buo…hindi matatag…walang laman – puro hangin…ampaw! Mismong kalihim ng DILG at OIC ng PNP ay hindi alam ang isang malaking operasyon na gagawin ng SAF ng PNP dahil ang target ay isang foreign terrorist na wanted din sa ibang bansa. Ang pagsilbi ng mga naipong warrant of arrest ay isang immediate actionable na responsibilidad na may kaakibat na tactical operation, subalit dahil hindi ito pangkaraniwan, dapat pinaalam din kay Mar Roxas bilang kalihim ng DILG at pati sa OIC ng PNP bilang respeto.

Putok ang balitang ang nagmani-obra ay ang suspendidong hepe ng PNP na si Purisima kaya lalong naging naging kwestiyonable ang lahat dahil ginawang tanga ang itinalagang OIC. Kahit wala pang imbestigasyong ginagawa ay malakas tuloy ang hinala ng lahat na ang tagumpay ng operasyon ay magsisilbi sanang “personal vindication” ni Purisima mula sa mga paratang sa kanya. Ang problema, nag-boomerang kaya lalo siyang nadiin…lalong nalubog sa kahihiyan, kung totoo nga ang mga pumutok na balita na ang pinagmulan naman ay isang heneral. Sa nangyari, dawit uli ang BFF ni Purisima na si Pnoy…na may kakambal yatang kamalasan!

Tulad ng inaasahan, tila may sacrificial lamb na umamin – ang director ng SAF. Subalit bakit hindi niya ginawa ito agad upang maiwasan ang mga ispekulasyon? Pwede namang magpatawag siya ng press conference. Ang ginawang paghintay muna ng director na makapagsalita ang pangulo ay nakakapagduda, dahil gusto yata niyang magkaroon sila ng iisang “tono” ng pangulo – walang conflicting statements. Ibig sabihin, magsi-second the motion na lamang ang SAF Director sa anumang sasabihin ng pangulo, na nangyari nga.

Ang nagmukhang tanga na sina Roxas at OIC ng PNP ay nagkakamot ng ulo, ganoon din ang iba pang mga opisyal ng PNP na hindi rin napagsabihan tungkol sa operasyon. Ang masakit, sila ang pinapaharap sa mga press con kaya sisinghap-singhap habang naghahagilap ng isasagot sa mga katanungan. Malinaw pa sa sikat ng araw na sila ay natraidor! Daig pa nila ang taong binaril at duguan na, ay sinisipa pa, dahil siguradong sila ang babagsakan ng sisi. Magastos na naman sa tubig at sabon dahil sa mga hugasan ng kamay sa Malakanyang! Samantala, ang pag-amin ng direktor ng SAF ay hindi pinaniniwalaan.

Dahil malakas ang pagputok ng pangalan niya sa media, dapat kusang lumabas si Purisima at itanggi ang paratang kung walang katotohanan. Pero wala yatang takot at kaba dahil alam niyang as usual, ay ipagtatanggol siya ng kanyang best friend na si Pnoy! Nakakasakit din sa loob na marinig sa pangulong ituring ang massacre na isang “incident” lamang.

Kung may natitira pang pride o pagmamahal sa sarili si Mar Roxas, ang pinakamaganda niyang gawin ay mag-resign, dahil binibitin din lang siya ni Pnoy kahit sa suporta na kailangan niya (Roxas) pagdating ng eleksiyon sa 2016. Kung magbibitiw siya, baka madagdagan pa ang mga supporters niya dahil sa awa.

Malaki ang Problema ng Usapin sa Bangsamoro Basic Law (BBL)

Malaki ang Problema ng Usapin
Sa Bangsamoro Basic Law (BBL)
ni Apolinario Villalobos

Dahil sa nangyaring “misencounter” daw sa pagitan ng MILF at mga pulis sa Maguindanao kamakailan lamang, ay tila magkakaroon ng problema sa usapin ng Bangsamoro Basic Law (BBL). Sa pagpasok sa eksena ng BIFF na ‘breakaway” group ng MILF, marami ang nagtatanong kung talaga bang mapagkakatiwalaan ang MILF sa pagsiguro na hindi bubulabugin ng BIFF ang mga bayang kasama sa Bangsamoro, dahil tutol ito (BIFF) sa usaping pangkapayapaan. Kung hindi nakontrol ng MILF ang BIFF na magkaroon ito ng sariling adhikain kaya tumiwalag sa samahan, may garantiya ba na hindi ito maghahasik ng perwisyo upang ipahiya ang BBL?

Noon pa man ay nabanggit ko na sa nauna kong pananaw na ang inuna dapat ng gobyerno at MILF ay i-neutralize at dis-armahan ang MNLF at BIFF na kumokontra sa usaping pangkayapaan na nakaangkla sa integration, na taliwas naman sa gusto ng mga naunang nabanggit na ang gusto ay humiwalay sa bansang Pilipinas at magkaroon ng sariling gobyerno. Subalit nagmadali ang peace talk committee na isa sa mga arbiter ay Malaysia. Sa kabila ng nakaambang banta ng dalawang nabanggit na grupo ay pinipilit ng MILF na tapusin na ang usapan.

Hindi na-neutralize ang MNLF at BIFF sa kabila ng katotohanang tukoy ng sandatahang hukbo ng Pilipinas ang kinaroroonan ng mga ito. Ang ginawa lamang ay lumusob at nagpaulan ng mga bomba sa mga tukoy nang kuta, ilang araw lang at pagkatapos ay wala na. Para lang nagpa-presscon….nagpakita na kunwari ay may ginawa.

Ang pinagtaguan ng foreign terrorist na gumagawa ng bomba sa Maguindanao ay matagal na rin palang tukoy. Bakit hindi hiningi ang tulong ng MILF sa pagdakip dito, upang makapagpakita naman ang huling nabanggit ng taos-pusong kaseryosohan na magkaroon ng katahimikan sa Mindanao? Ang pagkakataong ito ay hindi dapat pinalampas ng peace talk committee bilang pagpapakitang-gilas. Kung sakali, doble pa ang magagawa sana nila dahil matutumbok din nila ang pinagkukutaan pala ng BIFF na itinuturing na ring bandido.

Kung nakayang magkaroon ng malaking SAF contingent na binubuo ng mga pulis upang magsilbi ng warrant of arrest, bakit wala man lang abiso sa sandatahang hukbo ng Pilipinas upang makapagtalaga ito ng air support, sa OIC ng PNP, at lalo na sa kalihim ng DILG na si Mar Roxas? Ano ang hinahabol ng kapulisan sa pagsasariling- kilos? Ayaw nilang makibahagi ng tagumpay, kung sakali, upang masabing sila ay magaling?

Ang sinasabi ay si Purisima daw ang gumawa ng plano at kung nagtagumpay, pambawi daw niya ito sa nasira niyang imahe. At dahil si Purisima ang may plano, dapat alam ng pangulo dahil BFF sila. Nakapagtataka lang dahil kahit suspendido na siya ay kung bakit nakakagawa pa rin ng desisyon. Kung totoo nga ang balita, dagdag sampal na naman ang kapalpakang ito kay Pnoy….na sobra ang pagkabilib kay Purisima. Lumalabas pa na dahil hindi pala alam ni Roxas ang plano, parang binastos siya ng pangulo!…ganoon na ba ka-dispalinghado ang administrasyon ni Pnoy…batbat ng bastusan at kawalan ng tiwala sa isa’t-isa??!!!

Ang isang agam-agam ay baka itimbre lang daw ng MILF ang operation para makatakas ang terorista, dahil mga kamag-anak din nila ang mga miyembro ng BIFF. Sa ganyang agam-agam, malaking problema nga ang usaping pangkapayapaan dahil hindi magkakaroon ng katapusan ang problema na idudulot ng BIFF kahit mapirmahan na ang kasunduan, dahil baka umiral ang ugaling pagsasawalang-balikat.

Dahil malaking poder ang maibibigay sa MILF, na nakapaloob sa usaping pangkapayapaan, hindi kaya gamitin nila (MILF) ito upang makipag-areglo sa MNLF at BIFF upang magkaroon din sila ng malaking bahagi sa pagpapatakbo ng Bangsamoro? Siguradong maraming butas ang kasunduan, tulad ng aspeto sa pagmintina ng hukbong sandatahan, at lalo na sa mga hakbang na gagawin ng Bangsamoro sa pagpapatakbo ng gobyerno nito na ngayon pa lang ay medyo nababanaagan na ng ilang mambabatas.

Magkakamag-anak ang mga miyembro ng MNLF, MILF, at BIFF, kaya hindi maiiwasan ang “pagbibigayan” pansamantala upang matuloy lang ang pagkakasundo sa usaping ng Bangsamoro Basic Law. At, pagkatapos, ano ang garantiya na hindi matatalo ang MILF kung magsanib- puwersa ang MNLF at BIFF upang mag-take over kung sakali? …dapat alalahaning mas matimbang ang dugo kaysa ideyolohiya o pulitika….hindi pa kasama diyan ang Abu Sayyaf na ang pinagmulang ugat ay dating pinagkakatiwalang civilian support group ng sandatahang hukbo ng Pilipinas.

Bilang panghuli, hindi patatalo ang MNLF na pinanggalingan ng MILF, na siya namang pinanggalingan ng BIFF. Kung itinuturing ng MILF na breakaway group nila ang BIFF, sila naman ay itinuturing na breakaway group ng MNLF na siyang original Moro group na may pinaglalabang adbokasiyang para sa kapakanan ng mga taga-Mindanao, na sa kasamaang-palad ay hindi naman kinikilala ng lahat ng pilit nitong sinasakop na bayan at lunsod.