Ang Talumpati ni Pnoy Aquino sa Mamasapano Massacre Anniversary (25 January 2016)

Ang Talumpati ni Pnoy Aquino sa

Mamasapano Massacre Anniversary (25 January 2016)

Ni Apolinario Villalobos

 

Sa pagsalita ni Pnoy Aquino sa anibersaryo ng pagpatay sa SAF44 ngayong araw, 25 ng Enero, ay kung ano-ano na namang matulaing kataga ang binitwan niya. Kaylan kaya titigil ang presidente sa ganitong gawain na bistado namang puro buladas lang? Hindi makakalimutan ang mga binitiwan niyang mga pangako lalo na ang “tuwid na daan”, noong nangangampanya pa lang siya, hanggang sa siya ay umupo na. Pati ang mga “pangako” para sa mga pamilya ng mga pinatay na SAF44 ay hindi pinatawad ni Pnoy dahil sa mga bulilyaso na naman.

 

Ayon sa tatay ng isang pinatay na SAF, iilan lang sa mga pinangakong benepisyo ang kanilang natanggap. Ang pabahay ay maliit at nasa isang liblib na panig ng Laguna at hindi mararating kung walang sariling sasakyan. Ang isang benepisyo para sa dependent ay tahasang sinabi ng pamunuan ng PNP na hindi pwedeng ibigay dahil lampas na sa minimum na gulang ang tinutukoy na dependent, subalit sana ito ay ginawang exemption na lang, dahil gagamitin sa isang hindi pangkaraniwang sitwasyon…subalit hindi nangyari, sa kabila ng pangako ni Pnoy.

 

Hindi makalimutan ang hindi niya pagsalubong nang dumating ang mga labi ng SAF44, pagkatapos ay sasabihin niyang dadalhin daw niya hanggang sa hukay ang sakit na dulot ng nangyari na gusto pa niyang ituring na isang “insidente” lamang, at hindi “masaker”? Dahil sa kasanayan na niyang magbigkas ng mga kasinungalingan, akala niya lahat ng mga sinasabi niya ay totoo….napaniwala niya ang sarili sa ganito. Subalit hindi tanga ang taong bayan upang paniwalaan ang mga sinasabi niya.

 

Upang mabawasan ang bigat ng kanyang mga pagkukulang bilang presidente ay panay paninisi ang ginagawa sa nakaraan administrasyon ni Gloria Arroyo na nagpamana daw sa kanya ng mga kapalpakan. Bakit hindi na lang niya ituwid kung may mali at punan kung may kakulangan, sa halip na siya ay magdadakdak na hindi gawain ng isang lalaking tao, lalo pa at ayon sa kanya ay  “ama” siya ng sambayanang Pilipino? Ang salitang “ama” ay nanggaling din sa kanya dahil sa kahiligan yata niya sa tula, subalit hanggang turing na lang ito, dahil hindi nga niya pinapakinggan ang kanyang mga “boss” na taong bayan, ang bago na namang turing na “ama” pa kaya? Hindi lang tahasang pagbibingi-bingihan ang kanyang ginagawa, kundi pati na rin ang pagbubulag-bulagan, at lalo pa ang pagmamaang-maangan kaya marami tuloy ang nagtatanong kung may presidente ba ngayon ang Pilipinas.

 

Ang pinakamagandang magagawa ni Pnoy upang makabawi sa mga kahihiyan ay huwag nang mangako at bawasan ang paggamit ng mga matalinghagang salita sa kanyang mga talumpati. May panahon pa naman siya upang mabago kahit kapiraso ang pagtingin sa kanya ng sambayanang Pilipino at makakuha uli ng respeto…yan ay kung pakikinggan niya ang mga matitino niyang taga-payo, lalo na ang mga “boss” niya.

Si Pnoy talaga…yun lang pala ang sasabihin, pinatagal pa!…huli na nga, palpak pa rin!

Si Pnoy talaga….yun lang pala ang sasabihin, pinatagal pa!
…huli na nga palpak pa rin!
Ni Apolinario Villalobos

Ang kasabihang “huli man daw at magaling, naihahabol din…” ay hindi nangyari sa talumpati ni Pnoy sa graduation rites ng PNP sa Cavite, March 26, 2015. Lalong marami ang nagalit, at lalong lumabo ang kanyang panig. Ang mga sumusunod ay ilan lamang sa mga puntong binanggit niya at pilit nilulusutan:

1. Hindi niya pagsalubong sa mga bangkay ng SAF 44 upang magpakita ng pakikiramay bilang presidente. Ang paliwanag niya ay upang mabigyan daw ng espasyo ang mga nagdadalamhati at wala rin daw siyang maisasagot kung may magtatanong. Hindi lusot ang paliwanag niya dahil ang mga namatayan ay nakahanda naman kung sasabihin niyang nag-iimbistiga pa, kaya nga ang mga dumalong heneral ay walang narinig na tanong kahit isa. Ang mga heneral, pati si Binay ay nasa tabi lang habang tahimik na nakikidalamhati. Ang pagbibigay ng espasyo bilang dahilan ay hindi rin tanggap lalo pa’t bukambibig niya ang pagiging “ama” daw niya, kaya kung ganoon pala ay dapat lang talagang nandoon siya!

2. Hindi raw siya inabisuhan nang maaga pa lang upang ipaalam na gipit na ang mga SAF commandos, at nang may dumating ay mali naman ang impormasyon, kaya nagalit daw siya dahil sa mga kapalpakan. Sa talumpati niya sa PNP graduation rites, bakit hindi niya diretsong banggitin ang pangalan ni Purisima na siyang pasimuno ng lahat ng kapalpakan? Galit pala siya, bakit wala man lang narinig sa kanya bilang dapat normal na reaksyon noong mga unang araw pa lang? Bakit pinili niyang manahimik kaysa magpaliwanag o magpahapyaw man lang ng galit? Dahil ba ang unang tatamaan ay ang kanyang best friend na si Purisima na pinagkatiwalaan niya sa kabila ng pagiging suspindendo nito? Inamin niya niya na nang magising siya ay saka niya “binuksan” ang kanyang cellphone…ibig sabihin ba ay nagpapatay siya ng cellphone kahit may importanteng operasyon tulad na sa Mamasapano? Iyan ba ang taong may concern o responsible? Di ba dapat ay 24 hours siyang naka-monitor? Talo pala siya ni Gloria Arroyo na halos hindi na natutulog kapag may importanteng activity o bagay na mino-monitor!

3. Hindi siya satisfied sa mga report ng BOI at Senado dahil hindi man lang daw siya ininterbyu. Tinawag pa niyang manghuhula ang mga senador na gumawa ng report. Naman….naman….nasira na naman ang kanyang porma dahil hindi angkop sa isang presidente ang kanyang ginawa. Dapat, sinabi na lang niya na ituloy ang pag-imbistiga upang lalong luminaw ang resulta dahil handa na siyang magbigay ng mga detalya sa abot ng kanyang kaalaman. Sa imbistigasyon ng Senado, sinisisi si Roxas na hindi nagpaabot sa kanya ng abiso para sa interbyu. Bakit hindi niya diretsahang sabihin ito nang magsalita siya sa harap ng mga graduates ng PNP? Hindi ba totoo ang paratang na ito? Putok sa mga balita na noon pa man, ay gusto na siyang isali sa mga kukunan ng detalya pero hindi siya kumilos at nagsabi pa na kung ano man ang resulta ay tatanggapin niya. Bakit ngayon ay bumabaligtad siya? Dahil ba hindi pabor sa kanya ang mga report na nagturo pa sa kanya bilang nangunguna sa mga dapat sisihin?

Ugali na ng taong desperado ang magsabing tamaan man siya ng kidlat, lumubog man siya sa kanyang kinatatayuan, o mamatay man…nagsasabi daw siya ng totoo. Ganyan ang ginawa ni Pnoy nang magsalita sa PNP graduation rites, dahil hindi siya natakot sa pagsabi na sa mata daw ng Diyos, siya ay nagsasabi ng totoo!…kaya tuloy pati mga Obispo ay nagagalit na sa kanya dahil pati ang nanahimik na si Lord ay kanyang sinasangkalan, makapaghugas lang ng kamay! Para niyang tinapunan ang Diyos ng tubig mula sa palangganang pinaghugasan niya ng kanyang mga kamay!

Ang malinaw ngayon, nanantiya at nag-obserba muna siya kung okey lang ang mga ginawa niya sa isyu ng Mamasapano, subalit hindi umobra ang kanyang pagiging anak ng isang bayani daw. Nang malaman niya na hindi pala okey dahil talagang galit ang mga taong ginagawa niyang tanga, natataranta na siya ngayon sa pagpaliwanag. Sorry na lang siya dahil hindi pa rin bumenta ang kanyang gimmick.

Sa pangako niyang sa venue ng graduation ng PNP ang huli na niyang pagpaliwanag tungkol sa Mamasapano massacre, may maniniwala pa kaya sa kanya? Asahan ang isa pang hindi pagtupad ng pangako…dahil siguradong babanat pa rin siya uli ng panibagong “paliwanag” na lalong magpapalabo ng kanyang panig sa isyu ng Mamasapano! At, tulad ng dapat asahan, uulitin niya ang paghingi ng pang-unawa dahil tao lang daw siya!…iba na talaga ang sanay sa pagsisi…..ling!

Yan ang pangulo ng Pinas…malakas ang fighting spirit!…to the max!!!!!!

MAY ISANG SALITANG SINABI SI MOMMY DIONESIA, KAYA LOVE KO SIYA, ITO ANG….NAKAKAHIYA!!!!

Unawain na lang ang Ugali ni Pnoy, hindi man natin ito gusto….pero dapat handa siyang managot pagbaba niya sa puwesto

Unawain na lang ang Ugali ni Pnoy, hindi man natin ito gusto
…pero dapat handa siyang managot pagbaba niya
Ni Apolinario Villalobos

May punto ang isang propesora ng UP na ininterbyu sa pagsabi na huwag pilitin ang pangulo kung ayaw niyang humingi ng tawad dahil sa kapalpakan ng operasyon sa Mamasapano na naging sanhi ng kamatayan ng 44 SAF commandos, at ilang sibilyang lokal na naipit sa palitan ng putok.

Paulit-ulit na pinalulutang ang mga mali ng pangulo, tulad ng: pagbigay ng pahintulot sa suspendidong hepe ng PNP na si Purisima na makialam sa operasyon; pag-etsa puwera kay Roxas na hepe ng DILG at sa OIC ng PNP sa mga huling pakikipag-usap niya kay Purisima at Napeῆas; at ang hindi pagbigay ng karampatang halaga o urgency sa operasyon, kaya hindi niya na-monitor at naging dahilan upang hindi siya makapagbigay ng mas malinaw na desisyon nang maipit na sa Mamasapano ang mga SAF commandos. Sa kabila ng lahat, walang epek sa pangulo ang nangyaring trahedya, kaya ang pinaka-simpleng “I am sorry” ay hindi man lang niya nasambit.

Sa isang talumpati, umasta siyang “ama” na nawalan daw ng mga “anak”….hanggang doon na lang. Ang tinutukoy niya ay ang pagkamatay ng mga SAF commandos. Subalit ang magpakita na siya’y kinokonsiyensiya kaya dapat siyang himingi siya ng pasensiya, ay hindi man lang pumasok sa kanyang isipan.

Ang tingin ngayon ng mga Pilipino sa pangulo ay isang sinungaling. Ang masaklap sa ginagawa niyang pagtatakip sa kasalanan gamit ang kasinungalingan ay lumalala habang naglalabas siya ng mga saloobin na nakaangkla pa rin sa kasinungalingan. Sa halip na mabawasan ang mga kasinungalingan ay lalo pang nanganganak ang mga ito, hanggang sa umabot sa puntong wala nang makitang paraan upang siya ay makabawi, DAHIL SA PAGKAPATONG-PATONG NA NG MGA KASINUNGALINGAN.

Paano niyang i-deny ang mga na-rekord na niyang mga nakaraang talumpati na salungat sa mga kasalukuyan niyang sinasabi? Tulad na lamang ng may lakas-loob niyang pagsabi na ang BOI report ang magbibigay ng linaw sa kaso ng Mamasapano kaya ni hindi na niya kailangan pang bigyan ng kopya nito. Ni hindi siya nagpaunlak ng interbyu at bandang huli, dahil sa ugali niyang paninisi, pati si Roxas ay sinisi, at hindi daw nagparating ng imbitasyon ng BOI sa kanya para sa isang interbyu, ganoong maaari naman talaga siyang magkusa. Ang malinaw ay nag-presume siya na magiging kuntento na ang BOI sa pag-pick up ng mga impormasyon mula sa kanyang mga talumpati. Subalit nang lumabas ang resulta na nagdidiin sa kanya, nataranta yata kaya pinatawag ang BOI sa Malakanyang! Nang mabisto ng media ang miting niya sa BOI at pinasabog ito, napahiya yata kaya, buong “katapangan” na nagsabi ang Malakanyang na hindi nila babaguhin ang BOI report…dapat lang dahil bago nakarating sa kanila ang isang kopya, may nabigyan nang mga ibang tao!

Pwede nang tanggapin ang sinasabi ng Malakanyang na may prerogative si Pnoy o may karapatan sa paraan ng pagbigay ng kautusan na maaaring sumira ng umiiral na “chain of command”, PERO DAPAT IHANDA NIYA ANG SARILI NIYA SA RESULTA AT TANGGAPIN KUNG ITO AY PALPAK KAHIT PA MAY PANANAGUTAN DIN ANG KANYANG INUTUSAN…KAYA, PAREHO SILANG DAPAT MANAGOT…LALO NA SIYA BILANG TAONG NAGBIGAY NG UTOS!

Hindi makakawala sa pananagutan ang pangulo sa kanyang pananagutan dahil sa trahedyang nangyari sa Mamasapano. Hindi siya maaaring maghugas- kamay, dahil kaakibat ng responsibilidad niya bilang lider ang tumanggap ng sisi sa mga bagay na may direkta siyang kinalaman dahil sa prinsipyo ng “command responsibility”.

Ang hinihintay ng maraming Pilipino ay ang pagbato ni Pnoy ng paninisi kay Gloria Arroyo dahil sa nangyaring trahedya sa Mamasapano! Isang classic na kwento yan kung sakali na only in the Philippines mangyayari! Dapat mag-ingat si Pnoy dahil baka mag-krus pa ang kanilang landas pagbaba niya sa puwesto, kung hindi matuloy ang nilalakad na pagpa-confine ni Gloria Arroyo sa kanilang bahay dahil sa lumalala niyang kalagayan.

Wrong Judgment Call, pero walang kasalanan daw si Pnoy…sabi ni de Lima ng DOJ

Wrong Judgment Call, pero walang kasalanan daw si Pnoy
….sabi ni de Lima ng DOJ
Ni Apolinario Villalobos

Ano ba, ate Leila?…wrong ang judgment call ni Pnoy pero sasabihin mong walang kasalanan? Wrong na nga, pero walang kasalanan? Ano yon?….nahihilo na rin yata ang magaling na kalihim ng “Hustisya”. Hindi ba dahil mali ang desisyon ni Pnoy, kaya nagkaroon ng masaker….kaya dapat lang sabihing siya ay may kasalanan? Magtiwala ba naman siya sa isang suspendidong tao na malabo pa sa tubig-pusali ang kredibilidad! ANG KASALANAN NI PNOY AY RESULTA NG KANYANG PAGKAKAMALI SA PAGGAWA NG DESISYON!…..ganoon lang kasimple ang analysis – dahil mali, may kasalanan. Hindi na kailangang maging abogado, mag-Masters, mag-Doctorate o magtapos sa kung anong mga unibersidad pa upang maisip ito. Ang desisyon ni Pnoy ay galing sa sarili niyang utak, hindi sa ibang tao, kaya hindi sana siya nagtuturo pa ng iisang tao, habang nag-aabsuwelto naman ng kanyang best friend.

Wala daw “chain of command” ang PNP sabi pa ni de Lima, dahil pang-military lang ito at ang PNP ay ahensiyang sibilyan. Ilang mga respetadong tao na ang nagsabi na ang chain of command ay kapareho lang ng “flow of responsibility” na malinaw na pinapakita ng isang organizational flow chart ng lahat ng mga ahensiya o kumpanya. Malinaw na kinausap ni Pnoy si Purisima at Napeῆas, prerogative man niya man ito na sinasabi ng iba, dapat ay panagutan niya (Pnoy) kung ano ang resulta. Bakit pinipilit ni de Lima na maging “literal”, makadulot lang siya ng kalituhan? Dapat tumigil na siya sa kanyang trying hard na approach upang magpakita ng “galing” kuno.

Ang dapat gawin ni de Lima ay payuhan si Pnoy na bigkasin naman nito nang malinaw ang pangalan ni Purisima na isa sa mga may kasalanan din, tuwing magbukas siya ng mga bibig upang magsalita tungkol sa Mamasapano masaker, hindi yong si Napeῆas na lang palagi. Hindi naman tanga ang mga Pilipino upang hindi maunawaan ang mga nangyari dahil sa dami ng mga katotohanang lumulutang, salamat sa media.

Ang mali ni de Lima ay ang panggatong niya sa isyu. Tumahimik na lang sana siya, pero atat yata sa media mileage, kaya halos hindi ina-analyze ang mga sinasabi. Pinipilit na nga ng mga Pilipinong kahit papaano ay unawain si Pnoy sa ugali nito na hindi marunong mag-sorry, nanggatong na naman siya kaya lumaki na naman ang naglalagablab na galit ng mga pilit nilang lokohing mga tao. Nagdrama pa ang Malakanyang upang maawa ang mga Pilipino kay Pnoy – may sakit daw ito….wow namang strategy yan – hindi nakuha sa panloloko ang mga Pilipino, kaya dinaan nila sa kurot sa puso!!!

Hindi daw Masaker and Nangyari sa Mamasapano…sabi ni Rosales ng CHR

Hindi daw Masaker ang Nangyari sa Mamasapano
…sabi ni Rosales ng CHR
Ni Apolinario Villalobos

Paano kaya ginawa ng CHR ang kanilang imbestigasyon sa Mamasapano? Kahit kaylan talaga, ang ahensiyang ito ay palaging wala sa tono. Ang “mis-encounter” na pinagpipilitin ni Rosales ay hindi rin katanggap-tanggap dahil maaga pa lang ay alam na ng MILF na mga pulis ang kanilang kaputukan. Hindi itinigil ng MILF ang pagpapaputok kahit ang SAF ay tumigil na dahil akala nila ay kinilala na sila ng MILF. Nang lumabas ang mga pulis mula sa taniman ng mais na nakataas ang mga kamay, pinaputukan pa rin sila. Nang bumagsak na ang mga SAF commandos, tinaggalan sila ng bullet-proof vest at pinagbabaril pa rin. May isa pang video na naging viral sa internet na nagpakita ng pagbaril sa isang SAF sa ulo nito ng malapitan. Sa kabila ng mga nabanggit, sinasabi sa report ng CHR na walang masaker na naganap!……ganyan ka-“galing” ang mga ahensiya ni Pnoy!

Sa trahedya na dulot ng bagyong Yolanda, walang ginawa si Rosales upang matulungan ang mga inaping biktima na hindi nakatikim ng tulong dahil sa kapabayaan ng mga ahensiya ng gobyerno. Hindi rin nito pinakialaman ang panloloko sa pagpapatayo ng rehabilitation facilities dahil sa paggamit ng sub-standard na mga materyales. Ang mga pagpapabayang ito sa mga inaping Pilipino ay hindi ba pagyurak sa kanilang karapatan? Bakit hindi man lang kumibo si Rosales at ang CHR niya? Dahil ba BFF niya si Soliman?

Sa Maguindanao massacre, ano ang ginawa ni Rosales? Naghuhumiyaw ang mga ebidensiya ng hindi makataong pagpatay sa mga taong inosente. Bakit hindi tumulong si Rosales sa pakikipaglaban para sa mga naulila ng mga biktima upang lalong bumigat ang kaso ng mga Ampatuan at mga kasabwat nila? Hindi ba niya naisip na kung kikilos siya, maaaring makahingi ng tulong sa international community o kasama nilang ahensiya sa ibang mga bansa upang ma-pressure ang gobyerno ng Pilipinas sa pagpabilis ng paglitis na sa ngayon ay usad-pagong? Takot ba siya sa mga Ampatuan?

Bakit hindi tutukan ni Rosales ang mga overstaying na mga nakakulong sa Bilibid at iba pang kulungan sa buong bansa, na karamihan ay matatanda, ang iba ay may malalang sakit at halos mamatay na? Lumutang na ang iba sa mga ito ay natalo sa kaso dahil walang pambayad sa abogado. Bakit hindi niya “linisin” ang record ng mga pasilidad na ito upang mabawasan ang laman ng mga kulungan upang lumuwag ang mga ito? Hindi ba makataong karapatan ng mga nakakulong ang magkaroon ng maayos na kulungan kung ang gamit ng correction facilities na ito ay mabago ang takbo ng kanilang buhay tungo sa kabutihan? Malilipatan ang Bilibid sa Nueva Ecija, pero paano ang ibang kulungan? Ayaw ba niyang mag-inspection sa mga kulungan dahil nandidiri siya?

Ano ba talaga ang papel ng CHR na ang ibig sabihin ay COMMISSION ON HUMAN RIGHTS? Hanggang ngayon ay marami ang hindi nakakaunawa kung ano ang kanilang pinaggagawa. May mga sitwasyon na dapat nilang pakialaman subalit hindi nila ginagawa dahil siguro maigsi lang ang media mileage.
Ngayon, tatlo na ang mga babae sa administrasyon na friends ng MILF – sina Ferrer, Deles, at Rosales. At kung questionable performance naman ang pag-usapan, apat na silang babae….. pang-apat si Soliman.

Ang Katagang “Sorry” ay may Dalawang Kahulugan- pakikiramay at pagtanggap ng kasalanan

Ang Katagang “Sorry”
ay may dalawang Kahulugan –
pakikiramay at pagtanggap ng kasalanan
Ni Apolinario Villalobos

Kapag sinabi ng isang tao na “I am sorry”, ibig sabihin ay nasa sitwasyon siyang “sorrowful”, o sa Pilipino ay “kalungkutan”. Nangangahulugang siya ay nagsi-“sympathize” o “nakikiramay” sa taong nakadanas ng trahedya. Kaya sa pakikiramay ay pwedeng sabihing, “nalalungkot ako sa nangyari sa iyo”. Sa Ingles naman ay, “I am sorry that it happened to you”.

Ang isa pang kahulugan ng salitang nabanggit ay pag-amin ng kasalanan, pero may kaakibat na magandang kahulugan kung dudugtungan sa Ingles ng “…..it will never happen again”. Sa Pilipino naman ay, “….hindi na ito mauulit”.

Batay sa nabanggit ko, sana ay ginawa na lang ni Pnoy ang nasa unang nabanggit na paragraph. Para safe siya, pwede niyang paunahan ang kanyang sasabihin sa Ingles na “I am sorry”, at dugtungan ito ng Pilipino na, “…..talagang, nalulungkot ako sa trahedyang nangyari sa 44 na SAF commandos sa Mamasapano…..kaya nakikiramay ako sa mga naulila”. Tapos na sana ang kulitan na siya ay dapat mag-sorry. Nasabi na sana niya, pero pakikiramay ang dating, hindi pakita ng “guilt” o pag-amin ng kasalanan! Pero kahit pakikiramay ay wala yata sa bokabularyo ni Pnoy….nakakalungkot talaga!…and, I am so sorry for that!!!!

Ang nasa pangalawang paragraph naman ay talagang imposibleng masasabi ni Pnoy, dahil ang “pag-sorry dito ay dapat dugtungan ng “….hindi na ito mauulit”, na malabong mangyari. Batay sa maikling kasaysayan ng kanyang administrasyon, ni isang kapalpakan ay wala pa kasi siyang sinosorihan….kaya, sori na lang ang mga Pinoy!

Sa mga bomoto sa kanya, it is too late to say, “ I am so sorry, I did it”. Kaya ngayon, lahat ng mga Pilipino ay malungkot at nagsisisi na lang. Talagang ang pagsisisi ay palaging nasa huli!

Pagkatapos ng Mamasapano Massacre…isusumpa ng mga tanga ang cellphone

Pagkatapos ng Mamasapano Massacre
…isusumpa ng mga tanga ang cellphone
Ni Apolinario Villalobos

Isang gadget na pang-status symbol ang cellphone, lalo na sa kabataan. Yong iba nga dinidespley pa ang mahal nilang cellphone kaya kapag inagawan ay walang magawa kung hindi man magsisigaw ay tatanga na lamang. Pahamak ang cellphone dahil mitsa din ito ng buhay.

At lalong pinakita ng cellphone ang pagiging instrumento nito ng “kapahamakan” tulad ng nangyari sa Mamasapano. Dahil gumamit si Pnoy, Purisima, Napeῆas, at iba pang opisyal ng kapulisan at military, nairekord tuloy ang kanilang usapan. Nabisto ang kata…..han ng mga nagpipilit na walang kinalaman, lalo na ang naghuhugas-kamay. Siguro ngayon, ang mga taong ito ay nanginginig kapag nakakita ng cellphone!

Ayaw ko nang banggitin kung sino ang mga tanga sa paggamit ng cellphone sa isang maselan na operasyon dahil tulad ng sinabi ko noon sa isa pang blog, maaari itong i-disable gamit ang isa pang instrument, o di kaya ay magiging inutil kung palyado ang signal sa lugar kung saan ito ginagamit. May radyo naman pala at via satellite pa ang signal, ay kung bakit hindi ginamit. Talagang matalino ang Diyos na hindi na rin siguro makatiis dahil ang mga katangahan, kaluwagan, kahinaan, kalamyaan, inggitan, at kabobohan ay abot-langit na!

Ginamit ko lang ang salitang “tanga” na ginamit ng isang tao sa pag-alipusta at pag-aakusa sa isa pang tao. Binabalik ko lang sa kanya ang salita, sa ngalan ng “Golden Rule” (huwag mong gawin sa iba ang ayaw mong gawin ng iba sa iyo)….sana ay maunawaan ako ng makakabasa at huwag sana nilang isipin na mahilig ako sa ganitong klaseng katangahan!

Dapat Tumahimik si Archbishop Tagle sa issue ng Mamasapano

Dapat Tumahimik si Archbishop Tagle
sa issue ng Mamasapano
ni Apolinario Villalobos

Dapat tumigil na si Obispo Tagle sa pakikisawsaw sa isyu ng Mamasapano. Bilang pinakamataas na opisyal ng simbahang Katoliko, dapat ay tumahimik na lang siya dahil inaasahan siyang nasa gitna. Hayaan na lamang niya ang iba pang mga taga-simbahang Katoliko na hindi naman pinaniniwalaan mula’t sapol.

Hindi pwedeng sabihin ng Obispo na dapat daw ay pagkatiwalaan ang MILF. Dapat maliwanagan ang Obispo na ang kinukwestyon ay ang mga taong namumuno sa MILF, hindi ang MILF bilang grupo. Kilala ba niya ng personal ang mga namumuno sa grupo kaya nagbitaw siya ng ganoong salita? Dahil sa kuwestiyonableng layunin ng mga namumuno, nalagay sa balag ng alanganin ang Bangsamoro Basic Law (BBL). Marami silang inilagay na mga alituntunin na kuwestiyonable na hindi man lang nasita ng mga representante ng gobyerno na sina Deles at Ferrer – yon ang isyu.

Bakit walang taga-simbahan ng Katoliko sa “prayer meeting” sa Malakanyang noong March 9, 2015? Dapat ang Obispo ay nandoon upang nakapagtanong man lang siya sa ngalan ng kanyang mga “tupa” na galit sa presidente, at upang lalong “tumibay” ang pagkabilib niya sa pangulo na gustong paaprubahan ang BBL na walang babaguhin sa kabila ng nakakalinlang na mga probisyon, kaya labag sa Saligang Batas ng bansa. Nasaan ang Obispo noong March 9, 2015? Hindi ba siya imbitado, dahil wala nang bilib sa simbahang Katoliko ang presidente?

Mabuti pa ang lider ng Jesus is Lord Movement (JILM), na si Villanueva, na maliban sa pag-emcee ay nagbigay pa ng mungkahi na sana ang probisyon tungkol sa religious freedom ay mabigyan ng “ngipin” at “laman” o substance, upang lumabas na hindi lamang ito hanggang sa papel. Sa kasamaang palad, bilang sagot ay binasa lamang ng pangulo ang “preamble” ng BBL na wala namang laman. Kaya tulad ng dati, parang wala ring kinahinatnan ang mahalagang tanong. Ang gusto lang sanang mangyari ni Villanueva ay hindi ma-prosecute ang mga hindi Muslim sa isang region ng mga Moro, lalo na ang mga Kristiyanong misyonaryo at misyonarya. Sa ginawa ng presidente malinaw na hindi ito nagpakita ng pag-alala, na lalong nagpatibay sa paniniwala ng mga nakarinig sa sinabi niya, na talagang wala siyang pakialam kung ano man ang kahihinatnan ng mga gusto niyang mangyari tulad ng pagpapatupad ng BBL.

Paalala lang… isa sa dahilan kung bakit kailangang ma-define na mabuti ang Islamic Region kaya ang pangalan ay “Bangsamoro” ay upang mapaigting pa ang kampanya na “balik-Islam”, isang world-wide movement. Sana ay hindi magkaroon ng negative “religious competition” between Christians and Muslims sa magiging region na Bangsamoro. Ito sa palagay ko ang dahilan kung bakit nagmungkahi si Villanueva ng JILM na dapat specific ang mga provision sa BBL tungkol sa “religious freedom”. At, ito ang hindi naiintindihan ng presidente, ni Ferrer at Deles.

Kung nasa “prayer meeting” si Obispo Tagle, sana ay harap-harapan niyang narinig ang pag-alipusta ng presidente kay Napena nang mistulang duruin niya ito sa pamamagitan ng mga bintang dahil ito raw ang talagang dapat sisihin sa Mamasapano massacre, samantalang ni hindi man lang nabanggit ang best friend nito na si Purisima na nakialam kahit suspendido.

Kung gusto ng Obispo na hindi siya maipit sa palitan ng mga masasakit na pananaw tungkol sa Mamasapano massacre, lalo pa at wala naman siyang masabing malinaw, dapat ay tumahimik na lang siya. Iba ang ginagawa ng Santo Papa na gusto yatang gayahin ng Obispo. Ang Santo Papa ay nagbabahagi ng mga makatotohanang pananaw dahil batay ang mga ito sa mga talagang nadanasan niya. Meron ba siyang mga karanasang tulad ng sa Santo Papa? Kung wala, tumahimik na lang siya, at atupagin ang pagbabago sa simbahang Katoliko upang mabawasan ang mga lumilipat sa mga bagong sektang Kristiyano, lalo na sa Islam, dahil sa panawagang “balik-Islam”.

Bakit sa Bakuran ng Malakanyang Nagpahayag si Pnoy ng “Katotohanan” tungkol sa Mamasapano massacre?…at bakit huli na?

Bakit sa Bakuran ng Malakanyang Nagpahayag si Pnoy ng “katotohanan”
tungkol sa Mamasapano massacre?…at bakit huli na?
ni Apolinario Villalobos

Ang sinisisi ngayon ng taong bayan sa mga nangyayari kay Pnoy ay ang kanyang mga walang binatbat daw na mga tagapayo. Kung hindi kasi ampaw ang kanyang mga sinasabi ay palaging huli na tulad ng talumpati niya sa “prayer meeting” sa bakuran ng Malakanyang noong March 9, 2015. Sa unang putok ng eskandalo ng Mamasapano massacre, inamin niya ang responsibilidad at hindi niya dinamay si Purisima, habang si Napeῆas naman ay abut-abot ang pag-emote sa pag-amin din ng responsibilidad. Ito ay kahit na ang mga pahayag niya (Napeῆas) sa isang imbestigasyon ay nagtuturo din kay Purisima bilang sangkot dahil sa pakikialam kahit na suspendido. Pagkatapos ng pag-amin ng presidente, ay wala na siyang sinabi pa kaya nabitin ang mga Pilipino dahil hindi siya nagpaliwanag nang maayos o sa malinaw na paraan. Payo kaya ng mga “adviser” niya?

Nang lumutang ang posibilidad na maaaring madagdag sa kaso niyang illegal na paggamit ng DAP ang isyu sa “command responsibility” niya sa Mamasapano massacre ay tila nagpahapyaw na ito ng pagbago sa kanyang binitiwang pag-amin, hanggang humantong sa pagbitaw niya kay Purisima na itinuro niyang may kasalanan tulad ni Napeῆas. Malamang ay nabahala na siya dahil baka matulad siya kay Gloria Arroyo. At sa pinakahuling drama niya sa Malakanyang nang mag-organize ang mga tauhan niya ng “prayer meeting”, lalong naging 360 degrees ang kanyang pag-ikot, dahil direkta na niyang sinabi na wala talaga siyang kasalanan at ang itinuturo na lang ay si Napeῆas na nanloko pa sa kanya…si Purisima naman ay nabura sa kanyang talumpati dahil hindi nabanggit na may kasalanan din! Mistulang inabsuwelto niya ito…sinadya kaya ng script writer niya?

Ang mga umatend ng “prayer meeting” ay napakaraming pastor ng iba’t ibang born-again Christian movements at mga sektang Protestante…wala ni isa mang Katolikong pari. Kaya siguro malakas ang loob ng presidenteng magsabi ng “katotohanan” dahil ang turing niya sa mga umatend ay mga kakampi niya. Ang ibang pari kasi na Katoliko ay bumabatikos sa kanya at nagpapababa pa nga sa kanya sa puwesto!

Dapat ay umatend ang Obispo ng mga Katoliko na si Tagle dahil bilib naman siya sa presidente, at nakadagdag sana siya sa bilang ng mga kakampi nito. Ang talumpati niya ay halatang itinayming upang magamit na batayan sa ginagawang “summary of facts” ng Board of Inquiries” (BOI) ng PNP. Malamang huli na nang pumasok itong ideya sa utak ng kanyang mga “advisers” kaya tatlong beses na-postpone ang pag-submit ng report ng BOI. Subalit saan mang anggulo titingnan ang strategy ng Malakanyang ay dispalinghado naman dahil mas naunang nagsabi ng “katotohanan” si Napeῆas sa harap nina Mar Roxas, mga opisyal ng PNP at military. Akala siguro ng “advisers” ni Pnoy ay bright na sila at mailulusot na nila ito!

May script kaya ang okasyon? Kung meron man, may isang pastor na hindi siguro nabigyan ng kopya dahil nagtanong pa ito tungkol sa love life ng presidente na sa pagkakaalam ng mga Pilipino ay isa sa pinakaiiwasang topic. Kaya ang mga reporters sa Malakanyang ay bawal yatang magbanggit sa kanya ng nabanggit na dalawang bad words. Sana, nagtanong na lang ang pastor ng tungkol kay Gloria Arroyo at siguradong aabutin ng takipsilim ang sasabihin pa ng presidente….magiging masaya ang okasyon dahil aabutin na ng hapunan!…Sayang!

Sinabi ng pangulo hindi na mauulit ang “panloloko” sa kanya ni Napeῆas. Bakit? Si Napeῆas lang ba, kung totoo man ito? Bakit hindi niya buksan ang kanyang mga mata upang makita niya kung anong uri ng mga tao ang nakapaligid sa kanya na patuloy na nagdidiin sa kanya upang lalo pa siyang lumubog? Siguro dapat kurutin din niya ang kanyang sarili upang siya ay magising…

Binola Daw Siya ni Napenas…sabi ni Pnoy…..owww, talaga?

Binola Daw Siya ni Napeῆas…sabi ni Pnoy
…owww, talaga?
Ni Apolinario Villalobos

Ang isang libro ay may “preface” o “introduction”, ito ang nagpapaliwanag sa pinakamaiksing paraan kung ano ang aasahan ng mambabasa. Sa libro ng kuwento tungkol sa Mamasapano massacre ay mayroon din – ang talumpati o “paliwanag” ni Pnoy sa “prayer meeting” sa Malakanyang kahapon, March 9, 2015. Sa kanyang talumpati ay lalo niyang idiniin si Napeῆas na siyang may kasalanan, kaya kahit hindi niya diretsong binanggit, parang inabsuwelto na niya si Purisima na nakialam kahit suspendido. Sa naunang blog ko tungkol sa isyung ito binanggit ko na upang malubos ang paghuhugas-kamay niya sa pagbitaw kay Purisima, dapat idiin niyang lalo si Napeῆas, na dapat ay lumabas na ultimate na may kasalanan ng lahat….na ginawa na nga niya sa “prayer meeting”.

Maaaring ang “prayer meeting” sa Malakanyang na ang magbibigay “linaw” kung bakit na-delay ng tatlong beses ang report ng Board of Inquiry (BOI). Sa pinakahuling pangako ng Board na may tunog paniniguro ay sa Lunes o kahapon, March 9, 2015, na nila isa-submit ang report na gagawing isa sa pagbabatayan ng conclusion ng mga hearing ng Senado at pagsisimula na naman ng hearing ng Congress, subalit hindi nangyari at humingi uli ang BOI ng matagal na palugit. Inamin ng BOI na mga “facts” lamang ang kanilang ire-report. Ibig sabihin ay isa-“summarize” lamang nito ang mga resulta ng kanilang mga inquiries…walang analysis upang makagawa sila ng conclusion. Kung ganoon lang pala ang mangyayari, bakit natatagalan ang BOI sa pagsumite?

Hindi maiwasan ang speculation na dinodoktor ng Malakanyang ang mga “facts” upang mapalabas na walang kasalanan si Pnoy, kaya ito (Malakanyang) ang sinasabi ngayon na nasa likod ng pagka-delay ng pagsumite ng BOI summary. At, upang hindi mabigla ang taong bayan, nag-organize ang Malakanyang ng “prayer meeting” na magsisilbing “venue” ni Pnoy kung saan ay ilalahad niya ang lahat ng nalalaman niya – kuno. Kaya maituturing na talumpati niya ang magsisilbing “introduction” o “preface” ng BOI summary. Lumabas man ang “summary” report ng BOI, tanggal na ang mga “facts” na mag-uugnay kay Pnoy. Dapat kasing tumugma ang BOI “summary” sa mga sinabi ni Pnoy sa “prayer meeting” kaya dapat mauna ito kaysa BOI summary. Dahil sa nangyari, asahan nang sisentro ang BOI summary sa paninisi kay Napeῆas …na dasal ng mga taga-Malakanyang ay mag-aabsuwelto kay Pnoy at kay Purisima!

Subalit nakalimutan yata ng Malakanyang ang tungkol sa unang recorded investigation na ginawa kay Napeῆas ng mga representatives ng PNP, AFP at ni Roxas. Ginawan ito ng report ng ABS-CBN, at doon ay ibang-iba ang mga sinabi ni Napeῆas sa mga sinabi ni Pnoy sa “prayer meeting”. Ibig sabihin ay naunahan ni Napeῆas si Pnoy sa paglahad ng “katotohanan” sa likod ng Mamasapano massacre. Kaya hindi dapat umasa si Pnoy na 100% siyang paniniwalaan ng taong bayan. Ang isa pa, makailang beses nang nagsinungaling si Pnoy at mahilig maghugas ng kamay, kaya sa pagkakataong ito, paniniwalaan pa kaya siya ng taong bayan?

Kawawa si Pnoy dahil para siyang nakatayo sa kumunoy at ang mga salita niya ang nagbibigay ng bigat sa kanya, kaya habang nagsasalita siya tungkol sa kahit anong bagay ay lalo lamang siyang lumulubog. Baka, bago sumapit ang 2016, ay sisinghap-singhap na siya!
Maganda sana kung lumapit din si Napeῆas sa mga kamag-anak ni Pnoy upang humingi ng tulong…o di kaya ay sa asawa ni Clooney na isang international human rights lawyer, tulad ng ginawa ni Gloria Arroyo….wild suggestion lang ito. Ang dapat gawin ni Pnoy ngayon ay huwag niyang isama sa mga paninisi niya ang asawa ni George Clooney na international human rights lawyer, tuwing sisihin niya si Gloria Arroyo. Malay natin, baka after 2016, humingi din ng tulong si Pnoy kay Mrs. Clooney, at kung bakit, hindi ko na babanggitin…wild speculation lang din ito!