Pol Saulog at Magno Padua…mga bukod-tanging kaibigan sa Cavite

POL SAULOG AT MAGNO PADUA

…mga bukod-tanging kaibigan sa Cavite

Ni Apolinario Villalobos

 

Nakilala ko si Manong Pol nang tumira ako sa isang subdivision sa Cavite. Sa simula ay simpleng batian lang ang aming ginagawa tuwing kakain ako o uminom ng beer sa kanyang “native style” na restaurant sa labas ng aming subdivision. Mahilig siyang magluto ng mga pagkaing Kabitenyo subalit hindi niya ako inaalok ng mga ito dahil nalaman niyang vegetarian ako. Nakilala ko rin ang kanyang mga anak at asawa na naging malapit sa akin. Hindi ko binigyang pansin ang tikas ng kanyang personalidad sa simula sa kabila ng artistahin niyang mukha. Nagulat na lamang ako nang malaman ko sa ibang kaibigan niya na lumalabas pala siya sa pelikula ni Ramon Revilla kasama ang isa pang kaibigan ko sa lugar ding yon na si Ding Santos.

 

Hindi palasalita si Manong Pol kaya karamihan ng mga kuwento tungkol sa kanyang buhay ay sa kanyang mga kumpare ko nalaman. Napansin niya ang pagiging galante ko noon sa inuman kaya pinayuhan niya akong maghinay-hinay sa paggastos sa alak at piliing mabuti ang mga taong gustong makipagkaibigan sa akin. May laman ang kanyang sinabi at napatunayan ko makalipas ang maraming taon. Nagsilbi siyang “kuya” ko sa lugar namin, at ang samahan namin ang nakatulong upang respetuhin din ako ng mga nagrerespeto sa kanya.

 

Maaga ako noong pumasok sa opisina na nasa Roxas Boulevard, sakop ng Ermita. Madaling araw pa lang ay nasa highway na ako at nag-aabang ng masasakyag dyip. Madalas akong madaanan nina Manong Pol at ng kanyang asawa na araw-araw namang pumupunta sa Maynila kaya nai-aangkas nila ako sa kotse nilang Mustang, isang collectible na edition. Ibinababa nila ako sa mismong harapan ng S&L Building kung saan ako nag-oopisina.

 

Bukod sa restaurant sa labasan namin, may tindahan pa rin sina Manong Pol sa kanilang bahay na katabi ng subdivision namin, kung saan ako umuutang ng kaha-kahang beer na nilalatag ko sa mga kaibigan tuwing mag-inuman kami. Nagtapat siya minsan na ako lang ang pinagbubuksan niya ng tindahan kahit alanganing oras tuwing ako ay tatawag upang umutang ng beer. Sinabi din ito sa akin ng mga kumpare niya na hindi niya pinagbibigyan kahit sa tagal na ng kanilang samahan.

 

Nang panahong yon, kailangan kong makisama sa mga taong nakatira sa paligid ng subdivision namin dahil sa katungkulan ko bilang presidente ng homeowners’ association. Sa pagkakataong ito ko nakilala din si Magno Padua, na nirerespeto sa lugar namin. Bukod sa kanya ay nakilala ko rin ang kanyang mga kapatid na sina Tomas, Budjo, Emo, Tura at  Millie. Namayapa na sina Tomas, Emo, at Millie. Noong buhay pa ang nanay nina Magno, ipinaghahanda niya ako ng hiniwa nang malalaki na patola na niluluto niya sa  bawang. Ang ulam ay masarap sa kabila ng payak na pagkaluto sa bawang, lalo na ang sabaw na manamis-namis pa.. Masipag magtanim ang magkakaptid ng gulay na binibenta din nila sa palengke ng Zapote kaya sagana ako sa gulay tuwing pupunta ako sa kanila.

 

Dahil ako ay dayo sa lugar na tinirhan ko malaking bagay ang nagawa ng pakipagkaibigan ko sa mga nabanggit. Kung anong respetong ipinakita sa kanila ay ipinakita at pinadanas din sa akin ng mga naging kaibigan kong nakakakilala sa kanila. Marami rin akong natutunan sa kanila lalo na sa pakikisama sa ibang tao, higit sa lahat ay ang pagpapairal ng ugali sa paraang walang kayabangan. Napansin ko na sa mga kasayahan, kalimitan ay nasa tabi lamang sila at hindi nagbabangka o nagpapasimula ng kuwentuhan. Kung uminom man ng alak ay yong tipong, pang-sosyal, hindi laklak.

 

Parehong biyudo sina Manong Pol at Magno, magkasing-edad sa gulang na mahigit sitenta pero matitikas pa rin. Nagkikita kami ni Manong Pol kung siya ay masumpungan ko sa tinitirhan ng kanyang anak, dahil nakatira na siya ngayon sa isa pang bayan ng Cavite mula noong mamatay ang asawa niya. Si Magno naman ay pinapasyalan ko tuwing may panahon ako dahil hindi kalayuan ang tinitirhan niya mula sa amin.

 

Ang mga tinukoy ko ay halimbawa ng mga taong hindi ko makakalimutan dahil sa maganda nilang asal kahit hindi nakatuntong ng kolehiyo. Lutang na lutang ang bukod-tangi nilang pagkatao kahit sa umpukan dahil sa ugali nilang higit pa sa ilang nakatapos sa malalaking unibersidad…kaya dapat tularan.

Magno Padua: Matatag na Ama ng Tahanan at Mapagkakatiwalaang Kaibigan

Magno Padua: Matatag na Ama ng Tahanan

At Mapagkakatiwalaang Kaibigan

Ni Apolinario Villalobos

Ang pagkatatak ng pangalang nabanggit sa titulo ay hindi na maaaring mawala sa diwa ko. Simula nang ako ay tumira sa isang bahagi ng dating Barangay Real 1, at ngayon ay Real 2 na, siya ay naging kaagapay ko bilang presidente ng aming homeowners’ association, na ang mga miyembro ay iilang pamilya lamang noong dekada otsenta. Iilang bahay pa lamang ang may kuryente at ang paligid namin ay bukid, kaya balot ng pusikit na kadiliman kung gabi.

Isa si Magno sa mga tumatanggap ng kontrata noon sa pag-ayos ng mga low-cost housing shell na ipinasa ng developer sa aming mga homeowner. Kasama ang mga kapatid na sina Budjo, Emo, at Tura, naglalatag sila ng tiles, mga kawad para sa electrical connections, at nagpipintura.

Hindi kalaunan ay inimbita niya akong mamasyal sa kanilang bahay sa “bukid” na nasa likod ng subdivision, na upang marating ay kailangang dumaan sa mga pilapil. Dahil mahilig ako sa kalikasan, napadalas ang pasyal ko sa kanila, lalo na naging malapit na rin ako sa kanyang nanay, si Inang Bidang at yumaong kapatid na si Mely. Lalo akong nawili dahil tuwing nasa kanila ako, pinagluluto nila ako ng upo na sinahugan lamang ng bawang. Sa kanila ko rin natikman ang manggang inatsara sa bawang, hugas-bigas, at asin. Ang ibang gulay na inihahanda nila para sa akin o pinapadala sa bahay ay galing naman sa taniman ng namayapa niyang kapatid na si Tomas.

Sinadya kong dalasan ang pagpasyal sa bukid upang ipakita sa mga kapitabahay ko na kailangang makisama sa mga taong nakapaligid sa amin upang hindi kami pangilagan o pag-isipan na mapangmataas.  Sa kagustuhan kong magkaroon ng magandang samahan sa pagitan namin at nina Magno, pinangunahan ko ang pagpakita ng tiwala sa pamilya at mga kapitbahay niya, na tinumbasan din nila ng kahalintulad na tiwala. Dahil dito, madalas kong sinadyang umuwi ng dis-oras ng gabi mula sa bukid upang ipakita na ligtas ang paligid namin.

Si Magno ang ang naging tulay namin sa pakikipag-ugnayan sa iba pang mga nakatira sa aming paligid na karamihan ay may kaalaman sa pag-ayos ng bahay. Dahil sa nabuong magandang samahan, sa pangunguna ni Magno, nakipag-bayanihan ang mga kapatid, kamag-anak, at kumpare niya nang gawin ang unang basketball court, multi-purpose hall, at tulay na gawa sa dalawang malaking poste ng kuryente.

Sa pakikipag-usap ko sa mga nauna sa amin at nakatira sa isang katabing subdivision, nalaman kong itinuturing pala nilang “kuya” si Magno. May nagkuwento pa na pinapasakay raw siya ni Magno sa kalabaw tuwing mamasyal siya sa bukid, na ginagawa niya tuwing hapon pagkagaling sa eskwela.  Pahingahan din daw nilang magbabarkada ang bahay nina Magno kung sila ay manghuli ng ibon, gagamba at dalag sa mababaw na ilog. Marami pa akong kuwentong narinig tungkol sa magandang pakisama sa kanila ni Magno at ng kanyang pamilya.

Hindi nakatapos sa kanyang pag-aaral si Magno dahil sa kakapusan ng pantustos, at lalong dahil kailangang pagtulungan nilang magkakapatid na linangin ang malawak na lupang kanilang sinasaka noon bilang mga “tenant” nang mamayapa na ang kanilang ama. Pagkatapos ng taniman ng palay, upang kumita ng dagdag na pantulong sa kanyang pamilya dahil siya ang panganay, namasada rin siya ng dyip.

Makulay ang buhay ni Magno, subalit naging tapat siya sa mga kinasama niya lalo na sa kanyang asawang si “Baby”. Wala siyang inilihim, kaya nitong huling mga araw ay nagkakakontakan sa isa’t isa ang kanyang mga anak. Nakita ko ang katatagan ni Magno bilang ama ng tahanan, nang panahong naghirap sila dahil sa madalang niyang trabaho at si “Baby” naman ay may diabetes at sakit sa puso. Maliban sa pag-eekstra sa pagpasada ng dyip, tumanggap din siya ng kontrata sa pagmaneho ng kotse, na nagpahina ng kanyang pulmon, subalit hindi niya pinaalam sa kanyang pamilya. Nalaman ko lang nang pinilit ko siyang magtapat nang minsang mag-usap kami dahil napansin ko ang pagkahulog ng kanyang katawan at pamumutla.

Nang pumanaw si “Baby”, lalo pang nagpakita ng katatagan si Magno sa kanyang mga anak. Pinilit niyang ipagpatuloy ang pagtanggap ng mga kontrata sa pagmaneho kahit nararamdaman niya ang patuloy na panghihina ng kanyang katawan. Ang mga anak naman niya, maliban sa bunso, ay tumigil sa pag-aaral upang magtrabaho.

Ngayon, nakakaraos ang pamilya niya kahit papaano dahil sa isang anak na nagtatrabaho sa ibang bansa. Hindi na siya pinayagan ng kanyang mga anak na magmaneho, at upang malibang ay tinuruan siyang mag-facebook ng mga ito gamit ang cellphone na bigay ng isa niyang anak. Napabuti rin ang pagpi-facebook niya dahil nakontak siya ng iba niyang kamag-anak na nasa ibang bansa at probinsiya.

Tiwala at respeto sa isa’t isa ang pundasyon ng pagiging magkaibigan namin ni Magno na bilang pinakamatanda sa kanilang angkan sa barangay ay itinuturing nilang “ama”. Dahil sa nasabing pagkilala, nilalapitan siya upang mamagitan sa mga hindi nagkakaunawaang mga kamag-anak pati mga kaibigan. At ang nakakabilib ay ang ugali niyang hindi mapang-abuso sa mga kaibigan na hindi man lang nakarinig sa kanya ng kapirasong himutok kung siya ay may problema….tanda ng katatagan ng kanyang kalooban!