Ang isang Tao ay Puwedeng Maging Lider Batay sa Likas niyang Talino at Ugali

Ang Isang Tao ay Pwedeng Maging Lider

Batay sa Likas Niyang Talino at Ugali

Ni Apolinario Villalobos

Ambisyong palpak ang bumubulag sa isang tao na gustong maging lider kahit sa simula pa lang ay alam niyang hindi niya kayang gawin ito. Hindi masama ang mangarap o mag-ambisyon pero dapat ilagay sa ayos upang hindi pulaan ng iba. Ang ganitong sitwasyon ang nakita, hindi lang ng buong bansa, kundi buong mundo nang magdagsaan sa COMELEC ang mga may ambisyon na maging Presidente ng Pilipinas. Ang nakakabahala ay ang isipin ng mga taga-ibang bansa na kaya pala ganito ang kalagayan natin ay dahil sa mga may sayad sa pag-iisip na gustong maging Presidente. Ang karamihan sa nagparehisitro sa COMELEC ay halatang pinag-aralan ang mga kilos at sasabihin upang makakuha ng atensiyon kaya nagmukhang kawawa dahil pinaglaruan lamang ng mga usisero at taga-media. Sa panahong yon, naabuso na naman ang Kalayaan at Demokrasya dahil sa mga taong hangal at may sayad sa utak. Hindi dapat gamitin ang Demokrasya upang “malayang” gawin ang lahat ng gusto, lalo na ang pagsalaula sa sagradong pagpili ng Presidente ng Pilipinas. Hanggang kaylan tatagal ang ganitong kahinaan ng COMELEC, na sana ay may pinatutupad na mga alituntuning maayos, walang mga butas na nasisilip ng mga taong may diperensiya sa pag-iisip? Repleksiyon ba ang kahinaang ito ng uri ng mga taong nagpapatakbo ng nasabing ahensiya?…nagtatanong lang.

Hindi madaling maging lider ng isang maliit na grupo man lang, lalo na ng buong bansa tulad ng Pilipinas. Mapalad ang isang taong may likas na katalinuhan at ugali na angkop sa pagiging lider, dahil ang mga nakapaligid sa kanya ang kumikilala sa mga ito, kaya hindi na niya kailangan pang ipilit upang mapansin. Lumilitaw ang mga katangian niya sa mga kalagayang hindi inaasahan tulad ng kalamidad at agarang pagbigay ng tulong sa iba kahit sa normal na sitwasyon. Subalit maliban sa dalawang nabanggit na katangian, dapat mayroon din siyang tiyaga, determinasyon o katapangan, at pasensiya. Sa madaling salita, ang isang taong likas na matalino, kahit pa nakapagtapos ng kolehiyo, at mabait, ay mahihirapang maging lider kung wala siyang tiyaga at pasensiya, lalo na kung walang determinasyon o tapang sa pagpapatupad ng mga panukala, o utos na dapat masunod. Ang mga iyon ang maglilinang ng respeto para sa kanya bilang lider.

Si Manny Pacquiao ay isang halimbawang nag-ambisyong makilala ng tao. Natanim sa isip niya ang masidhing pagnanais na maipakitang ang kahirapan ay hindi dapat ituring na hadlang upang umunlad ang isang tao. Nagtagumpay naman siya – sa sports. Subalit naudyukan siya ng mga nakapaligid at may balak gumamit sa kanya, na pwede siyang pumasok sa pulitika na ginawa naman niya at nagtagumpay bilang kongresman ng kanilang lalawigan. Tulad ng inaasahan ay ampaw ang tagumpay niya sa pulitika, walang laman, walang sustansiya dahil nakikita namang hindi niya kaya ang trabaho bilang kongresman. Kung gumagalaw man ang opisina niya, ito ay dahil sa mga taong sinusuwelduhan niya upang gumawa ng mga panukala, kaya hanggang pirma na lamang ang papel niya. Nakita naman ng buong bansa na ang panahon niya ay nagamit sa mga ensayo at pagsabak sa boksing. Hindi pa nakuntento ang mga hangal na umuuto sa kanya, dahil gusto pa siyang patakbuhin bilang presidente ng Pilipinas! Ngayon, dahil sa katanyagan niya sa boksing, sumabak na rin sa pulitika ang iba niyang kaanak, lalo na ang asawa, siyempre, dala kasi ang apelyidong “Pacquiao”.

Masakit na sa tenga ang parang sirang plakang linya ni Pacquiao na, “gusto kong makatulong sa mga kababayan (o kapwa) ko”, dahil malabo itong matutupad kung ang iniisip niya ay “gumawa”  ng mga panukala na maaaring hindi maaprubahan, at kung maaprubahan man ay hindi rin maisasakatuparan tulad ng mga libo-libong panukala na inaagiw sa kongreso at senado dahil walang budget. Kung gusto niyang tumulong, lumabas siya sa pulitika para hindi siya magamit ng ibang pulitiko, magtayo siya ng mga boxing gyms sa buong Pilipinas at Foundation para sa mga scholars, at higit sa lahat, ng mga negosyo upang magkaroon ng mga trabaho… ganoon lang ka-simple at wala pang gagamit sa kanya. Sa madaling salita, pasukin niya ang larangan ng negosyo at maging pilantropo, tulad ni Henry Sy ng SM. Huwag na niyang dagdagan ang mga panlolokong ginagawa ng mga pulitikong nagkaugat na ang mga puwet sa pagkakaupo sa kongreso at senado dahil sa hangaring magpayaman. Huwag na niyang dagdagan ng batik ang nagpuputik nang dumi ng pulitika sa Pilipinas.

Ang tao ay hindi dapat maiinggit sa tagumpay na tinatamo ng iba. Ang ugaling maiinggitin ang lason sa kaisipan ng isang taong baluktot ang takbo ng isip. Tulad ng isang taong nakilala ko na nakabalita lang na tatakbo sa pagka-meyor ang kaklase niyang dating councilor sa kanilang bayan, ay gusto na ring tumakbo para sa nasabing puwesto, dahil hindi hamak na mas matalino daw siya, kaya valedictorian siya noong gumadreyt sila. Sana binalikan niya ang nakaraan nila noog nag-aaral pa sila, dahil nagkuwento ang pinsan niyang kumpare ko, na ang kaklase niyang tatakbo sa pagka-meyor ay magaling makisama, nagkukusa sa pagkilos kung may mga school activities, nangunguna sa sports, at higit sa lahat, may lakas ng loob. Taliwas naman sa ugali ng pinsan niyang makasarili kaya walang barkada, at umiiwas sa mga gawain kung may school activities. Ayaw daw paawat ang pinsan niya kaya nag-file ng candidacy.

Hindi dapat magyabang ang taong may ambisyong maging lider. Walang masamang gumamit ng lakas ng loob sa pagsuong sa pulitika. Lalong maganda kung magsimula sa ibaba, maliban na lang sa mga taong miyembro ng mga pamilyang nakababad na sa pulitika, yong mga tinuturing na “political dynasty”, kaya naging senador, kongresman, gobernador o meyor agad. Subalit para sa mga nag-aambisyon pa lang, dapat ay magsimula sa unang baytang ng pagsisikap – sa pinakamababa, tulad ng barangay o homeowners association o non-government organization (NGO). Doon masusubukan ang kanilang kakayahan at pagkatao kung angkop sila sa mas mataas pang tungkulin. Kung ang taong may ambisyong maging barangay chairman, halimbawa, ay hindi naman pala marunong makisama o tumutulong sa mga kapitbahay, kalimutan na lang niya ang ambisyon at magtraysikel na lamang, sigurado pa ang kita at hindi siya hihingan ng tulong, sa halip ay siya pa ang babayaran….. ng pamasahe.

Humanga at tumulong sa mga kaibigan o mga kakilalang nasa larangan ng pulitika upang lalo pa silang magtagumpay, o di kaya ay kahit sa mga hindi kilala ngunit maganda ang mga hangarin para sa bayan. Kailangang marunong tayong tumanggap ng ating kahinaan at kakulangang mga katangian, kaya hindi tayo pwedeng maging isang epektibong lider. Sa isang banda, kung hanggang suporta lang ang kaya, gawin natin ito ng maayos at taos sa puso, dahil kung hindi matibay ang suporta ng isang lider, magiging dahilan ito ng kanyang pagbagsak, na upang maiwasan ay kinakailangang suportahan, simpleng tulong nga…..mahalaga naman.

Ang Barangay Real Dos…ng Bacoor City, Cavite

Ang Barangay Real Dos
…ng Bacoor City, Cavite
Ni Apolinario Villalobos

Hindi madali ang mamuno dahil kailangan ang paninimbang upang walang masaktan o magsabing sila ay pinabayaan. Sa isang barangay, halos lahat ay magkakilala, kaya ang turingan ay magkakapamilya, lalo na sa isang maliit na barangay tulad ng Real Dos ng Bacoor, Cavite City.

Ang Barangay Real Dos, ay pinamumunuan ng pinakabatang Chairman sa buong lunsod, si BJ Aganus, at inaalalayan ng may kabataan ding mga Kagawad. Sa kabila ng maliit nilang pondo mula sa buwis na binabahagi ng pamahalaang lunsod ay nagawa pa rin nilang magpatupad ng mga proyekto. Maganda ang nagkaisa nilang panuntunan na hindi dapat patagalin ang paghawak ng pondo hangga’t maaari dahil maraming dapat paggagastusan na kailangan ng mga ka-barangay nila.

Inumpisahan ng bagong grupo ang kanilang mga proyekto sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa homeowners’ association ng Perpetual Village 5 kung saan matatagpuan ang Barangay Hall, sa paglunsad ng mga proyektong pang-kabataan upang magamit ang bagong gawang basketball court. Ibinalik din ang regular na schedule sa paghakot ng basura.

Bumili sila ng bankang gawa sa fiberglass upang magamit sa pag-rescue tuwing may baha; dinagdagan ang bilang ng radio units na mag-uugnay sa mga tanod at opisyal ng barangay; pinalitan ang mga ilaw-kalye na ordinaryong bombilya, ng makabagong LED lights, upang makatipid sa konsumo ng kuryente, at inasahan ding tatagal ang mga ito; nagkaroon din ng libreng gamutan.

Ang mga plastik na mesa na pinapahiram sa mga ka-barangay kung may okasyon ay pinalitan ng gawa sa matibay na stainless steel sheets. Kaya, hindi man sinasadyang maulanan, ang mga mesa ay sigurado nang tatagal. Dinagdagan din nila ang mga trapal na ginagamit lalo na kung may pinaglalamayan.

Ang pinakahuli nilang ginawa ay ang pagpabubong ng nakatiwangwang na lote sa magkabilang gilid ng Barangay Hall. Ang nasa kanlurang bahagi ay nagagamit na ngayon kung may pagpupulong kahit na umuulan at tirik ang araw. Ang silangang bahagi naman ay lalagyan ng mga upuan upang may mapagpahingahan ang mga taong pumipila para sa serbisyo ng barangay health center.

Kinakausap din ni Barangay Chairman Aganus ng personal ang mga pasaway sa barangay, lalo pa at ang iba sa kanila ay halos kasinggulang lamang niya…na epektibo naman, dahil na rin sa pakisama. Walang masamang tinapay para sa Barangay Chairman dahil lahat ay gusto niyang bigyan ng pagkakataon upang magbago, magkaroon ng kabuluhan at respeto sa sarili. Hindi man niya sabihin, makikita sa ginagawa niya na mangyayari lamang ang pagkakaroon ng respeto sa sarili ang isang tao, kung siya ay bibigyan ng pagkakataon at halaga.

Nakakatuwa ring malaman na kahit kapos kung ituring ang allowance ng mga Barangay tanod ay hindi sila naaapektuhan nito. Nakikita kasi nila na lahat silang nasa pamamahala ni Chairman Aganus ay parehong nagsasakripisyo, maipatupad lang ang sinumpaan at itinalagang responsibilidad sa kanila.

Ang nakakatawag ng pansin ay ang pinapairal ng grupo ni Chairman Aganus na “bayanihan spirit”. Sa pamamagitan nito, basta may lumapit sa kanila upang humingi ng tulong, kahit hindi ka-barangay, ay agad nilang inaaksyunan. Maraming beses na ring nahingan ng tulong si Chairman Aganus ng mga hindi taga-Real Dos, upang gumawa ng follow up sa City Hall. Maganda ang patakaran nila dahil hindi naman ito pakikialam sa ibang barangay. Kung hindi kasi sila umaksyon sa mga request ng hindi taga-Real Dos ay lalabas na tinataboy nila ang mga ito…isang impresyon na ayaw nilang mangyari. Ganoon din ang paliwanag ni Chairman Aganus na nagsabing, pinakikiusapan lang naman daw siya, at isinasabay na niya ang mga follow-up sa mga gagawin kung nasa City Hall siya. Kung tutuusin nga naman, magkakasama ang mga magkakatabing barangay sa iisang administrasyon ng Bacoor, kaya hindi magandang nagkakanya-kanya sila sa pagkilos…sa halip ay dapat magtulungan.

Kung ihahambing sa malalaking barangay, masasabing napakaliit ng mga proyekto ng grupo ni Chairman Aganus, subalit, para sa mga taga-Barangay Real Dos, ang mga ito ay napakahalaga. Wala rin naman silang magagawa dahil pinagkakasya lamang nila ang pondong itinatalaga ng pamahalaang lunsod. At, ang pinakamahalaga, ay nagpupursige sila sa abot ng kanilang makakaya.

Pinatunayan ng Barangay Real Dos, na ang matatag na samahan ng mga bumubuo sa isang barangay ang nagsisilbing pinakapundasyon ng isang barangay kahit maliit ang pondo. Malaking tulong nga ang pondo, subalit aanhin naman ito kung pagtatalunan lamang na maaaring humantong pa sa siraan? Ang nagsisilbi namang “pandilig” sa pundasyong ito upang lalo pag tumatag at lumago ay ang katatagan din ng namumuno at mga nakakaganang pagpuna ng ibang tao, lalo na ng mga nasasakupan. Sa huling nabanggit, tanggap naman nila na hindi lahat ay nabibigyan nila ng kasiyahan, subalit wala silang magagawa dahil sa limitasyon ng kanilang kakayahan at pondo.

Yan ang Real Dos….maliit nga siksik naman sa samahan…kapos nga sa budget, mayaman naman sa pagkukusa… mga kabataan nga ang namumuno, puno naman ang mga puso ng pagmamalasakit sa kapwa!