Ang Mga Panyero, talaga…
(tungkol ito sa mga abogado)
Ni Apolinario Villalobos
Ang “panyero” ay tumutukoy sa mga abogado. At unang-una, wala akong balak na sila ay libakin. Ang mga isi-share ko ay halaw lamang sa aking mga naobserbahan sa mga kaibigan kong may ganitong propesyon at sa aking pakikisalamuha sa mga umpukan na may ganitong klaseng mga propesyonal. Mahirap mag-aral ng abogasiya, kaya bilib ako sa kanila.
May isa akong kapatid na abogado at nakita ko kung paano siyang “magsunog ng kilay” makapagsaulo lang ng mga batas halos gabi-gabi na lang na ginawa ng Diyos. Lalong tumindi ang kanyang pagpupuyat nang siya ay maghanda para sa tinatawag na bar exam, isang pagsusulit na kung ilang beses na ring nabahiran ng pandaraya. Isa itong prestihiyosong karera na magastos na, kailangan pa ang matalas na pag-iisip at memorya. Kapag mayroon nang lisensiya ang isang tao pagkatapos niyang makapasa sa pagsusulit, maaari na niya itong isabit sa labas ng gate, pero kung nag-aapartment lang ang bagong abogado, sa ibabaw ng pinto niya…presto! pera na, mula sa pagnonotaryo. Dahil sa nakita kong ginawa ng kapatid ko upang maging abogado, naisumpa ko ang karerang ito.
May mga kaibigan akong abogado na umaaming mahina sa English, kaya nagkakaroon ako ng pagkakataon na kumita rin mula sa kahinaan nilang ito, sa pamamagitan ng pag-edit ng mga ginawa nilang dokumento. Pinapalabas na lang na masyadong marami silang ginagawa, busy, wika nga, kaya kailangan nila ng tulong sa pagsulit ng mga nagawa na nilang dokumento. Meron namang iba na may mga trabaho na subali’t nagpupursiging maging abogado kaya lumalabas na sila ay mga working student. Kailagang nilang makapasa ng bar exam na siyang magiging mabigat na batayan sa kanilang promotion. Sa kanila, saludo rin ako.
Ang masaklap lang…may ibang abogado na nagpapagamit sa mga taong alam na nilang mali, tiwali, masama, etc. Ito yong mga taong may kaso na saan mang anggulo titingnan ng maski hindi nakapag-aral ay talagang nakikitaan ng kamalian. Subali’t dahil sa tukso ng limpak-limpak na salapi, may mga abogadong pikit-matang tumatanggap ng kaso nila at kinakapalan na lang ang mga mukha habang nagsisinungaling sa loob ng korte. Kung ang pagsisinungaling ay nakamamatay, marami na siguro ang bigla na lang nangisay sa loob ng korte.
Kunsabagay, ang simbolo nga naman ng hustisya ay babaeng may piring, eh…di ganoon na lang din ang gawin nila…piringan ang mga mata nila at depensahan ang mga taong may sala nguni’t may kakayahang magbayad. Kasama kasi sa kanilang sinumpaang pangako bilang abogado ay ipagtanggol ang kahi’t sino, na hanggang hindi napapatunayang may kasalanan ay itinuturing na inosente. Ang simbolo ng hustisya, dahil sa piring sa mga mata, ay tila ba umaasa na lang sa kung sino ang “maririnig” na magaling sa pagsasalita habang naghahabi ng mga depensa, kaya hindi pwede ang bulol na ay mahina pa ang bokabularyo. Pagdating sa mga kasuhan, ang nangyayari ay pagalingan ng abogado, maski mahal ang serbisyo. Totoo nga siguro na may halaga ang hustisya.
Nakakatawa na kung minsan ang nakikita sa TV…mga abogadong nagpipilit na walang kasalanan ang kanilang kliyente, ganoong alam na ng buong bayan ang buong pangyayari. Tulad na lang ng isang abogado na diretsong nakatingin sa kamera ng TV, sabay sabi na hindi nagnakaw ng pera sa kaban ng bayan ang kanyang kliyente, ganong ang dami nang saksi ang nagdidiin. Sa isang kaso naman, maliwanag na ngang nakorner ang kanyang mga kliyente pagkatapos tugisin ng mga otoridad, pinipilit pa rin niyang sabihin na sumuko daw sila! Paanong hindi susuko ay talagang nakorner na! Si panyero talaga, oo….
Sa TV pa rin….mayroong nag-aabogado ng mga drug pushers at drug lords at pilit na tinatanggi ang ginagawa ng mga kliyente niya, ganoong sa kalalabas na balita ay naipakita na ng raiding team ang mga milyon-milyong halaga ng shabu na nasamsam. Nagmumukha tuloy silang tanga na ewan kung binayaran ng mga singkit na drug lords dahil wala naman silang nagawa upang mailigtas sila sa kulungan. Sabi minsan ng kumpare ko, sinabihan siya ng anak niya na ayaw na niyang maging abogado. Nang tanungin kung bakit, sabi ng bata, “sinungaling sila”. Nang tanungin uli kung ano na lang ang gusto niyang “maging” paglaki niya, sabi ng bata, “maging pari na lang dahil binibigyan ng pera ng mga tao”. Ang tinutukoy niya ay ang love offering na binigay ng mga tao sa Misa. Sinabihan ko ang kumpare ko na i-korek ang maling impresyon ng bata tungkol sa perang binibigay sa pari, dahil ang pera ay para sa simbahan at Vatican.
Subali’t may iba pa ring mga bata na gustong maging abogado paglaki nila, at kapag tinanong kung bakit, dahil gusto daw nilang maging mayor, governor, o presidente. May anak ang isang kumpare ko na ganito ang ambisyon, at tuwing tanungin ang bata kung bakit niya gustong maging abogado at mayor, sinasabi niyang, “kasi maganda ang kotse ni mayor, marami pang kasamang kontrabidang may mga baril, at kung minsan magaganda ang kasama, parang mga artista…” (nakakapanood siya ng TV at hindi siya tinuruan ng kumpare ko).
Sa korte, may sistema o paraan para hindi mapabigat ang hatol o di kaya ay umabot na lang sa pagka-abswelto ng may sala. Sa tingin ko dito ay “sabwatan”. Yon bang mag-uusap ang mga abogado ng magkabilang panig, para siguro sabihin ng isa sa panyero niya na talagang walang ligtas ang kliyente niya kaya magtawaran na lang at pag-usapan ang “kompromiso”. Kapag sinuwerte, napapapayag ng abogado ang kliyente niyang biktima na daanin na lang sa “maayos na paraan” upang mapababa ang ipapataw na parusa kapalit ng pera. Ibig sabihin ay may pinagalaw na pera ang panig ng maysala. Nasisilip kaya ito ng babaeng may piring ang mga mata? Bakit nagkaroon pa ng sinasabing “hustisya” kung hindi rin lang buo ang pinapataw na parusa?
Bilang panghuli…noong minsang dumaan ako sa kumpare ko upang kunin ang USB disk na kinapapalooban ng mga dapat kong i-edit na dokumento, nakita kong binatukan ng nakakatanda niyang anak ang nakakabata nitong kapatid kaya napaiyak at nagsumbong sa magulang. Nang tanungin ng kumpare ko ang nakakatandang anak kung totoo ang sinasabi ng nakakabata niyang kapatid, pilit itong tumanggi. Sabi ng nabatukang kapatid, “yan…yan papa, tingnan nyo, para na ring abogado ng babaeng mataba sa TV kung magsinungaling si kuya…talaga namang binatukan niya ako, eh…sinungaling si kuya…sinungaling!”
Hindi ko na sasabihing ang anak ng kumpare ko ay may gustong ipahiwatig tungkol sa abogado…tahasan na niyang sinabi ito…at sa gobyerno natin, marami ang ganitong klaseng tao!
Like this:
Like Loading...