Ang Barbero sa Liwasang Bonifacio

Ang Barbero sa Liwasang Bonifacio

Ni Apolinario Villalobos

 

Nakasakay ako sa jeep papuntang Pasay nang matanaw ko ang isang barbero sa isang bahagi ng Liwasang Bonifacio (Lawto Plaza) at hindi alintana ang mga tao sa kanyang paligid habang naggugupit ng buhok. Bumaba ako mula sa jeep upang umusyuso lalo pa at nakita ko ang mga “kalakal” na nakalatag hindi kalayuan sa kanya. Ang mga “kalakal” ay mga junk items na napupulot sa basura o maayos pang gamit na pinagsawaan ng may-ari kaya napapakinabangan pa. Mahalaga ang mga ganitong nakalatag para sa mga taong naghahanap ng mga piyesa ng kung anong gadget na hindi mabibili saan mang tindahan o di kaya mga murang gamit.

 

“Dodong” ang pangalang sinabi ng barbero sa akin at galing daw siya sa Cebu kaya maganda ang usapan namin sa Bisaya. Kanya rin pala ang mga kalakal na nakalatag sa hindi kalayuan. Natiyempuhan ko sa mga nakalatag ang cellphone belt pack na gawa sa soft cowhide at nabili ko sa halagang beinte pesos lang. Nakabili rin ako ng backpack na pang-estudyante na ibibigay ko sa isang bata sa Leveriza, Pasay,  sa halagang treinta pesos. Swerte pa rin ako sa isang pares na safety shoes na pambigay ko sa isang guwardiya sa isang hardware store sa Recto malapit sa Divisoria dahil nakita kong halos nakanganga na ang suwelas ng kaliwang sapatos niya, at nabili ko sa halagang otsenta pesos lang. Ang guwardiyang ito ang tumulong sa amin noong last week ng Nobyembre nang mag-ikot kami ng mga kasama ko sa lugar na yon upang mamigay ng regalo sa mga bata.

 

Dahil sa kahirapan ay natigil si Dodong sa pag-aaral kaya hanggang grade four lang ang inabot niya. Tumulong siya sa kanyang tatay sa pangingisda at kung hindi sila pumapalaot ay nakagawian na niyang umistambay sa bahay ng kapitbahay nilang barbero upang manood habang nanggugupit ito. Madalas din siyang utusan ng barbero na nag-aabot sa kanya ng pera kaya para na rin siyang nagsa-sideline. Sa kapapanood daw niya ng panggugupit ay natuto siya pero ang una niyang ginupitan ay tatay niya. Okey naman daw ang resulta kaya ang sunod niyang ginupitan ay kuya niya. Sa kapapraktis ay natuto na siyang manggupit kaya kung may lakad ang kapitbahay nilang barbero ay sa kanya pinagkakatiwala ang mga kostumer nito.

 

Labing- anim na taong gulang siya nang mamatay ang kanilang tatay kaya lumipat sila ng kanyang nanay sa bahay ng kanyang kuya na may pamilya na. Dahil dagdag pasanin sila, madalas na sa palengke siya umiistambay upang mangargador. Ang bangka kasi nila ay naibenta nang magkasakit ang kanilang tatay. Dahil sa pangangargador, nakakakain siya sa maghapon at nakakakapag-uwi pa ng pagkain para sa kanyang nanay, at kung malaki ang kita ay namamalengke pa siya na ikinatutuwa naman ng kanyang hipag.

 

Nang minsang may magyaya sa kanyang tindero upang maisama sa Maynila dahil bibili ng generator, sumama agad siya. Mula noon, palagi na siyang isinasama hanggang naisipan niyang pumunta sa Maynila na nag-iisa. Masuwete siya at sa barko pa lang ay may nakilala siyang makikipagsapalaran din kaya silang dalawa ang nagsalo sa hirap na dinanas pagdating sa Maynila. Mula sa pantalan ay naglakad sila hanggang sa Divisoria. Tinipid nila ang perang baon kaya madalas ay tumitiyempo sila ng kaning tutong para mahingi at ulam na lang ang babayaran kapag kumain sa mga maliliit na karinderya. Kung minsan daw ay dinadaan nila sa biro ang paghingi ng libreng tutong.

 

Sa kalalakad nila ay nakarating sila sa Liwasang Bonifacio at doon ay nadatnan nila ang iba pang nakipagsapalaran sa Maynila na walang matuluyan kaya kung gabi ay kanya-kanya sila ng hanap ng sulok upang matulugan. May nagbenta sa kanya ng gunting na original na “Solingen” at panggupit talaga ng buhok kaya laking tuwa niya. Ang binili na lang niya ay maliit na salamin at dalawang suklay – full time na barbero na siya! Sa simula, barya barya lang ang tinatanggap niya dahil sa pakisaman at para may maipambayad lang sa may-ari ng banyo sa Intramuros kung saan sila naliligo at naglalaba. Nakakaipon din siya ng pambili ng pagkain. Unti-unti ay nagtaas siya ng singil hanggang naging treinta pesos na. Nang lumaki ang kanyang ipon ay namili na rin siya ng mga kalakal na inaalok sa kanya ng mga “scavenger” at mga istambay na nagtitinda ng gamit, hanggang makaipon siya ng maraming kalakal na nilalatag niya araw-araw.

 

Biniro ko siya na hindi lang siya barbero kundi nagba-buy and sell pa. Kapag nakaipon daw siya ng malaki ay uuwi siya sa probinsiya nila at bibili ng bangka upang makapangisda uli pero manggugupit pa rin daw siya. Excited siya sa pagkuwento dahil makakasama na niya uli ang kanyang nanay.

 

Ang punto ko rito ay ang kaalaman o skill na maaaring pagkikitaan tulad ng natutunan ni Dodong na pagbabarbero kaya kahit dayo siya sa Maynila ay nabuhay siya nang marangal, hindi naging magnanakaw o palaboy. Marami pang ibang skill na maaaring pag-aralan tulad ng pagma-manicure at pedicure, o di kaya ay pagmamasahe at pagda-drive, pati pagluto. Hindi dapat ikahiya ang mga ganitong kaalaman kaya hangga’t bata pa ay mabuting matuto na.

 

 

 

Imelda Torres: Ang Babaeng “Barker” o Taga-tawag sa Liwasang Bonifacio (Lawton Plaza)

Imelda Torres: Ang Babaeng “Barker” o Taga-tawag

sa Liwasang Bonifacio (Lawton Plaza)

Ni Apolinario Villalobos

 

Ang “barker” ay taga-tawag ng mga pasahero at taga-sigaw ng destinasyon ng sasakyang pampubliko tulad ng bus, jeepney o van. Siya rin ang namamahala sa maayos na pag-upo ng mga pasahero. Kung minsan, ang tawag sa kanya ay  “dispatcher”, subalit iba sa talagang “dispatcher” sa istasyon ng bus na konektado sa kumpanya. Kung nakapila ang mga jeep o van na itinatawag ng “barker”, siya rin ang taga-kolekta ng pamasahe at kapag inabot na niya sa driver ang nalikom na pera, ay saka pa lang siya aabutan ng bayad sa kanyang serbisyo. Ang bayad naman sa “barker” ay hindi pare-pareho, depende sa dami ng pumipilang sasakyan at lugar ng pilahan. Mayroong inaabutan ng Php20.00 at ang pinakamalaki ay Php30.00.

 

Ang mga nakapila sa Liwasang Bonifacio ay mga aircon van na biyaheng Sucat (Paraἧaque) at Alabang (Muntinglupa). Ang pilahang ito ay hawak ni Imelda Torres, 65 na taong gulang. Taong 1972 pa lamang ay nagtatawag na siya dito….panahon ng Martial Law sa ilalim ni Ferdinand Marcos. Nang panahong yon, ang sabi niya, napakaganda ng Manila Metropolitan Theater na tanaw lamang kung saan kami nakaupo. Ngayon, ang paligid nito ay mapanghi dahil ginawang ihian at ang mga dingding na natuklapan na ng pintura ay sinalaula ng mga istambay sa pamamagitan ng pag-spray paint ng pangalan ng gang nila.

 

Ligtas daw noon ang pamamasyal sa paligid ng liwasan dahil palaging may umaaligid na mga pulis kahit sa gabi. Kahit abutin siya ng dis-oras ng gabi sa pagtatawag, hindi siya natatakot sa paglakad pauwi sa tinitirhan niya sa kalapit lang na Intramuros. Ang kinikita niya ang ikinabuhay niya sa apat niyang anak noong maliliit pa sila. Ngayon, ang isa ay nasa Japan na. Ang iba pa niyang mga anak ay may mga sarili nang pamilya.

 

Pinakamalinis na kita ni Aling Imelda ay Php200 isang araw. Napapagkasya niya ang halagang ito sa kanyang mga pangangailangan sa araw-araw. Hindi na siya nagluluto dahil mag-isa lang naman siya at sa maghapon ay nasa liwasan siya, kung saan ay maraming karinderya na mura lang ang panindang mga pagkain. Ang tanging luho niya sa katawan ay ang minsanang manicure at pedicure, at ilang alahas na pilak sa mga daliri at braso.

 

Sa gulang niyang 65, wala nang mahihiling pa si Aling Imelda na kailangang gastusan ng malaking halaga. Masaya siya dahil ang mga anak at apo niya ay nakakakain sa tamang oras, hindi nga lang maluho ang mga pagkain. Ang kalaban lang niya ay ang paminsan-minsang dumadapong sakit tulad ng sipon at lagnat. Ganoon pa man, kahit halos namamalat na siya dahil sa biglang pagkakaroon ng lagnat o sipon ay hindi pa rin siya tumitigil sa pagtawag, tulad nang umagang nag-usap kami. Sayang din nga naman ang kikitain niya kung palalampasin niya.

 

Mabuti na lang at pumayag siyang kunan ko ng litrato, pero tinapat ko siya na igagawa ko siya ng kuwento at ilalagay ko sa internet. Natawa siya nang sabihin kong baka mabasa ng anak niya sa Japan ang isusulat ko tungkol sa kanya.

Nang iwanan ko siya upang ituloy ang paglakad papunta sa Avenida (Sta. Cruz), narinig ko uli ang boses niya na tumatawag ng mga pasahero. Habang naglalakad ako, naalala ko ang nanay namin na nagtatawag ng mga mamimili upang lumapit sa mga inilatag niyang ukay-ukay tuwing araw ng tiyangge sa bayan namin, noong maliit pa ako….

IMG7162