Sa Gitna ng Kalamidad, Lahat ng Tao ay Pantay-pantay

Sa Gitna ng Kalamidad
Lahat ng Tao ay Pantay-Pantay

Ni Apolinario Villalobos

Napatunayan na ng maraming pagkakataon na sa gitna ng matinding kalamidad, lahat ng tao ay pantay-pantay. Kung may naimbak man na pagkain at tubig ang ilan, hindi ito tumatagal. Kung nasa lugar na inaakalang ligtas, hindi pa rin normal ang pamumuhay. May natira mang karampot na pagkakaiba ang mga nagdurusa, ito ay unti-unti ring nawawala. Lahat ay bumabalik sa payak na pagkatao na may parehong pangangailangan – tubig, pagkain, gamot, damit, bubong, ilaw.

Aanhin ang kumikinang na mga alahas, buntun-bunton na pera sa bangko, mga magagarang sasakyan, mga mala-palasyong bahay, kung lubog sa baha ang kapaligiran, walang bukas na bangko at palengke, sira ang mga shopping centers, walang kuryente at ang mga kalsada ay hindi madaanan dahil sa nakatambak na mga iba’t ibang bagay?

Ang pagsubok sa pamamagitan ng kalikasan ay itinuturing ng mga naniniwala sa Diyos na isang pitik upang gisingin ang tao at kilalanin ang Kanyang kapangyarihan. Nguni’t sa mga hindi naniniwala sa Kanya, ang mga kalamidad na dulot ng kalikasan ay resulta ng kapabayaan ng tao na bumalik sa kanya, na kung ating wariin ay ganoon pa rin ang tinutumbok – Diyos na siyang may lalang ng lahat. Kung ating pansinin, iisa lang sinasambit ng lahat ng apektado – Diyos. May nananawagan ng tulong, may naninisi at nagtatanong sa Kanya kung bakit hinayaan Niya na mangyari ang mga pinsala. Patunay lamang ito na nasa kaisipan ng tao ang Diyos subalit nakakalimutan hanggang dumating ang pagsubok sa pamamagitan ng kalamidad.

Ang masaklap, paglipas ng mga kalamidad na nagpagising sa lahat, ang iba ay bumabalik sa dating gawi. Kaya palagi na lang may nagtatanong: Kaylan matututo ang tao?