ERILY SEVA…babaeng junk collector ng Tacurong City
Ni Apolinario Villalobos
Kaninang umaga, ang sinakyan kong tricyle na pumasok sa barangay ng San Pablo upang maghatid ng isang pasaherong kasakay ko ay nasiraan habang binabaybay namin ang kalsada papunta sa highway. Nang bumaba ako at tumingin sa unahan ay nakita ko ang junk collector na babaeng nagsisikad ng bisikletang may sidecar at may laman nang mga junks. Siya yong matagal ko nang tinityempuhan dahil dalawang beses ko siyang na-miss. Kung hindi pa nasiraan ang tricycle na sinakyan ko ay hindi ko pa siya nakita at ilang dipa lang mula sa kinatatayuan ko, katay laking gulat ko dahil para kaming pinagkita nang umagang yon.
Siya si ERILY SEVA na may limang anak. Ang panganay ay construction worker, ang pangalawa ay Grade 9 sa PRESIDENT QURINO NATIONAL HIGH SCHOOL. Ang iba pang mga anak ay tumigil muna sa pag-aaral habang nag-iipon silang mag-asawa ng pera. Sa gulang na 43 taon ay tila bantad na ang katawan ni Erily sa hirap subalit walang mababakas na pagsisisi, sama ng loob, or pagkabugnot sa kanyang mukha. Ang asawa niyang si Alfredo Mercullo, 38 taong gulang ay kolektor din ng junks subalit ang ginagamit niya ay pag-aari ng junkshop na binabagsakan niya ng mga kalakal at inuupahan sa halagang kinakaltas sa kanyang kinita sa maghapon. Ang ginagamit namang “topdown” ni Erily ay pagmamay-ari niya.
Masayang kausap si Erily at laking pasalamat ko rin dahil pinagbigyan niya ako ng ilang minutong pagkakataon upang siya ay makausap. Upang hindi siya maabala nang matagal ay hindi ko ang address niya dahil balak kong makilala ang kanyang pamilya.
Kaninang hapon ay hinanap ko ang tinitirhan nina Erily at natunton ko naman agad. Masayang ipinakilalal niya ako sa isa niyang anak at asawa. Inabutan kong nagsasaing na sila ng panghapunan. Marami kaming napag-usapan tungkol sa buhay lalo na ang tungkol sa kalusugan. Marami akong ipinayo sa kanila kung paano silang makaiwas sa sakit dahil mahal ang magpa-ospital at gamot.
Ang makakakilala ng isang tulad ni Erily at kanyang pamilya ay nagpapasaya sa akin kaya itinuturing kong okey na ang araw ko….lalo pa at napagbigyan niya akong pasyalan sila sa kanilang bahay.