Jovy

Jovy

(…para kay Jovy Jovida)

Ni Apolinario Villalobos

 

Isang simpleng tao na sa Quezon ay sumibol

Napadpad sa Maynila dahil sa hila ng kapalaran

At dahil sa ugaling walang bahid ng pagkukunwari

Magandang buhay siya’y lubos na nabiyayaan,

Pati na ng matatapat  na kaibigan.

 

Guhit na rin yata ng kanyang palad na makilala

Isang dilag na mayumi at maganda –  si Nora,

Dahil siya ay matiyaga at mapagpakumbaba

Ano pa nga bang gagawin ng dalaga

Kundi tanggapin at mahalin siya.

 

Hindi birong hirap ang dinanas ni Jovy

Upang mairaos ang buhay ng kanyang pamilya

Dagdag pa ang tulong na paminsan-minsan

Ay pinaaabot sa mga mahal na naiwan

Sa tahimik na bayang sinilangan.

 

Kapalaran pa rin niyang umangat ang buhay

Nakadagdag pa ang pagmamahal ni Nora

Na sa kanya ay nagbigay dagdag na lakas

Upang tahakin mga baku-bakong landas

Tungo sa buhay na maaliwalas.

 

Natupad niya ang buhay na sa kanya’y itinadhana –

Buong tapang na hinarap ang lahat ng pagsubok

Kahi’t minsa’y hindi man lang nag-alinlangan

Dahil alam niyang Diyos ang sa kanya’y gumagabay

Hanggang sa dulo ng landas –

Kung saan SIYA ay kumakaway….