May Pag-asa pa Kayang Makabawi ang Pilipinas sa West Philippine Sea?

May Pag-asa Pa Kayang Makabawi
ang Pilipinas sa West Philippine Sea?
Ni Apolinario Villalobos

Masakit sabihing parang wala nang pag-asang magkaroon pa ng katuturan ang mga paghihirap ng Pilipinas sa pagsampa ng mga kaso sa international court laban sa Tsina tungkol sa usapin sa West Philippine Sea. Hayagang sinabi ng Tsina na hindi nila rerespetuhin ano man ang kalalabasan ng imbestigasyon. Ibig sabihin, hindi nila pinaniniwalaan ang poder ng korte.

Ang ASEAN naman na inaasahang magbubuklod laban sa Tsina ay halatang wala ring magawa bilang isang organisasyon. Ang Amerika na halos panikluhuran ng administrasyon upang masandalan sa harap ng banta ng Tsina, ay pinaiigting ang joint exercises at ng sinasabing kasunduan sa pagkakaroon ng animo ay pansamantalang “kampo” at mga daungan sa Pilipinas, mga bagay na hinahadlangan naman ng iba’t ibang makabayang grupo. Sa isang banda ay tama ang mga grupong ito dahil parang ang gusto lang ng Amerika sa Pilipinas ay gamitin nila itong harang sa anumang hindi kanais-nais na kilos ng Tsina sa mga susunod na panahon. Kaya, magkabombahan man, Pilipinas ang unang tatamaan!

Subali’t habang nagpapakita ng pakikipagtulungan ang Amerika sa Pilipinas, pinapalakas naman nito ang ugnayan sa mga Tsino. Ibig sabihin, parang pinaglalaruan lang ng Amerika ang Pilipinas. Malaki daw ang utang ng Amerika sa Tsina.

Nagkaroon kamakaylan lamang ng isang exhibit ng old maps na nagpapakita na noon pa mang unang panahon, ay talagang wala namang ginawang pag-aangkin ang Tsina sa kahit na anong bahagi ng mga karagatan sa paligid ng Pilipinas. Ang mga Tsino noon ay “dumadayo” lamang sa mga isla ng Pilipinas upang makipagkalakalan, hanggang sa magkaroon sila ng sariling distrito sa Maynila na tinawag na “parian” noong panahon ng Kastila, na ngayon ay ang maunlad na Chinatown sa Manila. Sa exhibition ng mga lumang mapa, wala ni isa sa mga ito ang maski may kapirasong pagtukoy ng pag-angkin ng anumang bahura ng Pilipinas, lalo na sa pinag-aagawang West Philippine Sea.

Ang bagong henerasyon ng mga lider ng Tsina ang malinaw na may pakana sa pangangamkam ng mga bahura sa bahagi ng kanlurang karagatan ng Pilipinas, kaya pati ang mga karatig- bansa ay nadamay na rin, dahil pati ang dati na nilang kinikilalang mga bahura ay inaangkin na rin ng Tsina.

Sa mga bansa na may kinalaman sa problemang angkinan, bukod tanging Pilipinas ang mukhang kawawa. Ang nag-iisang barkong kinulapulan na ng kalawang at talaba, na ginawang headquarters ng mga bantay-dagat ay nagmumukhang yagit kung ihambing sa mga dambuhalang barko ng Tsina, at maski ng Vietnam. Maaaring kung hindi pa nabahura ay hindi pa ginawang headquarters at malamang naiwang nakatiwangwang ang bahurang inaangkin ng Pilipinas. Malamang pa rin na, natayuan na rin ng headquarter ng Tsina tulad ng ginawa nila sa ibang bahura. Ngayon, may isa pang bahura silang pinatatayuan din mga estruktura, at pasok na pasok din ito sa teritoryo ng Pilipinas. Sa kabila nito, walang magawa ang Pilipinas kundi manood!

Paano pang matatanggal ang mga estruktura ng Tsina sa mga bahurang pinag-aagawan, kung yong iba ay kung ilang dekada nang nakatayo at ang isa pa ay patapos na?

Malaki ang tiwala ng Tsina sa kakayahan nito ngayon pagdating sa mga bagay na may kinalaman sa kaunlaran – pang-ekonomiya man o pandigma. At dahil dito, hindi basta-basta yuyuko ito sa anumang ipag-uutos ng maski isang international Court. Nakikita ng Tsina na humihina ang United Nations bilang organisasyon ng mga bansa. Wala itong nagawa sa mga nangyayaring kaguluhan sa Middle East at Yuropa. Nakikita at nararamdaman ng Tsina ang kahinaan ng Amerika na dinadaan na lang sa verbal bluff ang mga babala. Napahiya si Obama nang may ilang bansa sa Middle East na hindi lubos na nagbigay sa kanya ng supurta upang “mapulbos” ang Islamic State (IS). Kaya ano pa ang magagawa nito sa Southeast Asia na ang ekonomiya nga lang ay nakagapos na sa Tsina? ….kaya kahit toothpick at cotton buds ng mga bansang miyembro ng ASEAN ay galing Tsina!

Malamang sa malamang, kompromiso ang mangyayari sa West Philippine Sea kung saan hahayaan na lang na pangasiwaan ng Tsina ang mga bahurang napatayuan na nito ng mga estruktura, dahil wala naman talagang kakayahang bumangga ang Pilipinas dito. Maaaring naghihintay lamang ang Tsina ng isang provocative na kilos ng Pilipinas upang gumawa ito ng nakakabahalang aksiyon…na sana ay hindi mangyari. Kaya, kung sa tanong na may magagawa pa ang Pilipinas, sa kabila ng mga inihain nitong reklamo sa international court…para sa akin, ang sagot ay isang malungkot na…wala.

Advertisements