Benjamin Surbano: “Aguador” o Taga-igib sa Gulang na 61 Taon

Benjamin Surbano: “Aguador” o Taga-Igib sa Gulang na 61 Taon

Ni Apolinario Villalobos

 

Isang Linggo, mula Baseco (Tondo) ay naglakad uli ako papuntang Sta. Cruz. Binaybay ko ang kahabaan ng C.M. Recto Ave. at tulad ng nakaugalian ko, bago makarating ng Avenida ay kumanan na ako sa F. Torres upang magkape sa paborito kong kapihan sa isang bangketa. Noon ko natiyempuhan si Benjamin (Ben) Surbano na nagbababa ng konti-container na tubig para sa may-ari ng kapihan. Puting-puti na ang buhok ni Ben at inakala kong nasa gulang na siya na 70-pataas, lalo pa at ang kanyang mukha ay marami na ring gatla (wrinkles). Tinulungan ko siya sa ikalawang container dahil muntik na siyang matumba at nang makabawi ng lakas ay hinayaan ko nang ibaba niya ang ikatlo. Sa bawa’t container ay kumikita siya ng sampung piso para sa paghakot. At, nang araw na yon dahil Linggo ay iilan lang ang nagpaigib.

 

Buong linggo ang pag-igib ni Ben ng tubig para sa mga kostumer niya. Pagdating ng hapon ng Linggo ay umuuwi silang mag-asawa sa Baseco (Tondo). May tatlo silang anak na ang mga gulang ay mula 19 hanggang 12 taon, lahat ay nag-aaral, at nagdidiskarte na rin para kumita. Ang asawa naman ni Ben na si Mariel ay nagpa-parking ng mga sasakyan sa isang maikling bahagi ng Soler St., kanto ng F. Torres, na katapat ng mga tindahan ng mga pandekorasyon at pambahay na ilaw. Sa umaga ay nililinis ni Mariel ang bahaging yon ng kalye upang ipakita ang kanyang pagmamalasakit sa mga may puwesto. Kung walang nagpapa-park ng sasakyan ay nagtitiyagang magbenta si Mariel ng ilang pirasong gadgets tulad ng maliliit na ilaw na nabibili niya sa mga puwesto na rin pero may discount upang mapatungan pa niya ng tutubuin.

 

Ang isang bahagi ng sidewalk na pababang hagdan ng isang puwesto ay nagsisilbing tulugan ng mag-asawa sa gabi. Karton ang sinasahig nila sa semento at wala silang kulambo kundi iisang kumot.

 

Mayroong “sidecar” (maliit na traysikad) ang mag-asawa subalit ito ay ninakaw, apat na araw nang nakaraan. Nagising na lang daw sila na wala na ang “sidecar”. Ito sana ang dapat na ginagamit ni Ben sa pag-igib ng tubig upang hindi siya nahihirapan. Subalit dahil ninakaw, nagtitiyaga na lang siya sa hinihiram na kariton. Masuwerte kung hindi ginagamit ng may-ari ang kariton, dahil kung magkaganoon, ay hihintayin pa ni Ben na mabakante ito bago niya magamit at hindi niya alam kung anong oras sa buong maghapon kaya hindi tuloy siya nakakapag-igib ng maramihan. Nagulat ako nang sabihin ni Mariel na apat na beses na daw silang ninakawan ng “sidecar”, kaya ang mangyayari ay pag-iipunan na naman daw nila ng kung ilang taon bago makabili uli ng bago o second hand man lang.

 

Taga-Boac, Marinduque si Ben at 12 taong gulang pa lang daw siya nang makarating sa Maynila dahil sa kahirapan ng buhay sa probinsiya. Tulad ng iba pang galing sa probinsiya na nakipagsapalaran sa Maynila, nakitira din muna siya sa mga kamag-anak at dumiskarte upang kumita. Ang Baseco ay malapit sa Divisoria at basta pairalin lang ang tiyaga at kasipagan ay hindi magugutom ang isang tao, at ito ang nangyari kay Ben hanggang sa magka-pamilya. Upang maiba naman ang diskarte ay sinubukan nilang makipagsapalaran sa Sta. Cruz, kaya nauwi sa pagpa-parking ng sasakyan si Mariel at pag-iigib ng tubig si Ben. Tulad ni Ben, maliit lang din ang kinikita ni Mariel dahil umaasa lang siya sa kusang iaabot ng mga nagpapa-park, mula lima hanggang sampung piso, at pinakamalaki na ang dalawampung piso.

 

Sa kabila ng kahirapang pinagdadaanan ng mag-asawa upang kumita sa malinis na paraan ay hindi sila nakikitaan ng pagkabagot. Tulad ng ibang naging kaibigan ko na nasa parehong kalagayan, pinapahiwatig nila na ang mabuhay at magkaroon ng mga anak ay maituturing nang malaking utang na loob sa Maykapal na dapat ipagpasalamat.

 

Elena Constantino: Vendor sa Luneta

Elena Constantino: Vendor sa Luneta

Ni Apolinario Villalobos

 

Nasumpungan ko ang puwesto ni Aling Elena (Constantino) isang umagang naglibot ako sa Luneta upang makita ang mga pagbabago. Madaling araw pa lang ay naglibot na ako kaya natiyempuhan ko ang mga grupo ng nagsu-zumba. Hindi lang pala isang grupo ang nagsu-zumba, kundi lima. Nandoon pa rin ang grupo ng mga Intsik na na nagta-tai chi, at ang mga grupo ng ballroom dancers.

 

Malinis na ngayon ang mga palikuran ng Luneta, hindi nangangamoy- ihi tulad noon. Limang piso ang entrance fee. Unang nagbubukas ang palikuran sa may dako ng kubo ng Security personnel. Ang iba pa ay matatagpuan sa tapat ng Manila Hotel, likod ng National Historical Institute at tapat ng Children’s Museum.

 

Dahil sa pagod ko sa kaiikot, naghanap ako ng isang tahimik na mapagpahingahan at mabibilhan din ng kape. Ang nasa isip ko ay isa sa mga “stalls” na nagtitinda ng snacks, at dito ko nakita ang puwesto ni Aling Elena. Kahit pupungas-pungas pa halos dahil kagigising lang ay ipinaghanda niya ako ng kape. Marami siyang natirang pagkain tulad ng nilagang itlog at mga sandwich. Upang mabawasan ang maraming tirang nilagang itlog ay kumain ako ng tatlo.

 

Noon pa man ay may isyu na sa mga vendor ng Luneta. Ilang beses na silang pinagbawalang magtinda sa loob, pinayagan din bandang huli, pinagbawalan uli, pinayagan na naman, etc. Kung limang beses na ay meron na sigurong ganitong parang see-saw na desisyon ang National Parks Development Committee. Sa ngayon, ang upa sa isang stall na ang sukat ay malaki lang ng kaunti sa isang ordinaryong kariton, binubungan at nilagyan ng dingding, pinto at bintana ay Php50 isang araw. Subalit sa liit ng puwesto na sasabitan ng mga chicherya, sa tantiya ko ay hindi aabot sa Php100 isang araw ang tutubuin ng nagtitinda. Kaya ang ginawa nila, pati si Aling Elena ay nagkanya-kanyang lagay ng extension na gawa sa telang habong o tarpaulin. Bawal din daw ang maglagay ng mesa at upuan, pati ang pagluto, maliban lang sa pagpapakulo ng tubig na pang-kape. Subalit tulad ng isang taong nagigipit, nagbakasakali na lang sila sa paggawa ng mga ipinagbabawal upang kumita ng maayos at masambot ang araw-araw na upa.

 

Inamin ni Aling Elena na ilang beses na rin siyang naipunan ng bayaring upa kaya lahat ng paraan ay ginawa niya upang mabayaran ang namamahalang komite sa Luneta. Ang problema niya ay kung panahon ng tag-ulan, at mga pangkaraniwang araw  mula Lunes hanggang Biyernes kung kaylan ay maswerte na raw siya kung makabenta ng limang balot ng chicherya. Ang tubo sa isang balot ng chicherya ay mula piso hanggang limang piso. Kung makabuo siya ng pambayad sa isang araw, wala na halos natitira para sa kanyang pagkain. Hindi nalalayo ang kalagayan niya sa mga nagtitinda gamit ang bilao sa bangketa ng mga palengke….gutom din, kaya wala na talagang magawa si Aling Elena kundi ang magtiyaga. Okey naman daw ang kinikitang tubo na umaabot sa Php200 isang araw kung weekend, lalo na ngayong pasko.

 

Nagulat lang ako nang sabihin niya na may isa pala siyang apo na pinapaaral sa Mindoro. Nabasa siguro niya ang isip ko kaya siya na ang nagkusang magsabi na hindi siya pinababayaan ng Diyos dahil kahit papaano ay nairaraos niya dahil mura lang ang tuition sa probinsiya at may pinagkikitaan din kahit kaunti ang apo niya na nasa first year college. Wala siyang gastos sa pamasahe dahil sa maliit na puwesto na rin siya natutulog. Ganito na raw ang buhay niya sa Manila mula pa noong 1972 pagkatapos niyang mag-asawa sa gulang na labing-pito.

 

Mahigit pitumpong taon na si Aling Elena at marami na rin daw siyang nararamdaman lalo na sa kanyang mga kasu-kasuan (joints), pero tuloy pa rin siya sa kanyang ginagawa dahil baka lang daw magkasakit siya kung siya ay tumigil. Hindi rin siya kikita sa Mindoro dahil tag-gutom din daw doon at palaging binabaha ang bayan nila.

 

Upang kumita pa si Aling Elena, naka-tatlong mugs ako ng kapeng ininom at ang tatlong itlog ay dinagdagan ko pa ng dalawa, bumili rin ako ng sampung balot ng chicherya na inilagay ko sa bag para sa mga batang pupuntahan ko. Nang paalis na ako ay may dumating na babaeng may bitbit na mga nakataling tilapia, nahuli raw sa Manila Bay. Inalok si Aling Elena na umiling lang dahil nga naman ang kinita ay ang binayad ko pa lang. Dahil napansin kong nagtitinda din siya ng ulam, ako na lang ang nagbayad upang mailuto niya agad, mura lang kasi sa halagang Php60 at sabi ng nagtinda ay tumitimbang daw lahat ng isang kilo.

 

Mabuti na lang at naantala ang pag-alis ko dahil sa pagdating ng babaeng nagtinda ng tilapia. Naalala ko tuloy na kunan ng litrato si Aling Elena na nagpaunlak naman. Mula sa puwesto ni Aling Elena ay naglakad na ako patungo sa Liwasang Bonifacio (Lawton Plaza)….

IMG7217