Dapat Ipa-imbentaryo ang mga Kasong Matagal nang Nakatambak sa Department of Justice at Sandiganbayan

DAPAT IPA-IMBENTARYO ANG MGA KASONG MATAGAL

NANG NAKATAMBAK SA DEPARTMENT OF JUSTICE

AT SANDIGANBAYAN

Ni Apolinario Villalobos

 

Dahil sa pagka-absuwelto kay dating presidenteng Gloria Arroyo sa isyu ng pondo ng PCSO, dapat ay gumawa ng imbentaryo ang Office of the President ng mga kasong matagal nang nakatambak sa mga opisina ng Department of Justice, Ombudsman, at Sandiganbayan. Ang siste kasi, pagkatapos maisampa ang karamihan sa mga kaso at ma-brodkast ay animo mistula nang kinalimutan. Malaki tuloy ang pagdududa sa kagalingan ng mga abogado ng pamahalaan. Ang isa sa pinaka-prominenteng kaso ay ang Maguindanao massacre. Napabalitang ang ibang sangkot ay nakapag-piyansa at nakatakbo pa sa nakaraang eleksiyon….nakailang taon na ba ito? Ang isa pang masakit na pagdududa ay sinasadya daw ng mga opisinang nabanggit ang pag-antala…sana naman ay hindi totoo.

 

Ang problema lang ay protektado ang mga abogadong pulpol ng Civil Service Code dahil sa kanilang eligibility kuno kaya naging mga “career service officers” pa. Sana kung walang probisyon tungkol sa kakayahan bilang batayan sa pagtanggal, dapat lagyan ng ganitong probisyon ang Civil Service Code. Pwede naman itong ihanay sa “efficiency at proficiency in job” upang hindi lang mga kasong kriminal  at administratibo ang maging batayan sa pagtanggal sa mga walang binatbat na mga abogado ng pamahalaan upang hindi masayanag ang pera ng mga Pilipino pinangsusuweldo sa kanila.

 

Dapat amining hindi dahil nakapasa sa BAR ang isang naging abogado ay may katangi-tanging kakayahan o talino na. Yong iba ngang alam ko na honest sa pag-amin na “swerte” ang pagkapasa ay hanggang pag-notarize lang ang ginagawa dahil inamin rin nila na hirap sila sa pagsalita ng diretsong Ingles at Tagalog, lalo na sa pagsulat. At, higit sa lahat ay wala silang kakayahang magsalita sa korte dahil sila ay mahiyain. Malaki nga daw ang pasalamat nila sa bagong teknolohiya dahil pwede nang mag-copy/paste kaya nakakagawa sila ng mga requirements noong nag-aaral pa sila…pero, in fairness sa kanila, marami ang gumagawa nito at hindi lang sa kurso ng abogasya. Yan ang nakakabilib! Umaamin ng mga kakulangang kakayahan, hindi tulad ng ibang nasa gobyerno na para lang masabing intellectual kuno ay kung anu-anong mga sinasabing out of tune!

 

Nanguna na naman ang Department of Energy!

Nanguna na naman ang

Department of Energy!

Ni Apolinario Villalobos

Ipinakita na naman ng Department of Energy (DOE) ang pagiging tagapagsalita nito, ng mga kumpanya ng langis, sa pagsabi na asahan na ang pagsirit ng mga presyo ng langis sa Maynila at iba pang bahagi ng Luzon dahil sa pagpaalis sa kanila sa Pandacan depot. Dapat hinahayaan na lang nito ang ang mga kumpanya ng langis na maglabas ng mga saloobin tungkol sa epekto ng kanilang paglipat. Mismong Petron na nga ay nagsalita na hindi sila magtataas, na ibig sabihin, kung kaya nilang magmintina ng mga presyo, dapat kaya rin ng iba. Kung may mga presumptions ang (DOE), dapat ay hindi nila isa-publiko, dahil magpapalakas lamang ito ng loob ng mga kumpanya ng langis na magtaas ng presyo dahil inaasahan na pala ng taong bayan….sa tulong ng isang magaling na ahensiya ng gobyerno.

Ang mga sasarilining presumptions ng (DOE) ay dapat na gawin nilang batayan sa pagsalag kung may mga pagtaas ngang mangyayari. Ganoon dapat kung magtrabaho sila – may mga alternatives na mga kung ilang “plans”, gaya ng “plan A”, “plan B”, etc., – mga batay sa sitwasyon na maaaring mangyari, hindi yong mag-react agad sila na pabor pa sa mga kumpanya.

Dahil ginagawang dahilan sa pagtaas ng presyo ang inaasahang paggamit ng maraming delivery trucks at pagbigat ng trapik, ang isa sa mga paraan na maaaring gawin ay ang paggamit ng Pasig River upang makaiwas sa trapik ang mga delivery trucks. Maaaring gumamit ng mga barge na maglilikas ng mga delivery trucks patungo sa mga itatalagang daungan ng mga ito sa mga strategic locations sa Maynila. Sa puntong ito makakatulong ang DOE, dahil maaari nitong pangunahan ang pagpagawa ng mga daungan. Makakatulong din kung gagamit ng floating refilling barges ang mga kumpanya ng langis para sa mga istasyon na nasa Metro Manila lamang. Ang mga floating refilling barges ay madaling proteksiyunan laban sa mga terorista na siyang dahilan kung bakit pinaalis ang mga kumpanya ng langis sa Pandacan. At upang hindi makaapekto sa trapik, dito na dapat ipasok ang istriktong pagpatupad ng iskedyul sa paggamit ng kalsada para sa mga delivery trucks.

Dapat itigil na ng DOE ang pagmamagaling sa pamamagitan ng pagsalita agad bilang reaksiyon pabor sa mga kumpanya ng langis, sa halip na hadlangan ang mga pagtaas ng presyo na kadalasan ay hindi makatarungan. Dapat tumigil na ito sa pagmamagaling na ampaw naman pala, dahil hanggang ngayon ay wala pang napatunayang ginawang makabuluhan para sa taong bayan. Dapat magtrabaho sila ng maayos – gumawa ng mga planong batay sa mga sitwasyon, na inaasahan ng taong bayan. Hindi nakakatulong ang pagsasalita ng mga tauhan nito na animo ay mga tagapagsalita ng mga kumpanya ng langis na mula pa man noon ay nagkamal na ng limpak limpak na yaman!