Nakakasama ang Pagpuri sa Taong Madaling Lomobo o Lumaki ang Ulo

Nakakasama ang Pagpuri sa Taong

Madaling Lomobo o Lumaki ang Ulo

Ni Apolinario Villalobos

 

Mahalagang tantiyahin ang isang tao bago siya purihin dahil maaaring makakasama pa sa kanya kung may ugali siyang mayabang kaya madaling lomobo o lumaki ang ulo – isang palatandaan ng mahinang pagkatao.  Ito yong taong may itinatagong pangarap na makilala sa ano mang paraan at nag-aabang ng pagkakataon. Sa isang papuri lang, ay para na siyang lobo na biglang lulutang sa hangin, at ang kinikimkim na kayabangan ay biglang umaalagwa. Madalas mangyari ito sa mga taong  may pangarap na pumasok sa larangan ng pulitika, pero sa simula ay pakiyeme pa, kaya hihingi daw muna ng gabay mula sa Diyos.

 

Hindi madaling maging pinuno, lalo na kapag pulitika ang papasukan dahil marami ang masasakripisyo tulad ng katahimikan at kapakanan ng pamilya. Marami ring katangiang hinahanap sa isang pinuno, tulad ng kakayahan niyang makinig at sumunod sa mga payo, pagiging mapagpakumbaba kaya hindi dapat naaapektuhan ng mga papuri, may mahabang pasensiya, handang gumastos mula sa sariling bulsa nang walang kapalit, malawak ang pang-unawa sa mga pagkakaiba ng iba’t ibang uri ng tao, at may takot sa Diyos kaya hindi sinungaling dahil alam niyang mapaniwala man niya ang kanyang kapwa, ang Diyos na nakakakita ng lahat at sa lahat ng pagkakataon, ay hindi.

 

Hindi nangangahulugang ang isang tao na maraming kaibigan at palabati ay magiging epektibo nang lider. Hindi dapat na siya ay payuhang pwede nang maging Barangay Chairman o Mayor, halimbawa.  Paano kung marami nga siyang kaibigan ay maigsi naman pala ang pisi ng kanyang pasensiya? Hindi dapat sabihing pwede na siya sa mga  inihalimbawang puwesto sa pulitika kung siya ay matulungin. Paano kung ekstrang pera lang naman ang pinamamahagi niya kaya hindi niya ito pwedeng gawin palagi? Kapag naging Mayor o Barangay Chairman siya, hindi siya tatantanan ng mga nasasakupan para sa kanilang mga pangangailangan mula sa pagtayo bilang ninong o ninang sa binyag at kasal, hanggang sa paburol ng patay! At, halimbawang hindi naman siya mayaman, saan siya kukuha ng perang magagamit kung ang sweldo niya ay kulang pa sa kanyang pamilya?…eh, di sa pangungurakot!

 

May taong nagiging lider dahil sa “aksidente” o sitwasyong wala na talagang maitutulak na iba. Siya ay itinutulak ng mga gustong gumamit sa kanya, kesyo siya ay may “lahi” naman daw ng “magagaling” na pulitiko, kaya naniwala naman. Dahil napilitan lang at halimbawang binigyan naman ng pagkakataon kaya ibinoto, kapag nakaupo na sa puwesto, maaaring mapadalas ang kanyang “pagdapa” habang “naglakad kahit sa kalsadang wala namang lubak”. Ito ay dahil sa likas na kawalan ng tiwala sa sarili at kaalaman sa pinasok niyang larangan, na nagpipilit kumawala mula sa kanyang pagkatao. Upang mawala ang nerbiyos ay maaari niyang  palipasin ang pressure sa ibang gawain tulad ng paglaro ng games sa kaniyang gadget at panonood ng mga DVD kasama ang pamangkin o mga pinsan, normal man o “special”.

 

Dahil napasubo na, magiging bantad na rin ang ugali at pagkatao niya kaya mawawalan na rin siya ng takot sa Diyos. Dahil dito, kung magbitaw  siya ng mga kasinungalingan ay aakalaing parang nakikipag-usap lang sa mga bata. Dahil sa panunulsol at pang-uuto sa kanya ng mga taong nakapaligid at gumagamit sa kanya, matututo rin siyang maniwala sa mga hinabi o tinahi-tahing papuri na siya ay magaling!.

 

Maaaring  magpatung-patong ang mga kapalpakan niya, kaya aasahan din ang pagsampa ng patung-patong na mga kaso laban sa kanya kapag bumaba na siya sa puwesto. Dahil dito ay matatakot siya sa mga multong siya mismo ang gumawa. Gagawa siya ng paraan upang hindi mahatak  nitong mga multo tungo sa loob ng kulungan. Gagawa siya ng paraan upang mailagay sa puwesto ang akala niya ay makakapagligtas sa kanya….isang hero at savior niya na pipilitin rin niyang tumahak sa kalsadang walang lubak at hindi liku-liko…kuno!

 

Kaya bilang leksiyon, huwag purihin ang hindi karapat-dapat at baka maging presidente lang ang isang taong utu-uto na ay may malambot pang pagkatao! Maaring may bansa o mga bansang nasadlak na sa dusa dahil sa ganitong klaseng tao….maaaring mag-check sa internet! Pwede sigurong gamitin ang mga tag na “no balls”, “no backbone”, “no pakialam”, “pakialam ko sa inyo”, “to hell with you”, o “damn you”.

Ang Cebu Pacific at Philippine Airlines

Ang Cebu Pacific at Philippine Airlines

Ni Apolinario Villalobos

Ang mga kaibigan ko na nakadanas ng serbisyo ng Cebu Pacific ay hindi makaiwas sa pagbanggit na walang binatbat daw ito pagdating sa kalidad ng serbisyo, lalo na sa pag-asikaso ng mga pasahero kung ihambing sa Philippine Airlines. Sa sakit ng mga pagmumura nila sa Cebu Pacific ay ako ang parang nanliliit dahil may mga kaibigan akong nasa payroll ng nasabing airline. Tulad ko, sila ay galing din sa Philippine Airlines. Yong mga nakakaalam tungkol dito ay nagtataka kung bakit wala man lang daw halos kapirasong sistema ng PAL na ginaya para sa kapakanan ng magandang serbisyo.

Personally, ang unang napuna ko sa Cebu Pacific noon pa man ay ang paggamit nila ng deceptive an advertisement dahil sa pag-anunsiyo nila ng mga pamasahe na wala pang isandaang peso, pero pagpunta ng pasahero sa ticket office ay saka sila sasabihan na may babayaran pa palang iba, kaya lumalabas na halos regular tiket pa rin ang nabili nila. Sa Philippine Airlines, malinaw na sinasabi ang pamasahe kaya kung bumaba man ay naikukumpara agad sa regular na pamasahe, at pagpunta ng pasahero sa ticket office para bumili ay hindi sila inaatake sa puso sa pagkabigla tulad ng nadadanasan sa Cebu Pacific. Ang sabi ko naman, yong walang panlilinlang na pag-anunsiyo ng PAL ay totoo, pero yong tungkol sa atake sa puso, baka hinimatay lang ang pasahero pagkatapos niyang magmura.

Noong sa Davao ako, at habang nagtsi-check in sa counter ng PAL, natanaw ko sa hindi kalayuang counter ng Cebu Pacific ang isang babaeng inobligang tumuntong sa timbangan ng mga bagahe upang malaman ang kanyang bigat. Nagulat ako. Ang alam ko, napakaselang bagay ang bigat ng babae…ni hindi dapat pag-usapan. Sa tagal ng pagtrabaho ko sa PAL, wala akong nalamang pagtimbang sa pasahero. Ang mga eroplano ngayon, hindi tulad ng mga sinaunang pampasaherong eroplano, ay may “allowance” o kaluwagang inilalaan para sa mga inaasahang extrang bigat ng mga pasahero at para sa computation ay may nakalaang “constant” na bigat nila batay sa dami ng mga upuan. Sa ginawa ng taga-Cebu Pacific, naisip ko tuloy na baka may balak silang magsiksik ng mga bagahe at cargo na magreresulta sa overweight, kaya bilang paniguro ay tinitimbang pati ang mga pasahero. Naawa ako sa mga pasaherong tinimbang dahil nagmistula silang baboy na binibenta sa katayan! Bakit kasi hindi na lang singilin ng excess baggage…

Pumutok noon ang isyu sa pagwala ni Raymart Santiago at Claudine Barreto sa airport ng Manila pagdating nila mula sa Boracay. Hindi daw naisama sa nai-check in nilang mga bagahe ang isang bag kung saan ay inilagay nila ang mga gamot at iba pang gamit ng kanilang mga anak. Hindi daw sila sinabihan sa Boracay na io-off load ang nasabing bag, dahil kung sinabihan sila, malamang ay pinalitan nila ng iba ang nasabing bag, o di kaya ay nagbayad na lang sila ng excess baggage. Sa pagreklamo nila, walang manager o supervisor na humarap, hanggang napasok sa eksena si Tulfo. Sa Philippine Airlines, SOP na pag may reklamo, supervisor agad ang haharap dahil may mga desisyong kailangang gawin agad-agad.

Marami pang mga hindi daw makataong ugali ang mga taga-Cebu Pacific, sabi yan ng mga kaibigan ko…pero sabi ko, hindi naman siguro. Subalit nang magkaputukan ng sunud-sunod na bulilyaso tulad ng flight cancellations at flight delays nila noong nakaraang bisperas ng pasko 2014…sabi ng iba pang nakadanas ng mishandling din, sobra na daw ang pagkagahaman nila sa pera dahil sa ginawang overbooking. Inaakala daw ng Cebu Pacific na “maluwag” ang gobyerno sa kanila kaya sila nakakalusot, kaya ganoon na lang ang wala nilang pakundangan sa pag-overbook ng mga flights. Ibig sabihin, malakas ang loob nila…matapang. At, wala rin daw silang common sense dahil alam nang peak season ay bakit kukunti ang mga tao nila sa mga check- in counter. Sabi ko hindi naman siguro….ayaw kong maghusga dahil may mga balita naman sa diyaryo, TV at radyo na naririnig, kaya bahalang maghusga ang iba. Alam naman ng mga tao kung ano ang ugaling sakim sa salapi, mukha na singkapal ng tabla, at pusong singtigas ng bakal!

Basta ang alam ko, sa PAL, tutok ang mga supervisor kung peak season at hindi talaga bumibitaw sa mga problema hangga’t hindi nabibigyan ng solusyon. Wala silang pinapabayaang umiiyak na pasaherong naiwanan ng flight. Nagbibigayan din ang mga front liners ng PAL, o yong assigned sa mga check-in counter at ticket offices, sa pagbakasyon kung peak season upang masigurong hindi nawawalan ng mag-aasikaso sa mga pasahero.

Malaki daw talaga ang kaibahan ng Cebu Pacific sa Philippine Airlines. Sa pangalan daw kasi, ang dala lang ng Cebu Pacific ay “Cebu”, kaya kesehodang mabulilyaso ang mga serbisyo nila, dahil Cebu at mga Cebuano lang naman ang mapupulaan. Pero sa Philippine Airlines, buong Pilipinas at lahat ng Pilipino ang dala, kaya ingat na ingat ito. Sabi ko hindi naman siguro…yon nga lang, sa PAL, bahagi na ng tradisyon nito ang “total passenger care”…kaya walang kaplastikan ang serbisyo nito sa kabuuhan.

Sa lahat ng bagay na ating ginagawa, palaging mayroon tayong pagkakataon upang mamili para sa ating kapakanan. Sa pagpili, mayroon tayong sinasakripisyo. Halimbawa, tulad ng murang bigas na hindi mabango at hindi maalsa, at kung minsan ay malabsa kung hindi maingat ang pagkasaing. Sa pagbili ng murang damit, huli na natin nalalaman na umuurong pala ang tela, maliban pa sa kulay na nanghahawa kung mabasa. Meron ding pagkaing bangketa na mura nga ay barubal naman ang pagkaluto kaya nagreresulta sa pagkakaroon natin ng hepataytis. Ang gumagabay sa paggawa natin ng desisyon ay mga kaibigan batay sa kanilang karanasan, at sarili mismo nating katinuan batay na rin sa ating karanasan.

Ngayon, sa kabila ng mga sariling karanasang kahindik-hindik at mga kuwentong nakakarindi ng utak, ay uulitin pa rin natin ang paggawa ng isang bagay….ayaw ko na lang banggitin ang isang salita na aangkop sa katigasan ng ating ulo! Marami namang pagpipilian…..ganoon lang.