Nadadamay ni Purisima Ang Buong Kapulisan

Nadadamay ni Purisima

Ang Buong Kapulisan

Ni Apolinario Villalobos

Sa ginagawa ni Purisima na animo ay asong bahag ang buntok nagsusumiksik sa isang sulok o di kaya ay batang nanginginig sa takot na ayaw lumabas mula sa pinagtataguang kabinet, ay nadadamay niya ang buong kapulisan. Bakit ayaw niyang “lumabas” at magsalita? Baka ang sinusunod niyang prinsipyo ay “less talk, less mistake”. Baka rin kaya takot siyang may masagasaan kung magsimula siyang magsalita, at magbubunyag ng kasiraan niya, tulad ng ginagawa sa ibang mga opisyal ng gobyerno, pati na mga artista! …na puro below the belt ang mga sinasabi, at personal na sumasaklaw na sa kasarian.

May mga tao kasing makasira lang ng ibang tao, ay kung anu-ano na ang sinisiwalat, bilang ganti kapag may nabulgar naman tungkol sa kanila. Kaya ang dapat gawin ni Purisima ay mag-resign na bago umabot sa ganitong punto dahil siguradong hindi na siya makakabawi kung may magsimula nang siraan siya – dahil ibabandera sa lahat ng sulok ng bansa, pati pangalan ng pamilya ay damay! Kaliwa’t kanan na ang panawagan na mag-resign siya, subali’t pinalaki lang ng Presidente ang loob niya nang purihin pa niya ito. Dahil sa ginawang ito ng Presidente, malakas ang loob niyang bastusin ang Senate hearing na pinatawag ni Senator Poe.

Mismong mga volunteer against crime ay nagsusulong din ng panawagan na mag-resign si Purisima dahil wala namang nagawa sa mga lalo pang namamayagpag na krimen tulad ng hulidap, kidnap for ransom, drugs, na kinasasangkutan na rin ng mismong mga pulis. Bilang pag-depensa, sinabi ni Pangulong Pnoy na hindi lang naman daw ngayon may ganoong klaseng mga krimen. Huh??????!!!!!! Noon sinabi ni Pnoy na nanghuhuli naman daw ang mga pulis ng mga tiwaling pulis. Huh?????!!!!!!…eh, trabaho nilang manghuli, may sweldo sila para dito, kaya hindi sila dapat purihin sa pagtupad ng kanilang trabaho!

Kaya itinalaga si Purisima bilang chief ng PNP ay dahil INASAHAN siyang may magawa sa pagsupil ng krimen sa bansa. Pero dahil lagapak na lagapak ang pagbagsak niya sa inaasahan o expectation, dapat lang nag bumaba siya…ganoon lang! Hindi siya kawalan ng PNP dahil maraming magagaling na hindi na nga dapat i-compare sa kanya dahil wala namang batayan. Ang mga nalaktawan niya ay matatapang, may lakas ng loob, matikas kung magbitaw ng mga salitang may laman bilang babala sa mga kriminal at tiwaling pulis, at lalong higit…nirerespeto ng mga kapwa pulis, kapantay man o nasa mababang hanay! Nahawa na rin yata siya sa iba pang mga opisyal ng gobyerno na kapit-tuko sa pwesto sa kabila ng kanilang mga kapalpakan…at dinadaan na lang ang lahat sa pakapalan ng mukha!

Sabi ng isang radio broadcaster, “sayang talaga kung hindi muna niya i-enjoy ang bagong gawa na “magandang” tirahan…kaya bakit nga naman siya magre-resign?”

May Problema Kaya ang Namumuno ng Philippine National Police (PNP)?

May Problema Kaya

Ang Namumuno ng Philippie National Police (PNP)?

Ni Apolinario Villalobos

Sobrang halata na ang kahinaan o kalamyaan ng liderato ng PNP, kaya marami ang nagtatanong kung may problema ang namumuno nito na si Allan Purisima. Hindi tulad noong mga nakaraang administrasyon ng PNP, palaging naririnig at nakikita ang mga namumuno kaya conscious na conscious ang mga nasasakupan na palagi silang binabantayan. Nirerespeto ang mga nakaraang namuno. Matapang at brusko o macho ang dating sa pagbitaw ng mga salita lalo na ng mga babala sa mga kapulisan. Mabilis din ang aksiyon sa mga kaso ng mga pulis na nagkasala kaya marami ang nasuspindi at natanggal. Subalit ngayon, kahit may malaking kaso nang hinahawakan, wala pa ring naririnig kay Purisima. Nabibisto din sa pamamagitan ng media na marami palang pulis na patung-patong ang mga kaso subalit nagdo-duty pa rin…hindi man lang nasususpindi at lalong walang natatanggal.

Sa paghugas-kamay ng PNP, itinuturo nito ang National Police Commission (NAPOLCOM) sa mahinang pag-usad ng mga kaso. Bakit hindi sila gumawa ng follow-up action upang masigurong naipapatupad ang desisyon, at tuloy ay magamit nilang accomplishment nila na pwedeng banggitin sa mga press conference para malaman ng mga Pilipino? Iniisip tuloy ng mga Pilipino na may sabwatang nangyayari dahil yong dapat na natanggal na ay nasa serbisyo pa rin. Yong iba, “floating”, walang ginagawa pero may sweldo! Yong dalawang sangkot sa EDSA hulidap, mismong ang dating hepe ng PDEA ang nagsiwalat na may kaso na sila tungkol sa droga at dapat ay natanggal na, subalit nagulat siya nang malamang andiyan pa pala at nasangkot uli sa hulidap!

Pinagkakaisahan kaya si Purisima ng mga nakakababa sa kanyang mga opisyal? Bakit hindi yata siya nirerespeto ng hanay ng kapulisan? Malakas ang usapan na may dinismis daw siyang pulis na may kaso, subalit nakabalik din sa serbisyo. Kung totoo man, ilan ang ganitong kasong dismiss-balik na pagpapakita ng kawalan ng respeto sa kanya? Maaalala na galing siya sa Presidential Security Group (PSG) at isa sa mga security officers na nagbantay sa dating Cory Aquino, kaya noong itinalaga itong Chief ng PNP ay maraming mga karapat-dapat na aspirants at talagang sa field ang exposure ang nagulat dahil nalaktawan…sumama man ang loob ay hindi na kumibo. Sabi pa ng iba, “tanaw utang na loob na naman”! Marami rin ang nakakahalata na kung magsalita daw si Purisima ay “parang wala lang”, hindi nakikitaan ang mukha ng tapang o determinasyon kaya ang mga sinasabi ay walang epek, walang dating. Paano nga bang rerespetuhin ang ganitong hepe na kung minsan daw ay mas marami pa ang ngiti kaysa mga babala sa mga tiwaling pulis?

Pinagtatanggol ng Presidente si Purisima sa pagsabing hindi lamang daw sa pamumuno nito nagkaroon ng katiwalian ang kapulisan at ang nakakahuli naman daw ng mga pulis na tiwali ay kapwa nila pulis. May mali yata doon. Una, sa panahon pa man ng unang presidente ng Pilipinas ay mga mga tiwaling pulis na, subali’t inaasahan na ang namumuno ay sasawata nito. Nang umupo si Purisima, inasahan siyang gagawa ng mga hakbang upang matigil ang katiwalian, subalit hindi niya nagawa, nabigo siya. Pangalawa, hindi na naman maganda ang ginawa ng pangulo sa pagbalik- tanaw sa mga nakaraan na may halong paninisi, dahil ang inaasahan ng Pilipino ay ang mga nagagawa o gagawin ng kasalukuyang nakaupo. Ginagawa niya ito kay Gloria Aroroyo na binabato ng mga paninisi, pagdating sa mga problemang hinaharap niya sa kasalukuyan. Sinasabing magaling siya…patunayan niya! Huwag idaan sa paninisi ang tila desperasyon dahil sa kawalan ng paraan upang masawata ang korapsyon na kita namang namamayagpag sa administrasyon niya! Pangatlo, bakit ituturing niyang parang espesyal ang ginagawa ng pulis sa paghuli ng mga nagkasala, eh trabaho naman nila talaga ito? Ang dapat niyang sabihin ay kung ilan ang mga natanggal na pulis dahil sa pangongotong, drug pushing, hulidap at rape. At kung ilan ding mga “tunay” na drug lords ang nahuhuli kung may raid na gagawin sa mga drug laboratories, na halos ay wala, sa kabila ng kung ilang buwang surveillance! Puro nakatakas, kaya ang inaabutan ay mga tauhan lamang! Marami pa ang nagtatanong kung saan galing ang drogang binibenta ng mga tiwaling pulis, na dapat masagot.

Mahilig ang pangulong magtakip sa mga hindi magandang performance ng kanyang mga tao. Sa mga nagkakabulukang donations na hawak ng Department of Social Welfare (DSW) na dapat ay noon pa naipamudmod sa mga biktima ng bagyong Yolanda, pagpupuri pa ang mga sinabi para kay Dinky Soliman. Sa ahensiyang naitalaga upang mangasiwa sa pagbigay ng mga construction materials sa mga biktima ng kalamidad, na nabistong mahinang klase, wala rin siyang sinabing babala. Noong nakaupo pa si Vitangcol sa pamunuan ng MRT, sa kabila ng mga problema at panawagan na paalisin na niya ito, wala rin siyang nagawa hanggang ibang tao pa ang nagsabi kay Vitangcol na mag-resign na nga. At sa katagalan ay nag-resign na nga, subalit ang resulta naman ay ang tuluyan nang pagkawarat ng sistema ng MRT kaya sunud-sunod ang problema. Ngayon ay sa kaso naman ng PNP…

Sa pananaw ng nakararami, hindi bagay kay Purisima ang mabruskong trabaho tulad ng sa PNP na nangangailangan ng kamay na bakal at matatalim na salita kung kinakailangan. Kung sa pang-unawa at kabaitan, malamang umaapaw ang mga ito sa kanyang puso. Kung sa talino, malamang halos mamaga ang utak niya dahil sa pag-aalagwa nito. Kung sa ngiti, hindi ito nawawala sa kanyang mga labi. Pero iba sa PNP, dahil hindi lang sibilyan ang kakaharapin ng namumuno, kundi kaparehong mga pulis na nakauniporme at may mga armas , na nakapagsanay din, kung hindi sa Philippine Military Academy (PMA) ay sa PNP Academy kung saan ay napapag-aralan ang iba’t ibang klaseng krimen, kaya siguro ang iba ay natuto at nagkaroon ng utak-kriminal kaya nasangkot at nasasangkot pa rin sa droga, hulidap, rape at kung anu-ano pa. Kung nararamdaman ni Purisima na baka pinagkakaisahan siya ng mga ka-uniporme niya, at lalong higit kung naiisip na niya ngayong hindi siya bagay sa field, dapat bumaba na siya sa pwesto. Habang may self-respect pa siya, dapat magmuni-muni siya kung paanong ang natirang ito ay hindi mawala sa kanya. Pero, sabi naman ng iba, sayang yatang iwanan niya basta ang bagong gawang tirahan niya na ginastusan ng milyones kaya hanep sa ganda!

Ang nahahalata ng mga Pilipino ngayon ay tila parang synchronized na pagtatakip sa kahinaan ng liderato ng PNP sa pamamagitan ng pagdepensa ng Presidente kay Purisima, may dagdag pang salitang bumaba daw ang krimen na napakasakit sa tenga… ang palaging pakiusap naman ng Secretary ng DILG Mar Roxas sa mga sangkot sa krimen na sumuko, na ang pinakahuli ay tungkol sa EDSA hulidap… at ang pananahimik naman na parang kordero ng mismong pinuno ng PNP. Kaya sa tingin ng Malakanyang at ni Secretary Mar Roxas, “mapayapa talaga” ang Pilipinas sa pamumuno ni Purisima!

Hulidap

Hulidap

Ni Apolinario Villalobos

Nakakatawa ang gobyerno dahil ngayon lang yata nila nalamang may mga nangyayaring hulidap. Kung hindi pa napahiya dahil sa pag-viral sa social media ng pinakahuling hulidap sa EDSA, ay hindi sila kikilos. At ang matindi, nag-iingay na nga ang media, wala pa ring narinig sa pamunuan ng pulisya. Bukod tanging mga precinct commander at mababang opisyal ang nagsalita. Nagsalita rin si DILG Secretary Roxas, pero “umapela” lang para sumuko na ang mga sangkot na nagtatago pa hanggang ngayon. Paanong paniniwalaan at marerespeto ng hanay ng pulisya ang mga nakakataas sa kanila kung ganito ang kanilang ginagawa, na malamya na ay puro “announcement” lang sa media ang ginagawa. Yong dapat aksiyon na pag-check sa lifestyle ng mga pulis, na dapat ay “discreet” na gagawin, ay inanunsiyo pa sa media ni Roxas! Ano ngayon ang gagawin ng mga may kamalasaduhang ginagawa?…eh, di mag-lie low…kung nakatira sa magarang mansion, lilipat muna sa squatter’s area siguro… yong dating may magarang kotse, magdi-jeep na lang… yong pumupunta sa first class na sauna, sa bulag na lang magpapamasahe, etc.! Saan napunta ang common sense ng mga taong akala natin ay matatalino? Ang tanong ng marami ngayon…may naparusahan ba talagang mga tiwaling pulis?

Nang magsalita ang isa sa mga biktima sa EDSA hulidap, may binanggit siya na “lalo na sa San Juan”. Hindi man lang ito binigyan ng pansin. Dapat isipin ng mga pulis na ang popular na Greenhills Shopping Center na halos puno ng puwesto ng mga negosyanteng Muslim ay nasa San Juan. Hindi lang nababanggit ng hayagan ang mga negosyanteng Muslim sa Islamic Center sa Quiapo na mga biktima rin pangongotong. Ang mga negosyanteng Muslim ang palaging target ng mga hulidap, na nitong huling mga araw ay nasamahan na rin ng mga Koreanong negosyante. Ang mga Tsinoy, dati na talagang biktima. Saan napunta ang intelligence fund ng kapulisan? May nagsabi na meron daw taga-timbri ang mga tiwaling pulis kung may darating na big time na negosyante mula sa Mindanao, kaya sa airport pa lang o sa daan paglabas ng airport ay may mga nakaabang na.

Humihingi pa ang pulisya ng pondo para sa sarili daw nilang neuro examination facilities na palagi namang dini-deny tuwing budget hearing….dapat lang! Kung ihi nga lang para sa drug test ay kinukutsaba, neuro test pa kaya na requirement para sa entrance ng applicants sa pagka-pulis? Paano na kung may sariling ganitong pasilidad ang kapulisan?

Sa isang TV broadcast ng isang biktima ng hulidap na hiningan ng two hundred thousand pesos, noong pinipilit daw siyang hingan ng pera at pumapalag siya, may inilabas na malaking pakete ng shabu para ipaamin sa kanyang pagmamay-ari niya. Sa takot, nagbigay na lang siya ng pera, subali’t hanggang ngayon daw ay kinikikilan pa rin siya. Noon pa man may mga kuwento na tungkol sa pagtatanim ng drugs sa mga nakukursunadahang nahuli upang mapilitang umamin sa kasalanang hindi naman ginawa. Mabigat ang kaparusahan sa possession of illegal drugs, kaya kahit walang torture, may “napapaamin”. Bakit hindi i-audit ang mga nakumpiskang shabu? Marami ang nakapansin kasi na kung kaylan sunud-sunod ang mga buy-bust operation at kung anu-ano pang operasyon na may kasamang pagkumpiska ng illegal drugs dumami rin ang mga pulis na nasangkot sa bentahan nito. Sa mga nari-raid na drug dens at laboratories daw, wala namang naaabutang operator or may-ari, puro katiwala lang, at mga bulto ng mga illegal drugs…nakapagtataka yata.

Ang nakakabahala pa ay ang pagkabisto na karamihan pala sa mga pulis na sangkot sa katiwalian ay dati nang may mga kaso, pero nagdo-duty pa rin. Sa harap ng TV cameras inamin ito ni Roxas ang kanyang pagtataka tungkol dito, pero ang pangako ay puro iimbistigahan lang….kaya? at kaylan?

Sa EDSA hulidap, mapapansing karamihan sa mga sangkot ay mga PO1 at PO2, mga bago sa trabaho. Kasama nilang ilan ay mga datihan na. Talagang, ang bata ay natututo sa matanda!