Anna…ang eleganteng food vendor sa Roxas Boulevard (Manila)

Anna…ang eleganteng food vendor sa Roxas Boulevard

Ni Apolinario Villalobos

 

 

Masasabi kong elegante si Anna dahil sa sinasabi sa Ingles na “regal bearing” niya habang nagtitinda ng kape, kendi, at mumurahing sandwich sa isang bahagi ng Roxas Boulevard. Lalo akong nagulat nang walang pangingimi niyang sabihin na ang inabot niya ay Grade One. Hindi na siya nakapagpatuloy ng pag-aaral dahil tumulong siya sa kanyang mga magulang. Isa siyang Tausug, taga-Jolo at ang asawa naman niya ay isang Samal na nagtatrabaho bilang part-time security guard, ibig sabihin, ay “on standby” para magrelyibo o pumalit sa umabsent o aabsent na guwardiya. Lumalabas ang likas na talino ni Anna sa mga sinasabi niya habang nag-usap kami.

 

Una ko siyang napansin nang lumapit siya sa ilang bikers na nagpapahinga at omorder sa kanya ng sigarilyo. Lalong napaaliwalas ng hindi nawawalang ngiti ang likas niyang ganda na pilit lumulutang kahit pinapawisan siya. Kapansin-pansin ang maraming bikers na nagpapahinga at may isang umamin na matagal na nilang suki si Anna sa kabila ng kakaunti nitong paninda dahil mabait daw. Ikinuwento ni Anna na ang ginagamit niyang maliit na kariton ay regalo sa kanya ng isa niyang suking biker.

 

Dahil ang pinag-usapan namin ay tungkol sa buhay-buhay, ini-share niya na sa kabila ng maliit nilang kita, ay napapag-aral pa nilang mag-asa ang dalawa nilang anak…isa sa college at isa sa high school, samantalang ang panganay nila ay may sarili nang pamilya. Nakatulong ng malaki ang mura nilang upa sa bahay kasama ang kuryente at tubig, sa halagang Php2,500, dahil mabait daw ang may-ari. Sa San Andres Bukid sila nakatira na mararating sa loob ng ilang oras na lakaran mula sa Roxas Boulevard. Hindi din daw maiiwasang magalaw niya ang bahagi ng puhunan niya upang magamit kung may emergency, subalit kahit kaunti lang ang paninda ay pinipilit niyang pumunta sa Roxas Boulevard upang magtinda tulad nang Linggong yon nang mag-usap kami.

 

Sa mga Muslim Filipino, ang mga Tausug, tulad ng mga Maranao ay kilala bilang mangangalakal. Sila yong mga dumadayo sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas na karamihan ay nagtitinda sa palengke at bangketa kahit kakaunti ang kalakal. Mapapansin din na kahit sa iisang bilao lang nakalatag ang mga paninda, ang nagtitinda ay maayos ang bihis. Sa murang edad sila ay sinasanay na sa ganitong uri ng pagkikitaan kaya may mapapansing mga tin-edyer pa lang ay may mga sarili nang puwesto. Matiyaga sila kahit ang kinikita sa maghapon ay barya-barya. Ayon na rin kay Anna, ang gusto nila ay kumita ng maayos upang magkaroon ng tahimik na pamumuhay, dahil ayaw nila ng gulo kaya sila pumunta sa Maynila.

Blessed be the Man Who Toils with Honest Mind that Guides His Hands…a poem for Labor Day/2015

Dedicated to those whose hard work keeps others alive……
A blessed Labor Day to all!

Blessed be the Man Who Toils
With Honest Mind that Guides His Hands
by Apolinario Villalobos

When the mind is clouded with deceit
No decent toil is done with it…
As the mind is emboldened with fraudulence
Fear is no longer felt for the consequence.

Blessed be the man whose honest mind
Guides the dexterity of his hands,
Blessed by his good intentions
To earn by dint of sacrifice and sincerity
So that not a soul be exploited
Or get trampled with audacity.

Dahil sa kumalat niyang lipstick…nakilala ko ang isang “anghel”

Dahil sa kumalat niyang lipstick
…nakilala ko ang isang “anghel”
Ni Apolinario Villalobos

Nabanggit ko kaylan lang, sa isa kong blog ang tungkol sa isang babaeng kumalat ang lipstick sa kanyang labi nang dumating sa party na aking dinaluhan, pero hindi sinabihan ng kaibigan niyang kausap ko. Sa halip ay hinayaan itong mapahiya. Ako na ang gumawa ng paraan upang masabihan ang babae, na nalaman kong negosyante pala – may apat siyang karinderya. Madali siyang makagaanan ng loob at nakakahawa ang positibo niyang pananaw sa buhay. Single mom siya, may apat na sariling anak na halos ay magkasunud-sunod ang mga edad – isa sa kolehiyo at tatlo sa high school, bukod pa sa dalawang ampon na pinag-aaral niya sa elementarya. Ang apat na nakakatandang mga anak ay tumutulong sa kanya tuwing weekend, sa pagbantay sa apat niyang karinderya – isa sa Baclaran, isa sa Pasay, at dalawa sa Divisoria.

Ang babae ay regular na nagbibigay ng donation sa isang kilalang orphanage sa Maynila na ayaw niyang ipabanggit. Nalaman kong dati pala siyang ampon din dahil sa murang edad ay namatay ang kanyang mga magulang kaya naiwan siya sa kalinga ng kanyang lola sa nanay, na hindi kalaunan ay namatay din kaya napapunta siya sa Maynila – sa Divisoria, sa kanyang tiyahin. Hindi siya pinag-aral ng kanyang tiyahin na may karinderya, at sa halip ay ginawa siyang helper, tagahugas ng pinggan at taga-silbi ng pagkain. Ang huling baytang na inabot niya sa elementarya noong sa probinsiya siya ay grade five. Sa Maynila, kung hindi pa namatay ang tiyahin niyang may karinderya ay hindi siya nakapagpatuloy ng pag-aaral, sa tulong ng kumare nito, kung saan ay nagtrabaho naman siyang kasambahay. Pinayagan siyang magpatuloy ng elementarya, kaya sa edad na labing-apat na taong gulang ay saka pa lang siya nakatuntong ng grade six.

Tumuluy-tuloy siya sa pag-aral hanggang makatapos ng high school. Naiipon niya ang iba sa kanyang allowance na binibigay ng kanyang amo na nagamit naman niya sa maliit na negosyo maski estudyante pa lang siya. Mula third year high school, nagdadala siya ng mga pambenta sa kanyang mga kaklase tulad ng mga burluloy o mga fancy na alahas, panty at t-shirt na binibili niya ng maramihan sa Divisoria. Naging suki niya ang kinukunan niya ng kalakal at naging boyfriend din niya ang anak nito.

Nang makatapos ng high school, hindi na siya nagpatuloy sa college. Nagpaalam siya sa kanyang amo at umupa ng isang maliit na kuwarto sa isang mataong lugar sa Tondo, sa tabi ng bahay ng isa niyang classmate sa high school. Pinahiram pa siya ng amo niya ng pera. Ang kuwarto ay nakaharap sa kalye. Bumili siya ng mga second hand na kawali, kaldero at iba pang gamit panluto, sa pamamagitan ng naipon niyang pera at pinahiram ng dati niyang amo. Ang dalawa niyang kalan ay de-uling. Nagluto siya ng mga ulam na inilatag sa labas ng kanyang kuwarto. Dahil sa karanasan niya noon sa karinderya ay natuto siya ng iba’t-ibang lutuin. Naging suki niya ang kanyang mga kapitbahay kaya lumakas ang kanyang negosyo. Tuloy pa rin ang panliligaw sa kanya ng anak ng kinukunan niya ng mga panty at t-shirts noon, hanggang naging ka- live in niya.

Nang mabakante ang isang malaking katabing kuwarto, lumipat sila dito, at ang maliit na kuwarto naman ay ginawa nilang kainan – naging full time na karinderya, kaya lalong dumami ang kanilang kostumer. Masipag din ang kanyang ka-live in sa pagbuntis sa kanya, kaya halos nagkasunud-sunod agad ang mga anak nila. Namatay ang asawa niya sa isang aksidente nang mabangga ang jeep na dinadrayb nito papunta sa isa nilang karinderya sa Pasay. Sa kabila ng lahat ay hindi siya nasiraan ng loob, kahit kaluluwal pa lamang niya sa pang-apat na anak.

Nang minsang lumabas siya sa simbahan ng Quiapo pagkatapos ng Misa, kasama ang mga anak, may sumunod sa kanilang isang tin-edyer na may dalang sanggol. Nang makatiyempo, nilapitan siya at diretsahang nakiusap na ampunin ang anak nito, sabay abot ng sanggol. Sa pagkabigla, hindi niya naibalik ang sanggol sa tin-edyer na umalis agad. Nang umiyak ang sanggol ay saka pa lang siya parang natauhan… ang mga anak naman niya ay tuwang-tuwa – grasya daw ang sanggol. Bumalik sila sa simbahan at nagdasal. Bago umuwi sa Divisoria, bumili muna sila ng mga gamit ng sanggol. Kinuha niyang tagapag-alaga ang bagong saltang pamangkin ng kapitbahay nila.

Wala pa halos dalawang taon ang inampong bata, nabuntis naman ang nag-aalaga dito na pamangkin ng kapitbahay niya. Dahil ayaw umako ng responsibilidad ang disgrasyada, pinaampon niya ang batang iniluwal sa babaeng ikinukuwento ko, pero sa kasunduang hindi muna siya aalis hangga’t hindi pa ito umaabot ng hanggang dalawang taong gulang man lang.

Suwerte siya sa kanyang mga anak na lahat ay babae, dahil kahit isa sa kanila ay walang suwail. Magagalang, mababait, at masipag sa pag-aaral at sa pagtulong sa kanya. Buhay pa ang kanyang ka-live in nang magsimula silang magbigay ng bigas sa isang bahay ampunan. Sa simula ay isang kaban lamang ang binibigay nila, na naging dalawa na nang kalaunan. Kahit ngayong wala na ang kanyang asawa, dalawang kaban pa rin bawa’t buwan ang binibigay niya.

Nang ikuwento ko ang mga ginagawa kong maliitang pagtulong sa iba, agad siyang nag-alok ng alalay, sa pamamagitan ng pag-ako sa pag-aaral ng dalawang batang nakatira sa bangketa, na ilang kanto ang layo mula sa kanila. Parang inampon na rin niya dahil sa kanila na rin nakatira, at dahil nasa high school, nakakatulong pa sa kanya. May iniisip na agad siyang kurso para sa isa dahil magaling sa computer, kahit sandali pa lang itong maturuan ng panganay niyang anak. Ang isa naman, bukod sa ganda ng mukha ay may maganda ring boses, parang si Celine Dion, kaya tuwang-tuwa ang babae dahil mahilig pala siya sa musika.

Ang party na dinaluhan niya noon kung saan ay bisita din ako, ay bertdey ng dati niyang amo na itinuturing na niyang nanay, kaya naging lola na kung ituring ng mga anak niya. Ang isang anak ng dati niyang amo ay kaibigan ko kaya ako napa-attend sa party. Ang kaibigan naman ng babae na hindi man lang nagsabi sa kanya na kumalat ang kanyang lipstick ay tindera ng gulay sa palengke ng Pritil (Tondo), at ang asawa nitong tricycle driver ay adik daw.

Talaga din namang ang grasya ay tuluy-tuloy na dumadating sa taong hindi maramot!…huwag mainggit sa babae…gayahin siya sa abot ng makakaya!