Ang Tubig at Hangin

Ang Tubig at Hangin

Ni Apolinario Villalobos

Ang tubig at hangin –

Bahagi ng buhay kung sila ay ituring.

Sa tubig ng sinapupunan nakalutang

Ang binhi ng buhay na sumisibol pa lamang

Na sa mundong lalabasa’y walang kamuwang-muwang.

Gaya ng tubig, ang hangi’y buhay din,

Nagpapatibok sa puso, nagpapapintig;

Ang sibol, nakapikit man, ito ay nakakarinig

Na animo  ay naghahanda na, paglabas niya sa daigdig.

Hangin ang unang malalanghap niya

Sa takdang panahong siya’y isinilang na,

At, sa kaguluhan ng mundo

Imumulat ang mga mata

Kasabay ng malakas niyang pag-uha.

Sa tigang na lupa, ang tubig ay buhay

Ito’y ulang bumabagsak mula sa kalawakan

Subali’t kapag lumabis na’t hindi mapigilan

Nagiging baha, pumipinsala sa sangkatauhan

Ganoon din ang hangin na dulot ay ginhawa

Basta ang ihip, huwag lang magbago ng timpla.

Baha at bagyo

Dulot ng tubig at hangin sa mundo

Hindi masawata

Kaya dulot ay matinding pinsala

Subali’t sana, kahit papaano’y maiibsan

Kung napangalagaan natin ang kalikasan

Na ating inalipusta nang ganon na lamang!

Ang Paghihirap ni Inang Kalikasan

Ang Paghihirap ni Inang Kalikasan
Ni Apolinario Villalobos

Sa kanyang sinapupunanun ang pintig ng buhay ay nalinang,
Nagkaroon ng iba’t ibang anyo – hugis, kulay at mga katangian,
Na nagdulot ng paghihirap niya sa halip na maging kayamanan.

Dumami ang tao, isang anyo ng buhay
May malawak na pag-iisip, siya’y matalino
Ang masaklap nga lang, siya’y naging gahaman
Pagkagahamang nagpahamak sa buongsangkatauhan!

Dahil sa pagnanais niyang lahat na lang ay kanyang makamtan
Hindi alintana kung sino at ano ang mapapahamak, masagasaan
Kaya’t walang patid kung siya ay humataw ng mga pagkamkam!

Biyayang likas ay hindi niya inalagaan
Nasalaula’t nasira dahil sa kanyang kaburaraan
Di man lang niya naisip na itong pagkakamali
Ay di maiwawasto, tumiwarik man siya sa pagsisisi!

Mga kagubatang nakalbo na, mga palanas na wala man lan gpuno,
Mga dalampasigan na dati’y kay igayang lakaran, ngayo’y itim na,
At ang inuugoy ng matamlay na alon- mga umaalingasaw na basura!

Hanging kaysarap langhapin, naging lason
Ulan na inaasam-asam, ngayon ay hindi na mainom
Mga bukal na bumulwak ng tubig, malamig at matamis
Wala na sila, natuyo pati na ang mga dinadaluyang batis.

Hanggang kaylan matututo ang tao, isip ay mabuksan upang magbago?
Hanggang kaylan tatagal, paghihingalo’t paghihirap ng Inang Kalikasan?
Makakaya pa kaya ng tao na ito ay tuluyang mapigil o di kaya’ymaibsan?