Ang Kadakilaan ng Pag-ibig (para kay Emma Tronco)

Ang Kadakilaan ng Pag-ibig

(para kay Emma Tronco)

Ni Apolinario Villalobos

 

Sa kaibuturan ng puso’y bumabalong ang pag-ibig

Mahiwagang damdamin, minsa’y hindi maunawaan

Nag-udyok sa Diyos upang buhayin ang sangkatauhan

Nagpaubaya sa Kanyang palampasin, unang Kasalanan.

 

Ang kadakilaan ng pag-ibig ay hindi kayang sukatin

Ng mga pagsubok dahil sa pagduda’t pag-alinlangan

Hindi ito saklaw ng mga pasubaling minsa’y nabibitiwan

Na sa mga labi ay namumutawi, dala ng magulong isipan.

 

Sa mundong ibabaw, habang buhay ang magsing-irog

Na sa harap ng altar nagsumpaan, taimtim na nagdasal

Saksi ang pari, magulang,  iba pang sa buhay nila’y mahal –

Tiwala’y pairalin hanggang huling sandali sa kanila’y daratal.

 

Tanikala ng pagmamahal ang nagbuklod sa magsing-irog

May bendisyon ng Diyos, nagpapatibay, nagpapalakas nito

Di dapat makalas o maputol sa pagkatali ng dalawang puso –

Anumang panahon o kalagayan, umaaapaw man ng siphayo!