Nang Mapahiya ang Isang “Donor”

Nang Mapahiya ang isang “Donor”

Ni Apolinario Villalobos

Ngayong Oktubre 2015, naalala ko ang isang “donor” na ipinakilala sa akin ng isang kaibigan na regular donor para sa mga project ng maliit naming grupo. Nangyari ito noong nakaraang taon. Akala ko ay ang kaibigan ko lang ang madadatnan ko sa restoran na tipanan namin sa Greenbelt area ng Makati Business Center, na malapit lang sa office ng kaibigan ko. Dahil ang pinag-uusapan ay tungkol sa fund-raising para sa pasko 2014, nakisali ang kaibigan ng kaibigan ko, at nagsabi na magdo-donate din daw. Subalit nagulat ako nang tanungin niya kung saan daw ang “office” namin. Sabi ko, “wala, at apat lang kami sa grupo”. Dagdag pa niya ay kung pwede daw ba siyang humingi ng resebo para magamit niya sa tax deduction. Muntik na akong mabulunan ng mainit na kape sa tanong niya. Sa umpisa medyo nairita ako pero nagpaliwanag pa rin ako na hindi kami rehistrado sa SEC.  Naisipan kong sakyan na lang siya. Binigyan ko siya ng address kung saan siya puwedeng maghatid ng donation na mga de lata daw.

Four days ang nakalipas, habang kasagsagan ng pag-repack namin ng mga items, dumating ang “donor”, may dalang isang kahon ng sardinas. Natuwa kami, pero ang “donor” ay hindi, dahil ang dinatnan niya ay isang lumang garahe ng kaibigan ko at amoy-tuyo pa, dahil kasama ang tuyo sa nire-repack para sa mga plastic bag… akala siguro niya ay big time kami. Kahit amoy pawis kaming apat, ininterteyn pa rin namin siya, hindi nga lang namin nabigyan ng kape dahil ayaw naming bawasan ang mga donasyong kape na naka-sachet.

Halata ang disappointment niya. Wala yatang konsiyensiya, nagtanong pa kung bakit wala man lang kaming t-shirt na isinusuot tulad nang ginagawa ng ibang Foundation. Inulit ko sa kanyang hindi kami Foundation. Patanong na sabi ko, pangalan nga namin ay hindi namin ibinibigay, bakit pa kami magpapa-obvious pa sa pagsuot ng t-shirt? Ang dagdag paliwanag namin, dis-oras kami namimigay para walang makapansin.

Ang isang kasama ko ay hindi nakatiis, nag-“excuse me” at pumunta sa labas…akala ko ay galit. Nang sundan ko, nadatnan ko siyang namimilipit sa pagtawang pilit pinipigil. Tumigil lamang siya sa pagtawa nang tanungin niya ako kung saan ko na-meet ang “donor”. Hindi ko na sinagot ang tanong niya, basta ang sabi ko na lang ay, “hayaan mo na….may donation naman”. Pagbalik namin sa loob, inabot naming nagkokodakan ang dalawa pa naming kasama at ang “donor”. Nag-group picture kami, pa-selfie.

Maya-maya tumawag sa cellphone ang “donor” at ang kausap yata ay driver niya dahil ang sinabi ay,” Hoy, ang kotse ihanda mo na at lalabas na ako diyan, buksan mo na ang aircon…yong pinabalot kong pansit na natira sa restoran pala ipasok mo rito sa loob”. Maya-maya pumasok uli ang lalakeng naka-short- sleeved barong tagalong na nagdala ng kahon ng sardinas, may dalang supot na malamang, ang laman ay ang tirang pansit. Nagpasalamat kami sa dalaw ng “donor” at sa kanyang donation….at pansit. Nang ihatid ko siya sa labas ng gate, nakita kong Porsche ang kotse niya. Nag-alala lang ako dahil ang ibinigay niyang pansit ay baka para sa driver o kasambahay…kawawa naman sila.

Familiar pala sa isa kong kasama ang babaeng “donor”, kabit daw ng isang milyonaryong negosyante ng itlog at manok, at may palaisdaan pa na taga-Bulacan. Ang kasama naming nagsabi ay taga-Bulacan din, subalit tuwing Oktubre lang umuuwi mula sa Amerika at ang bakasyon niya ay hanggang Enero. Umuuwi siya para lang makibahagi sa fund-raising tuwing Oktubre at pamamahagi ng Christmas bags tuwing last week ng November. Akala siguro ng starlet ay may mga taga- media siyang madadatnan sa “repacking center” namin tulad nang nangyayari sa mga Foundation center ng mga kilalang TV stations. Makakatiyempo nga naman siya ng libreng mileage kung sakali at baka may makapansin upang makabalik siya sa pelikula. Bold starlet siya dati, at maganda pa rin hanggang ngayon…suki siguro siya ni Dra. Belo.

Ngayong taon, ingat na ingat na kami sa pagtanggap ng mga donasyon para sa pasko 2015, at baka makatiyempo kami ng mas matinding personalidad na gustong mag-“donate”.  Lalong masama kung makatiyempo kami ng pulitiko, panahon pa naman ng kampanyahan para sa election 2016.

Maging Totoo sa Pagbigay ng Regalo o Tulong

Maging Totoo

Sa Pagbigay ng Regalo o Tulong

Ni Apolinario Villalobos

Sa lahat ng pagkakataon, dapat maging totoo tayo sa pagbigay ng regalo o tulong. Huwag tayong magregalo o magbigay ng tulong, para lang masabi na may naibigay tayo. Kailangang isaalang-alang ang kabuluhan ng ibibigay sa taong bibigyan. Ang regalo ay hindi kailangang mahal upang magustuhan ng bibigyan. Ang tulong naman ay hindi kailangang malaki, basta angkop sa pangangailangan.

Kung minsan pumapalpak ang mga regalong binibigay sa mga bagong kasal o may bertdey, kaya sa halip na magamit ay dinidispley na lamang, o di kaya ay nireregalo na lang sa iba. Sa mga maysakit naman, dapat isipin ang kalagayan ng binibigyan. Halimbawa, ang mga may sakit na hindi na makakakain ng maayos dahil mahina na ang panunaw at mga ngipin ay hindi dapat nireregaluhan ng mga pagkaing hindi angkop sa kanila, kaya nabubulok lamang ang mga ito, o di kaya ay pinakikinabangan ng ibang tao.

Ang mga taong maysakit na alam namang hirap sa buhay, dapat ay regaluhan na lang ng pera na makakatulong pa ng malaki. Ang perang iaabot ay hindi dapat ituring na abuloy, kung hindi ay pandagdag sa gastusin. Hindi dapat isiping nakakahiya ang anumang halaga na maiaabot sa maysakit, dahil may kasabihang, sa taong nangangailangan, kahit piso ay mahalaga.

Hindi mahirap ang maging totoo sa pagbigay ng regalo o tulong, basta ilagay natin ang ating sarili sa katayuan ng taong inaabutan natin nito.