Ang Ulap at Pangarap

Ang  Ulap at Pangarap

Ni Apolinario Villalobos

Sa kalawakan, nakakatuwa silang masdan

Lumulutang, animo bulak, iba’t- ibang anyo

Sa isang iglap ay napakabilis ng pagbabago

Bigay ay ligaya sa nakakaramdan ng siphayo.

Sa kalawakang maaliwalas at kulay bughaw

Animo ay mga gasa at mangilan-ngilan lang

Kaya’t sa kanilang kalat-kalat na kanipisan –

Langit ay mistulang hubad kung pagmasdan.

Mga puting ulap, minsan ay nagkukulay abo

Badya ay masamang panahon, bagyo’t ulan

Sa kapal, kalawakan nama’y nalalambungan

Na nagdudulot ng pagkulimlim sa kalupaan.

Ganyan din ang buhay, mayroong mga ulap –

Sila’y pangarap, maraming hugis, kaaya-aya

Silang sa buhay natin, ang dulot ay pag-asa

At sa bawa’t tao, mga hugis nila ay magkaiba.

Subali’t kung mamalasin ang isang nangarap

Ang magandang hugis nito’t kulay ay nag-iiba

Nagiging abo, nalulusaw, hanggang mawala –

Na sa kalooban ng iba, ang dulot ay panghihina.

Subali’t hindi dapat manimdim ang nakaranas

Dahil may kasabihang sa kabila nitong mga ulap

Ay may pag-asang nakalaan para sa ating lahat –

Basta magtiyaga upang matamo ang pangarap!

Pagsisikap: Puhunan ng Buhay Na Hindi Mawawala at Walang Katumbas

Pagsisikap: Puhunan ng Buhay

Na Hindi Mawawala at Walang Katumbas

Ni Apolinario Villalobos

Ang puhunan ng Diyos nang likhain niya ang tao ay ang buhay nito na may kasamang talino. Ang tao naman ay dapat na tumbasan itong ibinigay na puhunan, sa pamamagitan ng pagsisikap. Ang pagsisikap ay likas nang bahagi ng ating pagkatao at naghihintay lamang na mapitik upang magising.

Walang katumbas na halaga ng salapi ang pagsisikap at hindi rin ito mawawala kailanman sa ating pagkatao. Habang may buhay tayo, nasa diwa natin ang pagsisikap upang mabuhay. Ang katanyagan at perang makakamit dahil sa pagsisikap ay maituturing na “tubo”. Ang tubong ito ay dapat na ituring na biyaya na dapat ay ipamahagi, hindi dapat maimbak. Maraming matutulungang tao kung ang mga tubong natamo dahil sa pagsisikap, ay magagamit nang walang pag-imbot.

Ampaw ang buhay na walang pagsisikap, dahil walang katuturan ang pamamalagi sa ibabaw ng mundo. Bawa’t tao ay pinaglaanan ng Diyos ng layunin sa mundo na kailangang matupad. Nagkakaiba ang mga layunin ng mga tao. At, lalo na ang pamamaraan ng pagsisikap upang makamit ang layunin ng bawa’t isa. Ito ang dahilan kung bakit hindi tayo dapat manibugho sa mga nakamit ng iba na sa tingin natin ay nakakahigit sa nakamit natin.

Pagdating ng araw ng pagharap natin sa Kanya, hindi tayo tatanungin nang may panunumbat kung gaano kadaming pera ang ninakaw natin sa kaban ng bayan bilang tiwaling senador o kongresman. Hindi rin tayo tatanungin kung ilang overseas workers ang naloko natin bilang illegal recruiter. Hindi rin tayo tatanungin kung ilang kabataan ang napariwara natin sa pagbenta ng shabu. Ang itatanong lang sa atin ay kung nagamit ba nang maayos ang puhunang ibinigay niya sa atin …kung naging makabuluhan ba ang buhay natin sa mundo…na ang ibig sabihin ay kung pinagsikapan ba nating gawin ito at sa tamang paraan?

Nagawa naman kaya natin?

Ang Kapalaran…para kay Bing Paragas Calbone

Ang Kapalaran

(para kay Bing Paragas Calbone)

Ni Apolinario Villalobos

 

Nakaguhit sa ating palad, yan ang ating buhay

Mga guhit na yugtu-yugto, merong madalang

Subali’t ang ganyang paniwala, hindi daw totoo

Dahil Diyos lang ang may karapatan sa mga tao.

 

May mga bagay na akala natin, sa ati’y nakatalaga

Nadadanasan natin sila mula pa noong tayo ay bata

Mga yugto ng buhay nating masaya, may malungkot

Ang iba’y tuluy-tuloy na nangyayari, iba ay nauudlot.

 

Pagdating ng panahon, ang ‘di inaasaha’y nangyayari

Mga bagay na hindi maunawaan, hindi natin mawari

Subali’t dahil kagustuhan ng Diyos, ay ating tanggapin

Ang mahalaga, buhay ay masaya, lungkot huwag isipin.

 

Barbara

Barbara

Ni Apolinario Villalobos

 

Anak siya ng isang titser ko noong high school. Matalas ang utak, matalino. Lalo at nakasalamin, talagang lutang ang impresyong ito kapag nakita siya ng maski hindi nakakilala sa kanya. Apat na taong antas ang pagitan namin dahil, noong fourth year high school ako, siya ay nasa grade six.

 

Noong minsang pumunta ako sa kanila upang makipagkita sa kanyang mama, nakita ko siyang nagpipiyano. Dahil mahilig ako sa musika, biniro ko kung pwede niya akong turuan. Nang pumayag, ang request kong ituro niya ay “Fobidden Games” na kinanta ni Jose Feliciano, at halaw sa piyesang may pamagat na “Romance”.  Ang itinuro niya ay ang “oido” version o yong hindi piyesado. Natutunan ko naman makalipas ang tatlong Sabadong turuan. Minsan namang nagkasalubong kami sa gate ng school, binigyan niya ako ng litrato niya. Pagdating ko sa bahay, tiningnan ko ulit at saka ko pa lang nakita ang dedication sa likod na, “To 4get you…I cannot do…To 4get me…It’s up to u…But remember the words, “I’ll never find another you”…love…Bobby”. Napangiti ako at itinabi ko na lang…ang mga kabataan nga naman!

 

Ang sunod naman niyang niregalo sa akin ay isang silindro o harmonica, na binili daw niya sa isang Maranao store sa loob ng palengke. Sabi ko hindi ako marunong magsilindro, tumawa lang siya at sinabihan akong pag-aralan ko daw. Ang hindi ko maintindihan hanggang ngayon, nanaginip ako na nagsisilindro, “Wooden Heart” ang piyesa, na madalas kong kantahin gamit ang gitara. Kinabukasan, natutunan ko ang pagbuga at pag-ihip ng hangin upang makagawa ng tono sa silindro. Kinahapunan nabuo ko ang “Wooden Heart” sa silindro, buti na lang hindi ako kinabagan.

 

Nang umalis ako sa bayan namin, hindi ako nagkaroon ng pagkakataong makausap ang batang kaibigan ko. Napasok ako sa isang airline at na-assign sa isang probinsiya. Nang malipat ako sa Maynila, nag-sideline ako bilang contributor sa mga diyaryo at magasin. Minsan, may humingi sa akin ng isang artikulo tungkol sa nightlife ng Maynila. Binalangkas ko agad ang mga dapat kong buuhin batay sa mga mapupuntahang lugar tulad ng mga beerhouse sa Baclaran at Ermita, nightclubs sa Roxas Boulevard at mga folkhouse sa Malate. May tinawagan akong kaibigan na may boarding house para sa mga hostess (tawag noon sa mga GRO), sa Baclaran. Ang sumagot sa telepono ay babae at nagsabing wala ang taong hinahanap ko. Dahil akala ko ay isa sa mga boarder na hostess, kinausap ko at marami akong tinanong na sinagot naman. Nang tinanong ko kung ano ang pangalan niya, muntik na akong mahulog sa kinauupuan ko dahil alam kong nag-iisa lang ang pangalang yon na panlalaki subali’t ginagamit ng babae.

 

Nakahalata siya nang marami pa akong tinanong tulad ng kanyang probinsiya, magulang niya, pinag-aralan niya. Ayaw na niyang sumagot at nagpapaalam na dahil magagalit daw ang “kuya” niya. Sabi ko huwag mahiya dahil kaibigan ko ang “kuya” niya, at nagkunwari akong Thai student na marunong mag-Tagalog dahil tumagal sa Manila, marunong din ng Bisaya dahil nakapagbakasyon na rin sa Cagayan de Oro at Iloilo. Bilang huling hirit, sabi ko pupuntahan ko siya upang imbitahing kumain sa labas sabay baba ng telepono.

 

Wala pang kalahating oras narating ko ang boarding house at halos sabay pa kaming dumating ng kaibigan kong may-ari. Ang bungad agad sa akin ng kaibigan ko ay ipapakilala daw niya ako sa bago niyang boarder, may kapayatan nga lang. Sa sinabing ito ng kaibigan ko, lalo akong kinabahan. Nang bumaba si “Bobby” pagkatapos niyang tawagin, para akong pinagsakluban ng langit. Siya nga ang nasa isip ko. Dahil sa tagal ng panahong hindi naming pagkikita, hindi niya agad ako nakilala. Kailangan ko pang magpakilala sa kanya, kaya siya naman ang natulala.

 

Pinagsabihan ko agad si Bobby na isasama ko siya. Wala namang magawa ang kaibigan kong may-ari ng boarding house. Ang tanging mga gamit ni Bobby ay isang pirasong bestida, dalawang maong na pantalon at ilang t-shirt na pinagkasya sa dalawang plastic shopping bag.

 

Habang nasa taxi kami, ako pa ang sinisi niya dahil hindi ko raw siya pinansin noon. Sabi ko bata pa siya noon at may girlfriend na ako. Biniro ko pa siyang baka sabunutan ako ng mama niya na alam ng lahat ang katapangan bilang titser. Sinabi niyang may ginawa daw siyang poem para sa akin. Sinubukan ko kung memorized pa niya, at laking gulat ko nang buong-buo niya itong binigkas. Alalang- alala pa niya maski  ito’y ginawa niya mahigit dalawampung taon na ang nakaraan noong nagkita kami uli. Dinagdagan pa niya ang pangungunsiyensiya sa pagsabi na noong nasa college na ako, lumilipat siya sa campus namin mula sa kanila (Girls’ High School Department) kung may mga activities na kasama ako, upang manood. Nagti-check din ng bulletin board kung saan pinapaskel ang dean’s list, upang hanapin ang pangalan ko. Kilala rin daw niya ang Ilokanang girlfriend ko. Marami pa siyang sinabi na hindi ko pinansin.

 

Gustuhin ko man, hindi ko siya pwedeng dalhin sa bahay kaya sa apartment ng isang kaibigan ko siya dinala upang tumira pansamantala. Kalaunan ay inilipat ko siya sa boarding house ng dati kong landlady. Naihanap ko siya ng trabaho bilang piyanista upang  tumugtog ng background music para sa nightly fashion show sa isang hotel. Kalaunan, gumamit na rin siya ng gitara bilang background, dahil magaling din siya sa pagtipa nito. Siya ang nagturo sa akin ng “plucking” na piyesa ng mga  kantang “House of the Rising Sun”, “Green Fields”, at “Walk With Faith”. Sa kanya ako natuto ng “plucking” sa pagtipa ng gitara na nagamit ko sa mga folk songs na kinakanta ko.

 

Nang minsang dinalaw ko siya uli, sinabihan ako ng landlady ko na bigla na lang daw umalis si Bobby, ni hindi nga nagpaalam. Walong buwan din siyang tumira sa boarding house. Pagkalipas ng ilang taon, nalaman ko na lang na nakakulong siya sa amin, kasama ang ka-live in na taga- amin din, parehong nalulong sa droga. Nang pasyalan ko sila, awang-awa ako dahil parehong payat. Sumbong ng ka-live niya, palagi daw ako ang topic nila sa usapan. Matagal ang usapan namin. Ang nagustuhan ko sa kanila, sa mukha nila ay walang makikitang galit o di kaya ay salitang may halong inggit na karaniwang naririnig sa iba na tulad ng, “mabuti ka pa…”. Napakiusapan ko ang gwardiya na doon na lang ako mananghalian kasama ang dalawa dahil may dala akong pagkain. Nagbibiruan kami habang kumakain at binigkas uli ni Barbara and poem na ginawa niya para sa akin. Bago ako nagpaalam, binigyan ko sila ng pera na ikinatuwa nila, pinakita pa ang pera nilang halos ayaw nilang gastusin. Inilabas ni Bobby ang isandaan na binilot ng pagkaliit-liit at itinago sa coin purse na ginutay na ng kalumaan. Sa pagdukot niya ng coin purse, sumama ang isang rosary. Tawanan kami. Iyon na ang huli naming pagkikita, dahil wala pang isang taon ang nakalipas, may nagbalita sa akin na pumanaw na siya.

 

 

Aaminin ko na isa ako sa mga nagkamali sa isang bahagi ng buhay ni Barbara kung kaylan ay kailangan sana niya ng isang masasandalan – noong kabataan niya. Matalino siyang bata. May kaya ang pamilya nila. Sa kabila ng lahat, naisipan pa rin niyang maglayas at mamuhay na mag-isa, at may bisyo. Sa murang edad na halos wala pang dalawampung taon, nakipagsapalaran siya sa Maynila. Ang hindi ko makalimutan ay nang sisihin niya ako habang sakay kami ng taksi papunta sa apartment ng kaibigan kong pansamantala niyang titirhan…hindi ko raw siya pinapansin noon.

 

Si Barbara ay isang malaking leksiyon sa akin. Siya ay halimbawa ng taong nangailangan, hindi ng pera, kundi atensyon na hindi napagbigyan. Maraming taong tulad ni Barbara na may agarang pangangailangan subali’t hindi nabigyan ng kaukulang pansin. Nariyan ang mga batang ang agarang pangangailangan ay malamnan ang tiyan ng maski ilang subo ng kanin man lang. Nariyan ang mga nawalan ng mahal sa buhay na halos wala nang ganang mabuhay at akala natin ay “nag-iinarte” lamang. Kalimitan ay huli na bago natin makita ang ating pagkakamali, kaya, ang tulong na sana’y dapat naibigay agad ay nawalan na nang saysay…kaya, balik tayo sa kasabihang, “aanhin pa ang damo kung patay na ang kabayo”, at….”palaging nasa huli ang pagsisisi.”

 

Isini-share ko ang kwentong ito ni Barbara upang mabuksan ang isip ng iba pagdating sa unawa at pagmamahal na dapat ay ibinibigay sa mga anak maski pa nakikitaan sila ng pagkarebelde, pagpuri sa dapat purihin na maaaring ipinagkait kay Barbara sa kabila ng kanyang katalinuhan, at lalo na ang pagtanggap ng masaklap na kapalaran na hindi dapat isinisisi kanino man, lalo na sa Kanya, na ipinakita ni Barbara at kanyang ka-live in, kahi’t naghihirap sila sa kulungan.