MULA DITO…SAAN AKO TUTUNGO? by Apolinario Villalobos

MULA DITO….SAAN AKO TUTUNGO?

Ni Apolinario Villalobos

Nasaan ang landas na tatahakin

Patungo sa  buhay na walang paninimdim?

Nasaan ang liwanag na sa akin ay tutugaygay

Sa pagpipilit kong marating ang buhay na matiwasay?

Nababalot ng kulimlim ang mundo

Nagbabadya ng mga darating pang siphayo

Ang pinangarap na kinabukasan ay basta nalusaw

Ng kapiranggot subalit mapaminsala’t pesteng kagaw!

Bawa’t isa ay tila nawalan ng katinuan

Naguluhan sa  mga nangyaring hindi inasahan

Bawa’t isa ay hindi alam ang gagawin….mga nalito

Nagtanong sa isa’t isa…MULA DITO, SAAN AKO TUTUNGO?!

(October 16, 2020)

Ulang Kumbektibo

Ulang Kumbektibo

By PG Murillo

Dumadagundong ang tibok
nitong dibdib
May paparating na unos.

Maaraw naman kanina.
Sobra pa nga ang init.
Ngunit biglang nagdilim ang langit.

Ang ulan, di pa nga pumapatak
Ay nakapanlalabo na ng pananaw.
Paano pa kaya kung magtampisaw?

Ang mga namamagang pamunglo’y
Daig pa’ng sinuntok ng iyong kamao.
Dagdag bigat sa pinapasang puso.

T’wing pipikit, kasabay na pumapatak
Ulan at mga imahe ng alaalang nangangaral
Kung bakit ganito tayo sa kasalukuyan.

Ngunit basâ man at tumutulo,
May nakahanda pa ring magpasukob
Ipaubaya sa kanila ang baldeng pangsahod.

Ingatan mo ang iyong parte.
Di bale nang sumobra.
Sa bawat pananim, hardin ang aking mga mata.

Mga Paa Kong Gala

MGA PAA KONG GALẲ

Ni Apolinario Villalobbos

 

Ang mga paa kong galằ

Sa malalayong lugar ako’y dinadala

Kilo-kilometrong kalye ang tinatahak

Aspaltado, sementado, at lubak-lubak.

 

Dahil sa kanila’y naakyat ko

Sa Mindanao ay matarik na Mt. Apo

Pati na ang sa Legasping Mt. Mayon

Bulkang kamangha-mangha’t magayon.

 

Liban sa mga bundok ng ‘Pinas

Nilakbay din namin ang mga palanas

Sa kagubatan ng lunsod ng Maynila

Walang pinipili, liblib o madilim na eskinita.

 

Thank you, Lord sa pagbigay mo

Ng dalawang paang walang reklamo

Maputik man o mabatong matahak

May bubog man o epot na sandamakmak!

 

 

Notes:

magayon – Bikol word for beautiful

sandamakmak – plenty

FEET 1

 

 

Dasal ng mga Kuntentong Tao

Dasal ng Mga Kuntentong   Tao

Ni   Apolinario   Villalobos

 

Lord, salamat sa lahat na ibinigay mong biyaya.

 

Ok na sa amin kung araw-araw,  ulam namin ay  tuyo

Naawa nga kami sa  ibang walang laman ang kaldero.

 

Ok na sa amin  kahit ang sinasaing ay NFA rice

Naawa nga kami  sa ibang araw-araw,  pagkai’y “memo-rice”.

 

Ok na sa amin ang sardinas, ginisa sa maraming miswa’t sibuyas

Naawa nga kami sa ibang araw-araw, gutom ang dinaranas.

 

Ok na sa amin, dinurog na kaning tutong na pinalambot

Naawa nga kami sa iba, sa sobrang gutom, noo’y napapakunot.

 

Ok na sa amin, pamatid -uhaw na tubig kahit walang yelo

Naawa nga kami sa ibang walang mainom,   nakatingin sa inudoro.

 

Ok na sa amin,  manipis na banig sa malamig na semento

Naawa nga kami sa  ibang animo’y  basang  sisiw sa ulan at bagyo.

 

Ok na sa amin,  celfon na luma kaya’t memory card ay wala

Naawa nga kami sa iba, maski lumang PLDT fone, di pa nakakita.

 

Ok na sa amin,  sapatos walang sintas, napulot sa tambakan

Naawa nga kami sa ibang walang saplot sa paa, kaya epot, naaapakan.

 

Ok na sa amin damit na pinaglumaan, kahit ba galing pa sa ukayan

Naawa nga kami sa iba, suot na t-shirt ay gulanit, animo galing sa digmaan.

 

Ok na sa amin maglakad paminsan-minsan, sa dyip walang pamasahe

Naawa nga kami sa iba, araw-araw na lang,  nagha-hiking sa kalye.

 

Ok na sa amin maski walang tv,  radio na lang, basta makarinig ng balita

Naawa nga kami sa iba,  sa kawalan nakangiti, dahil walang silbi ang mga tenga.

 

Ok na sa  aming makinood ng nakadispley na tv sa mall at mga tindahan  nito

Naawa nga kami sa iba, pakapa-kapa kung kumilos, walang maaninag sa mundo.

 

Ok na sa amin,  kulang ang bakod sa  bunganga, maraming nalagas na ngipin

Naawa nga kami sa iba, may kanser sa lalamunan, hindi makakain.

 

Ok na sa amin asawang bungangera, animo machine gun, boses sa umaga

Naawa  nga kami sa iba,  asawa’y walang alam iluto, nilagang itlog,sunog  pa.

 

Ok na sa amin,  asawang lasenggo ay sugarol pa, kung minsan may chicks  pa

Naawa nga kami sa iba, inuuwian lamang upang deposituhan ng semelya.

 

Lord, salamat uli sa  mga biyayang bigay  Mo

At sa  paminsan-minsang  pitik upang kami ay magising

Sa katotohanang, para sa Iyo kami ay pantay-pantay

Kaya walang dahilan para mag-astang aso’t pusang nag-aaway!

 

Yong ibang blessings, okey lang na sa iba Mo ibigay, Lord…

Amen!

Ang Ulan

Ang Ulan

Ni Apolinario Villalobos

 

Biyayang bigay ay ginhawa sa nanunuyong lalamunan

At nagpapalambot ng nagkandabiyak nang kabukiran

Pagbagsak nito sa kalupaan mula sa nalusaw na ulap

Dulot ay ginhawa’t pag-asa sa mga taong nangangarap.

 

Sa bawa’t patak ng ulan, may mga namumuong buhay

Nagkakaugat, sa lupa’y kumakapit at ayaw humiwalay

Sa pag-usbong ng mga ito’y luntiang paligid, dulot nila

Na sa iba pang nilalang sa mundo ang dulot ay ginhawa.

 

Subali’t kung minsan, kanyang pagdating ay may kasama

Hindi lang iisa, kundi dalawang masaklap na mga sakuna

Dilubyo kung ituring dahil may umiihip, malakas na hangin

At kung minsa’y baha na sa pag-agos, lahat kayang dalhin.

 

Ginagamit din kaya ito ng Diyos upang ang tao’y gisingin?

Mula sa kanyang kayabangan at sagad- butong pagkasakim?

Nararapat lang yata dahil kung wariin ay tila nakalimot siya

Sa Isang dapat ay pasalamatan…Diyos na naglalang sa kanya.

 

 

Ang Ulap at Pangarap

Ang  Ulap at Pangarap

Ni Apolinario Villalobos

 

Sa kalawakan, nakakatuwa silang masdan

Lumulutang, animo bulak, iba’t- ibang anyo

Sa isang iglap ay napakabilis ng pagbabago

Bigay ay ligaya sa nakakaramdan ng siphayo.

 

Sa kalawakang maaliwalas at kulay bughaw

Animo ay mga gasa at mangilan-ngilan lang

Kaya’t sa kanilang kalat-kalat na kanipisan –

Langit ay mistulang hubad kung pagmasdan.

 

Mga puting ulap, minsan ay nagkukulay abo

Badya ay masamang panahon, bagyo’t ulan

Sa kapal, kalawakan nama’y nalalambungan

Na nagdudulot ng pagkulimlim sa kalupaan.

 

Ganyan din ang buhay, mayroong mga ulap –

Sila’y pangarap, maraming hugis, kaaya-aya

Silang sa buhay natin, ang dulot ay pag-asa

At sa bawa’t tao, mga hugis nila ay magkaiba.

 

Subali’t kung mamalasin ang isang nangarap

Ang magandang hugis nito’t kulay ay nag-iiba

Nagiging abo, nalulusaw, hanggang mawala –

Na sa kalooban ng iba, ang dulot ay panghihina.

 

Subali’t hindi dapat manimdim ang nakaranas

Dahil may kasabihang sa kabila nitong mga ulap

Ay may pag-asang nakalaan para sa ating lahat –

Basta magtiyaga upang matamo ang pangarap!