BAI HAYVI…nagpatunay na may kasiyahan sa pagtulong sa mga mahal sa buhay

BAI HAYVI…nagpatunay na may kasiyahan

sa pagtulong sa mga mahal sa buhay

ni Apolinario Villalobos

 

Panganay si Bai Hayvi Antilino Montaner sa kanilang apat na magkapatid. At sa kagustuhang makatulong sa mga magulang ay nakipagsapalaran sa Kingdom of Saudi Arabia, sa Madina at pinalad namang maging Supervisor sa saloon ng Queen’s Palace. Maganda ang kanyang pinakitang pagganap sa trabahong iniatang sa kanya kaya bawa’t taon sa loob ng anim na kanyang itinagal ay nakakapagbakasyon siya.

 

Isang malaking pagsubok ang dumating sa kanyang buhay habang nasa ibang bansa siya, at ito ay ang pagkamatay ng kanyang ina. Huli na nang malaman niya ang nangyari kaya hindi siya nakauwi bago ito namatay. Mabuti na lamang at kahit papaano, noong buhay pa ito ay palaging nagbibilin sa kanya ang kanyang ina na huwag niyang pabayaan ang kanyang mga kapatid, kaya hindi man siya nakauwi nang ito ay mamatay, ang tagubilin na lamang niya ang nagpawi ng kanyang lungkot at pagdaramdam.

 

Retired na guro ang kanyang ama kaya’t lalo pang pinagsikapan ni Bai Hayvi ang pagtulong sa kanyang mga kapatid, dahil lumilitaw na siya na rin ang umaaktong ama at ina ng kanilang pamilya. Napagsabay niya sa paggastos sa pag-aaral ng kanyang mga kapatid ang pagbili ng bahay sa isang subdivision sa Davao City.

 

Ngayon, ang kanyang ama at mga kapatid ay doon na nakatira samantalang napatapos naman niya ang kapatid na babae ng BS Criminology, ang isang kapatid naman ay kursong HRM, at ang bunsong kapatid ay sa elementary pa.

 

Pinalad si Bai Hayvi na matanggap sa Capitol ng Sultan Kudarat at malaki ang kanyang pasasalamat sa tiwalang ibinigay sa kanya ng gobernador ng probinsiya na si Sultan Pax Mangudadatu. Malaking bagay sa kanya ang pagkakataon dahil hindi na niya kailangan pang magtrabaho sa ibang bansa, lalo pa at retired na ang kanyang ama na gusto niyang maalagaan, pati ang bunsong kapatid.

 

Una kaming nagkita sa facebook si Bai Hayvi nang mabasa niya ang mga blogs ko tungkol sa probinsiya at ang sumunod na pagkakataon ay sa isang okasyon sa provincial Capitol. Kapansin-pansin ang masaya niyang ngiti na hindi nawawala sa kanyang mukha, palatandaan na madali siyang makapalagayang-loob. Oras na ng tanghalian noon subalit abala pa rin siya at kanyang mga kasama sa pag-asikaso ng mga bisita…obvious na ini-enjoy niya ang kanyang trabaho. Inisip ko rin na ang nagbibigay sa kanya ng lakas upang maging masigasig sa trabaho ay ang likas niyang pagmamahal sa kanyang ama at mga kapatid , maliban pa sa tagubilin ng kanyang namayapang ina. At, higit sa lahat, ay nais niyang ipakita na karapat-dapat siya sa ibinigay na pagkakataong makapagtrabahong hindi na lalayo pa sa kanyang pamilya – sa “ama” ng Sultan Kudarat, si Governor Pax Mangudadatu.

 

Ang Kagitingan ng Babae

For the International Women’s Month (March)

 

 

Ang Kagitingan ng Babae

Ni Apolinario Villalobos

 

 

Kung babalikan ang Bibliya, nakatala doon sa sinasabing alamat ng paraiso, na ang dahilan ng pagsuway ni Adan sa utos ng  Diyos ay babae, si Eba. Kung sinasabi din na silang dalawa ay binigyan ng malayang kaisipan, ang ginawa ni Eba ay ang paggamit nito dahil sa kagustuhan niyang mahigitan ang kaalaman ng Diyos. Masisisi ba natin siya? Kung ang kaisipang ibinigay ng Diyos sa mga una niyang nilalang ay hindi malaya, hindi sana nagpatukso si Eba sa ulupong, at si Adan ay hindi nagpadala sa pangbubuyo ni Eba. Sa ginawa ni Eba, ipinakita niya ang lakas ng kanyang loob na magpairal ng kanyang saloobin, kaya pati ang Manlilikha ay nakaya niyang suwayin. At, kung hindi napalayas ang tatlo (kasama ang ulupong) mula sa paraiso, hindi sana nagkaroon ng pagkakataon ang tao na masubukan ang kanyang katatagan sa harap ng mga pagsubok na ibinigay ng Diyos.

 

Sa kasaysayan, maraming mga Ebang nagpakita ng kanilang katapangan, katatagan at kagitingan. Unahin na natin si   Maria na sinasabing ina ni Hesukristo. Nagpakita siya ng katatagan sa pagharap sa nakasisilaw na anyo ng anghel nang pagsabihan siya nito na dadalhin niya sa kanyang sinapupunan ang manunubos ng mundo. Hindi siya nalito at natakot, sa halip ay tinanggap niya ang anunsyo ng buong puso at katatagan, at sa kabila ng nakatakda nilang pagsasama bilang mag-asa ni Jose.

 

Marami na rin ang mga naging bayaning babae, at ang pinakamatunog na pangalan ay si Santa Juana (St. Joan),  na maski sa  kaliitan ay nagawa pa rin niyang pangunahan ang isa sa pinakamadugong pag-aklas laban sa  mapanupil na hari noong kapanahunan niya na humantong sa pagsunog sa kanya habang nakatali sa isang tulos. At sa makabagong panahon, ang isa sa pinakarespetadong pinuno ng bansa ay si Indira Gandhi na hanggang ngayon ay  itinuturing na simbolo  ng talino ng mga kababaehan.

 

Sa Inglatera, nagkaroon din ng babaeng pinuno, si Margaret Thacher, na kinilala sa kahusayan niya sa pagharap sa mga bantang pinakita ng kalapit nilang mga bansa. Sa Pilipinas, naman ay merong Corazon Aquino na sa kabila ng kakulangan ng kaalaman sa pagpapatakbo ng gobyerno ay buong tapang na umako ng mga responsibilidad sa ngalan ng kalayaan. Sa kasaysayan ng Pilipinas, nababanggit ang kagitinigan ni Gabriela Silang, Teodora Alonzo at marami pang iba, at sa isa pang alamat, si Prinsesa Urduja.

 

Marami pang mga kwento ng kagitingan ang umiinog sa katauhan ng mga babae, mga matatawag na ring bayani at martir na pilit nilabanan ang lungkot dahil sa pansamantalang pagkakalayo mula sa mga pamilya, kumita lamang ng maayos sa ibang bansa. Sila ang mga binubugbog at pinagsasamantalahan ng mga amo, at kung malasin ay isinasakay sa eroplano bilang cargo dahil nasa loob na ng kabaong, maiuwi lamang sa Pilipinas. Sila ang mga babaeng halos pigilan ang mga kamay ng orasan, magkaroon lamang ng mahabang pagkakataon upang kumita sa pinapasukang beerh house bilang receptionist o mananayaw. Sila ang mga babaeng maghapong nakatayo sa mga mall bilang mga dispatsadura. Sila rin ang mga babaeng hanggang ngayon ay nasa kabundukan at pilit na pinaglalaban ang mga karapatan ng mga inaapi. At sila ang mga babae na halos maputol  ang hininga sa pag-ere, mailabas lamang ang isang buhay mula sa kanilang sinapupunan.

 

Sila ang ating mga anak, asawa, kapatid, pinsan, tiyahin, pamangkin, ina, lola, kapitbahay, kasambahay – mga nilalang na malimit hindi maunawaan, kaya kung minsan, ang tanging paraan upang mabawasan ang sama ng loob, ay ang pag-iyak na lamang. Subali’t hindi na ngayon, dahil unti-unti na ring kinikilala ang kanilang kagitingan at dahil diyan, nagkakaroon na rin ng imahe na dapat igalang.

 

 

 

Ang Gandang Pilipina

For the International Women’s Month (March)

 

Ang Gandang Pilipina

Ni Apolinario Villalobos

 

Ang mga Pilipina, may iba’t ibang wangis ng ganda

Mayroong mestisa, lutang ay kagandahang Kastila

Matangos na ilong at mahahabang mga pilik-mata

Kulay na kung di man mapusyaw, ay mamula-mula.

 

Kung sa kulay din lamang, mayroon ding iba diyan

Hindi pahuhuli sa mga paligsahan ng kagandahan

Balat na makinis na’y morena pang di pagsasawaan

Kahi’t na dumikit na halos, tingin ng mga kalalakihan.

 

Mayroon ding mga Pilipina, dahil sa angking alindog

Sa pagkakaupo, binatang makakita, tiyak mahuhulog

Dahil talagang takaw-pansin, hips na tila umiindayog

Kalangitang maaliwalas, di maiwasang magpakulog!

 

Ano pa nga ba’t Pilipinas ay sadyang mapalad talaga

Kababaihan ay pang-internasyonal ang angking ganda

Pinatunayan nila na ang kagandaha’y di lang sa mukha

Subali’t sa kaibuturan din ng puso, talino at pananalita.

 

Mabuhay ang Pilipina…byuting morena!

At siyempre, pati na rin ang mga mestisa!

Dahil sa inyo, bansang Pinas ay pinagpala –

Kahi’t winatak ng mga berdugo sa pulitika!!!!

 

 

Pag-ibig sa Dulo ng Bahag-hari…natagpuan ni Thelma

Pag-ibig sa Dulo ng Bahag-Hari

…natagpuan ni Thelma

(para kay Thelma Pama- Arcallo)

ni Apolinario Villalobos

 

Makulay ang pag-ibig na kanyang natagpuan

Pangakong ligaya ay tila walang katapusan

Pangako na kanya nang nararamdaman

At pati ginhawang hindi matatawaran.

 

Sa paraisong animo ay dulo na ng bahag-hari

At sa piling ng mga katutubo – mga T’boli

Landas nila ay nagtagpo, animo’y hinabi

Pinatatag ng pagsubok, lalong sumidhi.

 

Parang t’nalak na hinabi ang kanilang buhay

Masinsin ang pagkahabi, ‘di basta bibigay

Dahil subok, t’nalak ay talagang matibay

Tulad ng sumpaan nilang ‘di mabuway!

Thelma Pama

 

 

——————

Note:

Bahag-hari – rainbow

T’boli- natives of South Cotabato

T’nalak – T’boli cloth made from abaca fibers

lalong sumidhi – became stronger

masinsin –  finely and delicately woven

mabuway – soft and easily bends; weak

 

Elena Constantino: Vendor sa Luneta

Elena Constantino: Vendor sa Luneta

Ni Apolinario Villalobos

 

Nasumpungan ko ang puwesto ni Aling Elena (Constantino) isang umagang naglibot ako sa Luneta upang makita ang mga pagbabago. Madaling araw pa lang ay naglibot na ako kaya natiyempuhan ko ang mga grupo ng nagsu-zumba. Hindi lang pala isang grupo ang nagsu-zumba, kundi lima. Nandoon pa rin ang grupo ng mga Intsik na na nagta-tai chi, at ang mga grupo ng ballroom dancers.

 

Malinis na ngayon ang mga palikuran ng Luneta, hindi nangangamoy- ihi tulad noon. Limang piso ang entrance fee. Unang nagbubukas ang palikuran sa may dako ng kubo ng Security personnel. Ang iba pa ay matatagpuan sa tapat ng Manila Hotel, likod ng National Historical Institute at tapat ng Children’s Museum.

 

Dahil sa pagod ko sa kaiikot, naghanap ako ng isang tahimik na mapagpahingahan at mabibilhan din ng kape. Ang nasa isip ko ay isa sa mga “stalls” na nagtitinda ng snacks, at dito ko nakita ang puwesto ni Aling Elena. Kahit pupungas-pungas pa halos dahil kagigising lang ay ipinaghanda niya ako ng kape. Marami siyang natirang pagkain tulad ng nilagang itlog at mga sandwich. Upang mabawasan ang maraming tirang nilagang itlog ay kumain ako ng tatlo.

 

Noon pa man ay may isyu na sa mga vendor ng Luneta. Ilang beses na silang pinagbawalang magtinda sa loob, pinayagan din bandang huli, pinagbawalan uli, pinayagan na naman, etc. Kung limang beses na ay meron na sigurong ganitong parang see-saw na desisyon ang National Parks Development Committee. Sa ngayon, ang upa sa isang stall na ang sukat ay malaki lang ng kaunti sa isang ordinaryong kariton, binubungan at nilagyan ng dingding, pinto at bintana ay Php50 isang araw. Subalit sa liit ng puwesto na sasabitan ng mga chicherya, sa tantiya ko ay hindi aabot sa Php100 isang araw ang tutubuin ng nagtitinda. Kaya ang ginawa nila, pati si Aling Elena ay nagkanya-kanyang lagay ng extension na gawa sa telang habong o tarpaulin. Bawal din daw ang maglagay ng mesa at upuan, pati ang pagluto, maliban lang sa pagpapakulo ng tubig na pang-kape. Subalit tulad ng isang taong nagigipit, nagbakasakali na lang sila sa paggawa ng mga ipinagbabawal upang kumita ng maayos at masambot ang araw-araw na upa.

 

Inamin ni Aling Elena na ilang beses na rin siyang naipunan ng bayaring upa kaya lahat ng paraan ay ginawa niya upang mabayaran ang namamahalang komite sa Luneta. Ang problema niya ay kung panahon ng tag-ulan, at mga pangkaraniwang araw  mula Lunes hanggang Biyernes kung kaylan ay maswerte na raw siya kung makabenta ng limang balot ng chicherya. Ang tubo sa isang balot ng chicherya ay mula piso hanggang limang piso. Kung makabuo siya ng pambayad sa isang araw, wala na halos natitira para sa kanyang pagkain. Hindi nalalayo ang kalagayan niya sa mga nagtitinda gamit ang bilao sa bangketa ng mga palengke….gutom din, kaya wala na talagang magawa si Aling Elena kundi ang magtiyaga. Okey naman daw ang kinikitang tubo na umaabot sa Php200 isang araw kung weekend, lalo na ngayong pasko.

 

Nagulat lang ako nang sabihin niya na may isa pala siyang apo na pinapaaral sa Mindoro. Nabasa siguro niya ang isip ko kaya siya na ang nagkusang magsabi na hindi siya pinababayaan ng Diyos dahil kahit papaano ay nairaraos niya dahil mura lang ang tuition sa probinsiya at may pinagkikitaan din kahit kaunti ang apo niya na nasa first year college. Wala siyang gastos sa pamasahe dahil sa maliit na puwesto na rin siya natutulog. Ganito na raw ang buhay niya sa Manila mula pa noong 1972 pagkatapos niyang mag-asawa sa gulang na labing-pito.

 

Mahigit pitumpong taon na si Aling Elena at marami na rin daw siyang nararamdaman lalo na sa kanyang mga kasu-kasuan (joints), pero tuloy pa rin siya sa kanyang ginagawa dahil baka lang daw magkasakit siya kung siya ay tumigil. Hindi rin siya kikita sa Mindoro dahil tag-gutom din daw doon at palaging binabaha ang bayan nila.

 

Upang kumita pa si Aling Elena, naka-tatlong mugs ako ng kapeng ininom at ang tatlong itlog ay dinagdagan ko pa ng dalawa, bumili rin ako ng sampung balot ng chicherya na inilagay ko sa bag para sa mga batang pupuntahan ko. Nang paalis na ako ay may dumating na babaeng may bitbit na mga nakataling tilapia, nahuli raw sa Manila Bay. Inalok si Aling Elena na umiling lang dahil nga naman ang kinita ay ang binayad ko pa lang. Dahil napansin kong nagtitinda din siya ng ulam, ako na lang ang nagbayad upang mailuto niya agad, mura lang kasi sa halagang Php60 at sabi ng nagtinda ay tumitimbang daw lahat ng isang kilo.

 

Mabuti na lang at naantala ang pag-alis ko dahil sa pagdating ng babaeng nagtinda ng tilapia. Naalala ko tuloy na kunan ng litrato si Aling Elena na nagpaunlak naman. Mula sa puwesto ni Aling Elena ay naglakad na ako patungo sa Liwasang Bonifacio (Lawton Plaza)….

IMG7217

 

 

 

The Woman I know…this is Virgie

In commemoration of the International Women’s Month, March 2015….

The Woman I Know
… this is Virgie
(For Virgie Paragas-Adonis)

By Apolinario B Villalobos

With boundless desire
to accomplish many things
that others think are impossible,
the woman I know
through impeding hurdles
would just simply breeze through.
Her mother’s strength and loving ways
tempered by her father’s intelligence
and innate golden values –
her overpowering person shows.

A woman of fiery temper
and a heart brimming with affection,
the woman I know
always fights for the righteousness
not much for her own
but for others who, though abused
can’t fight back
as guts and persistence
are what they lack.

She is the woman I know,
who, on some occasion
could be furious or let out tears
in a candid show of emotion.

She oozes with intelligence
that she would unselfishly share
just like the comfort
of her tender motherly care.
Could there be other women
just like this one I know?

Sarah Jane (para kay Sarah Jane Salazar)

Sarah Jane

(para kay Sarah Jane Salazar)

Ni Apolinario Villalobos

 

Ilan pa kayang babaeng tulad mo

Ang animo’y naglalakad nang hubad

Sa ibabaw nitong malupit na mundo?

Ilan pa kayang babaeng tulad mo

Ang nagpapasan ng bigat sa balikat

Na walang maski katiting na reklamo?

 

Napagdamutan ng biyaya at ligaya

Na sa murang gulang ay ‘di mo alam

Subali’t sa iba’y kawalan na ng pag-asa.

Nalampasan ng biyaya ng kabataan

Na sa akala mo ay bahagi lang ng buhay

Subali’t sa iba’y nawalang kaligayahan.

 

Natiis mong lahat ang mga pagsubok

Na akala mo ay dala lamang ng kahirapan

Subali’t sa iba’y nakakasakal na dagok.

Pambihira ka Sarah Jane…sa iyong ngiti

At sa maaliwalas mong pananaw sa buhay –

Pumanaw kang may ngiti…walang sinisi!

 

(Si Sarah Jane Salazar ang unang nabunyag na biktima ng HIV-AIDS sa Pilipinas. Inamin niyang kahirapan sa buhay ang nagtulak sa kanya upang magtrabaho sa mga beer house sa murang gulang. Nagawa niya ito upang makatulong sa kanyang mga magulang. Huli na nang dumating sa kanyang buhay ang mga taong dapat ay nakatulong sa kanya upang magbagong buhay. Namatay siyang walang sinisi.)

 

Imelda

Imelda

(para kay Maria Imelda G.)

 

By Apolinario Villalobos

 

Ang mamuhay sa mundo’y maraming kaakibat –

Pakikipagkapwa na sa pagmamahal ay di salat

Pagmamahal sa kalikasan na turing nati’y ina

At pagpapatatag ng tahanan, lalo na ng pamilya.

 

Ang mga nabanggit, lahat ay nagawa ni Imelda

Ibinuntong hiningang reklamo, di marinig sa kanya

Kung mayroon mang himutok, kanyang sinasarili

Mga tugon sa problema, di niya ipinagbabakasakali.

 

Tulad ng iba, si Imelda ay mayroon ding ambisyon

Tugatog ng tagumpay, maabot pagdating ng panahon

Tulad din ng iba, kapalaran niya’y naudlot at nahatak

Sa biglang pag-asawa, si Imelda ay doon napasadlak.

 

Itinuring na guhit ng palad, lahat ng mga nangyari

Wala siyang sinisi, iba mang tao o kanyang sarili

Ang paghakba’y itinuloy subali’t iba nang nilalandas –

Maaliwalas ang mukhang nakatingin sa bagong bukas!