Ang Gandang Pilipina

For the International Women’s Month (March)

 

Ang Gandang Pilipina

Ni Apolinario Villalobos

 

Ang mga Pilipina, may iba’t ibang wangis ng ganda

Mayroong mestisa, lutang ay kagandahang Kastila

Matangos na ilong at mahahabang mga pilik-mata

Kulay na kung di man mapusyaw, ay mamula-mula.

 

Kung sa kulay din lamang, mayroon ding iba diyan

Hindi pahuhuli sa mga paligsahan ng kagandahan

Balat na makinis na’y morena pang di pagsasawaan

Kahi’t na dumikit na halos, tingin ng mga kalalakihan.

 

Mayroon ding mga Pilipina, dahil sa angking alindog

Sa pagkakaupo, binatang makakita, tiyak mahuhulog

Dahil talagang takaw-pansin, hips na tila umiindayog

Kalangitang maaliwalas, di maiwasang magpakulog!

 

Ano pa nga ba’t Pilipinas ay sadyang mapalad talaga

Kababaihan ay pang-internasyonal ang angking ganda

Pinatunayan nila na ang kagandaha’y di lang sa mukha

Subali’t sa kaibuturan din ng puso, talino at pananalita.

 

Mabuhay ang Pilipina…byuting morena!

At siyempre, pati na rin ang mga mestisa!

Dahil sa inyo, bansang Pinas ay pinagpala –

Kahi’t winatak ng mga berdugo sa pulitika!!!!