BULUAN (tula or Filipino poem)

BULUAN

Ni Apolinario Villalobos

 

Sinapupunan ng kulturang Magindanaw

Emperyong maharlika na malawak ang saklaw

Kutabato na sa kasaysayan ay malalim ang tatak

Dahil katapangan ng mga ninuno ay ‘di mahahamak.

 

Magandang buhay, bigay ng lawa at ilog

Mga dalag, tilapia, bagtis, taruk na malulusog

Mga biyaya na bigay ni Allah, hindi ipinagdamot

Pinapasalamatan kahit minsan, huli’y kakarampot.

 

Mayamang kulturang sa INAUL ay ipinakita

‘Di lang ang bansang Pilipinas dito’y humanga

Kahit sa ibang sulok ng mundo ito ay napansin din

Napagtagumpayan na sa katagalan ay isang hangarin.

 

Naging tahanan ng mga Ilokano at Bisaya

Sinundan ng ibang may hangaring guminhawa

Hindi naman pinagkaitan ng mga ninunong datu

Pagkakataon na nakita rin ng mga dumayong Tsino.

 

“Ina” na maituturing ng Tacurong at Quirino

Malawak na bayang nagbigay-buhay sa mga ito

Katotohanang kinikilala ng mga mamayan ngayon

Hindi kalilimutan sa lahat ng pagkakataon at panahon.

 

Oh, Buluan, sa iyo kami ay nagbibigay-pugay

Ang masambit ka, nagpapasigla sa aming buhay

Napadako man kami sa iba’t ibang lunsod at bayan

Ugat ka pa ring maituturing na aming pinanggalingan!