Barbara
Ni Apolinario Villalobos
Anak siya ng isang titser ko noong high school. Matalas ang utak, matalino. Lalo at nakasalamin, talagang lutang ang impresyong ito kapag nakita siya ng maski hindi nakakilala sa kanya. Apat na taong antas ang pagitan namin dahil, noong fourth year high school ako, siya ay nasa grade six.
Noong minsang pumunta ako sa kanila upang makipagkita sa kanyang mama, nakita ko siyang nagpipiyano. Dahil mahilig ako sa musika, biniro ko kung pwede niya akong turuan. Nang pumayag, ang request kong ituro niya ay “Fobidden Games” na kinanta ni Jose Feliciano, at halaw sa piyesang may pamagat na “Romance”. Ang itinuro niya ay ang “oido” version o yong hindi piyesado. Natutunan ko naman makalipas ang tatlong Sabadong turuan. Minsan namang nagkasalubong kami sa gate ng school, binigyan niya ako ng litrato niya. Pagdating ko sa bahay, tiningnan ko ulit at saka ko pa lang nakita ang dedication sa likod na, “To 4get you…I cannot do…To 4get me…It’s up to u…But remember the words, “I’ll never find another you”…love…Bobby”. Napangiti ako at itinabi ko na lang…ang mga kabataan nga naman!
Ang sunod naman niyang niregalo sa akin ay isang silindro o harmonica, na binili daw niya sa isang Maranao store sa loob ng palengke. Sabi ko hindi ako marunong magsilindro, tumawa lang siya at sinabihan akong pag-aralan ko daw. Ang hindi ko maintindihan hanggang ngayon, nanaginip ako na nagsisilindro, “Wooden Heart” ang piyesa, na madalas kong kantahin gamit ang gitara. Kinabukasan, natutunan ko ang pagbuga at pag-ihip ng hangin upang makagawa ng tono sa silindro. Kinahapunan nabuo ko ang “Wooden Heart” sa silindro, buti na lang hindi ako kinabagan.
Nang umalis ako sa bayan namin, hindi ako nagkaroon ng pagkakataong makausap ang batang kaibigan ko. Napasok ako sa isang airline at na-assign sa isang probinsiya. Nang malipat ako sa Maynila, nag-sideline ako bilang contributor sa mga diyaryo at magasin. Minsan, may humingi sa akin ng isang artikulo tungkol sa nightlife ng Maynila. Binalangkas ko agad ang mga dapat kong buuhin batay sa mga mapupuntahang lugar tulad ng mga beerhouse sa Baclaran at Ermita, nightclubs sa Roxas Boulevard at mga folkhouse sa Malate. May tinawagan akong kaibigan na may boarding house para sa mga hostess (tawag noon sa mga GRO), sa Baclaran. Ang sumagot sa telepono ay babae at nagsabing wala ang taong hinahanap ko. Dahil akala ko ay isa sa mga boarder na hostess, kinausap ko at marami akong tinanong na sinagot naman. Nang tinanong ko kung ano ang pangalan niya, muntik na akong mahulog sa kinauupuan ko dahil alam kong nag-iisa lang ang pangalang yon na panlalaki subali’t ginagamit ng babae.
Nakahalata siya nang marami pa akong tinanong tulad ng kanyang probinsiya, magulang niya, pinag-aralan niya. Ayaw na niyang sumagot at nagpapaalam na dahil magagalit daw ang “kuya” niya. Sabi ko huwag mahiya dahil kaibigan ko ang “kuya” niya, at nagkunwari akong Thai student na marunong mag-Tagalog dahil tumagal sa Manila, marunong din ng Bisaya dahil nakapagbakasyon na rin sa Cagayan de Oro at Iloilo. Bilang huling hirit, sabi ko pupuntahan ko siya upang imbitahing kumain sa labas sabay baba ng telepono.
Wala pang kalahating oras narating ko ang boarding house at halos sabay pa kaming dumating ng kaibigan kong may-ari. Ang bungad agad sa akin ng kaibigan ko ay ipapakilala daw niya ako sa bago niyang boarder, may kapayatan nga lang. Sa sinabing ito ng kaibigan ko, lalo akong kinabahan. Nang bumaba si “Bobby” pagkatapos niyang tawagin, para akong pinagsakluban ng langit. Siya nga ang nasa isip ko. Dahil sa tagal ng panahong hindi naming pagkikita, hindi niya agad ako nakilala. Kailangan ko pang magpakilala sa kanya, kaya siya naman ang natulala.
Pinagsabihan ko agad si Bobby na isasama ko siya. Wala namang magawa ang kaibigan kong may-ari ng boarding house. Ang tanging mga gamit ni Bobby ay isang pirasong bestida, dalawang maong na pantalon at ilang t-shirt na pinagkasya sa dalawang plastic shopping bag.
Habang nasa taxi kami, ako pa ang sinisi niya dahil hindi ko raw siya pinansin noon. Sabi ko bata pa siya noon at may girlfriend na ako. Biniro ko pa siyang baka sabunutan ako ng mama niya na alam ng lahat ang katapangan bilang titser. Sinabi niyang may ginawa daw siyang poem para sa akin. Sinubukan ko kung memorized pa niya, at laking gulat ko nang buong-buo niya itong binigkas. Alalang- alala pa niya maski ito’y ginawa niya mahigit dalawampung taon na ang nakaraan noong nagkita kami uli. Dinagdagan pa niya ang pangungunsiyensiya sa pagsabi na noong nasa college na ako, lumilipat siya sa campus namin mula sa kanila (Girls’ High School Department) kung may mga activities na kasama ako, upang manood. Nagti-check din ng bulletin board kung saan pinapaskel ang dean’s list, upang hanapin ang pangalan ko. Kilala rin daw niya ang Ilokanang girlfriend ko. Marami pa siyang sinabi na hindi ko pinansin.
Gustuhin ko man, hindi ko siya pwedeng dalhin sa bahay kaya sa apartment ng isang kaibigan ko siya dinala upang tumira pansamantala. Kalaunan ay inilipat ko siya sa boarding house ng dati kong landlady. Naihanap ko siya ng trabaho bilang piyanista upang tumugtog ng background music para sa nightly fashion show sa isang hotel. Kalaunan, gumamit na rin siya ng gitara bilang background, dahil magaling din siya sa pagtipa nito. Siya ang nagturo sa akin ng “plucking” na piyesa ng mga kantang “House of the Rising Sun”, “Green Fields”, at “Walk With Faith”. Sa kanya ako natuto ng “plucking” sa pagtipa ng gitara na nagamit ko sa mga folk songs na kinakanta ko.
Nang minsang dinalaw ko siya uli, sinabihan ako ng landlady ko na bigla na lang daw umalis si Bobby, ni hindi nga nagpaalam. Walong buwan din siyang tumira sa boarding house. Pagkalipas ng ilang taon, nalaman ko na lang na nakakulong siya sa amin, kasama ang ka-live in na taga- amin din, parehong nalulong sa droga. Nang pasyalan ko sila, awang-awa ako dahil parehong payat. Sumbong ng ka-live niya, palagi daw ako ang topic nila sa usapan. Matagal ang usapan namin. Ang nagustuhan ko sa kanila, sa mukha nila ay walang makikitang galit o di kaya ay salitang may halong inggit na karaniwang naririnig sa iba na tulad ng, “mabuti ka pa…”. Napakiusapan ko ang gwardiya na doon na lang ako mananghalian kasama ang dalawa dahil may dala akong pagkain. Nagbibiruan kami habang kumakain at binigkas uli ni Barbara and poem na ginawa niya para sa akin. Bago ako nagpaalam, binigyan ko sila ng pera na ikinatuwa nila, pinakita pa ang pera nilang halos ayaw nilang gastusin. Inilabas ni Bobby ang isandaan na binilot ng pagkaliit-liit at itinago sa coin purse na ginutay na ng kalumaan. Sa pagdukot niya ng coin purse, sumama ang isang rosary. Tawanan kami. Iyon na ang huli naming pagkikita, dahil wala pang isang taon ang nakalipas, may nagbalita sa akin na pumanaw na siya.
Aaminin ko na isa ako sa mga nagkamali sa isang bahagi ng buhay ni Barbara kung kaylan ay kailangan sana niya ng isang masasandalan – noong kabataan niya. Matalino siyang bata. May kaya ang pamilya nila. Sa kabila ng lahat, naisipan pa rin niyang maglayas at mamuhay na mag-isa, at may bisyo. Sa murang edad na halos wala pang dalawampung taon, nakipagsapalaran siya sa Maynila. Ang hindi ko makalimutan ay nang sisihin niya ako habang sakay kami ng taksi papunta sa apartment ng kaibigan kong pansamantala niyang titirhan…hindi ko raw siya pinapansin noon.
Si Barbara ay isang malaking leksiyon sa akin. Siya ay halimbawa ng taong nangailangan, hindi ng pera, kundi atensyon na hindi napagbigyan. Maraming taong tulad ni Barbara na may agarang pangangailangan subali’t hindi nabigyan ng kaukulang pansin. Nariyan ang mga batang ang agarang pangangailangan ay malamnan ang tiyan ng maski ilang subo ng kanin man lang. Nariyan ang mga nawalan ng mahal sa buhay na halos wala nang ganang mabuhay at akala natin ay “nag-iinarte” lamang. Kalimitan ay huli na bago natin makita ang ating pagkakamali, kaya, ang tulong na sana’y dapat naibigay agad ay nawalan na nang saysay…kaya, balik tayo sa kasabihang, “aanhin pa ang damo kung patay na ang kabayo”, at….”palaging nasa huli ang pagsisisi.”
Isini-share ko ang kwentong ito ni Barbara upang mabuksan ang isip ng iba pagdating sa unawa at pagmamahal na dapat ay ibinibigay sa mga anak maski pa nakikitaan sila ng pagkarebelde, pagpuri sa dapat purihin na maaaring ipinagkait kay Barbara sa kabila ng kanyang katalinuhan, at lalo na ang pagtanggap ng masaklap na kapalaran na hindi dapat isinisisi kanino man, lalo na sa Kanya, na ipinakita ni Barbara at kanyang ka-live in, kahi’t naghihirap sila sa kulungan.
Like this:
Like Loading...