Sina Manny at Norma…talagang nagsama, sa hirap at ginhawa!

Sina Manny at Norma

…talagang nagsama, sa hirap at ginhawa!

(para kay Norma at Manny Besa)

Ni Apolinario Villalobos

Ang kuwento ng buhay nina Manny at Norma ay maraming katulad – nagsama at nagkaroon ng maraming anak, ang lalaki ay may trabaho subalit maliit ang sweldo hanggang sa katagalan ay nawala pa dahil nagsara ang kumpanyang pinapasukan kaya nasadlak sa gutom ang pamilya.

Ang pagkakaiba lang ng kanilang kuwento ay nang balikatin nilang dalawa ang kahirapan noong nawalan ng trabaho si Manny nang wala inungutan ng tulong kahit kamag-anak, nang pagkasyahin nila ang magkano mang perang hawak, nang mag-ulam sila ng mga nilagang talbos ng kung anong merong gulay o di kaya ay nang pagtiyagaang wisikan ng bagoong ang kanin upang magkalasa. Lahat ng paekstra-ekstrang trabaho ay pinasukan ni Manny upang kahit paano ay mairaos ang pangangailangan nila sa araw-araw.

Nakailang pasko din sila noon na kahit kapos ay nakapagtiis  subalit masaya. Alam ko lahat yan dahil ang kanilang  buhay ay nasubaybayan ko, bilang presidente ng homeowners association namin. Kapamilya ang turing sa akin kaya maluwag akong nakakapasok sa bahay nila at nakita ko ang kalagayan nila. Si Manny din ang madalas kong tawagin upang tumulong kung may gagawin sa loob ng subdivision tulad ng paglagay ng ilaw sa kalye o pag-ayos ng mga linya ng kuryente ng mga kapitbahay.

Palangiti ang mag-asawa kaya hindi halatang mabigat ang kanilang dinadalang problema noon lalo pa at maliliit ang tatlo nilang anak na puro babae. Masuwerte din ang mag-asawa sa pagkaroon ng mga anak na bukod sa masisipag ay matatalino pa. Lahat sila ay nagtapos nang halos walang dalang baon sa eskwela.

Noong panahon na talagang matindi ang dinanas nilang hirap, inabot ang mag-anak ng paskong kung tawagin ay “paskong tuyộ”. Isang gabi, sa pag-uwi ko, may nadaanan akong isang grupong nag-iinuman at nagkakantahan na bumati sa akin – mga ka-tropa ko pala. May bigla akong naisipan at pinatigil ko muna ang inuman nila at niyaya kong mag-caroling. Ako ang nagsabi sa mga kaibigan kong tinapatan namin kung ano ang ibibigay nila, kaya may nagbigay ng de-lata, pera, at may isang pamilyang nahingan ko ng kalahating sakong bigas.

Akala ng mga kasama ko na hirap din sa buhay subalit mas nakakaraos kung ihambing sa iba, ay paghahatian namin ang napagkarolingan at ang iba ay ipupulutan. Dahil naghihintay lang sila kung ano ang sasabihin ko, wala pa rin silang reklamo nang tapatan namin ang bahay nina Manny at Norma. Nang magbukas ng pinto si Norma, nagulat nang makilala ako, pero ang mga kasama kong taga-labas ng subdivision ay hindi niya kilala. Nakangiti siya at nagpasalamat sa mga kanta pero humingi ng pasensiya dahil walang maiabot, pero sabi ko kami ang magreregalo sa kanila, na ikinagulat nila ni Manny. Pati mga kasama ko ay nagulat sa hindi nila inasahang sinabi ko.

Ipinasok namin ang lahat ng naipon naming napagtapatan, habang halos walang masabi ang mag-asawa, maliban sa abut-abot na pasalamat. Ang mga bata naman ay nasa isang tabi. Isa sa mga kasama ko ay biglang lumabas, dahil hindi makatiis kaya napaluha, na bandang huli ay umaming dahil daw sa tuwa. Ganoon daw pala ang pakiramdam ng nagbibigay!

Habang naglalakad kami palayo kena Norma at Manny, napagkaisahan naming magkaroling pa at ang maipon ay ibibigay naman sa mag-ina na nakatira malapit lang sa kanto kung saan iniwan ng mga kaibigan ko ang inumin nila. Pera na ang hiningi ko sa mga tinapatan naming kilala ko pa rin, dahil sinabi sa aking kailangan daw ng gamot ng batang maysakit. Naihatid namin ang nagpakarolingan sa mag-ina, maghahatinggabi na.

Si Norma ay aktibo sa mga gawaing may kinalaman sa simbahan noon pa man dahil siya ang nag-aayos ng altar at mga bulaklak tuwing araw ng Misa. Subalit ngayong may itinalaga nang Mother Butler ang parokya para sa ganoong responsibilidad, nabaling ang atensiyon ni Norma sa patron ng Barangay Real Dos, ang Our Lady of Guadalupe. Dahil sa kanya hindi nawawalan ng sariwang bulaklak ang patron. Siya rin ang itinuturing na “Mama” ng mga miyembro ng Holy Face Chorale na pinagluluto niya ng meryenda o hapunan kung may practice, at siya rin ang hingahan nila ng saloobin. Nagbo-volunteer din siya sa pagpagamit ng mga kailangan kung labhan ang mga cover ng mga silya sa Multi-purpose Hall ng subdivision.

Si Manny naman ay nagdodoble-kayod sa Saudi, para sa kanyang retirement. Kailangan nilang mag-ipon dahil inaalala niya ang kalagayan ng operado niyang mga mata, upang kung ano man ang mangyari ay may madudukot sila. May mga apo na sina Manny at Norma.

Excited si Norma bilang “debutanteng” senior citizen dahil makakakain na rin siya sa Jollibee nang may discount at hindi na rin siya makikipagsiksikan sa pilahan sa MERALCO kung siya ay magbabayad dahil diretso na siya sa special lane ng mga Senior Citizens! Sa September 5 ay “golden 60 years old” na kasi siya. Masaya man, may luhang pumapatak sa kanyang mga mata bilang pasalamat sa Diyos dahil sa “regalo” na ibinigay sa kanya!

Dahil sa kuwento ng buhay nina Manny at Norma, hindi maiwasang mabanggit ang sinusumpaang pangako sa harap ng altar ng ikinakasal na “pagsasama sa hirap at ginhawa”… na napakadaling sambitin, subalit mahirap tuparin lalo na kung tumindi na ang hirap na dinaranas. Marami akong alam na kuwentong dahil sa hindi makayanang hirap, ang mag-asawa ay nagsisisihan na umaabot sa hiwalayan. Kung minsan, dahil sa kawalan ng pag-asa, ang lalaki ay nalululong sa alak na naiinom sa umpukan ng mga barkada. Meron pa ngang nawawala sa katinuan ang pag-iisip, at ang pinakamalungkot ay may nagbebenta o pumapatay pa ng anak.

Ipinakita nina Manny at Norma na kaya palang tuparin ang sinumpaang pangako, basta matibay ang pananalig sa Diyos!

Tanggapin Kung Ano ang Limitasyon ng Kakayahan…at huwag ikahiya ang kahirapan, pati pagka-senyor

Tanggapin Kung Ano Limitasyon ng Kakayahan….
At huwag ikahiya ang kahirapan pati pagka-senyor
Ni Apolinario Villalobos

Maraming mga kabataan ang napapariwara dahil hindi naibigay sa kanila ng kanilang magulang ang lahat ng hinihingi nila. Ang iba ay hindi lang napariwara kundi naging suwail din dahil natutong magalit o mainis sa mga magulang na hindi sila napagbigyan sa kanilang mga luho. Tahasang masasabi na sa lahat ng mga nabanggit, mga magulang ang may pagkakamali dahil habang sa murang gulang pa lamang ang kanilang anak ay hindi nila ipinakita at ipinaliwanag kung hanggang saan lang ang kaya nilang ibigay. Ang akala ng mga magulang na may ganitong pagkukulang ay pagpapakita ng pagmamahal ang pagbibigay sa lahat na hingin ng anak. Hindi nila alam ay unti-unting nahuhubog ang isip ng anak nila sa maling paniniwala.

May mga nababasang kuwento at nari-report sa TV at radyo tungkol sa mga batang prosti o nagbebenta ng aliw, at ang iba naman ay nakakausap ko mismo. Marami nito sa mga lungsod ng bansa, hindi lang sa Maynila. Ang nagtulak sa iba ay kahirapan, subalit mayroon din namang naghabol ng kikitaan upang maipantustos sa mga luho ng katawan na sa murang gulang ay kanilang natutunan. May mga nakausap ako na nagsabing gusto lang daw kumita upang may pambili ng bagong cellphone na mamahalin, magagandang damit, alahas, at iba pa. Ang simpleng luho ay lumaki hanggang madagdagan ng bisyo tulad ng alak, sigarilyo at illegal na gamot. Dahil madaling kumita ng pera gamit ang mura nilang katawan, hindi na nila naisipan pang bumalik pa sa kanilang mga magulang.

May mga magulang kasi na ayaw tumanggap ng kahirapan sa buhay. Ikinahihiya din nila ito kaya pilit na pinagtatakpan ng mga perang inutang. Kadalasan ito rin ang dahilan ng away ng mag-asawa. Meron pang mga magulang na nagtuturo sa mga anak na magkunwaring anak-mayaman. Marami akong mga kaibigan na ganito ang ugali, kaya naaawa ako sa mga anak nila na lumalaki sa pagkukunwari. Dahil ang ikinabubuhay ay halos puro sa utang galing, hindi rin nawawalan ng kumakatok sa kanilang pinto araw-araw upang maningil ng pautang. Ang isang kaibigang pinayuhan ko na magbago na ay nagalit pa sa akin, kaya sa inis ko rin, hindi ko na pinautang uli. Hinayaan ko na lang na hindi niya ako bayaran sa huling inutang niya sa akin na nalaman kong ibinili pala ng bagong cellphone para sa anak, ganoong ang dahilan sa akin ay pandagdag daw sa ibabayad sa tuition.

Ang isang nakakatuwa ay ang ayaw pagtanggap ng iba ng kanilang pagkasenyor na dapat ay itinuturing na biyaya dahil umabot sa ganoong edad. May isa akong kaibigan na nagdaos ng kanyang bertdey subalit hindi pinabatid ang kanyang gulang. May isa siyang kumareng maurirat at nagtanong, na sinagot naman ng may bertdey ng “57 years old”. Narinig ito ng anak at sinabihan ang kanyang nanay na, “ mama talaga, ilang beses ka na bang nag-fifty seven?”. Bilang parusa, isang linggo yatang hindi binigyan ng allowance ang bata, kaya nagkasya ito sa pamasahe lang, at pagbaon ng kanin at kung anong ulam meron. Ang edad ng nanay na kaibigan ko ay 64.

Sa dyip namang nasakyan ko, may isang ale na nakisuyo sa aking mag-abot ng kanyang pamasahe na minimum. Napansin kong ang halaga ay pang-senyor citizen. Nang matanggap ng drayber nagtanong kung bakit kulang, mas mababa kasi kaysa regular na minimum fare. Ang ale naman, bagong kulay yata ang buhok kaya nagmukhang bata, hindi tuloy mukhang senyor, subalit ibinulong lang sa aking senyor daw siya. Sinabi ko naman sa drayber na “senyor daw” subalit may kalakasan, at narinig ng ibang pasahero kaya tumingin sa ale at sa akin. Nagalit sa akin ang ale, tiningnan ako ng masakit, at pabulong na sinabing, “nilakasan pa!”…sabay ismid. Ipinikit ko na lang ang mga mata ko at nakinig sa stereo ng jeep na ang tugtog ay, “The Falling Leaves”.