Si de la Rosa at ang 6 na Taon ni Duterte Bilang Presidente

Si de la Rosa at ang 6 na Taon

Ni Duterte Bilang Presidente

Ni Apolinario Villalobos

 

Hindi natanggal sa hanay ng kapulisan ang noon ay pinatututsadahan ni Duterte na mga “ninja police” sa Manila na bubuwagin daw niya pag-upo bilang presidente. Takot kaya sina de la Rosa at Duterte na masabotahe ng mga pulis na nasa iba’t ibang bahagi ng Manila ang programa laban sa droga kaya sobra ang bait nila sa mga kapulisan? Ang problema ng dalawa ay wala ni isa man lang na tiwaling pulis ang natanggal sa kabila ng mabibigat na ebidensiya laban sa kanila, tulad nang nangyaring pagpatay ng mag-asawa sa Antipolo, at ang itinuro ng mga anak na mga suspek ay mga pulis-Antipolo.

 

Sinasabi din ni de la Rosa na iniimbistegahan ang mga suspek na pulis, pero sila ay parang pinagbakasyon lang sa Crame sa tinatawag nilang “holding office” ng PNP. Ang NAPOLCOM naman na nag-iimbistiga ng mga kaso ay wala pang inilalabas na resulta. At ang gusto pang palabasin ng tagapagsalita ng PNP ay isang “isolated case” lang kuno ang pinakahuling nakakahiyang kasong nagsasangkot kay Sta. Isabel, at hindi dapat isiping kumakatawan sa buong kapulisan. Malabong paniwalaan ang sinabi niya dahil sa dami na ng mga kasong naipon.

 

Matuloy man o hindi ang federal na gobyerno,  bababa sa puwesto si Duterte mula sa Malakanyang pagkalipas ng 6 na taon at siguradong mamamayagpag na naman ang mga tiwaling pulis. Ngayon pa lang ay naghuhugas na ng kamay si Duterte kung mamayagpag uli ang droga pagbaba niya, dahil palagi niyang sinasabi na “hindi niya papayagan ito sa kanyang panahon”. Ibig sabihin ay wala siyang pakialam kung kakalat uli ang bisyo pagkatapos ng kanyang termino. Ang mga drogang itinago lang ay pwede na uling ibenta. Hindi mararamdaman ang bilis na pag-usad ng panahon kaya magugulat na lang ang bayan kung ang 6 na taong termino ni Duterte ay tapos na pala! Subalit anong pagbabago ang mangyayari sa loob ng 6 na taon kung ang DOJ ay mahina at ang imahe ng PNP ay unti-unting nadudurog?…at ang ibang mga itinalaga niya sa puwesto ay nasangkot na agad sa mga katiwalian?

 

Hindi dapat nakipag-kompromiso si Duterte sa BUONG hanay ng kapulisan upang masiguro na maganda ang kalalabasan ng programa niya laban sa droga. Dahil sa ginawa niya ay hindi nagalaw ang mga tiwali. Pareho lang naman ang tapang ng mga bagong pulis at ng mga datihan kung katapangan ang kailagan niya upang maging epektibo ang “operation tokhang” kaya dapat ay hindi siya manghinayang na patalsikin ang mga datihang pulis na bistadong tiwali. Dahil sa pinapakita ni Duterte na kapanalig siya ng mga pulis sa LAHAT na gagawin nila sukdulan mang makapatay para sa kanilang self-defense, lumakas ang loob ng mga tiwali na ipagpatuloy ang masama nilang ginagawa na ang pantakip ay ang “tokhang”. Malinaw na inabuso ng mga tiwaling pulis ang tiwalang ibinigay sa kanila ng presidente.

 

Kung wawariin, ang mga sangkot sa mga katiwalian ay mga datihan nang pulis kaya nangangahulugang malalim ang pagkaugat ng kasamaan nila. Hindi dapat palaging sabihin na kaya sila gumagawa ng masama ay dahil sa liit ng suweldo. Kung naliliitan sila sa suweldo nila, dapat ay mag-resign sila at pumasok bilang personal security ng mayayaman. Marami na rin ang nakapansin na parang pinaglalaruan lang si de la Rosa ng mga datihang pulis na may mataas na puwesto. Hindi siya ina-update sa mga nangyayari. Nagugulat na lamang siya kung makarinig ng mga balita o matanong sa interbyu, na ang pinakahuling insidente ay tungkol kay Sta. Isabel. Palagi tuloy siyang nalalagay sa nakakahiya at alanganing kalagayan….at napapagtawanan!

 

Hindi dapat maghimutok si de la Rosa kung marinig ang mga panawagang mag-resign na siya upang mailigtas sa kahihiyan ang presidente. Marami ang nadismaya sa kanyang pagpoporma na matapang pero hanggang salita lang daw pala kung interbyuhin siya. Alam din pala niyang may mga butas ang sistema ng NAPOLCOM lalo na sa pag-imbestiga ng mga pulis na inaakusahan, kaya dapat ay may ginawa na siyang mga hakbang upang mapasakan ang mga ito at maituwid ang dapat ituwid.

 

Sa paglipat ng kustodiya kay Sta. Maria mula sa NBI patungo sa PNP, gusto na naman daw kausapin ni de la Rosa si Sta. Isabel….para ano pa? Ang dapat niyang kausapin ay ang mga pulis na kasama ni Sta. Isabel at nagtuturo sa kanya na nanguna sa pagkidnap at pumatay mismo sa Koreano. Naisahan na naman ni Sta. Isabel ang PNP dahil bago siya inilipat sa Crame ay nakagawa na ito ng statement sa NBI at malamang ay tinulungan pa ng mga kaalyado niya doon upang makagamit siya ng mga teknikal na palusot. Tulad ng dati, nakanganga na naman ang PNP Chief sa kawalan ng magagawa! Kahit may itinuturo pa si Sta. Isabel, wala nang magagawa si de la Rosa kundi hintayin na naman ang resulta ng administrative investigation na gagawain ng makupad na NAPOLCOM. Kung gagawa daw kasi ng desisyon, UNFAIR SA MGA INAAKUSAHAN….TALAGA?!!!!

 

Dapat ay pilitin si de la Rosa na maglabas ng imbentaryo o listahan ng mga kasong hawak ng NAPOLCOM mula noong umupo si Duterte, na may kinalaman sa “tokhang” at lalong mabuti kung maisama ang mga namana mula sa mga nagdaang administrasyon. Sa pamamagitan niyan ay malalaman kung talagang nagtatrabaho ang NAPOLCOM bilang pagpapakita na nakikipagtulungan ito kay Duterte o talagang makupad lang sa pagkilos. Kung wala ni isa mang kaso silang natuldukan, may malaking problema si de la Rosa at Duterte!…napapaglaruan sila ng inaakala nilang mapapagkatiwalaan nila!….sa uulitin, napakabilis ang pag-usad ng panahon kaya ang 6 na taon ay mapapagtiyagaang tiisin!

 

NADADAMAY KAYA KAWAWA ANG MGA MABUBUTING PULIS SA MGA GINAGAWA NANG MGA TUMANDA NA SA PNP PERO NAGKASUNGAY NAMAN!

Hindi Garantiya ang Pinag-aralan upang Makapagpakita ng Katapatan sa Sinasabi

HINDI GARANTIYA ANG PINAG-ARALAN

UPANG MAKAPAGPAKITA NG KATAPATAN SA SINASABI

Ni Apolinario Villalobos

 

Sa pag-imbestiga kay Matobato sa senado, palaging sinasabi ni de Lima at Trillanes na Grade One lang daw ang inabot nito kaya dapat asahan ang mga inconsistencies sa mga sasabihin niya. Subalit nabisto ang maling impormasyon tungkol dito nang sabihin ng NBI na hanggang Grade Three ang inabot niya batay sa unang salaysay na hawak nila. Halatang kasama sa pagsisinungaling sa inabot na edukasyon ang inaasam na impresyon ng makakarinig sa sasabihin niya na gustong palabasing totoo dahil sa kanyang “pagka-ignorante” o dahil Grade One lang ang inabot.

 

Binoldyak ni Pacquiao ang balak ni Matobato at ng mga kung sino mang nagba-back up sa kanya. Tahasang sinabi ni Pacquiao na kung tapat siya sa kanyang sinasabi, dapat ay hindi pabago-bago ang mga ito dahil nanggagaling sa isip at puso, kahit Grade One lang ang inabot niya. Pero kung may nagdidikta pang iba, talagang malilito siya kaya ang resulta ay ang pabago-bago niyang mga sinasabi. Dahil sa animo ay pinraktis na mga salaysay mula pa noong unang pagpunta niya sa NBI dahil gusto siyang gamitin ng DOJ sa ilalim ni de Lima sa pagdiin kay Duterte sa mga kaso ng extra –judicial killing sa Davao, hindi tuloy tumugma ang mga salaysay niya.

 

Sa sinabi ni Matobato na nagpapabili daw si Makdum na “terorista” daw pala, ng malawak na lupain sa Samal upang gawing parang “training center”, imposible ang sinabi niya dahil ang isla ay halos kalbo na at ang mga tanim ay mga niyog lamang.  Paanong magagamit ng mga terorista na “training center” nila ang Samal na sa himpapawid pa lang ay animo hubad na sa paningin ng mga dudungaw sa eroplano ng commercial flights? Ang Garden City of Samal ay dinadaanan ng mga eroplano bago lumapag sa paliparan ng Davao kung ang direksyon ay pakanluran.

 

Sa sinabi niyang noong-noon daw ay kumita siya ng 300 thousand pesos o mahigit pa sa pag-aahente ng lupa, mukhang imposible din dahil noong wala pa ang mga resorts ay kamurahan pa ng mga lupain sa Samal, lalo at hindi rin productive dahil mahina lang din ang kita sa mga niyog. Kaya paano siyang kikita ng ganoon kalaki kung sa panahong ito nga, kahit house and lot ang ibenta sa paligid ng Maynila, ang kikitain ng ahente ay halos 200k pesos lang? Gusto niyang palabasing siya ay isang lehitimong “real estate agent” upang masabing ang ginamit niya sa pagbili ng mga baril niya ay galing sa trabahong ito….at hindi sa pagpatay ng tao.

 

Sa mga sinasabi niyang pinapapatay sa grupo nilang DDS kuno, hindi rin kapani-paniwala ang pinagpipilitan niyang wala siyang tinatanggap…kung totoo ngang “mamamatay tao” siya.  Hindi tanga ang isang hired killer na basta na lang papatay kung walang perang kapalit!  Noon pa mang hindi pa mayor si Duterte ng Davao, may mga naglilipana nang mga “hired killers” at vigilante groups dahil sa sobrang kaguluhan na ang tinuturong sentro ay Agdao kaya tinawag ito noong “Nicaragdao”. Naglipana ang droga at mga NPA. Masasabi ko yan dahil nag-second year high school ako sa Holy Cross of Agdao at tumira sa Ipil, isang “squatter’s area” na malapit sa Lanang Bay kung tawagin. Mula sa eskwelahan ay nagso-short cut kami sa slum area ng Agdao na nasa tabi ng dagat upang marating ang tabing dagat na binabaybay namin hanggang Ipil.

 

Sa mga testimonya niya sa senado ay nagbabanggit na rin siya ng uri ng baril na malamang ay dinikta din sa kanya dahil ito ang pinamimigay ni Duterte sa iilang mga sundalo bilang pabuya ngayon, upang palabasing ito (Duterte) nga ang may pakana ng mga pinpapatay nga mga kriminal sa Davao. Subalit napapagpalit-palit niya ang impormasyon tungkol sa mga baril kung uulitin ang mga tanong. Sa kagagamit niya ng salitang “parang”, lalo lang lumutang ang pagkasinungaling niya dahil lumalabas na wala naman pala siyang direktang nalalaman tungkol sa mga pakikipag-usap ni Duterte sa mga binanggit niyang mga pulis na palagi niyang sinasamahan kung may papatayin kuno. Pumalpak din siya sa pagsabi na inihahatid niya sa Ateneo de Davao si Paolo ang anak ni Duterte, pero ang katotohanan ay sa Philippine Women’s University pumapasok ito. Ang Ateneo ay sa sentro ng lunsod at ang PWU ay sa Matina area kung saan nakatira ang mga Duterte.

 

Kung sa puso at isip mismo ng taong nagsasalita ang mga sasabihin niya, ibitin man siya ang patiwarik, walang mababago sa sinasabi niya kung talagang matapang siya tulad ng pinapakita ni Matobato. Subalit kung may naisamang mga galing sa ibang tao, magkakaroon siya ng pagkalito dahil  dalawa na ang panggalingan ng mga lumalabas sa kanyang mga bibig, ang pansariling kaalaman at ang “itinanim” sa kanyang kaisipan.

Mistulang Nag-boomerang kay de Lima ang Senate Hearing tungkol sa Extra-judicial Killing

MISTULANG NAG-BOOMERANG KAY DE LIMA

ANG SENATE HEARING TUNGKOL SA EXTRA-JUDICIAL KILLING

Ni Apolinario Villalobos

 

 

Halata o obvious ang mga layunin ni de Lima sa pagpipilit na magkaroon ng Senate Hearing tungkol sa “extra- judicial” killings. Gusto niyang ipaalam sa bayan ang mga nangyayaring “police brutalities” at hindi karapat-dapat ang kapulisan sa suportang binibigay ni Duterte sa kanila kasama na ang dagdag sa take home pay.

 

Una, ang “police brutalities” ay alam na ng lahat ng Pilipino at isama pa diyan ang mga kuwento tungkol sa pagkasangkot nila sa illegal drugs kaya nga mayor pa lang si Duterte sa Davao ay alam na niya ang tungkol sa “ninja cops”, kaya ang isyung ito ay hindi na bago.

 

Pangalawa, ang kapulisan ay kasama sa mga empleyadong “underpaid” at ito ang dahilan kung bakit ang iba sa kanila ay nagda-drive ng aircon van upang mamasahero kung day-off nila. May kilala akong nagtitinda sa palengke kung day-off niya. Ilan lang yan sa ginagawa ng mga matitinong pulis upang kumita ng extra at nang matustusan ang pag-aaral ng mga anak. Ito ang nakita ni Duterte kaya pinursige niya ang pagkakaroon nila ng dagdag sa take home pay kahit sa pamamagitan ng dagdag sa allowance. Ang katotohanang ito ay alam na rin ng lahat, kaya hindi na isyu.

 

Ang naunang mga “witness” na pinasalita ni de Lima sa hearing ay mistulang nag-validate ng mga pangyayaring matagal nang nangyayari, hindi pa presidente si Duterte. Ang isa namang  halatang nagda-drama ay na-corner pa ni Pacquiao tungkol sa 20thousand pesos na pinang-areglo sa salang “cara y cruz”, pero ang sa shabu ay 10thousand lang…kaya hindi kapani-paniwala! Malaking katanungan din ang pagpalabas niya ng 20thousand na pang-areglo ganoong ang kinikita lang ng napatay niyang asawa ay mula 200-300pesos isang araw.

 

Nabara si de Lima ni de la Rosa sa pagsabi na dapat noong nalaman nito ang mga katiwalian sa Bilibid prison ay ginamit na niya ang SAF. Kanda-bulol si de Lima sa pagsagot sa pagsabing marami pa raw proseso upang magamit ang SAF sa Bilibid. Subalit, ngayon, bakit nagawa?

 

Nasasayang ang panahong ginugugol ng mga senador sa hearing na pinipilit ni de Lima dahil mas marami ang dapat pang pag-usapan at mga batas na dapat ipasa upang makatulong sa bagong presidente.