Ang Dalawang Uri ng Problema

Ang Dalawang Uri ng Problema

Ni Apolinario Villalobos

 

Problema ng iba’y kung anong ihahalo

Sa isang kilong karne

Samantalang ang iba…hapon na subalit

Hindi man lang nakainom ng kape.

 

Problema ng iba’y kung saan kakain

Sa Jollibee ba o MacDo

Samantalang ang iba…hanggang tanghod

ang magagawa’t laway ay tumutulo.

 

Problema ng iba’y ‘di bago ang celfon

Nahihiya sa mga kaibigan

Samantalang ang iba…isang pares na tsinelas

Ay naituturing nang isang karangyaan.

 

Problema ng iba’y saan magbabakasyon

Sa Hongkong ba o Amerika

Samantalang ang iba…malaking problema na

Ang baon at pamasahe patungo sa opisina.

 

Problema ng iba’y luma na raw ang kotse

Dapat palitan, at nakakahiya

Samantalang ang iba…wala man lang sapatos

Na magagamit sa pagpasok sa eskwela.

 

Problema ng iba’y wala daw laptop o tablet

Kailangan daw sa school nila

Nguni’t ang iba …ballpen man lang at papel

Pati notebook ay punit, ni textbook ay wala.

 

Bakit hindi muna tumingin ang iba sa paligid –

Silang nagsasabing kapos daw sa pera?

Bulag ba sila o manhid…walang pakiramdam?

O talagang sagad sa buto ang pagkaganid nila!