Emma…single Mom na mapagpaubaya at may malasakit sa kapwa

Emma…Single Mom na Mapagpaubaya

At may Malasakit sa Kapwa

(para kay Emma Mendoza-Duragos)

Ni Apolinario Villalobos

Palangiti si Emma at masayahin, hindi dahil kinukubli niya ang mabigat na pasanin bilang single mom, kundi dahil likas na siyang ganyan noon pa man daw na bata siya. Maliban sa aura niyang masaya, maayos din siya sa sarili. Noong na-confine siya sa ospital upang operahan sa matris, animo ay bisita siya sa ospital sa halip na pasyente dahil, bukod sa pakikipag-usap sa ibang pasyente, ay kuntodo make-up din siya at nakabihis pa. Ngayong meron siyang maliit na karinderya, kung mamalengke at humarap sa mga kostumer, ganoon pa rin siya – maayos ang sarili at naka-make-up. Hindi siya tulad ng ibang carinderista na nanlilimahid at amoy suka dahil sa pawis.

Single mom si Emma, pero hindi biyuda. Nagkaroon lang ng kaunting hindi pagkakaunawaan silang mag- asawa. Ganoon pa man, pinilit ni Emmang magpakumbaba sa pagsunod sa probinsiya ng asawa na nakausap naman niya ng maayos. Naiwan sa kalinga ni Emma ang bunsong anak na nasa Grade 7, at sa kabila ng nangyari sa kanila ng kanyang asawa, malapit sa kanya ang mga kamag-anak nito sa kanya. Hindi rin siya nagtanim ng sama ng loob sa asawa, at lalong hindi niya isinara ang pinto ng bahay nila sa pag-uwi nito.

Noong unang mga araw na naiwan siya, wala siyang pinagkitaang permanente hanggang maisipan niyang magbukas ng maliit na karinderya dahil dati na rin naman silang pumasok na mag-asawa sa ganitong negosyo. Sa awa ng Diyos ay tinangkilik ang mga niluluto ni Emma na ang puwesto ay nasa bakuran lang bahay nila.

Malaki ang kailangang kitain ni Emma upang matustusan ang pag-aaral ng anak, pati na ang ibang gastusin sa bahay. Subalit sa kabila nito, ay nagawa pa rin niyang kumalinga ng isang batang babaeng hirap paaralin ng mga magulang. Tumutulong ito sa kanya at tinutulungan din niya sa pag-aaral. Anak din ang turing niya dito. Pinapasa-Diyos niya ang lahat, yan ang sabi niya sa akin nang minsang mag-usap kami habang namumungay pa ang mga mata sa antok. Gumigising siya, kasama ang kapatid na si Baby, bandang alas-tres ng madaling araw upang simulan ang pagluluto dahil alas-sais pa lamang ay dagsa na ang mamimili.

Ni minsan ay hindi ko nakitang nakasimangot ang may lipstick na mga labi ni Emma…palagi siyang nakangiti sa pagharap sa ibang tao. Ang umaapaw na kasiyahan sa puso ay ipinamamahagi niya tuwing may kausap siyang may problema. Ang palagi niyang payo na ginawa na rin niya sa akin ay, huwag pansinin ang problema, dahil magkakaroon din daw ito ng lunas pagdating ng panahon. Subalit hindi ito nangangahulugang magpapabaya na ang isang taong may problema.

Bukod sa kanyang karinderya, abala din si Emma sa mga gawain bilang opisyal ng religious group na Holy Face of Jesus, at bilang Presidente ng sangay sa Barangay Real Dos ng St. Martin de Porres Pastoral Council. Ang mga regular na gawain ng Holy Face ay ang pagdasal ng nobena at rosary, at sa mga pinaglalamayang namayapa.

Ang pinaka-utang na loob ko kay Emma pati sa kanyang kapatid na si Baby ay ang pagsita nila sa akin tuwing ako ay nawawala sa porma, o yung hindi ko alam ay nagtataas na pala ako ng boses kapag naiinis o nagagalit. Ayaw siguro nila akong mamatay agad dahil sa high blood pressure, kaya nahalata kong iniiwasan nila kung minsan na makibahagi ng mga kuwentong alam nilang ikatataas ng presyon ko. Ang nabanggit ay isa sa mga bagay na gusto ng mga kaibigan ni Emma sa kanya…may taos-pusong pagmamalasakit sa mga kaibigan, sa halip na siya ang pagmalasakitan o kaawaan na ayaw niyang mangyari. Buo ang kanyang loob na isa sa mga katangian ng mga taga-Maragondon isang makasaysayang bayan ng Cavite.

Ang Dalawang Babae ng Maragondon…(para kay Emma Mendoza-Duragos at Ellen Mendoza-Deala)

Isang pagsaludo sa mga kababaehan, ngayong Marso, International Women’s Month…

Ang Dalawang Babae ng Maragondon
(para kay Emma Mendoza- Duragos at Ellen Mendoza- Deala)
Ni Apolinario Villalobos

Magkapatid silang sa mundo’y isinilang
At magkatulad ang sinapit na kapalaran
Hindi mawari kung bakit sa kanila’y dumating
Kapalaran na ang may mahinang loob, di kakayanin.

Sa simula’y maganda ang tinamasang buhay
Hindi kapapansinan ng kung ano mang lumbay
Akala nila kaligayang tinamasa ay hindi mapapatid
Hanggang dumating ang sigalot na naging balakid.

Marami ang nag-akala magpapaka-martir ang dalawa
Subali’t taliwas sa inaasahan lalo na ng mga tsismosa
Ang dalawa’y nagsikap, nagpakita ng angking tapang
Tulad ng ibang taga-Maragondon, kung saan sila isinilang.

Kayod mula sa madaling araw, hanggang abutin ng gabi
Ang isa’y hahangos upang datnan murang bilihin sa palengke
Ang isa, sa pagpadyak ng traysikad hindi magkandaugaga
Sa pagdeliber ng mineral water na kanya naming binebenta.

May isa din silang negosyo, isang karinderya, maliit na kainan
Na ginawa din ng mga kaibigan na pahingahan, tambayan
Ano pa nga ba at ang dalawang magkapatid ay hindi nalumbay
Dahil sila’y napapaligaran ng mababait na mga kapitbahay.

Nakakabilib silang dalawa, ang isa ay si Baby, at ang isa, si Emma
Dahil sa ugali nilang sa iba ay talagang mahirap na makita
Marahil ang pagiging maka-Diyos nila ang kanilang gabay
Sa pagtahak sa masalimuot at lubak-lubak na landas ng buhay.

Mga Payak na Lutong Maragondeno

Mga Payak na Lutong Maragondeῆo

Ni Apolinario Villalobos

 

Hindi tulad ng ibang bansa na ang maipagmamalaki lamang ay mga natatanging taal na pagkain at pamamaraan sa pagluto o recipe, ang sa Pilipinas, bukod sa pagkakaroon ng huling nabanggit, ay mayroon ding mga hango sa pamamaraan ng mga mananakop. Subali’t mayroong mga rehiyon at probinsiya na nakapagpanatili ng sarili nilang mga lutuin. Isa na diyan ang Maragondon, isang bayan ng Cavite.

 

Kung anong dagundong mayroon ang pangalan ng bayan, ay ganoon din ang mga sariling lutuin nito. Ayon kay Gng. Emma Mendoza Duragos, isang caterer na taga- Maragondon, ang mga lutong Maragondeῆo ay binabatay sa mga kung ano lang ang mahahagilap sa paligid, subali’t nagagawan ng paraan upang maging malasa at malinamnam. Ang kapayakan sa paghanda ng mga ito ang dahilan kung bakit marami ang nahalinang matuto sa paghanda ng mga nabubukod tanging pagkaing Maragondeῆo.

 

Ang piniritong lumpiya halimbawa ay kaunti lamang ang mga sangkap tulad ng singkamas o hilaw na papaya o kung talagang espesyal ay ubod ng niyog, carrot o kamoteng dilaw, sibuyas bombay o dahon, at konting pamentang durog. Ang manamis-namis na lasa ay galing sa sangkap na carrot o kamote.

 

Sa mga pinaasim na lutuin tulad ng paksiw o sinigang na isda, ang pinakamahalagang sangkap ay kamyas lamang. Ganito rin ang ginagawa sa sinigang na baboy o baka, subali’t may dagdag na ilang patak ng sukang niyog. Hindi hinahaluan ang mga ito ng mga rekadong ginagamit sa mga lutuing intsik o Indiyano.

 

Ang monggo na itinuturing na pang-Biyernes na ulam, ay pinapakuluan ng matagal upang talagang lumambot at hinahalong mabuti upang lumapot. Hinahaluan ito ng kung anong gulay ang maaaring makalap sa paligid tulad ng dahon at talbos ng ligaw na ampalaya o malunggay. Palasak sa Maragondon ang paghalo ng dinurog na tsitsarong balat ng baboy sa nilagang monggo na lalong nagpapatingkad ng lasa nito.

 

Ang manok na sarsiyado ay niluluto muna ng bahagya sa pinagbabaran nitong mga sangkap upang masigurong manuot ang lasa sa laman, at pinipirito din ng bahagya upang mawala ang lansa. Binibigyan nila ng halaga ang luya sa pagluto ng sarsiyadong manok, baka at isda, upang matanggal ang lansa sa mga ito.

 

Hindi maiwasang mapag-usapan ang mga payak o simpleng pagluluto sa panahong ito dahil sa kahirapan ng buhay. Napatunayan ng mga taga-Maragondon na simple man ang paraan sa paghanda ng mga pagkain nila, nagagawan nila ito ng paraan upang maging masarap. Ginagamit ni Gng. Duragos ang kaalaman niya sa mga paraang Maragondeῆo sa pagluto, sa kanyang hanapbuhay bilang caterer at karinderyista sa loob ng isang subdivision na dinadayo dahil sa murang halaga ng mga ulam at sarap ng mga ito. Kung kinakailangan o kung pinapakiusap ng nagpapa-cater, nagluluto rin si Gng. Duragos ng mga ulam na naimpluwensiyahan ng Kastila at Hapon. Subali’t may paraan siya upang pumaibabaw pa rin ang timplang Maragondeῆo na natutunan niya mula noong siya ay bata pa. Ang paraang ito o “twist” ay nauuso sa makabagong “cuisine”. Ang malungkot lamang ay ayaw niyang ipamahagi ang mga paraan ng pagtimpla dahil “trade secret” daw. May gumaya na daw kasi subali’t sa halip na magpasalamat ay siniraan pa siya. Naging bahagi na ng  adhikain ni Gng. Duragos sa pagluto ang paniniwalang hindi kailangang gumastos ng malaki upang makatikim ng masarap na pagkain…at yan ay napatunayan niya.