Emma…single Mom na mapagpaubaya at may malasakit sa kapwa

Emma…Single Mom na Mapagpaubaya

At may Malasakit sa Kapwa

(para kay Emma Mendoza-Duragos)

Ni Apolinario Villalobos

Palangiti si Emma at masayahin, hindi dahil kinukubli niya ang mabigat na pasanin bilang single mom, kundi dahil likas na siyang ganyan noon pa man daw na bata siya. Maliban sa aura niyang masaya, maayos din siya sa sarili. Noong na-confine siya sa ospital upang operahan sa matris, animo ay bisita siya sa ospital sa halip na pasyente dahil, bukod sa pakikipag-usap sa ibang pasyente, ay kuntodo make-up din siya at nakabihis pa. Ngayong meron siyang maliit na karinderya, kung mamalengke at humarap sa mga kostumer, ganoon pa rin siya – maayos ang sarili at naka-make-up. Hindi siya tulad ng ibang carinderista na nanlilimahid at amoy suka dahil sa pawis.

Single mom si Emma, pero hindi biyuda. Nagkaroon lang ng kaunting hindi pagkakaunawaan silang mag- asawa. Ganoon pa man, pinilit ni Emmang magpakumbaba sa pagsunod sa probinsiya ng asawa na nakausap naman niya ng maayos. Naiwan sa kalinga ni Emma ang bunsong anak na nasa Grade 7, at sa kabila ng nangyari sa kanila ng kanyang asawa, malapit sa kanya ang mga kamag-anak nito sa kanya. Hindi rin siya nagtanim ng sama ng loob sa asawa, at lalong hindi niya isinara ang pinto ng bahay nila sa pag-uwi nito.

Noong unang mga araw na naiwan siya, wala siyang pinagkitaang permanente hanggang maisipan niyang magbukas ng maliit na karinderya dahil dati na rin naman silang pumasok na mag-asawa sa ganitong negosyo. Sa awa ng Diyos ay tinangkilik ang mga niluluto ni Emma na ang puwesto ay nasa bakuran lang bahay nila.

Malaki ang kailangang kitain ni Emma upang matustusan ang pag-aaral ng anak, pati na ang ibang gastusin sa bahay. Subalit sa kabila nito, ay nagawa pa rin niyang kumalinga ng isang batang babaeng hirap paaralin ng mga magulang. Tumutulong ito sa kanya at tinutulungan din niya sa pag-aaral. Anak din ang turing niya dito. Pinapasa-Diyos niya ang lahat, yan ang sabi niya sa akin nang minsang mag-usap kami habang namumungay pa ang mga mata sa antok. Gumigising siya, kasama ang kapatid na si Baby, bandang alas-tres ng madaling araw upang simulan ang pagluluto dahil alas-sais pa lamang ay dagsa na ang mamimili.

Ni minsan ay hindi ko nakitang nakasimangot ang may lipstick na mga labi ni Emma…palagi siyang nakangiti sa pagharap sa ibang tao. Ang umaapaw na kasiyahan sa puso ay ipinamamahagi niya tuwing may kausap siyang may problema. Ang palagi niyang payo na ginawa na rin niya sa akin ay, huwag pansinin ang problema, dahil magkakaroon din daw ito ng lunas pagdating ng panahon. Subalit hindi ito nangangahulugang magpapabaya na ang isang taong may problema.

Bukod sa kanyang karinderya, abala din si Emma sa mga gawain bilang opisyal ng religious group na Holy Face of Jesus, at bilang Presidente ng sangay sa Barangay Real Dos ng St. Martin de Porres Pastoral Council. Ang mga regular na gawain ng Holy Face ay ang pagdasal ng nobena at rosary, at sa mga pinaglalamayang namayapa.

Ang pinaka-utang na loob ko kay Emma pati sa kanyang kapatid na si Baby ay ang pagsita nila sa akin tuwing ako ay nawawala sa porma, o yung hindi ko alam ay nagtataas na pala ako ng boses kapag naiinis o nagagalit. Ayaw siguro nila akong mamatay agad dahil sa high blood pressure, kaya nahalata kong iniiwasan nila kung minsan na makibahagi ng mga kuwentong alam nilang ikatataas ng presyon ko. Ang nabanggit ay isa sa mga bagay na gusto ng mga kaibigan ni Emma sa kanya…may taos-pusong pagmamalasakit sa mga kaibigan, sa halip na siya ang pagmalasakitan o kaawaan na ayaw niyang mangyari. Buo ang kanyang loob na isa sa mga katangian ng mga taga-Maragondon isang makasaysayang bayan ng Cavite.

Ang Imahen ng “Lady of Guadalupe” ng Barangay Real 2 (Bacoor City, Cavite)…simbolo ng matibay na pananampalataya at pagkakaisa

Ang Imahen ng “Lady of Guadalupe”

ng Barangay Real 2 (Bacoor City, Cavite)

…simbolo ng matibay na pananampalataya at pagkakaisa

Ni Apolinario Villalobos

Ang imahen ng Birhen ng Guadalupe ang itinuturing na isa sa maraming naipamalas na milagro sa mga mananampalatayang Kristiyano.  Ang imahen ay unang nakilala sa Guadalupe, Mexico dahil sa mga milagrong ipinamalas niya sa mga katutubo kaya ang mga Mehikanong kasama sa mga paglayag ng mga galleon mula noong 1400s ay nagdadala nito upang maging “tagapagligtas” nila kung magkaroon sila ng sakuna sa karagatan.

Sa Pilipinas, ang unang nakilalang imahen ng Guadalupe ay ang nakaluklok sa Guadalupe Church, sa Guadalupe Nuevo, Makati City. Itinuturing din itong mapaghimala kaya maraming debotong dumadayo sa nasabing simbahan upang ito ay hingan ng tulong. Ang piyesta ng “Lady of Guadalupe” ay tuwing ika-12 ng Disyembre.

Sa Cavite, may imahen ng nasabing Birhen sa Barangay Real Dos, Bacoor City, sa maliit na subdivision ng Perpetual Village 5 at nakaluklok sa Multi-purpose Hall nito, na itinuturing nang “chapel” dahil dito rin nakaluklok ang iba pang imahen ng Birheng Maria at Hesus. Ang imahen ay donasyon ng mag-asawang Glo at Ed de Leon noong 2013 nang italaga ng parukyang San Martin de Porres ang nasabing birhen bilang patron ng nabanggit na barangay. Bukod sa imahen ng nasabing Birhen, ang mag-asawa ay nag-donate din ng imahen ng Itim na Nazareno, Christ the King, at mga gamit pang-Misa ng pari. Ang mag-asawa din ang nagpa-ayos ng mga sirang bahagi ng “chapel” at nagpalit ng pintura nito noong huling bahagi ng 2012. Payak ang nasabing “chapel”, may kaliitan din subalit hindi hadlang ang mga kapintasang  ito upang umigting ang pananampalataya ng mga taong taga-barangay at mga karatig lugar na dumadalo sa Misa tuwing Linggo.

Mula nang mailuklok ang birhen sa nasabing barangay, kapansin-pansin ang pagkaroon ng dagdag sa bilang ng mga dumadalo sa Misa tuwing Linggo. Nagkaroon din ng dagdag- inspirasyon kaya lalong sumigla ang pagkilos ng mga religious crusaders ng Holy Face of Jesus na namamahala sa imahen. Ang grupong ito ang nagbubuklod sa mga mananampalatayang Katoliko na taga- loob at labas ng barangay dahil sa pinapakita ng mga miyembro na walang kapagurang pagdasal sa mga lamay sa pakiusap ng namatayan, pamumuno sa pagdasal ng novena at rosaryo sa kapilya tuwing Huwebes ng dapithapon, at pakikiisa sa mga pagtitipong ispiritwal sa parukya ng San Martin de Porres tulad ng paghahatid ng imahen ng Birheng Maria sa mga bahay na gustong magpabisita sa kanya. Ang lahat ng mga nabanggit ay ginagawa ng grupo sa ngalan ng sakripisyo dahil lahat sila ay nagkakanya-kanyang gastos kung may lakad o  tuwing may prusisyon sa parukya. Ang grupo ay pinangungunahan ngayon ni Lydia Libed, bilang Presidente. Nakikipag-ugnayan si Gng. Libed sa namumuno ng Pastoral Council ng Real Dos na si Emma Duragos, na nagsisilbi namang kinatawan ng parukya sa barangay.

Nakadagdag ng lakas na ispiritwal ng barangay ang chorale group ng mga kabataan at young adults na kumakanta tuwing may okasyon para sa patron at tuwing Linggo na araw ng Misa. Ang grupong ito na pinamumunuan ni Arianne Lorenzana ay madalas ding maimbita sa mga Misang idinadaos sa labas ng barangay. Ang tumatayo namang mother/adviser nila ay si Norma Besa na bukod sa nagpapakain sa mga miyembro tuwing may practice ay takbuhan din nila upang hingan ng payo. Hindi rin nagpapabaya si Norma sa pagkukusa ng tulong sa pagpalit ng mga bulaklak na alay sa patron at iba pang pangangailangan nito.

Umaagapay sa mga grupong nabanggit si Louie Eguia, presidente ng Perpetual Village 5 Homeowners Association, na ang pinagkakaabalahan sa kasalukuyan ay ang proyektong pagpapasemento ng harapan ng kapilya dahil sa dumadaming maninimba tuwing Linggo na umaapaw hanggang sa labas, bukod pa sa pagpapaayos ng bubong nito. Ayon kay ginoong Eguia, ang donasyon sa pagpasemento ng harapan ng kapilya ay manggagaling sa gobernador ng Cavite na si Jonvic Remulla, at ang pagpapaayos ng bubong ay manggagaling naman sa gaganaping “bingo social” na proyekto ng PV5 Homeowners Association. At tulad ng dapat asahan, ang maybahay niyang si Edna naman ang nagbibigay ng hindi matawarang suporta sa kanya sa lahat ng kanyang mga ginagawa, kasama na ang pag-follow up ng mga dokumento sa iba’t ibang opisina, para sa mga proyekto.

At sa abot naman ng makakaya ng Barangay Real Dos, ang Chairman nitong si ginoong BJ Aganus ay nakaalalay, mula sa pagbigay ng marshall tuwing magdaraos ng prosesyon at seguridad naman para sa iba pang mga kahalintulad na okasyon. Ang iba pang sakop ng patrong Lady of Guadalupe ng Real Dos ay ang Luzville subdivision, Silver Homes 1 and 2, at ang Arevalo Compound.

Ang nais kong ipakita rito ay ang maaliwalas na pakikipag-ugnayan sa isa’t isa ng mga grupo at opisyal sa Real Dos sa ngalan ng patron na “Lady of Guadalupe”. Ito ay patunay na nagkakaroon ng pagkakaisa kung ang mga tao ay may matibay na pananampalataya na nagpapaigting ng respeto sa isa’t isa.

Ang Dalawang Babae ng Maragondon…(para kay Emma Mendoza-Duragos at Ellen Mendoza-Deala)

Isang pagsaludo sa mga kababaehan, ngayong Marso, International Women’s Month…

Ang Dalawang Babae ng Maragondon
(para kay Emma Mendoza- Duragos at Ellen Mendoza- Deala)
Ni Apolinario Villalobos

Magkapatid silang sa mundo’y isinilang
At magkatulad ang sinapit na kapalaran
Hindi mawari kung bakit sa kanila’y dumating
Kapalaran na ang may mahinang loob, di kakayanin.

Sa simula’y maganda ang tinamasang buhay
Hindi kapapansinan ng kung ano mang lumbay
Akala nila kaligayang tinamasa ay hindi mapapatid
Hanggang dumating ang sigalot na naging balakid.

Marami ang nag-akala magpapaka-martir ang dalawa
Subali’t taliwas sa inaasahan lalo na ng mga tsismosa
Ang dalawa’y nagsikap, nagpakita ng angking tapang
Tulad ng ibang taga-Maragondon, kung saan sila isinilang.

Kayod mula sa madaling araw, hanggang abutin ng gabi
Ang isa’y hahangos upang datnan murang bilihin sa palengke
Ang isa, sa pagpadyak ng traysikad hindi magkandaugaga
Sa pagdeliber ng mineral water na kanya naming binebenta.

May isa din silang negosyo, isang karinderya, maliit na kainan
Na ginawa din ng mga kaibigan na pahingahan, tambayan
Ano pa nga ba at ang dalawang magkapatid ay hindi nalumbay
Dahil sila’y napapaligaran ng mababait na mga kapitbahay.

Nakakabilib silang dalawa, ang isa ay si Baby, at ang isa, si Emma
Dahil sa ugali nilang sa iba ay talagang mahirap na makita
Marahil ang pagiging maka-Diyos nila ang kanilang gabay
Sa pagtahak sa masalimuot at lubak-lubak na landas ng buhay.

Ang Pagtitiwala sa Kapwa ay Pagbibigay ng Pag-asa

Ang Pagtitiwala sa Kapwa
Ay Pagbibigay ng Pag-asa
Ni Apolinario Villalobos

Marami tayong nakikitang palaboy sa ating paligid na kalimitan ay hinuhusgahang mga tamad. Ganoon din ang mga nakatira sa bangketa, ilalim ng tulay at kariton na tinitingnan ng karamihan na pasanin ng lipunan. Subalit ang hindi alam ng marami, ang mga taong ito ay nagsisikap kaya namumulot ng mga mapapakinabangan pa sa basurahan, sa halip na manghingi sa ibang tao o magnakaw. Ang ibang nakausap kong nakatira sa bangketa, ilalim ng tulay at kariton ay may mga trabahong matino, maliit nga lang ang sweldo na wala pa sa minimum. At ang pinakamasakit pakinggan mula sa kanila ay ang hinanakit na hindi sila pinagkakatiwalaan, kaya ang iba ay talagang hindi makahanap ng trabaho.

Mapalad ang mga taong halos mawalan na ng pag-asa sa buhay subalit may nakikilalang tao na handang tumulong nang walang kundisyon o kapalit. Tulad na lang ni “Gilbert” na humiwalay sa asawang lulong sa bawal na gamot at ayaw paawat sa bisyong ito. Ang ginawa niya ay binitbit ang nag-iisang anak at pinaalagaan muna sa magulang at siya naman ay nakipagsapalaran kung saan-saang lugar upang kumita gamit ang kanyang kaalaman sa pagkarpentero, hanggang makarating sa Cavite. Napasama siya sa mga kontratistang gumagawa ng bahay subalit maliit lang ang mga proyekto kaya ang kita niya hindi rin halos sapat sa kanyang pangangailangan lalo pa at nagpapadala rin siya ng pera sa kanyang magulang upang magamit sa kanyang anak.

Napadpad siya sa aming lugar at sa simula ay nakitira sa isang malayong kamag-anak at nakihati sa mga gastusin sa bahay. Subalit ang nangyari, hindi rin pala mapagkatiwalaan dahil ninanakawan pa siya, at palaging ginigipit sa kanyang bahagi sa mga gastusin kaya napilitan siyang magsangla ng kanyang mga gamit sa pagkakarpintero.

Sa puntong ito, tiyempong may pinagawa sa kanya ang magkapatid na naisulat ko na noon at ginawan ng tula na ang pamagat ay “Ang Dalawang Babae ng Maragondon”. Ang nakakatanda sa kanila, si Emma ay may carinderia, at ang nakababatang si Baby naman ay tumutulong sa kanya. Sa kabila ng pagiging single parent in Emma ay naitataguyod niya ang bunsong anak, at si Baby naman ay tumutulong din sa pagpapagamot ng kanyang asawa na dina-dialyis dahil sa sakit sa bato.

Hindi nag-atubiling tumulong ang magkapatid kay “Gilbert” nang malaman nila ang kuwento ng buhay nito. Ang nakita nila ay ang pagsisikap na ginagawa ni “Gilbert” kahit ito ay kapos. Pinaalis ito sa tinitirhan ng kanyang malayong kamag-anak, kaya hinayaan ng magkapatid na habang walang naiipon at nakikitang matirhan ay pansamantalang matulog sa kubo na kinakainan ng mga kostumer nila.

Ang sabi ni Emma na natanim sa isip ko nang kausapin ko siya ay, “…kailangang matuto tayong magtiwala sa ating kapwa upang maski paano ay mabigyan sila ng lakas sa kanilang pagsisikap”. Dagdag pa niya, “…sa pagtulong, wala nang tanong-tanong pa, sa halip ay tingnan ang agarang pangangailangan nila”.

Ngayon, habang walang makitang trabahong pansamantala si “Gilbert”, naglilinis siya sa paligid, lalo na sa harapan ng carinderia. At ang kainaman, dahil kilala na rin siya ng mga kaibigan ng magkapatid, tinatawag din siya kung may ipapagawa ang mga ito sa kanilang bahay.

Ang hindi ko makalimutan sa mga sinabi ni “Gilbert” nang makausap namin ay noong hinahanapan daw siya ng pera ng kanyang malayong kamag-anak na tinitirhan, binulatlat niya sa harap nito ang kanyang mga gamit upang ipakitang talagang wala siyang pera. Nasa iisang backpack lang naman ang kanyang mga gamit dahil pinasanla na sa kanya ang kanyang mga gamit sa pagkakarpintero. Ang dagdag pa niya, “….pati nga ang iilang pirasong beynte singko sentimos na iniipon ko ay inilabas ko na”.

Sino ang hindi magtitiwala sa isang taong sa kapipilit na magsikap, ang turing sa beyte singko sentimos ay kayamanan na?….iyan ang nakita nina Emma at Baby kay Gilbert.

Mga Payak na Lutong Maragondeno

Mga Payak na Lutong Maragondeῆo

Ni Apolinario Villalobos

 

Hindi tulad ng ibang bansa na ang maipagmamalaki lamang ay mga natatanging taal na pagkain at pamamaraan sa pagluto o recipe, ang sa Pilipinas, bukod sa pagkakaroon ng huling nabanggit, ay mayroon ding mga hango sa pamamaraan ng mga mananakop. Subali’t mayroong mga rehiyon at probinsiya na nakapagpanatili ng sarili nilang mga lutuin. Isa na diyan ang Maragondon, isang bayan ng Cavite.

 

Kung anong dagundong mayroon ang pangalan ng bayan, ay ganoon din ang mga sariling lutuin nito. Ayon kay Gng. Emma Mendoza Duragos, isang caterer na taga- Maragondon, ang mga lutong Maragondeῆo ay binabatay sa mga kung ano lang ang mahahagilap sa paligid, subali’t nagagawan ng paraan upang maging malasa at malinamnam. Ang kapayakan sa paghanda ng mga ito ang dahilan kung bakit marami ang nahalinang matuto sa paghanda ng mga nabubukod tanging pagkaing Maragondeῆo.

 

Ang piniritong lumpiya halimbawa ay kaunti lamang ang mga sangkap tulad ng singkamas o hilaw na papaya o kung talagang espesyal ay ubod ng niyog, carrot o kamoteng dilaw, sibuyas bombay o dahon, at konting pamentang durog. Ang manamis-namis na lasa ay galing sa sangkap na carrot o kamote.

 

Sa mga pinaasim na lutuin tulad ng paksiw o sinigang na isda, ang pinakamahalagang sangkap ay kamyas lamang. Ganito rin ang ginagawa sa sinigang na baboy o baka, subali’t may dagdag na ilang patak ng sukang niyog. Hindi hinahaluan ang mga ito ng mga rekadong ginagamit sa mga lutuing intsik o Indiyano.

 

Ang monggo na itinuturing na pang-Biyernes na ulam, ay pinapakuluan ng matagal upang talagang lumambot at hinahalong mabuti upang lumapot. Hinahaluan ito ng kung anong gulay ang maaaring makalap sa paligid tulad ng dahon at talbos ng ligaw na ampalaya o malunggay. Palasak sa Maragondon ang paghalo ng dinurog na tsitsarong balat ng baboy sa nilagang monggo na lalong nagpapatingkad ng lasa nito.

 

Ang manok na sarsiyado ay niluluto muna ng bahagya sa pinagbabaran nitong mga sangkap upang masigurong manuot ang lasa sa laman, at pinipirito din ng bahagya upang mawala ang lansa. Binibigyan nila ng halaga ang luya sa pagluto ng sarsiyadong manok, baka at isda, upang matanggal ang lansa sa mga ito.

 

Hindi maiwasang mapag-usapan ang mga payak o simpleng pagluluto sa panahong ito dahil sa kahirapan ng buhay. Napatunayan ng mga taga-Maragondon na simple man ang paraan sa paghanda ng mga pagkain nila, nagagawan nila ito ng paraan upang maging masarap. Ginagamit ni Gng. Duragos ang kaalaman niya sa mga paraang Maragondeῆo sa pagluto, sa kanyang hanapbuhay bilang caterer at karinderyista sa loob ng isang subdivision na dinadayo dahil sa murang halaga ng mga ulam at sarap ng mga ito. Kung kinakailangan o kung pinapakiusap ng nagpapa-cater, nagluluto rin si Gng. Duragos ng mga ulam na naimpluwensiyahan ng Kastila at Hapon. Subali’t may paraan siya upang pumaibabaw pa rin ang timplang Maragondeῆo na natutunan niya mula noong siya ay bata pa. Ang paraang ito o “twist” ay nauuso sa makabagong “cuisine”. Ang malungkot lamang ay ayaw niyang ipamahagi ang mga paraan ng pagtimpla dahil “trade secret” daw. May gumaya na daw kasi subali’t sa halip na magpasalamat ay siniraan pa siya. Naging bahagi na ng  adhikain ni Gng. Duragos sa pagluto ang paniniwalang hindi kailangang gumastos ng malaki upang makatikim ng masarap na pagkain…at yan ay napatunayan niya.