“Hindi Nakamamatay ang Trapik”…at, “buhay ka pa naman”

“Hindi Nakamamatay ang Trapik”

…at, “buhay ka pa naman”

Ni Apolinario Villalobos

 

Ang mga nakapaloob sa quotation marks sa titulo ay hindi dialogue sa pelikula, sila ay mga sinambit nina DOTC secretary Abaya, at Presidente Aquino. Nasambit ni Abaya ang nasabing linya nang tanungin siya tungkol sa ginagawa ng DOTC sa isyu ng trapik, at ang linya naman ni Pnoy ay nasabi niya nang pumunta siya sa Tacloban at may nagsumbong sa kanyang isang may-ari ng tindahan na ni-loot daw ng mga tao pagkatapos humagupit ang bagyong Yolanda. Sa mga linyang nabanggit, ano pa ang isasagot ng sinabihan, lalo pa at hindi inaasahang ganoon ang mga sagot na galing sa mga taong inaakala nilang bukod sa matalino, may pinag-aralan, at may mga kapangyarihan sa gobyerno pa?

Pwede naman sanang sabihin ni Abaya na: “pasensiya na po kayo, pero ginagawan na po namin ng paraan kung paanong mabawasan man lang ang problema sa trapik…”.

Pwede rin namang sabihin ni Pnoy na: “hayaan ninyo at ginagawan na ng paraan ng kapulisan ang tungkol sa nangyaring looting…at nakikiramay po ako sa dinanas ninyo dahil sa bagyong Yolanda…”.

Common sense lang naman ang kailangan ng isang tao lalo na kung may katungkulan upang maisip kung paano siyang magsalita nang hindi nakakasakit ng kalooban ng kapwa. Ang ginawa ng dalawang opisyal ng gobyerno, lalo pa at presidente ang isa ay nakikitaan ng kawalan ng simpatiya o pagmalasakit sa mga Pilipino na ga-bundok na ang kahirapang dinadanas dahil sa korapsyon. Sa halip na gumawa ng paraan upang mapahupa ang nagngingitngit na damdamin ng mga Pilipino, ay may kayabangan pa sila kung magsalita na kulang na lang ay sabihin nilang: “pakialam ko sa inyo!…”!

Sa sinabi ni Abaya na hindi nakakamatay ang trapik, ang tanong naman ay wala bang namatay sa alta presyon o atake sa puso dahil sa init at inis? Hindi ba nalalagay sa bingit ng kamatayan ang isang pasyenteng isinakay sa ambulansiyang dadalhin sana sa ospital subalit naipit sa trapik? Hindi ba nakamamatay ang makulong sa kotseng nagliyab dahil sa pag-overheat ng makina, dahil naipit sa trapik? Wala bang namamatay sa sunog na hindi napuntahan agad ng mga trak bumberong naipit sa trapik? Noon sinabi rin ni Abaya na ang hindi makatiis sa mga delay ng MRT ay sumakay na lang ng bus. Ganoon lang? Ganoon na ba kayabang magsalita ang mga taga-administrasyon?

Sa Ingles, may kasabihang, “there are many ways to skin a cat”…ibig sabihin, may mga ginagawa tayo na pwedeng ipakita sa iba’t ibang paraan o mga sasabihing masasambit sa pamamagitan ng iba’t ibang salita – mga paraan at salitang hindi dapat nakakasakit ng damdamin ng ating kapwa…bakit kailangang magyabang pa?!

Sa Ingles pa rin, may kasabihang, “rubbing in the salt to the wound”…ibig sabihin, nasasaktan na nga ang ating kapwa, dinadagdagan pa natin ito ng lalong nakakasakit na salita, o kung sa literal na ibig sabihin, ang sugat ay  mahapdi na nga, nilalagyan pa ng asin!

Ang mga sinabi nina Pnoy at Abaya ay lalong nagpalabo sa kanilang imahe na nalalambungan ng galit ng mga Pilipino. Bakit takot silang umamin ng failure o pagkabigo kung katanggap-tanggap naman ang mga dahilan, huwag lang ituro nang ituro ang maliit na aleng may sakit at halos ay hindi na makakain at makalingon dahil sa brace niya sa leeg?

Umamin!!!!!!

Hulidap

Hulidap

Ni Apolinario Villalobos

Nakakatawa ang gobyerno dahil ngayon lang yata nila nalamang may mga nangyayaring hulidap. Kung hindi pa napahiya dahil sa pag-viral sa social media ng pinakahuling hulidap sa EDSA, ay hindi sila kikilos. At ang matindi, nag-iingay na nga ang media, wala pa ring narinig sa pamunuan ng pulisya. Bukod tanging mga precinct commander at mababang opisyal ang nagsalita. Nagsalita rin si DILG Secretary Roxas, pero “umapela” lang para sumuko na ang mga sangkot na nagtatago pa hanggang ngayon. Paanong paniniwalaan at marerespeto ng hanay ng pulisya ang mga nakakataas sa kanila kung ganito ang kanilang ginagawa, na malamya na ay puro “announcement” lang sa media ang ginagawa. Yong dapat aksiyon na pag-check sa lifestyle ng mga pulis, na dapat ay “discreet” na gagawin, ay inanunsiyo pa sa media ni Roxas! Ano ngayon ang gagawin ng mga may kamalasaduhang ginagawa?…eh, di mag-lie low…kung nakatira sa magarang mansion, lilipat muna sa squatter’s area siguro… yong dating may magarang kotse, magdi-jeep na lang… yong pumupunta sa first class na sauna, sa bulag na lang magpapamasahe, etc.! Saan napunta ang common sense ng mga taong akala natin ay matatalino? Ang tanong ng marami ngayon…may naparusahan ba talagang mga tiwaling pulis?

Nang magsalita ang isa sa mga biktima sa EDSA hulidap, may binanggit siya na “lalo na sa San Juan”. Hindi man lang ito binigyan ng pansin. Dapat isipin ng mga pulis na ang popular na Greenhills Shopping Center na halos puno ng puwesto ng mga negosyanteng Muslim ay nasa San Juan. Hindi lang nababanggit ng hayagan ang mga negosyanteng Muslim sa Islamic Center sa Quiapo na mga biktima rin pangongotong. Ang mga negosyanteng Muslim ang palaging target ng mga hulidap, na nitong huling mga araw ay nasamahan na rin ng mga Koreanong negosyante. Ang mga Tsinoy, dati na talagang biktima. Saan napunta ang intelligence fund ng kapulisan? May nagsabi na meron daw taga-timbri ang mga tiwaling pulis kung may darating na big time na negosyante mula sa Mindanao, kaya sa airport pa lang o sa daan paglabas ng airport ay may mga nakaabang na.

Humihingi pa ang pulisya ng pondo para sa sarili daw nilang neuro examination facilities na palagi namang dini-deny tuwing budget hearing….dapat lang! Kung ihi nga lang para sa drug test ay kinukutsaba, neuro test pa kaya na requirement para sa entrance ng applicants sa pagka-pulis? Paano na kung may sariling ganitong pasilidad ang kapulisan?

Sa isang TV broadcast ng isang biktima ng hulidap na hiningan ng two hundred thousand pesos, noong pinipilit daw siyang hingan ng pera at pumapalag siya, may inilabas na malaking pakete ng shabu para ipaamin sa kanyang pagmamay-ari niya. Sa takot, nagbigay na lang siya ng pera, subali’t hanggang ngayon daw ay kinikikilan pa rin siya. Noon pa man may mga kuwento na tungkol sa pagtatanim ng drugs sa mga nakukursunadahang nahuli upang mapilitang umamin sa kasalanang hindi naman ginawa. Mabigat ang kaparusahan sa possession of illegal drugs, kaya kahit walang torture, may “napapaamin”. Bakit hindi i-audit ang mga nakumpiskang shabu? Marami ang nakapansin kasi na kung kaylan sunud-sunod ang mga buy-bust operation at kung anu-ano pang operasyon na may kasamang pagkumpiska ng illegal drugs dumami rin ang mga pulis na nasangkot sa bentahan nito. Sa mga nari-raid na drug dens at laboratories daw, wala namang naaabutang operator or may-ari, puro katiwala lang, at mga bulto ng mga illegal drugs…nakapagtataka yata.

Ang nakakabahala pa ay ang pagkabisto na karamihan pala sa mga pulis na sangkot sa katiwalian ay dati nang may mga kaso, pero nagdo-duty pa rin. Sa harap ng TV cameras inamin ito ni Roxas ang kanyang pagtataka tungkol dito, pero ang pangako ay puro iimbistigahan lang….kaya? at kaylan?

Sa EDSA hulidap, mapapansing karamihan sa mga sangkot ay mga PO1 at PO2, mga bago sa trabaho. Kasama nilang ilan ay mga datihan na. Talagang, ang bata ay natututo sa matanda!