Ang Magagawa ng mga Pilipino kung Magtaasan ang mga Presyo ng Bilihin

Ang Magagawa ng mga Pilipino

Kung Magtaasan ang mga Presyo ng Bilihin

Ni Apolinario Villalobs

 

Hindi kailangang malungkot kung nagtataasan man ang presyo ng mga bilihin. Maraming paraan upang makatipid, tulad ng sumusunod:

 

  • Bumili ng mumurahing bigas tulad ng “NFA rice” sa halip na mamahaling uri na maputi nga ay nagtututong naman kung isaing. At, lalong higit kung kapos sa budget. Pwedeng paghaluin ang murang bigas o NFA rice at hindi gaanong mahal na bigas.
  • Huwag magtapon ng tutong na kanin…iluto ito sa instant noodles upang lumambot. Ang tutong na kanin ay gamot sa hyper-acidity na ang sinaunang gamot ay isinangag na bigas hanggang bahagyang masunog sa pagka-tosta (toasted), at nilalaga upang maging “kape”.
  • Bumili ng mura dahil nalalanta na mga gulay hangga’t maaari. Ang pagkalanta ay hindi nangangahulugang nawawala ang sustansiya sa gulay. Sa ibang bansa, ang gulay ay pinapatuyo upang maimbak para sa panahong tag-lamig. Ganoon din ang ginagawa sa ibang mga prutas. Sa Pilipinas, hindi siguradong ligtas kainin ang mga prutas at gulay na sariwa sa paningin dahil, malamang na na-iespreyhan ng insecticide. Ang mga ganitong uri na gulay ay yong sariwang tingnan ang balat pero bulok na ang loob, tulad ng talong. Kalat ang balita tungkol sa pag-isprey ng insecticide o pagbabad ng ilang uri sa isang uri ng preservative upang tumagal ang hitsurang sariwa.
  • Magtipid sa kuryente. Maraming paraan upang gawin ito.
  • Magtipid sa tubig, kung sa Maynila nakatira o saan mang lunsod na de-metro ang tubig. Ganoon din ang gawin kapag motor pump ang ginagamit sa bahay.
  • Bawasan o tuluyang iwasan ang pagkain sa labas ng bahay. Gumawa ng sariling home-made burger at potato fries na gusto ng mga bata at gamitin itong activity bilang bonding time ng pamilya.
  • Ugaliing mag-recycle ng mga natirang pagkain sa halip na itambak lang sa ref.
  • Ugaliing bumili ng mga sale items sa halip na mga regularly-priced,
  • Iwasan ang pagbili ng maluluhong bagay para lang mai-display at maipagyabang sa ibang tao.
  • Higpitan pa ang paghawak sa pera kahit pa ang asawa ay Chief Engineer o Kapitan sa barko o executive sa kumpanya. Dapat ipakita sa mga anak na hindi pinupulot lang ang pera, upang sa murang gulang ay maintindihan nila ang kahalagahan nito na dapat respetuhin.

 

Para sa akin, hindi maganda ang ugaling paggastos habang mayroong nadudukot. Ang disiplina sa paggastos ng pera ay dapat pairalin sa loob ng tahanan upang matutuhan din ng mga anak. Mahalagang bagay ito dahil ang matututuhan nila ay maaari nilang ipamana sa kanilang mga anak, na magpapamana din sa kanilang mga anak, etc. Kung sa ganitong bagay man lang ay may disiplina ang mga Pilipino, mababawasan ang ingay na sanhi ng mga reklamo tuwing tataas ang mga bilihin, pero wala namang ginagagawa.

 

Sa isang banda, ang paggawa ng paraan upang mabawasan ang problema tuwing nagtataasan ang mga presyo ng bilihin ay hindi nangangahulugan na ititigil na ang pagbatikos sa mga opisyal na pabaya at korap….dapat ituloy pa rin upang malaman nila na hindi bulag ang mga Pilipino sa kanilang mga kabulastugan. Mag-ingay man laban sa mga tiwali, sabayan pa rin ito ng pagkilos at pagiging resourceful o mapamaraan upang mabawasan ang paghihirap na nararanasan. Hindi malulutas ng pag-iingay lang ang kahirapan…yan ang dapat tandaan!

Ang Diskarte

Ang Diskarte

Ni Apolinario Villalobos

 

Ang salitang “diskarte” ay isa sa pinakapalasak na salita sa diksyonaryo ng Pilipino. Maaaring ito ay mangangahuhulugan ng “paraan”, “ginagawa”, “gawin”, at kung anu-ano pa na pandugtong ng mga salita, tulad din ng “kung saan”. Sa mga ayaw magsabi ng maraming bagay tungkol sa kanyang ginawa, sasabihin lang niyang “diskarte lang yan”, tapos na ang usapan. Kung baga, “mayamang” salita, literally din, dahil marami ang yumaman sa napakasimpleng salita na yan.

Sa lahat ng panig ng mundo, kailangang dumiskarte upang mabuhay, maski sa pamamagitan man lamang sa pagkain isang beses isang araw, kesehodang ang kapirasong pagkaing isinubo upang mapawi ang gutom ay galing sa tambakan ng basura. Sa Afrika, ang isa sa mga paraan upang mapawi ang uhaw ng mga katutubo ay sa pamamagitan ng paghiwa ng maliit na bahagi ng leeg ng alaga nilang hayop upang tagasan ng dugo na kanilang iniinom. Pagkatapos mapaampat ang dugo ay pinapakawalan uli ang hayop, na parang walang nangyari. Sa Pilipinas, ang mahirap na mga Pilipino ay para na ring hayop kung ituring, sinisipsipan din pero hindi lang ng dugo kundi kapirasong buhay – ng mga gahamang opisyal sa gobyerno at mga pulitiko. Pagkatapos ng “ritwal”, bibigyan kunwari ang mga Pilipino ng “tulong” upang madugtungan ang buhay, na parang walang nangyari.

Maraming tao ang dumidiskarte upang makapasok sa trabaho. Mayroong nagpapa-impress sa interview pa lang na sila ay graduate ng mga kilalang university o college, sinasabayan pa ng pa-“wers wers” na English. Ang iba, pa-emotional, sabay banggit ng kahirapan nila sa buhay kaya kailangang kumita. At, ang iba pa ay binabanggit si “uncle” o “auntie” na malimit ka-lunch ni presidente, ni senador, ni congressman, at iba pang opisyal.

Malaking bagay ang may tiwala sa sarili pagdating sa interview. Ang isa kong kaibigan, naging tapat sa pagsabi na graduate siya sa isang hindi kilalang college at ang natapos niya ay simpleng kursong Bachelor of Arts, subali’t pinagdiinan niyang hindi dapat limitahan ng kurso niya ang iba pa niyang kaalaman na mahahasa kapag nakuha niya ang trabaho. Nang matapos ang pagsulit, pang-apat siya. Ang trabaho sa Department of Budget and Management (DBM), malayo sa kanyang kurso subali’t hindi naging hadlang sa kanyang tuluy-tuloy na promotion. Ang nangyari sa kanya ay nangyari sa akin dahil sa kabila ng kurso kong Bachelor of Arts din, ay napasabak sa sales and marketing nang mapasok sa isang airline. Ang isa pa naming kaibigan na ganoon din ang kurso ay naging Assistant Secretary ng Department of Social Welfare (DSW). 

May isang magandang sekretarya akong nakilala, na ang ama ay ginawan ko ng talambuhay, ang hindi nahiyang nagsabing nakatulong ang maganda niyang mukha at seksing katawan upang matanggap sa inaplayan. Walang sekswal na nangyari, kundi dahil sa pangangailangan ng kumpanya ng isang talagang magandang sekretarya para humarap sa mga dayuhan nilang kliyente, siya ay tinanggap. Ang babae ay hindi lang maganda kundi magaling din magsalita ng English at may kusa sa ibang gawain, kaya ang mga kasama niya sa opisina ay bilib sa kanya. Ibig sabihin, ang diskarte niya ay tumulong sa mga kasama niya sa opisina at hindi siya mayabang.

Yong mga batang nakatira malapit sa Divisoria, ang diskarte ay pamumulot ng mga itinapong gulay ng mga biyahero madaling araw pa lang. Ang mga gulay ay  hindi naman bulok, kundi mga lamog at lanta lamang. Binibenta nila ito pagkatapos tanggalan ng mga lamog o lantang bahagi. Tumpuk-tumpok kung ibenta nila ito sa bangketa at ang kita nila ay ginagamit pangbaon sa eskwela at pambili ng mga gamit. Ang iba ay inuuwi upang pang-ulam.  Ang mga nanay naman nila, nagtatalop ng mga reject na sibuyas upang matanggal ang mga bulok na balat, at ang mga tatay ay nagkakargador sa Divisoria, at nangangalkal sa mga tambakan ng basura upang makakuha ng mga mabebentang mga bagay.

Sa mga naging kaibigan ko na kapos sa buhay at nakatira sa depressed areas, nagsa-suggest ako na haluan ng tinadtad na kamote o saging na saba ang sinaing. Maliban sa nakakapagparami sa sinaing, masustansiya pa. Upang makatipid sa oras ng pagluto at kahoy, ipinapasapaw ko sa painin na sinaing ang mga gulay na malimit gamitin sa pinakbet, pati kamatis at sibuyas. Isasawsaw na lamang sa bagoong kung kakainin na.

Nang minsang naimbita ako sa tanghalian ng isa kong pinasyalan, napansin kong kulang ang pinggan, baso, tasa, at mangkok, kaya ang kumpare ko, takip ng kaldero ang ginawang pinggan. Nag-suggest ako na huwag ibenta, sa halip ay gamitin na lamang nila ang mga mapulot na dating ice cream container para magamit na mangkok at pinggan, ang mga garapon lalo na yong may takip ay gamiting baso, at ang iba pang plastic container na maliit ay pwedeng baso at gamitin sa kape. Ang mga dating ice cream container, maliit na espasyo ang magagamit kung itatabi dahil pwedeng salansanin o pagpatung-patungin, ligtas pa ang tirang pagkain dahil may mga takip na. Ang mga garapon, ligtas din sa mga ipis dahil may mga takip din. Pero, paalala ko hugasang mabuti bago gamitin. Ang mapulot na buo pang  kahon na gawang kahoy o crate ay  pwedeng gamiting mesa. Nang mamasyal uli ako sa kanila, nakita kong may bagong mesa (dalawang crate na pinagtabi) na may cover na tarpaulin may mukha nga lang ng natalong kandidato, mga nakasalansan na mga dating  ice cream container, mga garapong may takip na nakasalansan din, mga dating cup ng instant noodles para magamit na coffee mug, at may flower base pa na dating porselanang garapang nilagyan ng burong black beans, galing Tsina.

 Huwag maliiting ang mga lantang gulay. May mga gulay na sadyang pinapalanta bago buruhin tulad ng labanos at mustasa. Sa Italya, isa sa mga produkto nila ay kamatis na pinatuyo sa araw o “sun dried”. Sa Thailand, Tsina at iba pang bansa sa Asya, pinapatuyo ang kalabasa, singkamas, gabi, kamote, talong. Sa India, ang langka na panggulay, pinapatuyo din. Ang pagpapatuyo ng sili ay hindi maikakailang ginagawa ng halos lahat ng bansa na meron nito. Iyan ang paliwanag ko sa mga kaibigan kong nais makinig.

 Hindi kailangang maraming pera upang makaraos sa buhay. Ang kailangan lang ay simpleng diskarte.