Ang Eat Bulaga Magpapatayo ng Mga Aldub Library sa Buong Bansa…pero ang Gobyerno ay Hindi, Hinayaan pang “Mababoy” ang mga Textbook

Ang Eat Bulaga Magpapatayo ng Mga Aldub Library sa Buong Bansa

…pero ang Gobyerno ay Hindi,  Hinayaan pang  “Mababoy” ang mga Textbook

Ni Apolinario Villalobos

Nagsimula ang adbokasiya ng Eat Bulaga sa pagtulong sa mga estudyante at mga paaralan nang magsagawa sila ng “basura para sa silya”, isang proyekto na tungkol sa pag-ipon nila ng mga plastic na bote mula sa mga komunidad na sumasali sa mga pakontes. Ang napagbentahan naman ay ibinibili nila ng mga armchair para sa mga estudyante. Sinundan ang proyektong ito ng isang nakakagulat na kalye seryeng “Aldub”, dahil makalipas lamang ang ilang linggo ay nanguna na sa viewership at bilang ng twits na umaabot ng milyones – sa buong mundo.

At marami uli ang nagulat nang ang climax series ng kalye seryeng tinagurian “Sa Tamang Panahon” ay ginawa sa Philippine Arena, Oktubre 24, 2015, at ang nalikom na pera ay ipagpapatayo ng mga library para sa maliliit na paaralan lalo na sa mga liblib na lugar, subalit babahaginan din ang mga nasalanta ng hagupit ng bagyong Lando. Mula sa puso ng mga fans ang bawat sentimong ibinahagi nila para sa proyekto, sila na tinaguriang “Aldub Nation”.

Simple lang naman ang gagawin ng Eat Bulaga – magpapatayo ng mga library at lalagyan ng mga ido-donate na mga libro. Kung hahatiin ang mahigit ng konti sa sampung milyon na nasabi nang naipon,  marami na ring library ang maipapagawa kung tatantiyahen ang isang gusaling magkakahalaga ng hindi bababa sa Php300,000 – labor at materyales. Sa liit ng halagang kailangan, bakit hindi ito magawa ng gobyerno? Samantala, naglalaan pa ito ng milyones para sa mga proyektong drowing lang pala, dahil ang inilaang badyet ay hinayaan lang na manakaw.

Nakita ng Eat Bulaga ang kahalagahan ng edukasyon kaya gumawa ito ng proyektong makakatulong ng malaki sa mga estudyante, lalo na ang mga nasa liblib na lugar – mga library na paglalagakan ng mga librong napakahalaga upang makalinang ng dunong ang isang bata. Ang nakita naman ng mga tiwali sa gobyerno ay oportunidad na makapagnakaw sa mga proyekto kahit na ito’y sobrang pangangailangan ng mamamayan.  Hinayaan pa ng gobyernong mababoy ang mga textbook na ginawang negosyo ng mga nagsabwatang publishers at mga opisyal ng pamahalaan na may kinalaman sa edukasyon. Kung ano-anong mga libro ang mga pilit na pinapagamit sa mga bata, kaya kung pumasok ang mga ito ay animo magbabakasyon sa malayong lugar dahil halos malita na ang hila-hila sa pagpasok.

At ang masakit, pagkalipas ng isang school term, lipas na rin ang kahalagahan ng mga librong ginawang “workbooks” dahil ang mga tanong sa mga bandang hulihan ng mga tsapter ay pinagsasagot ng mga gumamit na esudyante, kaya hindi na maaaring gamitin ng nakakabatang kapatid o ibang walang kayang bumili ng mga libro.

Talagang bantad o walang hiya na ang mga opisyal ng gobyerno dahil sa kabila ng nakikitang mga kaganapan na maaari nitong tularan tulad ng mga proyekto ng Eat Bulaga ay dedma lang sila… na para bang nagsasabi pa ng “pakialam namin sa inyo”. Kungsabagay, bakit pa ba sila mamumrublema kung namumutok na sa pera ang kanilang bulsa?

Ang Magaling na “Formula” ng Al Dub Kalye Serye

Ang Magaling na “Formula”

ng Al Dub Kalye Serye

ni Apolinario Villalobos

Nakakagulat ang pagsipa ng Kalye Serye ng Eat Bulaga na namamayagpag sa apat na sulok ng mundo. Pagdating sa padamihan ng mga sumusubaybay, walang binatbat ang iba pang mga showbiz personalities, at pati na si Pacquiao na mahigit ding isang taon na nanguna. Sino ba naman ang mag-aakalang ang isang magkunwaring pipi at sumasabay sa dubbings na binigyang-buhay sa katauhan ni Yaya Dub ay papalakpakan at titilian. Si Alden Richard naman na akala ng iba ay masasapawan na ng mga bagong sibol na mas batang artista ay biglang sumigla ang katanyagan. Delikado din siya dahil sa dinadaos na bagong “Startruck” kung saan kukuha na naman ng bagong batch na mga artista. Kaya mabuti na lang at nagkaroon ng kalye serye ang Eat Bulaga para sa kanya. Ganoon pa man, talagang hindi rin matatawaran ang lakas ng hatak niya sa mga Pilipino.

Mababaw ang kaligayahan ng Pilipino, pero hindi ito dapat bigyan ng masamang kahulugan. Ibig lang sabihin ng kababawan ay madaling pasayahin ang Pilipino, walang kaartihan, dahil hindi na kailangang kilitiin pa ng kung ilang ulit upang mapatawa, o makapanood sa TV ng binubugbog na asawa upang magngitngit sa galit, o ng naghihingalong matanda upang mapaluha. Sa medaling salita, emosyonal ang Pilipino.

Likas din sa Pilipino ang pagkampi sa inaapi o may mababang katayuan sa lipunan, at diyan pumasok ang katauhan ni Yaya Dub na kasambahay ng isang donya sa nasabing kalye serye. Isa siyang “katulong” na nagpapakahirap upang kumita, at sa katauhan niya marami ang naka-relate na mga Pilipino. Nakita nila ang sarili nila sa katauhan ni Yaya Dub. Idagdag pa diyan ang natural niyang mga kilos na hindi nagpapa-cute, kaya kuha ng camera ang pagsubo niya ng pagkain at pagnguya na halos buka ang bibig, halimbawa, o ang pagtakip ng bibig habang kumakaway ng pabebe, na tanda ng Pilipinang mahiyain, etc.

Romantiko at romantika ang mga Pilipino kaya kumikiling sa mga kuwentong may “prince charming”, tulad ng katauhan ni Alden sa kalye serye. Bigyan natin ng pansin ang pagsulputan ng mga libro ng mga “nobeleta” na murang nabibili. Ang mga ito ang pumalit sa mga komiks na naging bahagi na rin ng buhay ng mga Pilipino noong dekada singkwenta hanggang otsenta. Ang nakapaloob sa mga libretong ito ay mga romantikong kuwento ng pag-ibig, na pinagpapantasyahan ng mga mambabasa – mga misis, katulong, tindera, etc. Ang kabutihan lang ng babasahing ito ay ang pagiging kalat sa mga bangketa at palengke, kaya parang komiks noon na madaling mabili. Hindi nalalayo sa mga nobeletang nakalimbag sa maliit na libro ang kalye serye ng Eat Bulaga, kaya tinangkilik ng masang Pilipino.

Ang mga “donya” naman ay malaking ambag sa pang-akit ng kalye serye. Magagaling na komedyante ang gumaganap. Kahit noon pa mang wala ang kalye serye ay kilala na silang magaling umarte kaya scripted man o hindi ang dialogue, nakakapagpatawa sila. Dapat ding unawain na matagal nang walang napapanood na mga pelikulang ala-Dolphy. Ang mga naglalabasang mga pelikula ngayon ay mga imported na horror, sci-fi, at kung anu-ano pa na pang-western culture. Kung may gawa mang lokal, kalimitang tema ay tungkol sa sekswalidad at gender, tulad ng kabaklaan  at prostitution, subalit itinuring pa na pang-intellectual viewing  kuno.

Ang Pilipino ay may ugaling “fatalism” na sa isang banda ay nakakatulong dahil tanggap niya ang kawalan niya ng magagawa sa ibang problema. Kaysa magmukmok na maaaring dahilan pa ng pagkaroon niya ng sakit, pinili na lang niyang magpakasaya upang maaliwalas na mukha ang maipakita niya sa kanyang kapwa, hindi nakasimangot. Dahil sa ganoong ugali, kahit pa namumutiktik ang internet sa mga balita tungkol sa West Philippine Sea, at ang Pilipinas ay niyayanig ng mga isyu tungkol sa korapsyon, tuloy lang ang positibong pamumuhay ng Pilipino. Alangan naman kasing araw-araw ay mag-rally sa harap ng Chinese embassy upang murahin sila at palayasin mula sa West Philippine Sea, o di kaya ay araw-araw ding mag-rally laban sa administrasyon dahil sa korap na kasalukuyang gobyerno.

Swak na swak ang pagpalabas ng kalye seryeng Al Dub dahil kahit papaano ay nababawasan ang mga alalahanin ng mga Pilipinong naghihirap. Dahil sa kasiyahan at pagtawa tuwing tanghali hanggang pasado alas dos ng hapon, nakakalimutan ang tanghalian kaya nakakatipid sa pagkain, at ang pinakamahalaga….dahil sa katatawa, ang mga Pilipino ay nakakaiwas sa pagkaroon ng sakit sa puso. Hindi na nila kailangan pang magbayad ng malaking halaga upang regular na maka-attend ng “laugh therapy” na bagong tuklas na paraan upang makaiwas sa sakit sa puso.

Aaminin kong dalawang beses pa lang akong nakapanood ng kalye serye, hindi pa kumpleto dahil sa bus lang ako nagkaroon ng pagkakataon, kaya noon ko pa lang din nakita ang sinasabing yaya, pero na-impress na ako dahil napansin ko agad ang natural niyang pag-arte. Kaya batay sa sariling pananaw, hindi malayong magkakaroon ng mga eksenang aktuwal na kukunan sa ibang bansa ang kalye seryeng ito, at dahil may franchise ng Eat Bulaga ang Malaysia, siguradong magkakaroon din sila nito….abangan!