Ang Kalasingan

Ang Kalasingan
Ni Apolinario Villalobos

Hindi lamang sa alcohol ng alak, ang tao’y nalalasing
Kundi sa mga bagay na sa hinagap ma’y di natin akalain
Nariyan ang kalasingan sa biglang yaman na naangkin
At kalasingan sa karangalang, sa kalauna’y nakamit din.

Hindi masama ang uminom ng alak kung ilalagay sa wasto
Lalo na’t sa Misa, ito ay simbolo rin ng dugo ni Hesukristo
Subali’t sadya yatang may mga taong sa katakawan dito
Sa labis na natunggang alak, ibang alcohol ay napunta sa ulo.

Kung minsan ‘di natin masisisi, taong sinwerte ang kapalaran
Na dati ay lagi na lang kumakalam ang sikmurang walang laman
Subali’t sa pag-angat ng isinusumpa-sumpa niyang kinalalagyan
Kayamanang nakamit, halos hindi niya alam kung paano dapaan.

Yong iba naman, lahat ng paraan, walang humpay nilang ginawa
Mangiyak-ngiyak na kung minsan dahil sa kawalan ng pag-asa
Makamit lang ang karangalan na sa kanila ay napakahalaga –
At nang makamit, mga paang umangat, hindi na maibaba sa lupa!