Ang Diskarte

Ang Diskarte

Ni Apolinario Villalobos

 

Ang salitang “diskarte” ay isa sa pinakapalasak na salita sa diksyonaryo ng Pilipino. Maaaring ito ay mangangahuhulugan ng “paraan”, “ginagawa”, “gawin”, at kung anu-ano pa na pandugtong ng mga salita, tulad din ng “kung saan”. Sa mga ayaw magsabi ng maraming bagay tungkol sa kanyang ginawa, sasabihin lang niyang “diskarte lang yan”, tapos na ang usapan. Kung baga, “mayamang” salita, literally din, dahil marami ang yumaman sa napakasimpleng salita na yan.

Sa lahat ng panig ng mundo, kailangang dumiskarte upang mabuhay, maski sa pamamagitan man lamang sa pagkain isang beses isang araw, kesehodang ang kapirasong pagkaing isinubo upang mapawi ang gutom ay galing sa tambakan ng basura. Sa Afrika, ang isa sa mga paraan upang mapawi ang uhaw ng mga katutubo ay sa pamamagitan ng paghiwa ng maliit na bahagi ng leeg ng alaga nilang hayop upang tagasan ng dugo na kanilang iniinom. Pagkatapos mapaampat ang dugo ay pinapakawalan uli ang hayop, na parang walang nangyari. Sa Pilipinas, ang mahirap na mga Pilipino ay para na ring hayop kung ituring, sinisipsipan din pero hindi lang ng dugo kundi kapirasong buhay – ng mga gahamang opisyal sa gobyerno at mga pulitiko. Pagkatapos ng “ritwal”, bibigyan kunwari ang mga Pilipino ng “tulong” upang madugtungan ang buhay, na parang walang nangyari.

Maraming tao ang dumidiskarte upang makapasok sa trabaho. Mayroong nagpapa-impress sa interview pa lang na sila ay graduate ng mga kilalang university o college, sinasabayan pa ng pa-“wers wers” na English. Ang iba, pa-emotional, sabay banggit ng kahirapan nila sa buhay kaya kailangang kumita. At, ang iba pa ay binabanggit si “uncle” o “auntie” na malimit ka-lunch ni presidente, ni senador, ni congressman, at iba pang opisyal.

Malaking bagay ang may tiwala sa sarili pagdating sa interview. Ang isa kong kaibigan, naging tapat sa pagsabi na graduate siya sa isang hindi kilalang college at ang natapos niya ay simpleng kursong Bachelor of Arts, subali’t pinagdiinan niyang hindi dapat limitahan ng kurso niya ang iba pa niyang kaalaman na mahahasa kapag nakuha niya ang trabaho. Nang matapos ang pagsulit, pang-apat siya. Ang trabaho sa Department of Budget and Management (DBM), malayo sa kanyang kurso subali’t hindi naging hadlang sa kanyang tuluy-tuloy na promotion. Ang nangyari sa kanya ay nangyari sa akin dahil sa kabila ng kurso kong Bachelor of Arts din, ay napasabak sa sales and marketing nang mapasok sa isang airline. Ang isa pa naming kaibigan na ganoon din ang kurso ay naging Assistant Secretary ng Department of Social Welfare (DSW). 

May isang magandang sekretarya akong nakilala, na ang ama ay ginawan ko ng talambuhay, ang hindi nahiyang nagsabing nakatulong ang maganda niyang mukha at seksing katawan upang matanggap sa inaplayan. Walang sekswal na nangyari, kundi dahil sa pangangailangan ng kumpanya ng isang talagang magandang sekretarya para humarap sa mga dayuhan nilang kliyente, siya ay tinanggap. Ang babae ay hindi lang maganda kundi magaling din magsalita ng English at may kusa sa ibang gawain, kaya ang mga kasama niya sa opisina ay bilib sa kanya. Ibig sabihin, ang diskarte niya ay tumulong sa mga kasama niya sa opisina at hindi siya mayabang.

Yong mga batang nakatira malapit sa Divisoria, ang diskarte ay pamumulot ng mga itinapong gulay ng mga biyahero madaling araw pa lang. Ang mga gulay ay  hindi naman bulok, kundi mga lamog at lanta lamang. Binibenta nila ito pagkatapos tanggalan ng mga lamog o lantang bahagi. Tumpuk-tumpok kung ibenta nila ito sa bangketa at ang kita nila ay ginagamit pangbaon sa eskwela at pambili ng mga gamit. Ang iba ay inuuwi upang pang-ulam.  Ang mga nanay naman nila, nagtatalop ng mga reject na sibuyas upang matanggal ang mga bulok na balat, at ang mga tatay ay nagkakargador sa Divisoria, at nangangalkal sa mga tambakan ng basura upang makakuha ng mga mabebentang mga bagay.

Sa mga naging kaibigan ko na kapos sa buhay at nakatira sa depressed areas, nagsa-suggest ako na haluan ng tinadtad na kamote o saging na saba ang sinaing. Maliban sa nakakapagparami sa sinaing, masustansiya pa. Upang makatipid sa oras ng pagluto at kahoy, ipinapasapaw ko sa painin na sinaing ang mga gulay na malimit gamitin sa pinakbet, pati kamatis at sibuyas. Isasawsaw na lamang sa bagoong kung kakainin na.

Nang minsang naimbita ako sa tanghalian ng isa kong pinasyalan, napansin kong kulang ang pinggan, baso, tasa, at mangkok, kaya ang kumpare ko, takip ng kaldero ang ginawang pinggan. Nag-suggest ako na huwag ibenta, sa halip ay gamitin na lamang nila ang mga mapulot na dating ice cream container para magamit na mangkok at pinggan, ang mga garapon lalo na yong may takip ay gamiting baso, at ang iba pang plastic container na maliit ay pwedeng baso at gamitin sa kape. Ang mga dating ice cream container, maliit na espasyo ang magagamit kung itatabi dahil pwedeng salansanin o pagpatung-patungin, ligtas pa ang tirang pagkain dahil may mga takip na. Ang mga garapon, ligtas din sa mga ipis dahil may mga takip din. Pero, paalala ko hugasang mabuti bago gamitin. Ang mapulot na buo pang  kahon na gawang kahoy o crate ay  pwedeng gamiting mesa. Nang mamasyal uli ako sa kanila, nakita kong may bagong mesa (dalawang crate na pinagtabi) na may cover na tarpaulin may mukha nga lang ng natalong kandidato, mga nakasalansan na mga dating  ice cream container, mga garapong may takip na nakasalansan din, mga dating cup ng instant noodles para magamit na coffee mug, at may flower base pa na dating porselanang garapang nilagyan ng burong black beans, galing Tsina.

 Huwag maliiting ang mga lantang gulay. May mga gulay na sadyang pinapalanta bago buruhin tulad ng labanos at mustasa. Sa Italya, isa sa mga produkto nila ay kamatis na pinatuyo sa araw o “sun dried”. Sa Thailand, Tsina at iba pang bansa sa Asya, pinapatuyo ang kalabasa, singkamas, gabi, kamote, talong. Sa India, ang langka na panggulay, pinapatuyo din. Ang pagpapatuyo ng sili ay hindi maikakailang ginagawa ng halos lahat ng bansa na meron nito. Iyan ang paliwanag ko sa mga kaibigan kong nais makinig.

 Hindi kailangang maraming pera upang makaraos sa buhay. Ang kailangan lang ay simpleng diskarte.