Dapat mag-spot check sa massacre site ang mga imbestigador…pati mga opisyal ng gobyerno na resource persons

Dapat mag-spot check sa massacre site ang mga imbestigador
… pati mga opisyal ng gobyerno na resource persons
Ni Apolinario Villalobos

Upang maging kapani-paniwala ang resulta ng imbestigasyon nila sa Mamasapano massacre, dapat ay pumunta sa Mamasapano ang mga senador. Sa imbestigasyon kay Binay ay nag-spot check ang mga imbestigador, kaya dapat ay pumunta din sila sa Mamasapano dahil may narinig sa ibang senador na wala silang kaalam-alam sa kung ano ba ang hitsura ng lugar na pinangyarihan ng massacre. Baka kapag nakita na nila ang kapatagang tinamnan ng mais na tinakbuhan ng mga minasaker, kaya animo ay naging mga practice target sa shooting gallery ay mababawasan na ang mga walang katurya-turyang mga tanong nila na nagpapatagal lang ng imbestigasyon.

Dapat ay sumabay na rin ang mga nagmamagaling na mga kongresista, na todo ang self-introduction bago magtanong. Dahil sa ginawang self-introduction na kumain ng maraming minuto, kaunting panahon na lang ang natira para sa pagtatanong. Nang sitahin na ng moderator, nakipag-away pa. Doon sa Mamasapano, magsawa sila sa kaiimbistiga at sa katatanong…kung gusto nila, mag-overnight pa sila…magtayo ng tents sa gitna ng maisan kung saan ay minasaker ang mga bayaning SAF 44, para ma-feel nila ang ginagawang pag-imbistiga. Sana ma-meet din nila ang mga BIFF upang maimbistigahan din dahil namatayan din daw.

Dapat sumama ang hepe ng BIR upang ma-asses din ang bahay na tinirhan ni Marwan, kung may buwis bang maipapataw, at baka may makita rin siyang iba pa lalo na yong mga nagtitinda ng tilapia, daing na dalag, pastil at tinagtag. Isama si Dinky Soliman kung may dapat bigyan ng mga pinakatago-tagong relief goods na hindi “inubos” (bakit?) ipamigay sa mga biktima ng bagyong Yolanda – kung may natira pa dahil sa nangyaring nakawan na “parang wala lang”.

Sumama na rin dapat si Mar Roxas dahil may mga nagtatanong kung may mga ongoing projects ang gobyerno sa Mamasapano, huwag lang siyang umiyak sa site. May nagtanong din kasi na kung maayos naman ang mga proyekto bakit may mga sumama sa grupo ng terorista (wow!!!). Kailangan ding sumama si de Lima bilang kalihim ng Hustisya for obvious reason. Sumama din ang namumuno ng Human Rights dahil maraming mga taga-roon sa Mamasapano ang namatay, pati na mga MILF at BIFF, at may mga taniman din ng mais na napinsala…kawawa naman ang mga magsasakang kababayan natin na nanginginig pa siguro dahil sa takot. At lalong dapat sumama si Purisima, upang ma-feel niya ang epekto ng “pagpayo” niya kay Napeῆas na huwag makipag-coordinate sa AFP at OIC ng PNP….dahil siya na daw ang bahala sa dalawa!…baka si presidente gusto ring sumama bilang “guest”…pagbigyan!

Huwag na palang isama si senadora Miriam dahil may sakit siya, lalo na at dumadanas ng cancer pain. Dapat siyang alagaan dahil sa hanay ng mga senador, siya lang ang may common sense at tapang na bumato ng mga nararapat na tanong sa mga resource persons. Sapat na yong ginawa niyang matapang na pambabara sa mga taong pakialamero maski suspendido, mga sinungaling at may sakit na kalimot sa Senate hearing na dinaluhan niya. Sana ay gawin niya uli ang pambabara sa susunod na hearing at baka sakaling may bumigay sa mga sinungaling, pagkalipas ng ilang gabing hindi pagkatulog dahil sa bangungot at kurot ng konsiyensiya!

Baka gusto ng mga pumunta sa Mamasapano na umupa ng eroplano ng Cebu Pacific nang makapag-avail ng murang pamasahe, siguraduhin lang nilang hindi sila mapagsarhan ng check-in counter…sigurado magmumura sila! Kailangan pala nilang mag-load sa cellphone dahil baka kailangan nilang mag-text…epektibo “yata” ito kaya may pagtitiwalang ginagamit na komunikasyon pati ng military at PNP….maski sa gitna ng barilan.

Suggestion o payo lang po ito…take it or leave it!

Wala Nang Epek ang Pagbatikos sa mga Tiwaling Opisyal

Wala Nang Epek ang Pagbatikos
Sa mga Tiwaling Opisyal
Ni Apolinario Villalobos

Sa pansarili kong pananaw, wala nang epek ang pagbatikos ng mga Pilipino sa mga tiwaling opisyal ng gobyerno, lalo na ang mga itinalaga ni Pnoy sa mga puwesto. Mabilis ang pag-usad ng panahon at tulad ng dati, ay magugulat na lang tayo dahil 2016 na, mag-eeleksiyon na…bababa na si Pnoy kasama ang kanyang mga “bagahe”.

Ano ang nangyari sa mga anomalya tungkol sa mga hindi maipaliwanag na pagkawala ng limpak-limpak na mga donasyon na dapat sana ay pang-rehabilitate ng Tacloban at iba pang nasalanta ng bagyong Yolanda, at isama pa rito ang mga ninakaw sa isang bodega sa Cebu? WALA! Ni walang narinig kung may nasuspinde man lamang. Ni walang narinig na magandang paliwanag mula kay Soliman.

Nadagdagan ang mga bulilyaso ni Soliman sa paghakot niya ng mga taong kalye sa isang mamahaling resort sa BAtanagas upang makaiwas sa mga paningin ni papa Francis nang dumating ito sa Pilipinas. Sa paliwanag na sinabi niya, inakala niyang ang mga Pilipino ay napakabobo na upang paniwalaan siya! Marami ang nagtatanong tuloy kung magkano ang kinitang komisyon mula sa “proyektong” ito.

Ang Maguindanao massacre case ay usad- pagong. Tulad ng dati, inaasahan na namang may mga palusot na paliwanag si Pnoy bago siya bumaba sa puwesto. Baka pumalakpak pa siya dahil nawalan siya ng malaking sagutin. Ni hindi man lang siya naringgan ng kapirasong salita na magpapakita ng pag-alala dahil sa kakuparan ng kaso. Nadagdagan pa ito ng massacre pa rin sa Mamasapano, Maguindanao kung saan ay pinatay ang 44 na pulis at may nadamay na mga sibilyan. Inaasahan na ang matinding pagtatakip upang hindi masisisi ang sinasabing may pakana at ugat ng lahat ng pangyayari na si Purisima na noon pa dapat nag-resign bilang hepe ng PNP.

Ang isang bagay na napansin sa administrasyon ni Pnoy ay kawalan nito ng “sense of urgency”, ganoong maaari naman siyang makialam upang mapabilis ang pagresolba ng mga kaso. Dahil sa kanyang gawi, ang mga ahensiyang may kinalaman ay pumitik-pitik na rin sa pagkilos. Kaya ang mga proyekto, puro bitin, at nabulgar pa na ang iba dahil sa kakuparan ay nakansela ang nakalaang budget at naging “savings” upang magamit ni Pnoy para sa DAP niya.

Kung ano man ang kahihinatnan ng 2016 election ay talagang nakakabahala. Yong isang taong interesadong maging presidente, nakakarating pa sa Mindanao sa pangangampanya. Ang iba namang may intension ay may kalabnawan ang mga pagkatao, dahil sila mismo ay may mga dapat ding sagutin dahil sangkot din sa mga anomalya.

Ang maaaring gawin ng mga Pilipino sa ngayon ay magmatyag at mag-ingay na lang kung kinakailangan upang makatulong sa pamamahagi ng katotohanan…may kahirapan mang gawin, maski papaano ay may nagagawa.
Tanggalin natin sa isip ang pagkakaiba ng mga Pilipino sa relihiyon dahil iisa ang mukha ng korapsyon, ang gumawa ay Kristiyano man o Muslim. Hindi rin dapat isipin ang rehiyonalismo upang maiwasang magbanggit kung saang probinsiya siya galing. Basta ang punahin ay ang taong nagkamali at ang kanyang pagkakamali, at iwasan na lang ang mga personal na isyu. Isipin na lang natin ang kapakanan ng mga Pilipino sa pangkalahatan.

Ang Pagka-OA ni Dinky Soliman Nang Dumating si papa Francis

Ang Pagka-OA ni Dinky Soliman
Nang Dumating si papa Francis
Ni Apolinario Villalobos

Hindi lang OA o over-acting kundi sobra-sobra pa, ang ginawa ni Dinky Soliman sa paghakot ng mga taong nakatira sa bangketang dadaanan ng santo papa, para itago sa isang mamahaling resort sa Batangas. Kung ginawa niya ito na walang basbas ng Malakanyang, lumalabas na sipsip siya. Kung may basbas naman, ibig sabihin talagang confirmed na walang binatbat kung gumawa sila ng desisyon.

Hindi man lang nila naisip na ang santo papa ay high-tech, nakatutok sa internet dahil gumagamit ng social sites nito tulad ng twitter. Ibig sabihin, nagba-browse ang santo papa sa internet kaya nakikita nito ang mga iskwater at mga nakatira sa mga bangketa, ang mga batang namamalimos sa kalye, ang mga ga-bundok na mga basura, at iba pa – lahat yan ay naka-post sa internet. Bago pa lang siyang pumunta sa Pilipinas ay alam na nito ang tunay ng larawan ng bansa…kaya hindi na kailangang itago pa ang mga taong bangketa at ibang umaalingasaw na kabulukan ng bansa.

Dapat kasi nagbitaw na itong si Dinky Soliman noon pa man dahil sabi ng maraming Pilipino ay wala namang alam sa pagpatakbo ng ahensiya. At dahil nakadikit siyang parang pagkit sa gobyerno kahit papalit-palit ang administrasyon ay magaling daw itong sumipsip! Ganyan ang linta, na dahil sa tindi ng pagsipsip ng dugo ay halos hindi matanggal sa pagkakadikit sa balat.

Malakas ang alingasaw ng pagduda na pinagkitaan ang paghakot ng mga taong bangketa sa isang resort sa Batangas. Dapat itong imbestigahan.

DSW/ Dinky Soliman…Nangangarap!

DSW/Dinky Soliman…Nangangarap!
Ni Apolinario Villalobos

Hindi daw tanggap ni Dinky Soliman, ang secretary ng DSW ang resulta ng bagong survey na maraming nagututom na Pilipino. Hindi daw palpak ang mga programa ng DSW, lalo na ang doled out na pera para sa mahihirap, na hanggang ngayon ay kaduda-duda. Nangangarap siya!
Wala nga siyang maayos na kasagutan sa mga katanungan tungkol sa mga anomalyang nakapaligad sa mga donasyon at pamamahagi nito sa mga biktima ng mga trahedya, hindi pa rin nahiyang magpahayag ng saloobin niya na palpak talaga ang pamumuno niya sa DSW.

Anong feeding program niya ang magpapaliwanag sa sinabi ng senador Grace Poe mismo, na 15milyon na mga bata ay naguguton?

Dapat mag-ikot siyang mag-isa sa Maynila upang malaman niyang mali siya. Bulag yata siya kaya hindi niya nakikita ang mga namamalimos na mga pulubi at mga bata, ang mga nakatira sa bangketa, ang mga namumulot ng tirang pagkain sa basura. Hindi malaman ng taong bayan kung tao siya o robot dahil wala man lang makitang pag-alala sa mukha niya na ang kulay ay pinatingkad ng kapirasong kulay sa buhok, na pabago-bago sa araw-araw na ginawa ng Diyos!

Itigil na dapat ni Dinky Soliman ang pangarap na marami ang bilib sa pamamalakad niya ng DSW. Sabagay kung susundin ang ibig sabihin ng marami…maaaring totoo, more than one kasi ang bilib sa kanya – si Pinoy, mga spokesperson nito sa Malakanyang, driver niya at mga katulong, at mismong miyembro ng pamilya niya. Tama siya…marami nga!