Ang Mga Hindi Nakakatuwang Pagbabago ng mga Salitang Nakasanayan Na

Ang Mga Hindi Nakakatuwang Pagbabago

ng mga Salitang Nakasanayan Na

Ni Apolinario Villalobos

 

Pinagpipilitan ng ilang sektor ang pagtawag ngayon sa “iskwater” o “squatter” bilang “informal settler”. Kung maging literal sa pag-translate ng katagang “squatter”, ang pinakamalapit na katumbas ay “mang-aagaw”, kaya binaybay o inispel na lang na “iskwater” – noon yan. Pero ngayon, dahil “informal settler” na ang pinagpipilitang itawag, ang tanong ay ano ang katumbas nito sa Tagalog o Filipino…”impormal setler”? At bakit ginamit ang salitang “informal”?…kaylan pa naging “formal” ang pang-iiskwat?

 

Ang “squatter’s area” naman na simpleng tinatawag na “iskwater” sa Tagalog o Filipino ay pilit na binabago sa tawag na “depressed area”. Pero, ano naman yan sa Tagalog o Filipino”…”malungkot na lugar”? …lalo pang pinasama ang katawagan! Sa mga lugar na yan, kahit maraming kakapusan sa mga materyal na bagay, masaya ang mga nakatira. Nakita ko yan dahil madalas akong mamasyal sa mga kinatatakutan ng iba tulad ng Baseco Compound, Isla Puting Bato sa Tondo, at mga slums sa gilid ng mga riles at ilog ng Reina Regente.

 

Gumanda nga sa pandinig ang “iskwater” o “squatter”  dahil English ang ginamit, pero ang tinutukoy ay GANOON PA RIN dahil hindi mababago sa anumang katawagan ang tunay na mukha ng kahirapan o poverty.

 

YAN ANG KAHANGALAN NG MAKABAGONG SISTEMA…PINAPAGANDA SA PANDINIG ANG MARAMING BAGAY NA PARA BANG NAGMI-MAKE UP NG MUKHA UPANG “GUMANDA”.  PARA BANG SA MGA BEAUTY CONTEST…NAGPAPAGANDAHAN NG MGA MUKHA ANG MGA KALAHOK, PERO TANGGALAN MO SILA NG MAKE-UP, ANO ANG MANGYAYARI KAPAG “TUNAY” NA MUKHA ANG MALALANTAD? …ANO ANG MAKIKITA?

 

Mapapansing hindi man lang pinag-isipan kung ano talaga ang mga katumbas na katawagan sa Filipino o Tagalog ang mga salitang gustong baguhin, kaya ang ginagawa ng taga-media, ginagamit pa rin ang English kapag nagri-report o nagsusulat sa Tagalog o Filipino. Para sa akin ay hindi yan nakakatuwa.

 

Bakit kailangan pang baguhin ang mga katawagan na hindi na kailangan pang baguhin?…para lang masabing may ginawang pagbabago?… samantalang pwede namang MAG-ISIP NG BAGO NA.

Ang Mga Dahilan kung bakit Hindi Puwedeng “Puro” ang Ginagamit sa Pagsalita at Pagsulat sa Wikang Pilipino

Ang Mga Dahilan Kung Bakit Hindi Puwedeng “Puro”

ang Ginagamit sa Pagsalita at Pagsulat sa Wikang Pilipino

Ni Apolinario Villalobos

Sa titulo pa lang ng blog ay kita nang hindi purong Pilipino ang ginamit ko. Kung gagawin kong

“purong Pilipino” ang titulo, ito ang kalalabasan: “Ang mga Dahilan kung Bakit Hindi Maaaring Lantay na Pilipino ang Ginagamit sa Pagsalita at Pagsulat….”. Siguradong marami ang magri-react sa “lantay” na ibig sabihin sa Ingles ay “pure”. Hindi maaaring gamitin ang “tunay”, dahil ang ginamit ko ay tunay namang Pilipino ngunit, makabago nga lang kaya tanggap ng lahat.

Masakit sa tenga at mata ang ibang katagang Pilipino na halaw o batay sa wikang Tagalog, at may pagka-imoral pa. Halimbawa na lang ay ang salitang “upuan” na kung misan ay tinatawag na “silya”, pero sa tunay na Tagalog ay “salumpuwet” o “salo ng puwet”. Ang “brief” ng lalaki ay hindi puwedeng “karsonsilyo” na may pagka-Kastila o di kaya ay “karsones”, at lalong hindi maaaring “shorts” o “puruntong” na pinasikat ni Dolphy. Kung gagamitin ang “salumpuwet” bilang batayan sa pagsalin ng mga katawagan sa iba pang kasuutan ng tao, ang “brief” ng lalaki ay magiging “salumbayag” o “salungtiti”, ang “bra” ay magiging “salungsuso” at ang “panty” ay “salungpuke”, ang “guwantes” ay dapat “salongpalad” o “salongdaliri” o “salongkamay”, ang medyas ay dapat “salongtalampakan”, at ang sombrero, maliban sa katumbas na “sambalilo” ay dapat “saklob-ulo”. Kahit papaano ay umiiral pa rin ang moralidad ng mga Pilipino dahil ang “condom” ay binigyan na lang ng simpleng katumbas na “supot”, pero para sa mga pilosopo ay siguradong may tanong pa na: “supot ng ano?.”

Hindi rin maaaring maging puro sa paggamit ng wikang Pilipino ang karamihan sa mga makabagong manunulat, para sa kapakanan ng mga taga-ibang rehiyon ng Pilipinas na hindi nagta-Tagalog. Ang mga taga-Norte, halimbawa, lalo na yong sa Cordillera region na nasanay sa Ingles at hindi sa Tagalog, upang maintindihan ay dinideretso na nila sa English ang mga katagang hirap sila sa pagbigkas o talagang hindi nila alam. Ganyan din ang kalagayan ng mga taga-Visayas at Mindanao na akala ng mga taga-Manila ay nagpapasosyal din sa pagsalita ng Ingles. Ang totoo ay hirap din silang mag-Tagalog, lalo pa at pinagtatawanan sila sa pagbigkas at sa “punto” o accent. Upang hindi mapahiya, halos 40% ng mga katagang gamit  ng mga Bisaya at Muslim kapag nakikipag-usap sa mga Tagalog, ay Ingles. Yan din ang dahilan kung bakit sa buong mundo, alam na Ingles ang second language ng mga Pilipino.

Sa totoo lang, talagang gusto kong magsulat ng tula o sanaysay sa purong Pilipino, pero baka isipin ng ibang mambabasa na taga-ibang planeta ako. Noong minsang may ini-translate akong Ingles na talumpati sa Pilipino, ang kaibigan kong taga-National Library of the Philippines mismo ay tawa ng tawa dahil sa mga “lantay” na katagang ginamit ko. Kailangan kong gawing “lantay” ang pagsalin o pag-translate dahil ang gagamit  ng talumpati ay hepe ng isang ahensiya na may kinalaman sa kulturang Pilipino. Sa kasamaang-palad, mismong taga-National Library ay hindi alam ang ibig sabihin ng maraming katagang ginamit ko.

Ang wika ay isa sa mga batayan ng pag-asenso ng isang lahi. Hangga’t maaari, taun-taon ay may nadadagdag na mga bagong kataga sa ating wika upang ito ay maging “buhay” o  magpakita ng “paglago” o “pagyabong”. Hindi masamang manghiram ng mga kataga sa ibang wikang banyaga lalo pa at napatunayang nagagamit silang tulay upang lalong madali tayong maunawaan ng mga lahing hiniraman natin ng mga kataga o salita nila. Kung mapapansin, ang mga banyagang turista na nagpipilit na maunawaan ng mga Pilipino ay gumagamit ng iba’t ibang kataga ng Kastila, na pandagdag sa Ingles at pagmumuwestra o pag-action upang sila ay maunawaan. Ganyan din ang ginagawa natin kung tayo ay pumunta sa ibang bansa, dinadaan natin sa pag-aksyon at pa-Barok na paggamit ng kanilang wika, na pandagdag din sa English o Spanish upang tayo ay maunawaan nila…at, kaya ko binabahagi ay nadanasan ko mismo ang ganyang sitwasyon. Noong nakarating ako sa isang liblib na bahagi ng Germany, upang makahanap ako ng ihian ay kailangan kong hawakan ang harap ko…yong sa ibaba, sabay gamit ng daliri na parang “kuwan” upang maipaunawa na ako ay iihi. Ganoon din nang gusto kong magbawas na ang itinuro ko naman ay puwet ko sabay ang pag-emote na umiiri.

Kung lahat ng mga tao sa buong mundo ay maghihiraman ng mga kataga o words, darating ang panahon na magkakaroon ng “global language” ang sangkatauhan. At, hudyat o palatandaan din ito sa pagbalik ng sangkatauhan sa nakaraang panahon “noong hindi pa binuwag ng Panginoon ang tore ng Babel”…panahong ang lahat ng tao ay iisa ang wika…kung pagbabatayan ang alamat na ito sa Bibliya. Ito ang isa sa mga dapat na gawing project ng United Nations…ang magkaroon ng “Global Dictionary”.

Ang problema natin ay kung paanong magkaroon ng kataga o mga kataga na ang tunay na katumbas ay “welcome” kung bumabati tayo sa mga dumarating na mga turista o balikbayan. Kung “Maligayang Pagdating” na literal translation, napakahaba naman at okey lang kung nakasulat sa tarpaulin pero kung bibigkasin ay tunog-corny. Mahirap din itong isigaw sa airport o pantalan dahil ang dating ay pang-rally. Ang “Mabuhay” ay parang hindi angkop dahil hindi tugma sa pagdating kundi parang wish na “mabuhay” ang isang patay o huwag tuluyang mamatay ang maysakit. Tatanggapin kaya ang katumbas na: “Tuloy Kayo” para sa “Welcome”?  Okey lang ang “Paalam” kung paalis na, subalit hindi rin natin ginagamit dahil ang naririnig sa mga nagsi-send off ay “Bye” o “Goodbye”…ang “Paalam” kasi para sa iba ay napakamatulain o pangtula lang, nakakaiyak, na para bang pang-dialogue lang sa drama.

Bilang pagtatapos, marubdob pổ akong nagpapasalamat sa inyong lahat na nagtiyaga at matamang nagbasa nitong aking ibinahagi na pinigᾁ ko pa mula sa kasuluk-sulukan ng aking diwa. At, nawa ay mapagmuni-muni ninyo upang maunawaan na sa abot ng malinggit kong kakayahan ay pinilit kong magbigay-linaw sa usapin kung bakit sa panahong kasalukuyan ay mahalagang nagkakaunawaan tayong lahat na magkababayang Pilipino. Ito ay kahit na sa kabila ng katotohanang magkakalayo  ang ating kinalalagyan dahil sa watak-watak na kalagayan ng mga isla ng ating bansa. Malayo sa hinagap at layunin ko na may mawalan sa inyo ng katinuan sa pag-iisip o di kaya ay manggalaiti sa inis at tuloy ay isumpa ako dahil lang dito, na baka umabot pa sa inyong pagkakaila na ako ay isang abang kaibigan ninyo sa fb at sa tunay na buhay….huwag naman sana. Ayaw kong gamitin ang dialogue ni Gloria Arroyo na, “ I am sorry…”

Huwag Ikahiya ang Kaalaman sa mga Salitang Pilipino, lalo na ang Pambansang Wika

Huwag Ikahiya ang Kaalaman
Sa mga Salitang Pilipino, lalo na sa Pambansang Wika
Ni Apolinario Villalobos

Hindi ko maintindihan kung bakit may mga magulang na pilit pinagsasalita ng English lang ang maliliit anak sa loob ng kanilang bahay. Okey lang sana na kahit na pinagsasalita sa English, ay pagsalitain pa rin sila ng sariling wika o salita ng kanilang probinsiya. Tuwang-tuwa ang mga magulang na itong marinig na nagsasalita lang sa English ang mga anak, ganoong ang punto o accent ay Pilipino naman dahil silang mga magulang mismo ay limitado lang din ang kaalaman sa nasabing banyagang wika. Ang maling akala nila ay mas madaling makahanap ng trabaho ang taong Inglesira o Inglesiro. Ang hindi nila alam ay mas gusto ng mga kumpanya sa panahon ngayon ang mga aplikante na maraming alam na salita.

May isa akong kumpare na nagsisisi kung bakit pinilit niya ang English sa kanyang anak na humantong sa pagiging bulol nito sa mismong sarili nating wika na Pilipino. Nang dalhin niya sa Amerika ang kanyang anak upang doon pag-aralin, pinagtawanan daw ito ng mga kaklase nang malaman na bulol sa sariling wika, at kinutya pa, samantalang ang ibang mga kaklase ay natutuwang makipag-usap sa isa’t isa gamit ang Mandarin, Thai, o Tagalog na natutunan nila sa kanilang mga yaya.

May mga galing naman sa probinsiya na ikinahihiya ang sariling salita o dialect, pero kung mag-Tagalog naman ay lutang na lutang ang punto ng sarili nilang salita. May isang babaeng broadcaster na tungkol sa trapik ang nirereport, ang kahit nagta-Tagalog na ay nagpupuntong English pa rin, lalo na kung magsambit ng mga salitang may letrang “R”, na “pinapalambot” upang may kayabangang ipahiwatig na dahil sa kagalingan niya sa English ay lumalabas na natural ang “parang” nai-English na Tagalog kung gamitin na niya…ibig sabihin, gusto niyang palabasin na nananaig o nasasapawan ng English ang Tagalog niya! Nang minsang may kumausap sa kanya on air, nadulas siya sa kanyang pagsalita kaya nabistong siya pala ay Ilongga! Ikinahihiya yata niya ito, ganoong kilala ang Hiligaynon o Ilonggo bilang malambing na dialect kaya marami ang nakakagusto.

Nakakabilib malamang maraming banyaga ang gustong matuto ng Tagalog o iba pang provincial dialect ng Pilipinas. Ang mga ito ay mga exchange students o nagtatrabaho sa mga multi-national companies. Dahil itinuturing na pangalawang wika ang English sa bansa, kahit hindi na sana sila mag-aral ng Tagalog ay maaari, subalit pinipilit pa rin nilang matuto. Sa mga ganitong tao dapat mag-ingat ang mga kababayan nating mahilig manlibak ng kapwa na hindi nila type ang kulay ng balat o hitsura.

Sa isang jeepney na nasakyan ko noon, may dalawang babae na nangutya sa isang pasaherong maitim ang balat. Sa porma ng nililibak, ay mukhang estudyante ito. Dahil marunong ako ng Cebuano, naintindihan ko ang ang usapan ng dalawang babae na mga Bisayang Cebuano pala. Ang isa ay nagsabi na mukhang unggoy daw ang maitim na pasaherong kaharap nila. Nang iabot ng maitim na pasahero ang pamasahe niya sa drayber, sabi niya: “kuya…ito po ang bayad ng unggoy”. Sa hiya, biglang nagpapara ang dalawang babae at bumaba!

Ang Wikang Pilipino na Nagiging Hybrid na

Ang Wikang Pilipino na Nagiging Hybrid na
Ni Apolinario Villalobos

Darating ang panahon na ang pagiging dalisay ng wikang Pilipino ay malulusaw, hindi na ito magiging “pure” Pilipino language. Magiging isang wikang “hybrid” na ito. Marami na ang nagtuturing o nagko-consider na corny pakinggan ang purong Pilipino na batay sa balarila o grammar. Sa pagsusulat ay hindi pa ito masyadong pinapansin dahil hindi naririnig, subalit kapag ginamit na sa pakikipag-usap, ang gumagamit ng mga talagang salitang Pilipino ay tinatawag na corny. Iba kasi ang dating ng binabasa sa naririnig. Para sa iba masakit sa tenga ang epek ng purong Pilipino kaya mas gusto pa nilang may halong English na “converted” upang maging tunog Pilipino.

Kahit ang ginamit sa titulo na “wika” ay corny sigurado ang dating sa iba na mas gugustuhin pang marinig o mabasa ang “salita”. Kaya sa tanong halimbawa na “ano ang language ng Finland”, ang mangyayari ay, “ano ang salita sa Finland” sa halip na “ano ang wika sa Finland”. Pati ang salitang “dialect” ay walang talagang katumbas sa Pilipino kaya ang ginagamit ay “salita”. Kaya sa magtatanong halimbawa kung “what is the dialect of those in Batanes”, sa Pilipino ito ay magiging, “ano ang salita ng mga taga-Batanes”. Pero, dapat alalahanin na ang ibig sabihin ng salita ay “word”.

Tanggapin ang katotohanang dahil sa hindi nagagamit o naririnig palagi ang maraming salitang Pilipino, ang turing sa mga ito ay “malalalim” na. Halibawa ang salitang “nilinang” o “kalinangan” o “linang” na may kinalaman sa “culture”, “cultured” o “developed” o “development”. Halos nakalimutan na ang mga nabanggit na salitang Pilipino ngayon, dahil mas ginagamit ang salitang “dinibelop”, “nadebelop” o “na-developed” o “ini-developed”, ang matindi ay “na-culture”, at ang “culture” ay “kultura”.

Para sa akin, hindi masama ang ganitong nangyayari. Ang mga pagbabago sa isang bagay ay tanda ng isang kaunlaran. Hindi nagiging kolonyal ang takbo ng kaisipan ng isang Pilipino kung sa kanyang araw-araw na pananalita ay gumagamit siya ng ibang salitang banyaga na naiintindihan naman ng ibang Pilipino. Ganito ang nangyari sa Pilipinas noong kapanahunan ng Kastila, kaya nagkaroon ng dialect na Chavacano sa Zamboanga at Cavite na may mga salitang Kastila na hindi conjugated. At dahil palasak ang paggamit ng Kastila noon, kinilala ang mga Pilipino bilang isa sa mga lahi sa mundong gumagamit nito. At ngayon, dahil Ingles naman ang umiiral, marami na ring salitang Ingles na kino-convert upang magamit sa wikang Pilipino. Ito ang dahilan kung bakit sa buong mundo, kinikilala ang Pilipinas ngayon na isang bansang mahusay gumamit ng wikang Ingles.

Sa blogging, upang “maunawaan” ng mga mambabasa ang sinusulat, hanggang maaari ay mag-convert na lang ng ibang salitang Ingles upang maging Pilipino, at hindi lumabas na corny dahil sa malalalim na mga salitang madalas na lang gamitin sa mga tula. Dapat pagbigyan ang mga mambabasa dahil sila ang makikinabang sa mga blogs, at instrument lamang ang mga manunulat. I hope my message will be apresyited. Thanks din to you all sa pagbasa nito….