Si Ted at si Ruel
…mga salamin ng buhay
Ni Apolinario Villalobos
Mga kasabayan ko sila noong nag-aaral pa kami mula elementary hanggang kolehiyo. Hindi sila nakaririwasa sa buhay, hindi rin naman naghihirap. Pareho silang sa murang gulang ay sinanay nang bumalikat ng mga gawaing bahay at iba pang responsibilidad na magagamit nila pagdating ng panahong mag-isa nilang haharapin ang mga pagsubok sa paghanap nila ng kani-kanilang kapalaran.
Si Ted ay natutong magtinda ng diyaryo upag kumita ng babaunin niya pagpasok ng eskwela. Disiplinaryan ang tatay niya na maski may kaliitan ay nakipagbakbakan sa mga Hapon noong WWII at harap-harapan pa niyang ginawa maproteksiyunan lang ang pamilya. Palangiti si Ted at hindi ko nakitang nakasimangot maski kaylan noong nabubuhay pa at magkasama kami. Puno ng mga ideya ang kanyang utak, yon nga lang ay hindi naunawaan ng iba naming kaibigan kaya ay turing sa kanya ay mayabang. Nagkasundo kami dahil pareho kaming mahilig mag-isip ng mga bagay na maaaring mangyari sa hinaharap. Napag-usapan naming noong high school kami ang maaaring mangyari na “pagpapahinga” na lang sa isang tao na nahihirapan nang mabuhay, na nangyayari na ngayon at ang tawag ay “euthanasia”. Napag-usapan din namin noon na darating ang panahong lalapag din ang tao sa buwan “dahil andiyan lang naman, eh”, sabay tawanan. Nangyari nga. Pinag-usapan din naming noon na baka mangyari sa isang taong patay na nguni’t bubuhayin gamit ang isang bahagi ng katawan niyang inilagay sa isang klase ng kemikal. Naisip din namin ito dahil kung pwede ngang magbuhay ng halaman gamit ang isang sanga nito, dapat pwede rin sa tao. Nangyari nga. Pati mga kotse na pwedeng lumipad na parang eroplano, at pwede rin sa tubig na parang bangka. Nangyari rin. Marami pa kaming pinag-usapang nangyayari na ngayon. Kaming dalawa lang ang nagkaintindihan.
Noong minsang umuwi ako upang magbakasyon, sa kanila ako natulog. Habang nag-iinuman, inilabas niya ang kanyang cal.38 na baril at ipinakita sa akin, nakaligtaan niyang tanggalan ng bala, at dahil nakainom nangyari ang hindi inaasahan. Nakalabit niya ang gatilyo, mabuti na lang at sa kisame ang direksyon, nguni’t natulig ako at nawala ang pagkalasing naming pareho. Minsan lang din kami nagtalo – tungkol sa cremation. Ayaw niya ng cremation, gusto ko naman. Binanggit ko ang tungkol sa alikabok na pinanggalingan ng tao, sabi niya, patay na nga susunugin pa. Nagtampo ako kaya iniwan ko siya at naglakad nang naglakad sa bayan at nang abutin ng antok ay sa isang papag sa palengke ako natulog. Sa kahahanap pala niya sa akin, naubusan ng langis ang motorcycle niya. Nang mag-usap kami uli tungkol sa cremation ay noog umakyat kami sa Mt. Apo. Sinabi niya na kung mamatay siya, okey na ang cremation at ikalat maski sa paanan ng Mt. Apo ang abo niya. Hindi nangyari lahat ang gusto niya dahil, na-cremate man siya, ang abo niya ay itinabi ng mga mahal niyang asawa at mga anak.
Si Ruel, elementary pa lamang kami ay nakitaan na ng sobrang kabaitan dahil titser ang nanay niya, kaya siguro takot mapingot palagi. Kung makipaglaro man sa amin, sandali lang at uuwi na. Mahilig siyang mag-memorize ng mga leksyon kaya consistent honor student siya. Aktibo sa mga gawain ng Boy Scout kaya madalas siyang kasama sa mga jamboree. Kung anong bait niya noon elementary kami, ay ganoon din siya noong high school kaya paborito siya ng mga titser namin siya. Pambato naming siya pagdating sa elocution contests, na napapanalunan naman niya palagi. Maraming siyang tagahanga noong high school kami, kasama na ang mga babaeng estudyante sa “kabilang bakod” ng aming eskwelahan, ang Girls’ Department.
Ang hindi ko makalimutan sa mga sinabi niya sa akin noong high school pa kami ay tungkol sa pagsisikap na siyang dapat magbigay ng lakas sa tao upang makamit ang kanyang ambisyon. Ako kasi noon, mahilig sa barkada kaya isa ito sa palagi niyang paalala niya sa akin. Akala kasi niya, pabaya ako sa pag-aaral. Palagi niya ring tinatapik-tapik ang balikat ko sabay sabing, “relax lang”, kapag napansin niyang umiinit ang ulo, na madalas mangyari.
Noong nakuha ako ng Department of Social Welfare, habang nasa fourth year college kami, pinakiusap ko sa boss ko na baka pwede na ring isama si Ruel na nangyari naman. Sabado at Linggo ang pasok namin, pero buo ang sweldo bilang casual employees dahil inaabot naman kami ng halos hatinggabi sa pagtrabaho. Hindi kami pareho ng ugali, dahil kung maiinitin at mainipin ako, siya naman ay mahaba ang pisi ng pasensiya at may tiyaga. Kaya nang gumradweyt kami sa college, naghanap ako ng ibang trabaho na swerte ko namang nakita agad, habang siya ay naiwan. Hindi kalaunan, nabigyan siya ng scholarship sa Australia upang magpakadalubhasa sa larangan ng Social Work. Ang kurso kasi namin ay AB English/History. Maswerte lang ako dahil ang airline na napasukan ko ay hindi pinansin ang kurso ko dahil napasahan ko naman ang lahat ng mga pagsubok.
Naging Regional Director si Ruel ng Region XI ng DSW. Nang inililipat siya sa Manila para sa isang mas mataas na pwesto, tinawagan niya ako at tinanong kung okey lang ba. Pinaalala ko sa kanya ang ambisyon niya kaya hindi nagtagal naipwesto siya bilang Assistant Director ng ahensiyal. Hindi nagbago ang ugali niya pagdating sa trabaho. Nakikita ko na lang siya TV, namumuti ng abo ang katawan, kasama ng nililikas na mga tao nang pumutok ang Mt. Pinatubo. Minsang gusto siyang interbyuhin, itinuro niya ang kasama niya para dito. Maski mataas ang pwesto niya sa ahensiya, talagang kumikilos.
Tinatawagan niya ako noon at kunwari ay nagtatampo dahil kung kaylan daw nasa Maynila na siya ay hindi na kami nagkikita. Mula noon, sinikap kong pasyalan siya maski sandal tuwing weekend. Napansin kog lumulubo ang kanyang katawan kaya pinayuhan kong maghinay-hinay sa pagkain. Nakita ko kung paano siyang hingalin agad, yon pala may diperensiya na sa puso. Kinuha siyang guest speaker sa graduation ng college namin. Pagkatapos niya, ako naman ang naimbitang magsalita. Gusto niyang umatend ng mga reunion naming kaya nakiusap siyang palagi siyang sabihan ng iskedyul. Sa isang inihandang reunion, pinuntahan pa siya ng organizer namin sa kanyang opisina. Sa kasamaang palad hindi pa rin siya naka-attend dahil sa biglaang atake sa puso, habang nasa opisina siya.
Ang buhay ng isang tao ay kinikitaan ng mga leksyon ng ibang tao. Ang isang tao ay hindi lang kapatid, magulang, o kaibigan. Siya ay salamin din ng buhay, nagpapakita ng mga ugaling kapupulutan natin ng mga leksyon na magsasabi sa atin kung tama ang ating ginagawa o may kamalian na dapat iwasto. Tulad din ni Ted at Ruel na itinuring ko, hindi lang mga kaibigan kundi salamin din ng aking buhay…kaya sa kanila ay abot-langit ang aking pasasalamat.
Like this:
Like Loading...