Ngayon lang Nalaman ng Gobyerno ang Kakulangan sa Kaalaman sa Philippine History ng mga Estudyante???!!!

Ngayon lang Nalaman ng Gobyerno

Ang Kakulangan sa Kaalaman sa Philippine History

Ng mga Estudyante??!!

ni Apolinario Villalobos

Kung hindi pa dahil sa tanong mula sa mga kabataan at kumalat sa social media kung bakit palaging nakaupo si Apolinario Mabini, hindi pa nalaman ng mga kinauukulan sa gobyerno ang kawalan ng kaalaman ng mga kabataan tungkol sa mahahalagang bagay sa kasaysayan ng Pilipinas. Nakakahiya!!!

Pinalitan ng Asian Studies ang Philippine History sa High School. Nakakaduda rin kung may itinuturong kasaysayan sa mga mababang baytang ng mga paaralan. Sa dami ng mga “workbooks” na nakasilid sa animo ay maleta na bag ng mga bata, sila ay nalilito na kaya walang pumapasok halos sa kanilang kamuwangan. Paanong hindi pagdudahan ito, ganoong ang pagturo nga lang ng tamang pagbigkas ng mga letrang Pilipino lalo na ang letrang “R” ay hindi nga nagagawa ng  ibang titser. Napansin kong maski ang ibang mga titser mismo ay guilty sa maling pagbigkas ng letrang “R”. Para kasi sa kanila, ang pa-English na pagbigkas ng letrang “R” ay sosyal ang dating. Mariin kong nililinaw na hindi lahat ng teacher ay guilty sa pagpapabaya.

Nakakahiyang malaman na ang alam ng karamihan sa mga estudyante tungkol sa “Tandang Sora” ay yong kalye sa Quezon City. Bago rin  sa pandinig nila ang pangalang “Dagohoy”. Lalo na siguro ang pangalang “Sikatuna” at “Lakandula”, “Marikudo”, “Sumuroy”, “Maniwangtiwang”, at iba pa. Pero tanungin sila tungkol sa mga games sa internet at cellphone…lahat alam nila!

Nakakahiya ring malaman na ang ibang estudyante ay may kayabangan pang umaamin na kaunti lang ang alam nila tungkol sa Philippine History. Para sa kanila, walang class ang Philippine History, hindi tulad ng Information Technology, kaya mula sa paaralang halos walang itinuro dahil sa nakakalitong mga “workbooks”, hanggang sa pag-uwi kung saan ang aatupagin naman ay computer games at pagpi-facebook, ano pa ang aasahan sa mga kabataang kinabibiliban ni Rizal kaya itinuring niyang mga “pag-asa ng bayan”?

Sino ngayon ang may kasalanan?…marami! Kasama diyan ang korap na gobyernong manhid at bulag sa tunay na kalagayan ng sistema ng edukasyon, ang mga teacher na nakakalimot sa pagturo ng tamang asal at pagbigkas ng mga titik ng wikang Pilipino, ang mga magulang na pabaya dahil mas gusto pang nasa internet café ang mga anak upang hindi sila naiistorbo sa pangangapitbahay at pagtotong-its, ang mga barkada ng mga kabataang humahatak sa kanila tungo sa mga bisyo, at ang makabagong pamumuhay at teknolohiya kung saan nakakapulot ang mga kabataan ng mga karahasan dahil sa mga games na kanilang nilalaro.

Huwag nang magmaang-maangan. Tanggapin ang masakit na katotohanan tungkol sa kapabayaan na nagresulta sa kabobohan ng ilang mga kabataan, dahil hangga’t walang tinatanggap o inaaming kasalanan o kamalian… walang maitutuwid o maitatama.

Mga Suhestiyon para sa Kagawaran ng Edukasyon

Mga Suhestiyon para sa Kagawaran ng Edukasyon
Ni Apolinario Villalobos

Kung seryoso ang Kagawaran ng Edukasyon na mabago ang imahe nito na nakulapulan ng bansag na isang korap at pabayang ahensiya, dapat ay magkaroon ang pamunuan ng masusing imbestigasyon tungkol sa mga bagay na bukod sa alam na nila ay alam na rin ng publiko. Maliban pa diyan ang mga sumusunod na suhestiyon:

1.Tanggalin agad at parusahan ang mga mapatunayang tumatanggap ng komisyon mula sa mga publishers ng mga librong workbooks na ginagamit ng mga estudyante at mga guro.

2. Ibalik ang dating sistema sa paggamit ng mga textbook na walang mga bahaging sinasagot ng mga estudyante sa bawat katapusan ng mga tsapter, upang magamit pa uli ang mga ito. Sa ganitong paraan, ang mga hindi nakakabili ng mga libro ay maaaring manghiram sa mga kaklase, at makakatipid pa ng di-hamak na malaking halaga ang gobyerno.

3. Paigtingin ang makabagong paraan sa pagtuturo sa pamamagitan ng agad-agarang paglagay ng mga computer sa mga eskwelahan. Huwag umasa sa mga donasyon dahil kaya naman ang ganitong proyekto kung gagamitin ang napakalaking matitipid sa pagtigil ng pagbili ng mga workbook taon-taon na pinagkikitaan lamang ng mga tiwaling opisyal na kinakasabwat ng mga publisher.

4. Magkaroon ng paraan upang maitaas ang hanay ng mga pinagtuturong mga gurong hindi pa nakakapasa sa licensing exams, upang mabigyan sila ng nararapat at maayos na sahod.

5. Kung may binibigay nang “hazard pay” sa mga gurong nakatalaga sa mga delikadong lugar, dagdagan pa, upang hindi magdalawang isip ang iba pa sa pagtanggap ng ganitong assignment.

6. Magtalaga ng regular na Property Custodian na ang duty ay buong taon, hindi mga buwan ng pasukan lamang, upang masigurong mabantayan ang mga gamit ng eskwela na karaniwang napapabayaan tuwing bakasyon. Aayon ito sa suhestiyon tungkol sa modernisasyon sa pagtuturo, dahil magkakaroon ang mga eskwelahan ng mga computer at iba pang gamit na may kinalaman sa information technology.

7. Magtalaga rin ng regular na Security Officer na buong taon din ang duty, katulad ng sa Property Custodian.

8. Huwag i-asa sa perang donasyon ng PTA ang mga bagay na may kinalaman sa pamamalakad ng eskwelahan. Kung pinagmamalaki ng gobyerno na libre ang pag-aaral ng mga bata, dapat lahat ng bagay na may kinalaman sa ganitong panukala ay libre din. Dapat ang gamit ng PTA ay bilang instrumento lamang para sa masinsing pakikipagtulungan ng mga magulang sa mga namumuno ng mga eskwelahan upang masubaybayang mabuti ang mga bata. Hindi dapat gumagastos ang PTA para sa mga security guard o pagpalinis ng mga kubeta o pagbayad ng mga ilaw. Labas sa suhestiyong ito ang nakaugaliang “Brigada: Balik Eskwela” na boluntaryo lang naman tuwing bago magpasukan, dahil nagpapairal ito ng bayanihan na magandang halimbawa para sa mga kabataan.

9. Suriing mabuti ang mga itinuturong asignatura o subject sa mga estudyante dahil lumalabas na dahil sa dami ay hindi naman naituturong lahat. Ang problemang ito ay lalong nadagdagan ng K-12 program. Dahil sa mga nabanggit, lumalabas na “hilaw” ang kaalaman ng mga estudyante, kaya karamihan sa kanila, grade three na ay hirap pang mag-spell ng mga salita o magbasa nang tuluy-tuloy. At ang matindi ay bobo sila pagdating sa kasaysayan ng Pilipinas dahil, ni hindi man lang nila alam kung sino si Tandang Sora o si Diego Silang o si Sikatuna. Subalit, kung maglaro naman ng computer games, ang bilis ng paggana ng utak nila!

10. Gumamit ng solar power bilang suporta sa modenisasyon ng pagtuturo, sa halip na regular na kuryenteng binibili sa mga cooperative o MERALCO upang makatipid, at magiging modelo pa ang mga eskwelahan sa ganitong adbokasiya.

Dapat tanggapin ang katotohanang hindi naman talaga nagtuturo ang karamihan ng mga magulang sa mga anak nila sa bahay, lalo na kung may mga assignment. Maswerte ang mga estudyanteng ang mga magulang ay may kaalaman sa mga bagong subject na itinuturo ngayon. Pagdating naman sa paggawa ng mga project, karamihan sa mga ito ay mismong mga magulang ang gumagawa. Kaya paggising ng mga anak sa umaga, tapos na ang project na dadalhin na lamang nila sa eskwela. Dapat gumawa ng paraan ang kagawaran upang maituwid ang ganitong maling sitwasyon.

May mga teachers din na umaaming alam nilang hindi man lang nagbubukas ang mga estudyante ng mga libro nila dahil basta tama ang sagot sa mga katanungan sa katapusan ng tsapter, ay pasado na sila. Iba kasi kung bibiglain ang mga estudyante ng mga katanungan sa araw mismo ng test, kaya obligado silang magbasa upang makapaghanda.
Maraming mga estudyante ngayon ang hirap sa pagbaybay o pag-spell ng mga salita, lalo na ang mga Ingles. Magaling lang sila sa pabaklang pag-pronounce ng letrang “R”, na hindi naman itinutuwid ng mga guro, dahil sila mismo ay guilty din.

Ang Nakapagtatakang “Underspending” ng Kagawaran ng Edukasyon

Ang Nakapagtatakang “Underspending”
Ng Kagawaran ng Edukasyon
Ni Apolinario Villalobos

Hindi na kailangang magbanggit ng mga numero o halaga tungkol sa isyung ito na ang simpleng ibig sabihin ay hindi paggamit ng Kagawaran ng Edukasyon ng buong nakaraang budget na itinalaga sa kanila, ayon sa Commission on Audit. Dapat imbestigahan ito dahil malinaw na may kakulangan ang mga namamahala sa pagpatupad ng mga programa at proyekto nila.

Ang budget ay binibigay sa kagawaran batay sa kanilang inihahaing budget proposal na kinapapalooban ng mga inaasahang gastusin na batay naman sa mga nakaraang mga gastusin. Subalit may mga hindi inaasahang gastusin na maaaring lumutang sa pag-usad ng panahon, at ito ay karaniwang nangyayari kahit sa mga pribadong kumpanya. Sa madaling salita, imposibleng hindi maubos o di kaya ay kulangin pa ang itinalagang budget.

Ang permanenteng problema ng kagawaran ay ang kakapusan ng mga kuwarto na nangangahulugang dapat ay may mga eskwelahang kailangang palakihan. May mga eskwelahan ding dapat ay kailangang ayusin ang kabuuhan, dahil taunan kung hatawin ng mga kalamidad tulad ng bagyo at baha. At ang pinakamalaking problema ay ang kawalan talaga ng mga eskwelahan sa mga liblib na barangay.

May mga problema din sa kawalan ng maayos na toilet facilities ang mga paaralan, na sa simula lamang ng pasukan malinis. Karamihan ay walang tubig na de-gripo o poso man lamang, kaya ang mga kubeta ay nanlilimahid na sa katagalan. At, dahil hindi nalilinis nang maayos ay nakakaapekta sa kalusugan ng mga mag-aaral. Idagdag pa diyan ang kakapusan ng mga libro na kailangang palitan taon-taon dahil ginawang workbooks upang pagkitaan ng mga tiwali. Lahat ng mag-aaral ay kailangang magkaroon ng mga libro, dahil ito na rin ang nagsisilbing “test paper” nila….isang kabobohang sistema! Ang palaging nire-report sa media na one-on-one daw, o bawat mag-aaral ay meron na, kaya wala nang problema sa libro ay totoo sa ilang eskwelahan sa Maynila at malalapit na rehiyon, subalit hindi nangyayari sa mga liblib na lugar.

Kung dati, gamit ang kapirasong ¼ o ½ na papel ay maaari nang mag-test, ngayon hindi na dahil ang mga test questions ay nasa libro na mismo kaya nakanganga ang walang pambili. At, dahil napipilitang bumili, ang mga magulang ay kailangan pang mangutang. At isa pa, bakit hindi badyetan ng kagawaran ang makabagong sistema nang pagtuturo, gamit ang computer?

Sa harap ng mga problema ng mga eskwelahan, guro, at mga mag-aaral, nakapagtataka na hindi nagamit ang buong nakaraang budget na inaprubahan para sa kagawaran. Dapat nga ay kulang pa kung tutuusin. May pinaglalaanan kaya ang mga opisyal ng matitipid nilang budget?

Ang mga ahensiya ng gobyerno ay mayroong programa na parang bonus kung ituring, at may kinalaman sa “pagtitipid”, dahil ang panggagalingan ng pera para dito ay mula sa matitipid na nakalaang budget. Ang matitipid ay kailangang ibalik muna sa National Treasury upang ma-record. At ang officially na madi-deklarang “savings” ay paghahatian ng mga opisyal at kawani ng “nakatipid” na kagawaran.

Marami akong nakausap na mga taga-gobyerno na nagsasabing maganda na sana ang programang yan, subalit nasasakripisyo naman ang mga pangangailangan nila, lalo na ang mga office supplies na tinitipid at kung hindi man, ay mababang uri ang binibili upang magkarooon sila ng “savings”. May nagkwento pa na ang stapler niya ay nahulog mula sa mababang kinalalagyan subalit hindi na niya magamit dahil sumabog at nagtalsikan ang mga spring at iba pang bahagi. Ang lapis ay madaling mapudpod at ang eraser nito ay nakakapunit ng papel dahil kailangan pang ikuskos ng matagal upang maka-erase. Ang ball pen ay mas marami pang “naitatae” kaysa naisusulat, at hindi mailapag nang nakahiga dahil tatagas ang tinta. Palagi silang kinakapos ng mga bond paper at ang carbon paper, kung hindi man punit-punit na dahil sa sobrang gamit ay wala na ring nai-impress sa mga duplicate copies. Ang mga typewriter din daw nila ay antique.

Ang nakalimutan ng kagawaran na isa pang mahalagang bagay ay ang take home pay ng mga guro na halos hindi sapat, kaya sila napipilitang umutang ng 5-6 o di kaya ay magbenta ng kung anu-ano sa eskwela upang may dagdag na kita. Dapat ay bigyan din ng malaking “hazard pay” ang mga gurong na-assign sa mga liblib na barangay kung saan ay kailanga pa nilang tumawid ng dagat o ilog, at maglakad ng kung ilang oras upang makarating sa pinagtuturuan. Ang iba ay nagtitiyagang gumamit ng second-hand na motorsiklo dahil walang masakyan, subalit bubunuin naman nila ang delikadong mabato at maputik na mga feeder road. At ang pinakamatindi ay ang peligro sa banta na dulot ng kidnapping!

Ngayon, bakit nagtitipid ang kagawaran? May pag-asa pa kaya ang kagawarang ito na siyang naglilinang dapat ng mga pag-asa ng bayan – ang kabataan? Maganda sana ang mga layunin ng kagawaran subalit napaka-obvious na ang diperensiya ay sa mga namamahala. Para ring demokrasya na sa prinsipyo ay napakaganda, subalit inaabuso ng mga taong inaasahan ng mamamayan kaya nila ibinoto….kaya nawalan ng silbi!

Ang Kalunus-lunos na Kalagayan ng Edukasyon ng Pilipinas

Ang Kalunus-lunos na Kalagayan ng Edukasyon ng Pilipinas
Ni Apolinario Villalobos

Mismong mga guro ay nagsasabi na maraming kabataan ngayong kahit umabot na sa Grade 3 ay hirap pa ring bumasa at sumulat. Nang interbyuhin ang isang mataas na opisyal ng DepEd tungkol dito, ang paliwanag niya ay: “kasi hindi sila dumaan sa prep at kinder”. Nang marinig ko ito, lumabas sa ilong ko ang kahihigop ko pa lang na kape. Kung mismong isa sa mga namumuno ng DepEd ay may ganoong kahindik-hindik na takbo ng pag-iisip ay talagang wala na ngang maaasahan sa kabuuhan nito ang sistema ng edukasyon ng bansa. Kawawa naman ang mga kabataan!

Nang tanungin naman ang bangag yatang assistant Secretary tungkol sa K to 12 na ayon sa mga teachers ay hindi pa napapaghandaang mabuti, ang sabi niya, kailangan daw talaga ito upang paggradweyt daw ng mga estudyante sa high school ay maaari na silang magtrabaho. Isa pa ring hangal na sagot, dahil kung ang college graduate nga ay hirap makahanap ng trabaho, high school graduate pa kaya? Kung ang iniisip nitong isip-tungaw na tao ay trabahong pang-construction tulad ng paghalo ng semento na isa yata sa ituturo sa K to 12, tanga talaga siya, dahil maski hindi gradweyt ng elementarya ay kaya ang ganitong trabaho. Ang isa pang ituturo yata ay trabahong pang- beauty parlor na kaya naman pag-aralan ng mga tumatambay sa parlor. At, ang isa pa rin ay pagluluto na pwede namang pag-aralan kung papasok sa mga restaurant. Bakit kailangan pang pahirapan sa gastos ang mga magulang?

Yong tungkol naman sa mga textbook na ginawa nang workbook dahil nilagyan ng mga test questions kada katapusan ng chapter, alam pala niya at alam din pala niyang hindi na magagamit ulit ang mga textbooks kaya dagdag gastos talaga para sa mga magulang. Nang tanungin kung may ginagawa ang DepEd tungkol dito, ang sagot-bangag uli ay “kasi yan na ang kalakaran ngayon”. Kung nakamamatay lang ang long distance na pagmumura, siguro ay nangisay na ang opisyal ng DepEd sa dami ng nagmumurang nakikinig sa interbyu!

Mabuti hindi tinanong ng radio announcer yong tungkol naman sa mga libro na sa dami ay halos isang maleta na kaya ini-stroller na lang ng mga bata pagpasok sa klase. Baka ang sagot niya dito ay: “mabuti yang habang bata pa lang ay marunong nang humila ng maleta, bilang paghanda sa pagpunta nila sa ibang bansa upang maging katulong o di kaya ay construction worker pagkagradweyt nila sa high school ng K to 12 program”.

Nakakagulat malamang, “normal” lang pala para sa DepEd ang daming 45-50 na mag-aaral bawat kwarto. Kaya pala, yong iba, makaupo lang ay nagdadala ng sariling plastic na upuan, yong iba naman ay nakasalampak sa sahig. At ang lalong hindi pagtatakhan ay kung bakit talaga walang natututuhan ang mga bata dahil hindi natututukan na mabuti ng mga guro….dahil sa dami nila.

Ang pera ng bayan ay binubulsa ng mga kawatan sa pamahalaan. Ang presidente ay nagrereport ng mga kaayusan na daw sa mga paaralan batay sa mga binibigay sa kanya, ngunit ang hindi niya alam, karamihan sa mga ito ay imbento lamang. Ang hindi niya pinapakinggan ay ang mga guro mismo na direktang nakakaalam ng tunay na kalagayan ng sistema ng edukasyon sa bansa.

Ang malinaw, minadali niya ang pagsabatas ng K to 12 at ang pagpatupad nito upang maisama niya sa kanyang SONA, at para may masabing accomplishment pagbaba niya sa puwesto. Kung sakaling tumuluy-tuloy ang pagpatupad, madadagdag na naman ito sa habang-buhay niyang batik sa katawan, tanda ng kapalpakan niya bilang pangulo, at hindi maitatago sa likod ng isang apelyido na akala niya ay may madyik pa rin ang dating sa mga Pilipino hanggang ngayon.