Malaki ang Badyet sa Edukasyon…palpak naman ang sistema

Malaki ang Badyet para sa Edukasyon

…palpak naman ang sistema!

ni Apolinario Villalobos

Malaki na naman ang badyet para sa edukasyon sa taong 2015 na nagpangisi sa mga tiwaling opisyal ng mga kagawarang may kinalaman dito dahil may makukurakot na naman sila. Subalit sa kabila ng laki ng badyet na itinatalaga para sa edukasyon, na tinapatan pa ng badyet ng DSWD para kuno sa mga mahihirap na pamilyang may pinaaaral sa elementarya, ay nakapagtatakang lalo pang lumobo ang bilang ng mga batang hindi nakakapag-aral.

Kung talagang seryoso ang gobyerno sa pagpa-angat ng kalidad ng edukasyon at pagbawas sa bilang ng mga out-of-school youth, dapat linisin ang DEPEd at CHeD – tanggalin ang mga tiwaling opisyal. Alam naman ng lahat na hindi lang sa Senado at Kongreso may ala-Napoles na mga kinurakutang transaksyon. Noon pa man ay kalat na ang usapang may katiwalian sa pagpapalimbag ng mga aklat, halimbawa, dahil sa ginagawang pangungumisyon ng ilang opsiyal. Bakit hindi ito imbistigahan ng mga mambabatas?

Ang pinakahayag na katiwalian ay ang pag-convert ng mga textbook sa workbook. Dahil diyan ay hindi na naipapasa o naipapahiram ang mga textbook sa mga batang hindi kayang bumili. Nagmistulang test paper ang mga textbook dahil sa mga tanong sa bawat huling bahagi ng mga tsapter. At ang mga bata naman ay halos makuba sa bagbibit ng sangkaterbang mga aklat na maaari naman sanang iwanan sa bahay pagkatapos pag-aralan.

Ang mga opisyal ng mga kagawaran ng edukasyon ay animo nakikipag-usap sa hangin tuwing may ipapalabas silang mga patakaran dahil halos hindi naman sila pinapansin ng mga opisyal ng mga eskwelahan. Isa sa mga isyu ay tungkol sa pag-abuso ng maraming eskwelahan sa kabuluhan ng Educational Tour. Mayroong mga eskwelahan na kabubukas pa lamang ng klase ay nagpatupad na agad nito. At ang matindi ay ang pagsali ng shopping mall o resort sa listahan ng mga destinasyon ng mga estudyante. Ang estudyante namang hindi sasama dahil walang magagamit na pera ay tinambakan ng mga requirements na halos doble din ang gagastusin upang magawa…lumabas tuloy na parang pinatawan sila ng parusa!

Bukod sa walang silbing Educational Tour, ay marami ring mga pinapagawang “project” sa mga bata – mga bagay na alam naman ng mga guro na ang mga gumagawa sa bahay ay mga magulang. Subalit may mga magulang na tumutulong lang talaga sa mga anak. May mayayabang lang na mga magulang na mismong gumagawa para lumabas na magandang-maganda ang project, kaya hindi na nakakapaniwala na kayang gawin ng bata. Ang ibig kong sabihin, ay hindi makatotohanan ang mga projects na binibigay sa mga bata, kaya ang karamihan ay wala ring natutunan.

Tukoy na ng mga kagawaran ang problema sa sistema ng edukasyon sa Pilipinas, at marami na rin ang mga bumabatikos, subalit mahigit kalahating dekada na ang lumipas ay wala pa ring nabago. Ang mga textbook na giwang workbook, andiyan pa rin. Pinalala pa ang kapalpakan dahil ang mga pahina ay hindi na nawalan ng mga mali – spelling at mga impormasyon mismo. Ang mga Educational Tour ay namamayagpag pa rin, lalo pang umarangkada dahil may kasama nang biyaheng gamit ay eroplano, hindi lang bus.

Dahil sa malaking gastusin sa pagpapaaral ng mga anak, ang mga magulang na ang buhay ay isang kahig-isang tuka, ay nagpasya na patigilin ang mga anak nila sa pag-aral, at sa halip ay pinatulong na lang sa pangangalahig ng basura sa tambakan upang may pambili ng bigas man lang. Dahil sa ginawa nilang ito ay sinisisi sila ng gobyerno na sa isang banda naman ay nagpabaya sa pagpabuti ng sistema.

Hindi mahirap unawain kung bakit padami nang padami ang mga batang hindi nakakapag-aral, dahil alam na ng lahat ang mga dahilan – ang kahirapan sa buhay at katiwalian…na ang solusyon ay hindi abot ng tanaw! At, sa kagawaran ng edukasyon, hindi lahat ay masasabing tiwali, dahil marami rin namang hindi sumasang-ayon sa kanilang nakikita subalit wala silang magagawa dahil wala silang kapangyarihan bilang mga karaniwang kawani.

Ang Mga Pahayag na Walang Laman

Ang Mga Pahayag Na Walang Laman

Ni Apolinario Villalobos

 

Ang mga “tau-tauhan” sa mga ahensiya ng gobyerno ay parang mga loro na nagdadaldal ng mga nagawa na daw nila – puro walang laman, puro memorized. Tulad ng Department of Education Culture and Sports (DECS) na nagsasabi na one is to one na daw ang mga libro para sa mga estudyante at wala na rin daw kakulangan ng mga upuan at silid-aralan. Ginagawa nilang tanga ang mga tao. Mismong mga guro na nga ang nagsasabing wala pa ring halos nabago sa mga problema. Baka ang tinutukoy ng DECS ay mga private schools.

 

Ang DSWD o Department of Social Welfare and Development, nagsasabi na maayos ang kalagayan ng mga evacuees. Akala siguro nitong ahensiya walang TV ang mga tao, eh, madalas ang pagpapakita ng kalunus-lunos pa ring kalagayan ng mga evacuees. May mga evacuees na ngang nagta-challenge sa mga taong-ahensiya na subukan din nilang tumira sa tent maski isang araw at isang gabi lang upang madanasan din nila ang parang pugon na init sa loob nito, na kung tag-ulan naman ay tinatagasan ng tubig-ulan kaya binabaha ang loob. Ang paborito namang paksa tungkol sa mga evacuation shelters, na pinipilit ng gobyerno na marami na daw ang nagawa, puro drawing lang din. Siguro ang tinutukoy nila na maraming nagawa na ay ang mga shelters ng mga Foundations ng mga TV stations at iba pang mga NGOs.

 

Ang katahimikan na pinipilit naman ng gobyerno sa pamamagitan ng kinauukulang ahensiya nito na may malaki nang pagbabago…awa ng Diyos, kabaligtaran ang nakikita at nadadanasan ng mga tao. Talamak pa rin ang holdapan. Para ring nagsasalita sa kawalan ang hepe ng pulisya sa pagsasabi na dapat ay “magronda” o maglibot ang mga nakatalagang pulis sa mga bahagi nila kung araw sa halip na mag-umpukan. Marami pa ring nakikitang umpukan ng mga pulis sa mga malililim na lugar sa halip na “magpakita” sa mga tao upang walang mag-isip na gumawa ng masama. Pati ang huweteng, balik piyesta ang pag-operate nito.

 

Ang mga taga-DTI o Department of Trade and Industry, parang mga sirang plakang paulit-ulit na nagsasabi na walang dapat ikabahala ang mga tao dahil hindi tataas ang mga presyo ng mga bilihin. Bulag siguro ang mga taong ito o hindi nagbabasa man lang diyaryo o nanonood ng TV. Kung nakakasigaw lang mga nilalabasan ng mga balita tungkol sa walang tigil na pagsirit ng mga presyo ng bilihin, siguro hindi na tayo magkakarinigan, dahil sa sobrang ingay. Ang nakakainis ay nagdagdag pa itong mga taga-ahensiya na kung sakali daw na may tumaas man, kusa rin daw itong bababa pagdating ng panahon. Sa ibang bansa pwedeng mangyari yan dahil walang manloloko sa kanila, pero sa Pilipinas, wala ni isang kalakal na ang presyo ay ibinaba. Ang nakakabahala ay ang presyo ng bigas na ang dating nagkakahalaga ng mahigit lang sa trenta pesos na magandang klase na, ngayon ay kwarenta’y singko na! Paanong makakaya yan ng manggagawang Pilipino na ang sweldo ay hindi nataasan ng kapani-paniwalang dagdag?

 

May kwento ang isa kong kumpare tungkol sa kapitbahay nila na maraming aso. Hindi daw palabati ang kapitbahay nila, masama ang ugali. Bugnutin at nangtataboy ng mga batang humihingi ng plastic na basura. Ang napansin niya, pati ang mga aso ay parang ganoon na rin ang ugali, pati na raw ang Persian cat nila, dahil may dumaan lang sa tapat nila, kahulan na ng kahulan daw ang mga ito, ang pusa naman ngiyaw ng ngiyaw. Kung may tumawag sa gate naman, dinadamba ng mga aso. Sa nabasa kong paliwanag tungkol dito, “nararamdaman” daw ng mga aso ang saloobin ng amo nila na nakikita sa mga kilos, nagagaya nila…ibig sabihin, kung anong ugali meron ang amo, ganoon na rin ang aso. Parang gusto kong isipin na may ganyang sitwasyon sa bansa natin. Kasi may amo na magaling magsalita sa English man o Tagalog, ang mga binibitawang salita puro magaganda sa pandinig, subali’t hanggang doon na lang dahil puro walang laman…bagay na ginagaya ng mga tau-tauhan niya na natuto na ring magsalita tulad niya.