Dapat itigil na ng mga Ahensiya ng Gobyerno ang mga “Kamangha-mangha” nilang Report na akala nila ay Makakabawas sa Kahihiyang ng Administrasyon

Dapat Itigil na ng mga Ahensiya ng Gobyerno

ang mga “Kamangha-mangha” nilang Report na akala nila ay

Makakabawas sa Kahihiyan ng Administrasyon

ni Apolinario Villalobos

August 25, 2015…natulig ang mga nakikinig ng radyo nang marinig ang report in Alcala, kalihim ng Department of Agriculture, na nangunguna ang Pilipinas sa rice production sa buong Asya, ibig sabihin, pati na sa mga bansa tulad ng Vietnam, Thailand, at India kung saan nagmumula ang NFA rice. Pero kailangan lang daw umangkat pa ang Pilipinas ng bigas upang “pandagdag” sa buffer stock para sa kakainin ng mga Pilipino. Ganoon na ba katakaw ang mga Pilipino? Nanguna na nga sa production kaya ibig sabihin maraming bigas, dadagdagan pa ng aangkating bigas? May mga bansa pa raw na negatibo ang production, ibig sabihin hindi natupad ang kanilang projection. Para na ring tinutulungan ng Pilipinas ang mga bansang ito sa pamamagitan ng pagbili ng bigas nila upang sila ay kumita maski papaano, ganoong ang pambili naman ay inutang lang pala, samantalang ang mga magsasakang Pilipino ay hawak sa leeg ng mga landlord nilang nagpapautang ng 5/6 sa kanila!

Sabi nga ng radio commentator na nagbasa ng report, ang sinabi daw ni Alcala “defies logic”, ibig sabihin wala sa ayos, komokontra sa lohika, wala sa katinuan, hindi maintindihan, na kung tindera ng sigarilyo sa kalye ang magtanong ay, “ano yun?”. Kung uunawain talaga ay para kasing tao na may pera naman pala ay uutang pa, maliban lang ang may intensiyong manloko!

Sa ginawa ni Alcala siguradong magsusunuran ang ibang ahensiya. Baka ang DSW ay magsabi na wala nang pakalat-kalat na rugby boys sa kalye, ganoong hantaran ang mga ito kung maghatian ng rugby, wala na ring naghihirap dahil sa cash na binibigay, at lahat ng mga biktima ng typhoon Yolanda ay may bahay na. Baka ang MMDA ay magsabi na maaliwalas na ang pagbiyahe sa mga kalye dahil hindi na sila binabaha at ang trapik ay na-erase na, kaya nasa imahinasyon na lamang. Baka ang Philippine National Police ay magreport na wala nang mga drogang binebenta dahil namatay sa overdose ang mga adik at nagpatayan ang mga drug pusher dahil sa onsehan (lokohan), at ang mga Tsinong drug lords naman ay nagsiuwian na sa Tsina o lumipat sa Timbuktu o kung saan pa, basta sa labas ng Pilipinas, at ang mga drug laboratories ay ginawang factory ng taho!

Baka ang military ay magreport na wala nang kidnapping sa Mindanao dahil ang mga Abu Sayyaf ay pinakain na sa mga pating sa Sulu Sea. Ang Department of Education naman ay mag-report na wala nang gigiray-giray na school buildings na animo ay barung-barong dahil see-through ang bubong at dingding, at lahat ng mga school buildings ay modernong two-floors, at may mga computer laboratory pa. Baka ang DPWH ay magreport na wala nang baha dahil lahat ng mga imburnal ay gawa na sa stainless steel kaya wala nang sasabit na basura para bumara, at lahat ng highway sa buong Pilipinas ay sementado na pati ang patungo sa paanan ng Mt. Apo!

Baka ang DOTC ay magreport na lahat ng isla ay may mga beacon lights na, at lahat ng mga airport ay high-tech na, lalo na ang apat na airport terminal sa Manila – na hindi na umaalingasaw dahil sa baradong toilets at kawalan ng tubig, at ang mga aircon units nila ay gumagana lahat.  Baka ang Department of Labor ay magreport na zero na ang unemployment dahil kumikita na ang mga dating istambay sa pamamagitan ng pangholdap, pandurukot, at pambugaw, kaya pati ang mga babaeng nagbebenta ng laman sa Avenida ay may trabaho na rin.  At, baka ang Department of Health ay magreport na walang nang sakit sa Pilipinas, kaya lahat ng mga Pilipino ay malulusog dahil animo ay may bola ng basketball sa tiyan at very trim na animo ay nag-zumba, dahil payat!

Iilang buwan na lamang ang natitira sa administrasyon ni Pnoy, dadagdagan pa ba ng mga iresponsableng report ang mga kahihiyang ga-bundok na ang taas na naipon mula pa noong unang araw ng kanyang panunungkulan? Nasadlak na ang presidenteng tingin ng marami ay walang binatbat, dadagdagan pa ba ang kirot mula sa mga masasakit na parunggit, ng mga “trying hard” at mga halata namang kathang-isip na mga report? Nasaan ang puso ng mga taong itinalaga ng “kawawang” pangulo sa mga puwesto na ang tingin sa kanilang kinaluluklukan ay oportunidad upang magkamal ng biyaya? Nasaan ang konsiyensiya ng mga taong pinagtatakpan ng “kawawang” presidente na akala pa naman ay magaling siya dahil ang mga itinalaga niyang mga tao ay matatalino din tulad niya?

Dapat magkaisa ang mga taong namamahala ng mga ahensiya upang tulungan ang “kawawang” presidenteng nagtalaga sa kanila…magsama-sama sila gaya ng kasabihang: “birds of a feather flock together”! Ang tanong ay ano ang gagawin nila?…ang sagot naman…tumahimik na lang sila, dahil “less talk, less mistake”!

Hindi naman bulag ang mga Pilipino upang hindi makita ang mga nangyayari sa kapaligiran…kaya hindi dapat mag-alala ang presidente, nauunawaan siya ng mga Pilipino. Hindi siya nag-iisa sa pagtahak sa kanyang “matuwid na daan”…marami silang kasama niya.

Ang Nakaka-empatsong Mga Balitang “Trying Hard”

Ang Nakaka-empatsong

Mga Balitang “Trying Hard”

Ni Apolinario Villalobos

 

Ang sabwatang panlilinlang ng dalawang ahensiya na NFA at Department of Agriculture sa pamamagitan ng paglabas ng balitang tumaas ang produksyon ng palay ay nakaka-empatso na. Hayagang panloloko sa mga Pilipinong hindi naman bulag kaya nakikita ang mga nakapaskel na nagtataasang presyo ng bigas sa mga palengke. At dinagdagan pa ng inaasahang tataas pa ang bulto sa mga susunod na anim na buwan.

 

Tumigil na lang sana sila, dahil lalo silang nalulubog sa kumunoy ng kasinungalingan! Lalo lang nilang pinapasama ang imahe ng administrasyon na sirang-sira na dahil sa kaliwa’t kanang bulilyaso. Nagpapakitang- gilas ba ang bagong talagang namumuno ng NFA? Nagtatanong lang…dapat maghinay-hinay siya dahil bago pa lang siya sa puwesto. Hindi naman siya bulag upang hindi mabasa ang mga naglalabasang issue na nagbibigay ng black eye sa NFA. Magtrabaho na lang siya ng maayos at magpakita ng magandang resulta, hindi yong, hindi pa man umiinit ang puwet niya sa upuan ay may padded news release na tungkol sa pagtaas ng produksyon ng palay!

 

May isang eksenang balitang binasa sa TV kamakailan lang. Sabi ng field reporter, mababa na ang mga presyo ng bigas sa palengke. Sa likod niya, bale background, ay kitang-kita ang mga presyo ng bigas na ang pinakamababa na nasapol ng kamera ay 43pesos! Lipat naman ang broadcaster sa section ng mga isda, basa na naman ng mga presyo na di-hamak na mas mababa kaysa mga presyo sa likod niyang sapul ng kamera. Iyong isang nagpa-interbyu naman, hepe siya ng isang ahensiya, background ng eksena ay mga humapay na bahay sa Tacloban at mga batang halos yagit ang ayos na naglalakad. Ang sabi niya, marami na raw ang ibinigay na relief goods at tuluy-tuloy ang rehabilitasyon.

 

Pinoproblema ang bawang sa Pilipinas ngayon. Hindi ito kayang lutasin ng mga lokal na bawang na bansot, at maliban sa konting tapang ng amoy, kapag nabalatan ay kapiranggot ang mapapakinabangan. Marami daw nito sa palengke sabi ng namumuno sa ahensiya ng Agrikultura. Marami pa raw darating na inangkat kaya dalawang buwan mula ngayon wala nang problema sa bawang, as if between life and death ang problema sa bawang. Dalawang linggo ang lumipas may natimbog, mga container van ng smuggled na bawang. Ang matindi, susunugin na lang daw dahil hindi dumaan sa prosesong pangkalusugan kaya baka kontaminado. Bakit hindi gawan ng paraan upang ma-check kung kontaminado nga o hindi? Susunugin ba talaga…o ididiretso sa kakutsabang negosyanteng may mga bodega sa mga “liblib” na address? Halata namang may hoarding, bakit hindi check-in ang mga bodega ng mga importers? Ganyan kasaya ang operasyon o pagpapatakbo ng mga ahensiya ng gobyerno! Parang naglalaro lang!

 

Sa isang balita, nagsasalita yong taong nakatalaga sa Energy Regulations Commission, nagpapaliwanag kung bakit kailangang nagtataas ng presyo ng langis. Magaling siyang magsalita, talagang aakalain mong spokesperson ng mga kumpanya ng langis. Ganoon din yong iba pang mga opisyal lalo na yong mga taga-Malakanyang na kung magpaliwanag upang mapagtakpan ang bulilyaso, aakalain mong talagang totoo. Pinagtitiyagaan namang ilabas sa mga diyaryo at TV…talagang mga trying hard upang mapaniwalaan.

 

Pagdating naman sa mga taong dapat palitan dahil sa desisyong palpak, ibinabalita na nagpipilit naman daw ayusin ang trabaho, kaya give him a chance. Ang tanong diyan ay …hanggang kaylan? Nagpapakita pa ng mukha sa screen ng TV, at aakalain mong seryoso. At mababalitaan din na lilitisin na daw ang mga sangkot sa mga anomaly kahit pa kaalyado ng gobyerno, antayin na lang ang listahan nila. Nakailang labas na ng lista subalit ang inaasahang mga pangalan…wala, dahil kaalyado ng administrasyon! Yan ang balita.