Huwag Pintasan ang Panlabas na Kaanyuan ng Kapwa

HUWAG PINTASAN ANG PANLABAS NA KAANYUAN NG KAPWA

Ni Apolinario Villalobos

 

May ugali ang ilan sa atin na hindi man sinasadya ay nagmamaliit ng kapwa. Ang biglaang pag-isip ng negatibong bagay tungkol sa kanila, na sa palasak na katawagan ay “pintas” ay hindi rin masisisi kung minsan. Hindi talaga maiiwasan ang ganitong tendency, lalo pa’t ang utak ng tao ay naka-program sa mga inaasahang “kagandahan” sa paligid. Sa ganang ito, lahat ng hindi naaayon sa inaasahan ay siyempre, “pangit”. Ang masaklap lang, may mga taong nahihirapan sa pagpigil sa sarili upang hindi maging vocal o  maingay sa pagpintas, sa halip na sarilinin kung ano man ang nasa isip nila, kaya nagiging padalus-dalos o tactless sila.

 

Marami ang napapahiya dahil sa ugali nilang mabilis na paghusga sa kapwa. Madalas nilang makalimutan ang kasabihan sa Ingles na, “do not judge the book by its cover”. Ang mga inaakala ng iba halimbawa, na “poor” dahil sa suot na butas-butas na damit na binili pa sa ukayan, ay may kaya pala sa buhay. Mayroon ding nag-aakalang sanggano ang ibang tao dahil sa ginagamit nilang mga salitang-kalye at anyo na hindi gwapo at may bigote pa, lalo na kung nagmumura ito.  Magugulat na lang ang mapanghusga kung malaman nilang matulungin pala ang akala nila ay sanggano at mukhang kontrabida sa pelikula, yon pala ay galit lang ito sa mga manloloko na dahilan ng pagmumura niya.

 

Nang pinsalain ng bagyong Yolanda ang Visayas, lalo na ang Leyte, ang unang nagpadala ng tulong ay ang mga Aeta na taga-Pinatubo sa Tarlac. Nag-ambagan sila ng mga inani nilang gulay at prutas upang maipadala sa Leyte. Nakita sa TV ang mga naipong laman ng kamoteng baging, kamoteng kahoy, niyog, ilang sakong bigas at iba’t-ibang gulay na sana ay pangkain nila dahil sila ay kinakapos din, subalit hindi nila ipinagkait sa mga biktima ng Yolanda. Tumatanaw lang daw sila ng utang na loob dahil noong sila ang nangailangan nang sumabog ang Mt. Pinatubo ay nakatanggap din sila ng halos walang patid na biyaya. Maliit man sila, kaya ang pisikal na anyo, para sa iba ay hindi kaiga-igaya, dambuhala naman ang kanilang puso at nakasisilaw ang busilak nilang kalooban. At dahil sila ay kinakapos din, marami ang nag-akalang hindi nila kayang tumulong sa mga nangangailangan. Ipinakisuyo sa Foundation ng TV station ang pagdala ng kanilang donations sa Leyte.

 

Minsan namang umakyat ako sa LRT station sa Baclaran para sa biyaheng papunta sa Carriedo (Sta. Cruz) ay may isang senior citizen akong nakasabay na may kipkip na brown bag at nang makapuwesto ng upo sa hintayan ng tren para sa mga senior ay binuksan ang supot at inilabas ang monay na may kagat na at nilantakan. Nagbulungan ang katabing dalawang babae na senior din na puno ng alahas ang mga katawan, habang nagtatawanang nakatingin sa kanya…halatang nangungutya. Maya-maya ay may lumapit na isang lalaki at kinamayan ang matandang lalaki, sabay sabing hinahanap daw siya ng mga kasama nila. Ang nakatawag-pansin ay nang tawaging “mayor” ang matanda. Natahimik ang dalawang babae. “Tumakas” pala ang mayor sa mga kasamang namimili sa Baclaran LRT Mall at bumili ng tiket ng LRT papuntang Sta. Cruz, pero nagbilin sa secretary niya kaya na-trace agad ng isa sa mga bodyguard niya. Narinig kong sinabi niya sa bodyguard na huwag na lang siyang samahan sa Sta. Cruz dahil katuwaan lang ang pagsakay niya na balikan, at hintayin na lang daw siya sa Jolibee sa loob ng mall. Naka-cargo shorts at t-shirt ang mayor. Sa hiya ng dalawang babae ay tumayo sila at medyo lumayo kaya ako nagkaroon ng pagkakataong makaupo sa puwestong iniwan nila. Nagtinginan kami ng mayor at nakangiting inalok niya ako ng monay na tinanggihan ko naman. Mayor siya ng isang bayan sa Bicol. Natuwa siya nang sabihan kong naakyat ko ng ilang beses ang Mt. Mayon.

 

Nadanasan ko na ding malait dahil sa panlabas kong kaanyuan. Sa NAIA Terminal 2 ay nagkita kami ng isa kong kaibigan at habang nag-uusap kami sa Bisayang Cebuano ay nilapitan kami ng kaibigan niyang sumabad sa Ingles. (Sumakit ang tenga ko at ang ilong ko naman ay halos dumugo!) Ipinakilala ako sa kanya sa palayaw ko at nang akmang  makikipagkamay ako ay hindi niya pinansin ang iniabot kong kamay, at sa halip ay tiningnan lang ako mula ulo hanggang paa – naka-maong na kupas ako at simpleng t-shirt  noon, at nakasuot ng sandal. Hindi ko na lang pinansin. Nalaman kong papunta din ang Inglesero sa Davao. Nang mag-board na ay umupo ako sa Business/Mabuhay section ng eroplano kung saan niya ako nakita habang umiinom ng welcome drink, at siya naman ay nakapila papunta sa Economy Section sa bandang buntot ng eroplano. Nginitian ko siya nang magtama ang aming paningin, subalit tulad ng dati, parang wala siyang nakita. Kung minsan ay mahirap talaga kung wala kang kamukhang matinee idol, o kahit retiradong bidang actor, huwag lang kontrabida. Ang general impression kasi, basta gwapo, mabait…kung hindi, barumbado!

 

Ang mga nailahad ko ay magsilbi sanang leksiyon upang sa pagtahak natin sa landas ng buhay dapat ay maging maingat tayo sa pakikiharap sa mga taong ating masalubong…huwag natin silang husgahan dahil lang sa panlabas nilang kaanyuan na hindi natin type! Mag-ingat ang nangungutya ng hindi kaiga-igayang mukha… baka sila ay madapa at ma-erase ang kanilang mukha!

Advertisements

Ang Pagbatikos

Ang Pagbatikos
Ni Apolinario Villalobos

Ang pagbatikos ay hindi nangangahulugang galit ang nambabatikos sa kanyang binabatikos, kung malinis ang kanyang hangarin o layunin. Ang hindi maganda ay ang pagbatikos na ang dahilan ay mababaw lamang at pansarili tulad ng inggit. Ang malinis na layunin ng pagbatikos ay ang pagpamukha sa taong binabatikos tungkol sa kanyang pagkakamali na maaaring hindi niya alam.

Madalas mangyari ang pagbatikos sa larangan ng pulitika tulad ng nangyayari sa mga Binay. Sa kabila ng lampas-taong batikos na natatanggap ngayon ng pamilyang ito, pinipilit pa rin nila na sila ay pinupulitika lamang. In fairness na lang sa kanila, siguro naman, ayon sa standard of morality ng kanilang pamilya ay wala talaga silang ginawang masama. Naalala ko tuloy ang isa kong kaibigan na sinabihan kong may bahid ng lipstick ang kanyang pisngi. Sinagot niya ako ng, “ah, yan ba? biniro lang ako sa opisina”, pero umaalingasaw din siya ng pabangong pambabae na dumikit sa kanyang damit. Kahit halata namang dumaan siya sa bahay ng kanyang kerida na alam ng mga kaibigan niyang ibinabahay niya, todo palusot pa rin siya.

Binabatikos din si Pangulong Pinoy na dahil sa hindi malamang kadahilanan ay bihirang sumagot at kung mangyari man ay idinadaan na lang sa paulit-ulit na pagsabi ng mga pangako niya noong panahon ng kampanyahan na sumentro sa “matuwid na daan” at pagmamalaki ng mga report tungkol sa pag-asenso daw ng bansa na hindi naman pinaniniwalaan . Yon nga lang sinasabayan naman niya ng pagbatikos sa isang babaeng pasyente na may brace sa leeg, na dahilan daw kung bakit naghihirap ngayon ang Pilipinas. Dahil sa ginawa ni Pnoy, biglang nalusaw ang good breeding, na inakala ng mga taong meron siya. Teacher din pala niya ito noong siya ay nag-aaral pa sa Ateneo kaya lalong hindi maganda ang ginagawa niya…batikusin ba naman ang mahal niyang teacher! Dapat ay magpasalamat siya dahil very obvious na may natutunan siya sa kanyang teacher….nakikita naman ng mga tao kung ano ang mga ito.

Sa isyu kay Purisima, ang gusto lamang siguro ni Pnoy ay tumanaw ng utang na loob dito dahil iniligtas daw siya nito mula sa bingit ng kamatayan . Ang pag-apura naman sa pagpasa ng BBL na ngayon ay BL na lang ay dahil siguro sa tangka sanang pagtulong ni Iqbal sa kanyang ama kung hindi ito pinaslang sa NAIA. Ang ganitong pagtanaw ng loob din siguro ang gusto niyang ipakita sa mga taong sinasandalan niya tulad ng mga tagapagsalita niya, lalo na si Abad na itinuturing niyang matalino sa “paghawak” ng budget….marami pa sila sa kanyang gabinete. Siguro para sa presidente, hindi masama ang tumanaw ng utang na loob sa mga best friends. Kaya dahil best friend siya ng mga ito, sinasalag na lang niya ang mga kaliwa’t kanang batikos ng mga tao na gustong pumalit sa kanya. Isa siyang maituturing na best friend na martir na handang sumalag ng mga batikos!…siya ay maituturing na isang rare na species ng tao.

Ang mga mambabatas naman, binabatikos dahil marami daw sa kanila ay mukhang pera, mga korap, mga magnanakaw sa kaban ng bayan, nagbebenta ng budget sa mga taong ang negosyo ay pekeng NGO. Subalit may napatunayan ba? …yan ang tanong nila! Dahil sa fair kuno na justice system, sila ay “innocent until proven guilty”, kaya lahat sila ay matamis pa rin ang ngiti kung humarap sa tao. Meron ngang gusto pa ring tumakbo sa susunod na eleksiyon kahit nasa kulungan na siya. Masama nga namang batikusin ang halos himatayin na sa pagsabing inosente sila, kahit nagsusumigaw ang mga ebidensiyang biglang pagkaroon nila ng mala-palasyong bahay, maraming mamahaling sasakyan, malalawak na lupain, nagkikislapang alahas sa katawan, at maya’t mayang weekend outing sa ibang bansa. Pero ang iba ay wise dahil gumagamit ng mga kaibigang dummy.

May mga nagsabi pang naiinggit lang daw ang mga nambabatikos sa kanila, kasama na diyan ang mga pari dahil hindi nakakagawa ng gusto nila. Dagdag pa nitong mga malilinis kuno, kung gusto daw ng mga nambabatikos, pumasok na rin sila sa pulitika upang madanasan nila kung paanong maipit sa trapik sa pagpunta sa Malakanyang upang maki-tsika sa Pangulo; makipaggitgitan sa elevator sa pagpunta sa opisina ng NGO upang makipag-business talk tungkol sa mga “projects”; makipaghalakhakan sa mga sosyalan after office hours na umaabot hanggang madaling araw kaya nagkakaroon sila ng sore throat; matulog nang nakaupo sa session hall habang ang mga kasamang mambabatas ay nagbibigay ng walang katurya-turyang talumpati; lumamon ng nakakasawang pagkain sa mga 5-star restaurants at hotels; sumakay sa eroplano ng kung ilang beses sa isang linggo dahil ayaw sumakay sa walang class na barko kung umuwi sa kanilang bayan; piliting pangitiin ang mga labi habang ang talukap ng mga mata ay lumalaylay sa sobrang antok, o hindi kaya ay nanlilisik dahil nakipag-away sila sa asawang nahuli nilang may kabit. Ganoon pala kahirap ang maging mambabatas! Kawawa naman pala sila!

Siguro ang maganda ay hayaan na lang dumami ang dumi nila sa kanilang mukha upang lalo pang kumapal at upang lalong hindi nila maramdaman ang kahihiyan dahil sa mga karumaldumal nilang ginagawa!