Ang Walang Katapusang Kapalpakan ng Malakanyang…pinakahuli ang imbestigasyon sa “singit-bala”

Ang Walang Katapusang Kapalpakan ng Malakanyang

…pinakahuli ay imbestigasyon sa “singit-bala”

Ni Apolinario Villalobos

Talagang ang mga kawatan sa airport terminals ay patuloy na makakalusot, lalo na sa nangyayari ngayong raket na “tanim-bala” dahil sa kalamyaan ng Pangulo. Ni wala ring narinig mula sa pamunuan ng NAIA na si Honrado, pero inaasahan ding pagtatakip ang gagawin niya upang palabasin na “malinis” ang operasyon sa kanyang balwarte. Ang pinakapalpak na desisyon naman ng Malakanyang ay ang kautusan nitong imbestigahan ng DOTC ang mga pangyayari sa airport!

Bakit hind ahensiyang tulad ng NBI ang mag-imbestiga upang walang magdududang may cover-up na gagawin? Ang OTS ay under ng DOTC. Samantala, bakit hindi tanggalin ang lahat ng mga OTS personnel sa airport at iba pang pinagdududahang personalidad na may kinalaman sa pag-inspeksiyon ng mga bagahe? At ang pinaka-importante, bakit hindi i-repeal o baguhin agad ang “batas” tungkol sa pagbitbit ng ammunition, dahil nakita namang maraming butas ito? …na ang halimbawa ay pagturing na kriminal sa pasaherong makitaan ng maski nag-iisang bala, kahit walang baril.

Walang mangyayari sa mga imbestigasyon hangga’t may sinasabing “batas” tungkol sa ammunition. Ang batas ay halatang hindi pinag-isipang mabuti, kaya tuloy nasilip ng mga kawatan sa airport, upang pagkitaan.

Ganyan naman talaga sa Pilipinas…lahat ng mga batas ay maraming butas! Kaya hindi nakapagtataka kung bakit hindi mawala-wala ang korapsyon sa bansa. Nakakahiya!

Ang Mga Karumal-dumal na Sabwatan sa Gobyerno

Ang Mga Karumal-dumal

na Sabwatan sa Gobyerno

ni Apolinario Villalobos

Sa Pilipinas lang nangyayari ang karumaldumal na sabwatan sa gobyerno. Sa ibang bansa, may magnanakaw man sa gobyerno, paisa-isa lang ang nasasangkot. Pero iba sa Pilipinas, ang effort sa pagnanakaw sa kaban ng bayan ay ginagawang wholesale, o bultuhan.

Dalawang klase rin ang mga sangkot – magkakaalyado at magkakapamilya. Systematic pa ang pagnanakaw na ginagawa, mula sa mababang puwesto hanggang sa itaas. Kung baga sa paglinis ng isang lawn gamit ang lawnmower, ay talagang matinding pagsuyod ang ginagawa nila.

Uumpisahan sa level ng barangay, na ang mga grasya ay tila ambon lamang o wisik muna dahil maliliit ang mga proyekto. Sa level ng bayan at siyudad, malaki na ang mga patak na tila ba umuulan na ng grasya. Kung malaki ang isang bayan, walang sinabi ang four digits na numero…dapat ay six digits. Kung siyudad na ang sinisipsipan ng mga lintang ito, hindi lang seven digits ang usapang grasya kundi eight digits na…mga kung ilang palapag na mga gusali ba naman ang ma-involve…kaya talagang limpak-limpak na milyones ang pinag-uusapan.

At ang mga magkakutsaba… ang mga pinuno mismo at ang mga may hawak ng mga proyektong mga kontraktor na ang tagapamagitan ay mga trusted na tauhan ng mga opisyal. Para hindi naman garapal, ang grasya ay tinatawag na “rebate” in cash, hindi “kickback” na sinaunang salita, wala nang class. Upang makuha ang pakikipagtulungan ng mga miyembro ng konseho, siyempre, may mga sobreng para sa kanila. Kahit noong hindi pa pumutok ang eskandalo laban sa mga Binay, ang mga nabanggit na ang karaniwang kalakaran upang mapagkitaan ang mga proyekto ng gobyerno. Hindi ko dito sinisinter ang mga Binay…bahala na sa kanila ang Senado.

Ang mga pulitikong pamilya, itinuturing na mayamang “sakahan” ang gobyerno…isang farm na dapat nilang i-“manage” na “maayos”. Kaya pagkatapos ng ama halimbawa sa pagka-mayor, papalitan naman ng anak o asawa. Yong ibang kapamilya naman ay sumasabay na sa ibang level naman ng pamalaan. Kaya hindi lang palitan ng puwesto ang nangyayari kundi, pasahan.

Yong mga hindi namumuno ng political unit, subali’t nasa Kongreso, Senado, o kabinete, ibang style naman ang ginagawa – pakikipagsabwatan sa mga local government unit o mga departamentong nakakahawak ng mga budget para sa mga proyektong idinadaan sa mga NGO’s. Subalit para sigurado ang kita, dumidiretso na sila sa mga NGO, gaya ng iniimbistigahan ngayong mga NGO ni Janet Lim Napoles.

Samantala, ang nasa pinakatuktok ng poder naman, nakapikit ang mga mata. At dahil best friends ang ibang involved, wala itong pakialaman. Pinagtatanggol pa ang mga tiwali sa kabila ng mga naghuhumiyaw na mga katotohanan. Kaya, ang pagnanakaw sa kaban ng bayan at lokohan sa gobyerno ay animo free-for-all. Angkop sa kanila ang kasabihang, “strike while the iron is hot”. Yan ang Pilipinas….ngayon! At ang pananggalang nila palagi ay pinupululitika lamang daw sila, o di kaya ay wala silang kasalanan hangga’t hindi napapatunayan sa korte. Sa Pilipinas lang yan nangyayari!